"Gabriel! Ano ito?"
Tumalikod si Gabriel mula sa paglalaro ng computer at nakita si Bagwis. Nanlilisik ang mga mata nito at ang butas ng ilong ay mabilis na lumalaki-lumiliit.
"Ha?"
"Ano ito? Ano ito!"
Tiningnan ni Gabriel ang hawak ni Bagwis. Isang tabloid na gusut-gusot na dahil sa higpit ng pagkakahawak ng matanda.
"Tabloid yan. Huwag mong sabihing hindi mo alam. Teka, baka nag-uulyanin ka na."
Ibinato ni Bagwis ang diyaryo kay Gabriel. "Tingnan mo ang ginawa mo? Akala ko ba walang nakapansin sa iyo?"
Tumama ang dyaryo sa mukha ng batang lalaki at bumagsak sa kanyang paanan. Agad namang yumuko si Gabriel at pinulot ito.
Manananggal Umatake sa Cainta! Hinahabol ng Isang Bata.
Isang malaking larawan ang nasa harapan ng tabloid. Kahit bahagayang madilim ang litrato ay malinaw na malinaw naman ito.
Kuha ito mula sa loob ng isang kotse na nasa tabi ng daan. Sa gitnang-gitna ng larawan ay makikita ang isang babaeng mahaba ang buhok. Nakasuot ito ng isang pink na sleeveless blouse. Nakabuka ang bibig ng babae na para bang sumisigaw sa galit. Ngunit ang nakapagtataka ay wala itong mga hita at binti. Hanggang baywang lamang ang katawan ng babae. Sa likod din nito ay may malalaki at malapaniking mga pakpak. Hindi na nga kita sa larawan ang buong pakpak sa lawak nito.
Sa likuran naman ng manananggal ay may isang pulang scooter. Hindi na masyadong maaninag ang mukha ng nakasakay dahil medyo may kalayuan ngunit makikita na isa itong lalaki na nakasuot ng itim na amerikana.
"Wow!" bulalas ni Gabriel. "In fairness, ang ganda ng kuha, ah. Asan na ba yung cellphone ko? Mapiktyuran nga at ma-ishare sa Facebook."
Muling inagaw ni Bagwis ang tabloid, dahilan upang mapunit ito.
"Puro ka talaga kalokohan!" sigaw ng matanda. "Hindi mo pa ba naiintindihan ang tungkulin mo? Kailangan mong magseryoso. Kailangan mong magtino!"
"Kasungit naman," bulong ng batang lalake. "Kaya siguro pumuti ang mga buhok nito, eh."
"Ano? May sinasabi ka ba?"
"Wala. Ang sabi ko, patawarin mo ang aking mga sala." Biglang itinaas ni Gabriel ang kanyang dalawang kamay at tumingin sa kisame. "Para ng pagpapatawad namin sa nagkasala sa amin. At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso. At ihadya mo kami sa lahat ng masama. Amen."
Hindi maipinta ang mukha ng matandang si Bagwis. Walang anu-ano ay tumalikod ito at mabilis na lumabas ng mansion.
"Pikon," bulong ni Gabriel.
###
Habang nagtatalo si Bagwis at si Gabriel, dahan-dahang sinasakal ni Joaquin ang leeg ng isang binatilyo sa isang maliit na barung-barong sa Cavite.
"Ano, handa ka na bang sagutin ang mga itatanong ko sa iyo?"
Sinubukang magsalita ng madungis na binatilyo ngunit tanging mga garalgal na tunog lamang ang lumalabas sa kanyang bibig. Bahagyang niluwagan ng pari ang pagkakasakal sa leeg ng binatilyo.
"W-Wala kang makukuha sa akin!" sigaw nito.
Muling sinakal ni Joaquin ang lalake. Nagpupumiglas ito at sinubukan pa siyang kalmutin ng mahahabang kuko nito ngunit hindi ito tumagos sa suot na leather jacket na suot ng pari.
Nang tumigil sa pagpalag ang binatilyo, binitiwan ito ni Joaquin at pinulsuhan. Buhay pa ito. Tumayo siya at kinuha ang isang tabong puno ng tubig sa kanyang kanan at binuhusan ang lalaking nakahandusay sa malamig na semento. Agad namang napabalikwas ang lalaki.
"Ano?" tanong ni Joaquin. "Ilang beses ba natin kailangang ulitin 'to? Sa akin kahit hanggang bukas ayos lang sa akin."
Tinitigan ng binatilyo ang pari. Nanlilisik ang mga mata nito.
"Mukhang hindi ka pa nagsasawa, ah." Humakbang si Joaquin papalapit sa lalaki. Agad namang itong napaatras.
"Sige na! Sige na!" sigaw nito. "Sasabihin ko na."
Napangiti ang tinaguriang "Killer Priest." Umupo siya at hinimas-himas ang ulo ng lalaking nakasalampak sa semento na para bang isang aso.
"Good. Sana sinabi mo na kagad. Di sana hindi ka na nahirapan." Muling tumayo si Joaquin at humakbang papalayo. Kinuha niya ang isang monobloc na upuan at umupo rito. "So, saan ba sila nagtatago?'
Namumula ang mga mata ng lalaking nasa semento, ang mga luha ay dahan-dahang tumutulo. Nanginginig din ang buong katawan nito. Tinitigan nito ang dating pari at pagkatapos ay mahinang tumawa.
"Hindi sila nagtatago. Wala namang dahilan para magtago sila."
Hindi kumibo si Joaquin. Pinagmasdan lamang ang lalaking kausap.
"Hindi mo siguro alam kung gaano na kalawak ang kapangyarihan namin sa mundo niyo. Hindi mo ba alam na halos kontrol na namin ang pinakamalalaking industriya dito. Di magtatagal, pati gobyerno ay mapapasakamay na namin."
"Isang beses ko na lang uulitin ang tanong ko," kalmadong sagot ni Joaquin. "Nasaan sila nagtatago."
Muling tumawa ang lalaki. "Napakatapang mo. Sabagay, ganyan naman kayong mga tao. Akala niyo kaya niyo ang lahat."
Tumayo si Joaquin sa kanyang kinauupuan at binunot ang baril na nakasukbit sa kanyang tagiliran.
Muling napaatras ang lalaki, ang dalawang kamay ay itinaas sa tapat ng kanyang mukha.
"Easy ka lang, p're. Sasabihin ko na nga. Tutal, sigurado namang mamamatay ka kapag pumunta ka dun. Kung talagang gusto mo silang makita, pumunta ka sa Manila Peninsula Hotel tatlong araw mula ngayon. Magkakaroon ng pagpupulong ang ilang mga pinuno doon sa gabi. Mayroon din silang... espesyal na bisita. Tiyak na magugulat ka."
"Nagsasabi ka ba ng totoo?" tanong ni Joaquin.
"Sa tingin mo ba'y may mapapala ako 'pag nagsinungaling ako?"
Tumango si Joaquin sa sinabi ng lalaki. Mula sa bulsa ng kanyang jacket ay kinuha ng pari ang isang pares ng shades at isinuot ito. Gamit ang kanang kamay ay nag-sign of the cross siya. Pagkatapos ay itinutok niya ang hawak ng baril sa lalaki.
"T-Teka, ang sabi mo hindi mo ako papatayin kapag sinagot ko ang tanong mo."
"Kaya nga ako nag-sign of the cross, eh," sabi ni Joaquin. "Humihingi ako ng tawad sa Panginoon dahil nagsinungaling ako." Pagkasabi nito ay kinalabit niya ang gatilyo ng kanyang baril.
###
"Gabriel, magbihis ka."
Agad kumunot ang mukha ng binata. "Ano?"
Pumasok sa kanyang kuwarto si Bagwis. "Ang sabi ko ay magbihis ka. May pupuntahan tayo."
Napabalikwas si Gabriel sa pagkakahiga sa kanyang malambot na kama. Sa kanyang kamay ay hawak-hawak niya ang isang tablet kung saan naglalaro siya ng Clash of Clans.
"Na naman! Gusto mo na ba talaga akong mamatay?'
"Hindi ka naman mamamatay," sagot ng matanda. "May ipapakilala lang ako sa'yo."
Hindi bumangon si Gabriel bagkus ay ibinalik ang kanyang mata sa nilalaro. "Anong nakakatakot na halimaw na naman yan?"
"Mga aswang." Nanatiling seryoso ang mukha ni Bagwis.
"Aswang! Matapos ang mga duwende, tikbalang, kapre, at manananggal, ngayon naman aswang! Ermeghed!"
"Magseryoso ka nga!" galit na sabi ni Bagwis. "Basta' magbihis ka at aalis tayo sa loob ng limang minuto." Pagkasabi nito ay tumalikod na ang matanda at lumabas ng kuwarto.
"Ermeghed talaga," bulong ni Gabriel sabay iling.