Shinigawa, Tokyo
Maingay. Nakakarindi. Tunog ng alarm clock. Ringtone ng selpon. May kasunod na mga katok sa pinto. Pero ayaw niyang bumangon. Ayaw niyang kumausap ng kahit na sino.
"Carillo-san! Carillo-san!"
Wala na siyang nagawa. Siya talaga ang kailangan. Bumangon siya. Pasuray-suray. May natapakan pa siyang beer in can na muntik na niyang ikabuwal. Sumabog iyon at kumalat sa sahig na hinayaan lang niya dahil muli ay tinawag siya ng kung sinumang isturbo.
"Carillo-san, are you in there?"
"Coming!"
Pagbukas niya ng pinto ay bumungad ang matangkad na lalaki, mapusyaw ang balat at blonde ang buhok at kilala niya sa tawag na Fujiwara-kun, ang cashier ng bookstore na nasa babang bahagi ng tinitirhan niyang apartment.
"What is it?"
"A letter for you."
Kinuha niya rito ang sobreng puting namumutok sa laman na ayaw niyang hulaan. Letter, ang sabi pero mukhang hindi naman.
"From the Philippines, I guess."
Napaangat siya ng tingin dahil sa narinig tapos balik sa sobreng hawak pa rin. Wala siyang maisip kung sino sa mga naiwan sa sariling bansa ang magpapadala niyon. Isa lang ang sigurado umalis siyang masama ang loob.
"Thank you."
Matapos niyon pinagsarhan na niya ito ng pinto.
Binuksan niya ang sobre. Mga larawan ang naroon. Masasayang larawan ng pinsan niyang si Soto kasama ng nobyo nitong si Theo at isang mensaheng nakasulat sa maliit na papel.
***
See? Wala kang dapat ipag-aalala. Toto is doing fine. Nadagdagan lang naman ang nagmamahal sa kanya pero hindi pa rin naman maalis ang katotohanang pinsan ka niya.
From: Supportive Ate Su
P.S.
Find your happiness too, okay?
****
Natawa siya. Napailing.
"He is really a lucky guy!"
Kailan nga ba siya nag-umpisang mainggit?
"Little brother?" namangha pa niyang sabi.
"Oo, ipapanganak na siya sa sunod na buwan kaya hindi na ako makakapunta rito palagi," ang batang si Suzette.
Nagbubungkal sila ng buhangin sa harap ng bahay. Nag-iipon ng bato at mga dahon na kunwari ay pera-perahan.
"Ibig sabihin, wala na akong kalaro niyan?"
Tuwing Sabado, pumupunta ang pinsang si Suzette sa bahay ni Reynold para makipaglaro tapos sinusundo rin ng ama bago maghapunan. Hindi nagkakalayo ang edad nila kaya naman nagkakasundo sila.
"Hindi, dahil magiging dalawa na kaming kalaro mo."
Kailan ba niya hiniling na sana mayroon din siyang bunsong kapatid?
"Ang cute niya di ba? Ang liliit ng daliri!" hindi maitago ang excitement ni Suzette ng mga oras na iyon.
Iyon ang kauna-unahan niyang ma-meet ang kapatid nitong pinangalanang Sorito at gusto niyang maiyak sa hindi niya malamang dahilan.
At sa pag-uwi niya ay napasabi siya ng isang kahilingan sa ina pero nabigo siya.
"Hindi na puwede, 'nak. Sana maintindihan mo ang Mama..."
Nasa kolehiyo na ang ate at kuya niya nang magbuntis muli ang nanay niya. Menopausal baby siya ayon dito kaya talagang malabo nang matupad paang kahilingan niya.
At nakapagdesisyon na siya. Tatawagin siyang kuya ng sanggol na iyon. Naging madalas na nga siya sa bahay ng pinsan. Doon na siya halos nagpapalipas ng gabi at halos ayaw niyang umalis.
"Kuya Reyrey..." Inuulit-ulit niya iyon tuwing may pagkatataon na makarga niya ang sanggol.
"Sana lumaki ka na agad."
Sa paglipas ng mga buwan, tumuntong na si Reynold sa elementarya. Naging abala na. Ang pagdalaw niya sa pinsan ay naging madalang na. Kapag bakasyon naman, isinasama siya sa Japan ng ama. Tagapagluto ito sa isang pamilya roon at tumutulong-tulong din siya.
Nang muling makita si Soto ay binatilyo na ito.
"Dito muna raw sila pansamantala, 'nak. Malaki naman ang kuwarto... tabi na lang kayong matulog."
Napalunok siya. Kaharap na niya ito ngayon. Hindi ito matangkad. Maliit lang at naroon pa rin sa kanya ang pakiramdam na gusto niya itong ingatan.
"Naglalaro ka ng online games?" ang unang lumabas sa bibig niya sa dinami-rami ng gusto niyang sabihin.
"Minsan."
At noon niya ito hinatak papasok sa kuwarto. Ipinakita niya ang laptop at maganda naman ang kinalabasan. Madali silang nagkapalagayan ng loob. Siguro dahil sa lukso ng dugo. Hindi siya sigurado. Ang alam lang niya, malakas ang kalabog ng dibdib niya.
Minsan pa naabutan niya itong nakadapa sa lapag at nagbabasa ng comics na galing bookshelves doon. Hindi siya nag-usisa. Hindi niya pinakikialaman. Nagmasid lang siya mula sa mga gusto nitong pagkain kagaya ng egg pie. Ang paglalagay nito ng condensed milk sa kape. Maging sa pagtulog nito ay hindi niya pinalagpas. Pinagmamasdan niya muna ito bago siya tatabi.
Palihim niya itong kinukunan ng larawan at iyon ay minsang naaktuhan ni Suzette na hindi naman siya hinusgahan bagkus sinuportahan pa siya nito.
"May isa akong photo album na puro pictures niya mula pagkabata. Gusto mo? Magsabi ka, ibibigay ko sa 'yo."
"A-Ate Su, sigurado ka?" Halos maluha-luha pa siya sa sobrang tuwa.
Tumango si Suzette. "Yes, dear! Alam ko namang cute na cute ka rin sa kanya."
Sa pinsan niyang babae tinanong ang lahat kung may natitipuhan na ba si Soto at kung anu-ano pa. Hindi siya napagod sa pakikinig.
"Sorry ate, hindi ko alam ang tungkol doon. Pero paano na?" Nang mabanggit ang pagkamatay ng tiyahin at iba pang nangyari sa kay Soto.
"Wala, hindi na siya sumasakay ng dyip pero marunong na siyang mamasada ng traysikel, a! Ewan ko nga at tinamad na 'yang pumasok sa eskuwela. Hindi ko na pinipilit baka magrebelde lang."
"Ang dami kong na-miss sa buhay niya. I am a bad kuya," biro niya.
"Sira!"
Kahit na marami silang traysikel na pinaparentahan, hindi man lang niya sinubukang magmaneho ng isa o kaya makiusyuso sa mga drayber niyon. Isa siyang isnabero para sa iba at ayos lang iyon. Tamang tango lang din kapag may bumabati sa kanya. Feel na feel niya rin tuwing tinatawag siyang Sir ng mga ito. Ang kaso isang umaga, nagawa niyang lumabas ng bahay nang matanaw ang pinsang abala sa paglilinis ng mga sasakyan.
"Yo!"
"O, Kuya Rey! Huwag ka dito, marumi!"
Madungis nga naman ito ng mga sandaling iyon at nangangamoy pawis.
"Pero gusto kong tumulong."
Hindi na niya alam ang sinasabi niya. Ni minsan kasi hindi niya iyon ginawa. Lumaki siyang may kasambahay. Ano bang alam niya sa gawain maliban sa pagluluto na siyang natutunan sa ama?
"Huwag na Kuya, baka mapagalitan ako ni Tiya Roda."
Noon napakunot ang noo niya. May ganoon bang ugali ang ina niya?
"Hindi 'yan!"
Hindi siya nagpapigil at mayamaya pa, basa na silang pareho. Tumatawa. Nagwiwisikan ng tubig.
Saglit siyang matitigilan. Gusto niyang kumuha ng camera para ma-save ang sandaling iyon pero hindi niya ginawa. Tama nang siya lang ang nakakakita.
"Kinse anyos ka na, di ba?"
"Oo, kuya."
"Cute!"
Napatakip siya ng bibig sa nabitiwan niyang salita at para umiwas sa nagtatanong nitong tingin sa kanya, iniba niya ang usapan.
"Ah! Bigla akong nagutom. Mauna na ako sa loob."
Nagkulong siya sa kuwarto. Dumapa sa kama at niyakap ang unan na madalas gamitin ni Soto. Sininghot niya iyon.
Hindi siya tanga. Alam niyang mali. At alam niya ring may solusyon doon.
"Ha? Bakit biglaan? Kaya mo ba?" Nagulat pa ang nanay niyang si Roda sa plano niyang bumukod.
Sinabi niya kasi na kukuha siya ng two-year course ng Baking and Pastry Production dahil isa iyon sa hindi pa niya napag-aaralan pero palusot lang talaga niya. Ang totoo wala siyang partikular na gusto sa buhay. Wala siyang tinapos na degree. Puro vocational course lang. Wala naman sa mga magulang at kapatid ang kumukontra dahil spoiled siya.
"Okay, ikaw ang bahala. Basta ipaalam mo ito sa Papa mo nang hindi iyon mag-alala."
Hindi siya nagpaalam kay Soto. Si Suzette lang ang kinausap niya.
"Good luck! Mag-compete tayo sa kusina sa pagbabalik mo," pabirong hamon lang nito sa kanya.
Ilang buwan lang siya sa dormitoryong tinutuluyan, nagkaroon na siya ng nobya. Si Desiree ang isa sa naging kaklase niya sa highschool. Sa batch reunion sila nagpalitan ng numero. Nagkumustahan. Niyaya itong lumabas at manood ng sine.
Isang tanong na, "Puwede ba kitang maging girlfriend," ay mabilis na tinugon ng oo.
Binuhos niya lahat pati na sa usapang pagpapaligaya sa kama. Nagmahal siya nang hindi kailangang itanggi sa sarili. Hindi niya kailangang makonsensiya dahil hindi namanniya ito kamag-anak.
"Whoa! Marami kang comic books!"
"Galing 'yan sa kapatid ko. Naiwan nang minsan pumunta rito."
Katatapos lang nilang maglampungan at heto ang nakahubong si Desiree, nakadapa sa kama niya. Nag-uumpisa nang magbasa.
"Hindi mo hilig nito?"
"Hindi pero may pinsan akong matiyaga sa ganito."
Noon siya napangiti nang bigla niyang maalala si Soto.
"Babae?" usisa pa ni Desiree.
"Lalaki. Teenager."
—-—————————
Sa pagbabalik-tanaw na iyon, hindi niya namalayang may nangingilid ng luha sa mga mata.
"Hindi ko kayang mag-wish ng happiness para sa 'yo. Sorry, Toto masama ang Kuya Reyrey mo," aniya at saka bumalik na sa higaan.
Hindi mailarawan sa isang salita kung gaano kahapdi ang puso niya. Kung kailan siya makaka-move on, hindi niya alam.
"Carillo-san, I made cheesecake.... wanna taste it?"
Ah! Isturbo talaga! Gusto pa niyang magsenti. Tamang-tama sana dahil one-week pa ang mayroon siya sa hininging bakasyon sa amo niya pero bakit laging nauudlot.
Tatlong araw pa lang na mula pag-uwi niya ng Japan ay panay ang katok sa pintuan niya.
"I don't wanna. Please stay away..."
Siyempre mahina lang iyon. Babangon pa rin siya dahil traydor ang tiyan niyang biglang nakadama ng gutom.
Masamang tumanggi sa grasya lalo na at galing sa friendly na mga kagaya nito.
"Arigatou (Thank you), Fujiwara-kun."
"No, no! It's nothing. It's just the egg pie you made from the other day was so delicious that's why in return..."
Natawa lang siya. Gets na niya kasi ang sinasabi nitong iyon.
"And also I wanted to see you and check if you're..."
Hindi na nitong itinuloy. Inabot na nito sa kamay niya ang plastic bag at saka dali-daling umalis.
"Ha? Anong problema nun?"
Marahan na niyang kinabig pasara ang pinto.
— New chapter is coming soon — Write a review