["THIS IS AN EMERGENCY broadcast. All students must bring themselves to the school oval for physical activities. I repeat, all students must go to the school oval. Thank you."]
["This is an emergency broadcast. All students must bring themselves to the school oval for physical activities. I repeat, all students must go to the school oval. Thank you."]
Sunod-sunod na umalingawngaw ang tila ba kulog sa lakas ng tunog ang anunsyo sa mga speaker na nakakalat sa buong paaralan ng Academia de Adler. Dahil dito ay isa-isang napabangon ang mga estudyante ng seksyon Euclid na natutulog sa infirmary ng paaralan. Marami sa kanila ang nainis, ang iba naman ay humihikab pa; samantalang ang ilan sa kanila ay hindi man lang natinag sa naririnig na ingay sa paligid. Makaraan ang limang minuto, ay agad namang tumigil ang anunsyo sa speaker.
"What's with the noise? I thought tayo na lang ang natitirang buhay rito?" naiinis na sambit ni Eliza sapagkat natigil ang kanyang magandang panaginip.
"Siguro ni-record na naman ito gaya ng sinabi ng killer noon!" ani Lawrence. "Iba ang kutob ko rito."
"Mabuti pang tingnan na lang natin kung anong meron sa oval. Seems something's off." turan ni Winter at saka mabilis itong bumangon upang puntahan ang nasabing oval.
"T-teka! Nakita n'yo ba si Andrea? K-kanina ko pa siya hindi nakikita e," nauutal na sambit ni Chynna habang linilibot nito ang kanyang paningin sa buong silid na tila ba kwago.
"'Di ba magkatabi kayo kagabi?" naguguluhang tanong ni Hazel.
Totoo 'yon. Magkatabing natulog sina Chynna at Andrea sa sahig na pinagigitnaan ng mga kama nina Eliza at Miss Alexa. Ngunit paggising niya ay wala siyang nakapa miski kaluluwa ni Andrea.
"H-hindi ko alam!" natatarantang turan ni Chynna.
[Pa'no kung patay na rin ang babaeng 'yon! Wala na akong magiging kakampi rito!]
Naalala sandali ni Chynna ang mga panahon kung ano siya dati at kung paano niya naging kaibigan si Andrea.
Noong nasa ikatatlong taon pa lamang sila sa hayskul sa ilalim ng seksyon Curie ay hindi pa si Eliza ang tinaguriang Campus Queen ng Academia de Adler. Sapagkat noong mga panahong iyon, si Chynna ang nagdadala ng naturang katawagan. Kompara kay Eliza ngayon, mas maganda si Chynna noon dahil sa napakasopistikado nitong ganda at pananamit. Hindi tulad ngayon, mahaba ang buhok nito noon na mala-alkitran sa itim. Napakinis rin ng mestisa nitong balat na animo'y porselena sa ganda sapagkat walang makikitang peklat dito. Matangkad din ang dalaga at miski ang paglalakad nito ay parang sumasayaw na tila ba bibe. Dahil sa mga aspeto na ito, marami siyang nabighaning mga kalalakihan, at marami ring nainggit na mga kababaihan, gaya ng grupo nina Eliza.
Si Eliza ang tinaguriang Campus Sweetheart dahil sa hindi rin mapapatawang ganda nito na animo'y nililok ng isang batikang iskulptor. Madalas silang ikumpara ng karamihan sa larangan ng kagandahan. Ngunit ang ikinaiinis ng dalaga ay bakit sa tuwing ihahambing siya kay Chynna ay siya palagi ang umuuwing talo. Kahit noong bata pa lang ay wala siyang ni isa na gusto na hindi tinupad ng kanyang namayapa nang mga magulang. Kaya hindi siya makakapayag na matalo lamang siya ng isang dukha na katulad ni Chynna. Dahil dito, isang masamang balak ang binuo niya kasama ang kanyang mga kaibigan na sina Katheria, Mayumi, at Madeline.
Totoong lumaking salat sa yaman sina Chynna at ang nakakabata nitong kapatid na si Ondoy. Ngunit hindi naman ito naging hadlang upang huminto siya sa pag-aaral. Nang nabaliw ang kanyang nanay noong kakasimula pa lamang niya sa hayskul ay muntikan pa siyang huminto sa pag-aaral. Isang kasambahay ang kanyang ina sa isang mayamang pamilya sa dulo ng bayan ng Santa Monica na malayong-malayo sa kabihasnan. Sa pagkakaalam niya ay kailangan pang umarkila ng kanyang tatay ng traysikel upang sunduin ito sa labas ng tarangkahan ng mansyon. Sinusundo ito ng kanyang tatay tuwing umaga ng Sabado, at hinahatid naman niya ito tuwing hapon ng Linggo. Nakita na niya ang mansyon noong minsang makasama siya sa kanyang tatay sa pagsundo sa kanyang ina. Manghang-mangha siya rito sapagkat ang akala niya ay tatanda na lamang siya na hindi makakakita ng isa.
Ngunit gayon na lamang ang kanilang pagkagulat nang bigla na lamang umuwi ang kanyang ina, gabi ng Linggo. Hindi sinundo ni Armando ang kanyang asawa noong sabado sapagkat nagpaalam ito noong isang araw na hindi na muna ito makakauwi ngayong linggo. Gusot-gusot ang uniporme ng mga kasambahay na suot ng ginang na tila ba ay may bahid ng mga dugo. Magulo rin ang buhok nito na animo'y napasabak sa matinding giyera. Ngunit ang mas kapansin-pansin ay ang maya't mayang pag-ikot ng mga mata nito na tila ba nasisiraan ng bait.
["O-olympia?! Anong nangyari sa 'yo? 'K-kala ko ba hindi ka makakauwi ngayon?" naguguluhang tanong ng kanyang tatay habang niyugyog nito sa braso ang kanyang asawang si Olympia.]
[Noong gabing iyon ay natutulog na si Chynna ngunit agad siyang napabalikwas ng bangon ng marinig niya ang malakas na palahaw ng kanyang nakababatang kapatid na si Ondoy na animo'y sinisira ang kanyang pandinig. "M-mama! M-mama!"]
[Pagkarating niya sa labas ng kanyang kwarto ay doon niya nakita ang nakakaawang estado ng kanyang mahal na ina. Inosente sila sa kung ano talagang nangyari sa babae. Pupunta sana sila sa mansyon upang magtanong kung ano ba talagang nangyari noong araw na iyon na dahilan ng pagkabalisa ng kanyang ina. Ang sabi-sabi, ibinenta na raw ang mansyong iyon. Hanggang sa tuluyan na ngang mabaliw ang kanyang inang si Olympia.]
[Isang araw habang mag-isang nagbabasa ng libro si Chynna sa ilalim ng puno ng akasya ay isang nagkakasiyahang grupo ng mga estudyante ang kanyang naulinigan na nasa gitna ng school oval, isang maaliwalas na umaga.]
[Nagpapalakpakan ang mga ito habang may sumasayaw na ale sa kanilang gitna. Butas-butas na animo'y basahan ang damit ng ale habang wala itong suot na tsinelas. Nakita niya ring isa ang grupo nina Eliza na nagsasaya kasama ng ibang mga estudyante rito.]
["Sayaw! Sayaw! Olympia! Sayaw!"]
[Agad namang ginalaw ng ale ang kanyang katawan na para bang nagsasayaw. Maging ang ulo rin nito ay mabilis niyang iniikot-ikot ng paulit-ulit.]
["Sinong baliw?" pasigaw na tanong ng mga estudyante sa ale.]
["Ako!" Saglit na huminto ang ale sa kakasayaw at saka nagtatalon ito sa tuwa habang itinataas nito ang kanyang mga kamay.]
[Babalik na sana si Chynna sa pagbabasa ng libro ngunit nang pagtanaw niya ulit sa ale ay ang nanay pala niya ito. Nagsimulang mamuo ang mga luha sa kanyang mga mata sa ginagawang pag-aalipusta ng kanyang mga ka-eskwela sa kanyang ina. Iniwan niya sandali ang libro at mala-kidlat siyang naglakad patungo sa umpok ng mga estudyante.]
["So, here comes the daughter! What a reunion..." nagagalak na sambit ni Eliza na halatang peke lamang.]
[Samantalang ang kanyang ina naman ay ngumisi-ngisi pa sa kanya habang ikinaway-kaway nito ang kanyang mga kamay. "Hello, Chin-chin!"]
["Loser!" biglang sigaw sa kanyang tainga ni Eliza. Agad naman itong sinundan ng iba.]
["Get lost!"]
["Pamilya ng mga baliw!"]
["Baliw!"]
["Eliza is better than you."]
[Tuluyan nang nag-unahan sa pagtulo ang kanyang mga luha. Nalulungkot siya sapagkat hindi niya nagawang ipaglaban laban sa pang-aalipusta ng kanyang mga kaklase ang kanyang ina... at maging ang kanyang sarili.]
Nang makabalik sa reyalidad si Chynna ay sandali pa niyang naalala si Andrea na kung dati ay nasa malayo lang ito nagmamasid sa kanya, ngayon naman ay palagi na niya itong kasa-kasama, dahil sa pareho na sila ng katayuan sa loob ng paaralan. Tanging ang babae lang na ito ang nagawa siyang pansinin matapos ang eksenang iyon.
Umismid si Eliza nang makita si Chynna na nag-aalala sa nawawala nitong kaibigan na si Andrea. Nang akma na sana niyang gigisingin si Rioka sapagkat kanina pa niya ito hindi napapansin, ay nagulat siya. Wala si Rioka sa kanyang tabi! Sandali pa niyang inikot ang kanyang mga mata sa buong lugar ngunit wala siyang nakitang Rioka.
"H-hate to say this but Rioka is missing, too!" kinakabahang utal ni Eliza. Hindi siya makakapayag na mawalan ulit siya ng kaibigan. Noong una ay si Madeline, tapos si Katheria, maging si Mayumi ay nawawala pa rin. Si Madeline ay ang kanilang kaibigan noon; natagpuan na lamang ang bangkay nito sa likod ng Marcos Building dalawang taon na ang nakakalipas.
"Pati rin pala si Kian ay hindi ko rin mahanap!" biglang sumigaw si Rixxtan.
"Lima na ang nawawala. Hindi na ito normal! We better go quick to the ovals!" puno ng determinasyon na usal ni Miss Alexa dahilan upang mag-unahan sa paglabas ang buong seksyon.
Samantalang nagawa pang kunin ni Xyryl ang isang batuta ng baseball na nakita niya kahapon sa ilalim ng kama ni Miss Alexa. Kumunot ang noo ni Winter nang makita niya ang ginawa ng binata. Ngunit hindi na niya ito sinuway sapagkat mas importante sa kanyang mahanap ang ilan sa kanyang mga nawawalang kaklase.
Mala-kidlat sa bilis na nakarating sila sa school oval. Malayo pa lang ay may namumuo nang mga ideya sa kanilang isipan kung ano iyong natatanaw nila sa gitna ng oval.
Gayon na lamang ang hilakbot nila nang tuluyan na silang makalapit sa gitna ng oval. Naroon nga ang tatlo sa limang mga nawawala!
Ngunit pawang nasa bingit ng kamatayan ang mga ito.
— New chapter is coming soon — Write a review