Download App
80.62% FLOWER OF LOVE / Chapter 104: THE PAST REPEATS ITSELF

Chapter 104: THE PAST REPEATS ITSELF

Naalimpungatan si Flora Amor nang dumampi ang mga labi ni Dixal sa kanyang noo.

"Amor, I have to go to work now," paalam nito.

"Uhhhhmmm----" ungol niya. Nang maalalang Linggo ngayon ay saka siya nagdilat ng mga mata at nakita si Dixal na nakabihis nang nakaupo sa gilid ng kama, hawak ang kamay ng anak na nasa kanyang tabi.

"Linggo ngayon, Dixal," tugon niya sabay titig dito.

Tinanggal ng asawa ang kamay ng anak sa kamay nito at hinimas ang kanyang balikat.

"Minamadali ni Mr. de Ocampo ang plano para sa commercial building na pinapagawa niya. Ayukong may masabi siya sa kompanya lalo pa't unang contribution 'yon ng ating anak sa negosyo natin," paliwanag nito.

Kumunot ang kanyang noo, napabangon nang 'di oras.

"Anong kinalaman ni Devon sa project na 'yon?" maang niyang usisa, sinulyapan ang anak na mahimbing pa ring natutulog ngunit nang kumawala ang kamay ng ama sa kamay nito'y sa pantalon naman ng huli ito kumapit.

Napangiti ang lalaki.

"Noong nagpunta tayo sa Robinson para sana makipagkita kay Mr. de Ocampo, coincidentally, si Devon ang naisama ko at dahil sa concept niya'y pumirma ng kontrata ang metikulusong negosyante. Pero ngayo'y minamadali nito ang pagpapasimula ng project at ayukong mabalewala ang pinagpaguran ng anak ko kaya tatapusin ko muna ang mga bagay na dapat ayusin para bukas din ay masimulan na ang project," mahabang kwento nito.

"Pero 'nag promise ka sa batang magpa-family date tayo ngayong araw," paalala niya rito.

Hinimas nito ang kanyang kabilang pisngi.

"I know. Ipapasundo ko kayo sa driver mo mamayang 9AM. Sa enchanted kingdom tayo dederetso," anitong nakangiti.

Napangiti na rin siya saka tumango.

"Okay po pero mag-iingat ka sa biyahe," pagpayag niya saka tinanggal ang kamay ng anak na nakakapit sa pantalon nito pero sa halip na matanggal ay humigpit pa iyon na ikinapangunot ng kanyang noo.

Gising ba ang bata? Tinitigan niyang mabuti ang mukha nito. Tulog ito, mahimbing ang pagkakatulog, subalit bakit gano'n kahigpit ang pagkakakapit nito sa ama.

"Sweetie, mahigpit ang kapit ng anak mo. 'Wag ka na lang kayang umalis. Baka umiyak na naman 'yan 'pag piliting tanggalin ang kamay niya," anya sa asawa.

Mahina itong tumawa, yumukod sa bata at hinalikan sa noo.

"Daddy has an important work to do for now, kiddo. But we'll surely have a family date later," bulong nito sa anak saka tinanggal ang kamay na nakakakapit sa pantalon. Nakapagtatakang kusa itong kumawala at umiba ng posisyon ng higa, yumakap naman sa hita ng ina.

Napapailing na lang ang dalawa.

Humalik muna si Dixal sa mga labi niya bago umalis.

Nang tuluyan itong makalabas ng kwarto ay muli siyang napangiti. Tatawagan niya ang driver na susundo sa kanilang mag-ina. Gusto niyang sorpresahin ang asawa mamaya. Imbes na 9AM ay 7AM siya magpapasundo at dadaan muna sa opisina ng asawa para makabisita naman si Devon doon.

Inayos niya ang higa ng anak at nang masegurong 'di niya ito nagising ay saka siya bumaba sa kama upang asikasuhin ang kanilang dadalhin para 'pag ginising niya si Devon ay paliliguan niya na lang ito.

Ilang minuto rin ang kanyang iginugol upang ayusin ang dadalhing mga gamit mamaya, pagkatapos ay lumabas siyang kwarto para maligo sana. Nakita niya ang inang palabas ng tindahan.

"O Flor, ang aga mong bumangon? Alas singko pa lang ah," salubong nito, bahagya pang nagulat nang makita siyang gising na.

"Mamamasyal po kami nina Dixal mamaya, Ma," sagot niya.

"Hay naku 'yang asawa mo, sobrang sipag. Linggo pero ginising talaga ako para lang magpaalam at may gagawin daw siya sa opisina niya ngayon," anito.

Napangiti siya.

"Aba syempre, Ma. Hindi lalago ang negosyo niya kung hindi siya magsisipag," pabiro niyang saad.

"Kuuuu---mayaman na naman siya. Tsaka may trabaho ka naman, dapat nagpapahinga din siya," kontra nito.

"'Yaan mo na, Ma. Aalis kaming maaga ni Devon ngayon at dadalawin namin siya sa opisina," sagot niya dederetso sana sa banyo.

"Flor, magluluto ba akong pagkain niyo? Alam mo naman 'yang mag-ama mo eh mapili sa pagkain, ayaw ng may paminta," habol nito.

Muli siyang humarap sa ina.

"Oo nga pala. Sige magluto ka para wala nang problema mamaya tutal eh nagustuhan naman ni Dixal ang luto mo kahapon," sang-ayon niya.

"O sige. May hipon pa naman d'yan, iluto ko muna." anito saka dumiretso na sa kusina.

Siya nama'y natuloy nang pumasok sa banyo para maligo.

EKSAKTONG ALAS SAIS Y MEDYA, nakabihis na silang mag-ina at natawagan na rin niya ang driver na susundo sa kanila. Nakapagluto na rin ang ina ng pagkaing dadalhin nila sa pamamasyal.

"Amor, halika ka na po, alis na tayo, andito na ang kotse ni daddy." Tumatakbong pumasok ng kwarto ang bata, agad siyang hinawakan sa kamay habang nakaharap sa salamin at hinila palabas ng kwarto.

"Teka bata, 'yong mga dadalhin nating gamit," awat niya sabay hablot ng kanyang sling bag sa ibabaw ng tokador at yung isang tote bag na pinagdalhan niya ng kanilang gamit, saka nagpatianod sa anak palabas ng kwarto.

Nang mapansin nitong nabibigatan siya sa mga dala ay saka lang nito pinakawalan ang kanyang kamay at tinulungan siyang magbuhat ng kanyang mga dala.

Tama namang nakita sila ng driver sa may pinto ng bahay kaya't sumaklolo na rin ito, kinuha sa kanya ang mga bag at ipinasok sa loob ng sasakyan.

Ang ina nama'y nagmamadali ring humabol sa kanila bitbit ang malaking bag kung saan nakalagay ang mga niluto nitong pagkain.

"Ayan. Tatlong tupperware ang nakalagay sa bag na 'yan tsaka isang rice cooker ng kanin at mga utensils para wala na kayong iisipin pa sa labas," anang ina.

Binitbit na rin 'yon ng driver at ipinasok sa trunk ng kotse pagkuwa'y bumalik na uli sa kanila.

"Ayos na po lahat, Ma'am," wika sa kanya.

"O pa'no Ma, aalis na kami," paalam niya sa kaharap na ina.

"Ano'ng oras kayo uuwi?" tanong nito.

"Ma, paalis pa lang kami. Pauwi na agad ang tinatanong mo," angal niya.

"Tse! Ano'ng oras nga nang maipaghanda ko kayo ng makakain mamaya!" singhal nito.

"Amor, kina daddy tayo matulog," suhestyon ng anak na agad kumapit sa kanyang kamay.

"O dinig mo 'yan, Ma. Gusto ng makulit na 'to na 'di kami umuwi ngayon. Nakita mo naman pa'no i-spoil 'to ng ama. 'Di raw kami uuwi mamaya, baka bukas na, Ma," natatawang sagot niya sa ina.

Umirap ito sa kanya.

"Hmp! 'Di mo pa sabihing Ikaw ang may gustong sumama na kay Dixal," nagtatampong wika nito.

Napalakas ang kanyang tawa, agad na niyakap ang ina.

"Ngayon ka pa nagtampo eh paalis na nga kami."

"Hmp!" sagot lang nito sabay irap na parang bata.

"Ma, isang araw lang kaming mawawala dito. Napaka-OA mo," panunudyo niya.

Sumeryoso ang mukha nito't suminghot.

"Nagpaparamdam ka na kasi. Alam mo namang ayaw kong umalis kayo sa bahay. Baka bigla ka na lang pumayag 'pag sinabi ni Dixal na lilipat na kayo ng tirahan," mangiyak-ngiyak nitong sambit.

Bahagya niyang inilayo ang katawan rito at hinawakan ito sa kamay.

"Ma, asawa ko si Dixal. Siya ang magde-decide kung aalis nga kami rito o hindi. Pero 'wag kang mag-alala, hangga't 'di kayo nag-uusap nang masinsinan at 'di siya nagpapaalam sa'yo nang maayos, 'di kami aalis dito ni Devon," paliwanag niya.

"Oo na. Basta 'wag kayong lilipat ng bahay hangga't wala akong pahintulot," paniniyak nito.

Muli niyang niyakap ang ina.

"Nakupo, nagdrama na naman itong mudra ko," natatawa na uli niyang sambit.

Hinamaps siya nito sa braso.

"Umalis na nga kayo, bruha ka!" singhal nito't bahagya siyang itinulak.

"Mama, aalis na po kami," paalam ng bata saka tumingkayad upang humalik sa noo ng lola.

Yumukod naman ang ginang at hinayaan ang apong humalik sa noo nito saka umayos ng tayo pagkatapos at ginulo ang buhok ng bata.

"Mag-iingat ka sa pamamasyal baby ko ha? 'Wag kang basta tatawid sa daan hangga't 'di ka nakahawak sa mga magulang mo," paalala nito.

"Opo," sagot ng bata, tumakbo na palapit sa naghihintay na sasakyan.

Muli siyang nagpaalam sa ina bago sumunod sa anak at pumasok sa kotse sa likurang upuan katabi ng bata.

Saka lang pumasok ng bahag si Aling Nancy nang makaalis na ang kotseng sinasakyan ng mag-ina. Dumeretso ito sa loob ng tindahan at binuksan agad ang TV na nakasanayan na nitong gawin ngunit nagulat nang mukha ng manugang ang agad tumambad sa screen ng TV, nasa loob ito ng simbahan at naka-tuxedo na tila hinihintay ang bride nito.

Napatayo ito sa pagkagulat. Kahit anong titig nito sa lalaki, segurado itong si Dixal iyon kaya't agad nitong hinanap ang mobile at tinawagan ang anak ngunit hindi sinasagot ng babae ang tawag nito.

Nagtatakang pumasok ito sa kwarto ni Flora Amor at nakita ang phone ng anak sa ibabaw ng kama.

"Naku, napakaburara talaga ng babaeng 'yon!" bulalas nito.

------

MAAGANG NATAPOS ni Dixal ang mga papeples para sa pagpapagawa ng commercial building ni Mr. de Ocampo.

Naalala niya agad ang usapan nila ng asawa kaya't agad niyang dinampot ang telepono at tumawag sa asawa subalit ang byenan niya ang nakasagot sa tawag.

"Walanghiya ka! Sinungaling! Manloloko! May gana ka pang tumawag sa anak ko gayong kitang kita ang pagmumukha mo sa TV na ikakasal ka sa ibang babae!" walang gatol na sigaw nito, bagay na ikinagulat niya.

"What?! Ma, hindi ko kayo maintindihan? Ano'ng nasa TV?" maang niyang usisa.

"Nagmamaang-maangan ka pang manloloko ka. Ayan ang mukha mo sa TV habang naghihintay ka sa bride mo! Idedemanda ka namin sa panloloko mo sa anak ko!" pagkasabi lang niyo'y ibinaba na nito ang telepono.

Sandali siyang natulala at pilit iniabsorb sa utak ang sinabi ng byenan.

"That wicked old man!" bulalas niya nang maalala ang matanda. Ang alam niya, bukas pa ang sinasabi nitong kasal nila at ni Shelda. Pero bakit sinasabi ng kanyang byenang naroon siya sa simbahan ngayon?

Agad siyang tumayo at hinanap ang remote ng TV na nakadikit sa wall sa harap ng sala ng opisina.

Bigla ang pagkuyom ng kanyang kamao pagkakita sa mukha ni Dix na lumitaw sa screen. Seguradong ang mga Randall ang may gustong idaan sa TV ang pag-publicize ng kasal dahil magiging magandang publicity iyon para kay Shelda bilang model.

Ngunit kahit ano'ng gawin pang balak ng mga ito lalo na ang hayup na matandang 'yon, mababalewala ang kasal na pinaghirapan ng mga itong isagawa. Legal ang kasal nila ni Amor kaya walang silbi ang kasal na 'yon ngayon.

Subalit bigla siyang kinabahan sabay ang pagkunot ng noo nang may sumagi sa kanyang isip.

Maliban na lang kung alam na ng matandang 'yon na ang kanyang PA at si Amor ay iisang tao lang.

"Amor!" tawag niya sa asawa at nagmamadaling lumapit sa pinto ng opisina. Pupuntahan niya sa Cavite si Amor.

Baka may binabalak na masama ang matandang sa babae. 'Wag naman sana.

Pagkalabas ng pinto dere-deretso siya sa elevator. Hindi niya naitanong sa kanyang byenan kung alam na ba ni Amor ang tungkol sa kasal. Kilala niya ang kanyang si Amor. Alam nitong hindi siya ang naroon sa TV kundi si Dix.

Pero bakit ang kanyang byenan ang nakasagot sa tawag niya imbes na ang asawa? Malalaman niya rin ang dahilan 'pag nakabalik na siya sa Imus.

------

UNANG ARAW NA NARANASAN NI FLORA AMOR na walang trapik habang nagbibiyahe sila papuntang manila kaya't wala pang kalahating oras ay nasa parking area na sila sa labas ng gusali. Hindi na niya ipinapasok sa loob na parking lot ang sasakyan kasi aalis din naman sila agad.

"Ate, sasama po ako," pakiusap ng bata nang mabuksan na niya ang pinto ng sasakyan.

"Halika na. I surprise natin ang daddy mo sa opisina niya," an'ya saka hinawakan ang kamay ng bata at inalalayang makababa ng sasakyan.

Tuwang-tuwa siya habang papasok sila ng gusali at palukso-lukso ang anak sa sobrang saya na sa wakas nakapunta na rin ito sa loob ng gusaling 'yon at nakikitang marami ang nakatingin habang naglalakad sila papunta sa VIP'S elevator.

Subalit pagdating sa opisina ng asawa. Hindi na 'yon kusang bumukas. Ibig sabihin, walang tao sa loob. Nasaan si Dixal?

"Bata, wala na ang papa mo opisina niya?" baling niya sa anak saka hinanap ang phone sa loob ng kanyang bag ngunit sa halip na phone niya ay mobile ng anak ang ando'n.

Agad niyang tinawagan ang asawa sa number nito.

"Asan ka?"

"Asan ka?"

Magkasabay pa silang nagsalita.

"Tinawagan kita pero si mama ang sumagot sa tawag ko, pabalik na ako sa bahay niyo," anang asawa.

"Aba'y ba't ka babalik do'n?" taka niyang tanong. "Andito kami ng anak mo sa labas ng opisina mo. Susurpresahin ka sana namin pero 'di ko alam na bigla kang babalik sa Cavite."

"Just stay there okay. 'Wag kang aalis d'yan," utos sa kanya.

"O-okay--" Nagtataka man sa tono ng salita nito'y umoo na lang siya agad.

"Pabalik na uli ako, Amor. Antayin mo ako d'yan."

"Sa kotse na lang kami maghihintay sa'yo. Nasa harap lang naman ''yon ng gusali. Doon mo na lang kami puntahan," suhestyon niya sa asawa saka pinatay na ang phone at ibinalik sa sukbit na sling bag.

Inaya na uli niya ang anak sa elevator para bumaba na muli pabalik sa kotse.

"Bakit tayo babalik sa kotse, Amor?" usisa ng bata.

"Nasa labas ang daddy mo," sagot niya.

Nakalabas na sila ng elevator nang biglang tumunog ang phone ni Devon.

"O Ma, napatawag ka? May problema ba?" tanong niya nang marinig niyang suminghot ito.

"Amor, umuwi ka na lang kaya. 'Wag ka nang sumama sa manlolokong lalaking 'yon," anito pagkuwan.

"Manloloko?!" sambulat niya sa sobrang pagtataka. "Di ko kayo ma-gets, Ma. Pabalik na sana si Dixal d'yan kasi ang akala niya and'yan pa rin kami. Sabi niya ikaw daw ang sumagot sa tawag niya kanina. Ano bang pinag-usapan niyo?"

Sandaling natahimik ang ina.

"Kausapin mo na lang siya mamaya 'pag nagkita na kayo. Pa'no siyang makakabalik rito eh hanggang ngayon nasa loob siya ng simbahan. Ayan sa TV oh," anito.

"TV?" bulalas na uli niya. "Ma, imposible 'yon. Ngayon lang kami nagkausap ni Dixal, pabalik na nga siya uli rito samin. Anong gagawin niya sa simbahan? Baka si Dix ang nakita mo." sagot niya.

Hindi nga pala alam ng inang may kakambal ang kanyang asawa. Pero anong sinasabi nitong nasa simbahan si Dixal?

"Ewan ko anak. Basta mag-usap na lang kayo pag nagkita na kayo ng lalaking 'yon," anang ina saka pinatay agad ang tawag.

Nagtataka talaga siya sa biglang pag-iiba ng timpla ng mood ngayon ng ina.

"Amor, bakit po?" usisa na uli ng anak habang nakahawak sa kamay niya.

"Wala," tipid niyang sagot.

Ibinalik niya sa loob ng bag ang mobile ng bata at hinawakang mahigpit ang kamay nito saka sabay silang lumabas ng elevator pabalik sa kinaruruonan ng sasakyan.

Naging mabilis ang pagkilos ng naghihintay na driver na nakatayo lang sa tabi ng sasakyan.

Binuksan nito agad ang pintuan sa gilid ng kotse.

Una niyang pinapasok sa loob ang anak at nang yuyukod na siya para pumasok din, saka naman niya narinig ang malakas na tawag ni Elaine. Nilingon niya ang kaibigang nakatayo sa gilid ng daan, kumakaway sa kanya.

"Elaine!" siya naman ang tumawag rito, pagkuwa'y bumaling sa driver.

"Sandali lang ha antayin ko lang ang kaibigan ko," anya sa driver, pagkuwa'y nakangiting naglakad papunta sa gilid ng daan at doon hinintay ang kaibigan subalit sa pagtataka niya, hindi ito tumitinag sa kinatatayuan kahit wala namang nagdaraang sasakyan sa kalsada.

Kumaway uli siya dito at sinenyasang tumawid na ngunit sa halip ay gumanti ito ng senyas sa kanya sabay hagulhol.

"Bumalik ka! Bumalik ka!" sigaw nito.

"Ano?" ganti niyang sigaw nang 'di maunawaan ang sinisigaw nito at nakakunot-noong napaatras sa gilid pa ng daan.

"Amor! Run!"

Bigla siyang napaharap sa pinanggalingan ng boses ng asawa at doon lang niya nakita ang sasakyang mabilis na humaharurot papalapit sa kanya.

Biglang nanginig ang kanyang buong katawan sa takot. Nasa gilid na siya ng daan, pero bakit ang sasakyang iyo'y nakagilid din habang mabilis na tumatakbo? Nakita niya ang asawang mabilis ang takbo sa kabilang daan palapit sa kanya.

Sinubukan niyang ihakbang ang mga paa para tumakbo ngunit tila may mga batong nakakapit sa mga 'yon, 'di niya maihakbang sa takot, idagdag pang sumakit bigla ang kanyang ulo, parang binibiak sa sakit dahilan upang mapapikit siya at masapo iyon ng dalawang kamay sabay yuko.

Sa muling pagdilat ng kanyang mga mata at pag-angat ng kanyang mukha ay ibang kapaligiran ang kanyang nakita.

Ang pangyayaring 'yon, iyon ang nangyari malapit sa City Hall nang habulin nila ni Anton ang ama.

"Amorrr!! Run!!"

Narinig na uli niya ang sigaw ni Dixal habang nakikipaghabulan sa sasakyang papalapit sa kanya.

Sa kabila ng takot na nararamdaman at pagkatuliro ng isip idagdag pa ang pagsakit ng ulo, buong tapang niyang inihakbang ang mga paa at tumalikod para tumakbo subalit sadyang mabilis ang sasakyang siya talaga ang gustong sagasaan at sa isang iglap lang ay naramdaman niya ang isang katawang biglang yumakap sa kanya bago sila kapwa tumama sa sasakyan at tumilapon sa gilid ng daan.


next chapter
Load failed, please RETRY

Weekly Power Status

Rank -- Power Ranking
Stone -- Power stone

Batch unlock chapters

Table of Contents

Display Options

Background

Font

Size

Chapter comments

Write a review Reading Status: C104
Fail to post. Please try again
  • Writing Quality
  • Stability of Updates
  • Story Development
  • Character Design
  • World Background

The total score 0.0

Review posted successfully! Read more reviews
Vote with Power Stone
Rank NO.-- Power Ranking
Stone -- Power Stone
Report inappropriate content
error Tip

Report abuse

Paragraph comments

Login