Nang matapos ipa-renovate ni Michelle ang bahay niya ay tuluyan na siyang nag resign sa trabaho. Boutique na talaga ang ground floor at tuwang-tuwa siya sa cute na pagkakaayos niyon. Ang kikay!
Patuloy pa rin ang kanyang online shop na inaasikaso niya kapag matumal ang tao sa kanyang tindahan ng mga damit, bags, at ladies' accessories. Lagi naman siya naka-online kaya sinasagot niya ang inquiries, o kaya ay kinokompirma ang online payment kapag walang ibang tao doon.
Sa umaga pa rin niya inaasikaso ang mga orders at dinadala sa courier. An hour before lunch ay saka niya ibinubukas ang boutique hanggang mag alas siyete ng gabi.
Sa lahat ng pag-aasikaso niya ay nakaalalay kay Michie ang kanyang pamilya, si Kristine, at si Julius. May permit na siya para sa boutique, iyong paglalakad na lang ng resibo sa BIR ang hinihintay niyang matapos.
Kung minsan ay tinutulungan siya ni Kristine magbantay ng kanyang shop kapag wala itong trabaho at sideline. Mas mabilis na kasi ang biyahe nito papunta sa bahay niya kaysa noon, kaya nawiwili itong puntahan siya. Sabi nga nito, one LRT ride away na lang siya.
Kagaya ngayon, nakatambay ito sa bahay niya. "Ano ba `yang hinahanap mo sa FB? May iniimbestigahan ka na namang guy kung gay, `no?" biro niya sa kaibigan. Kasasara lang nila ng boutique kaya nagluluto siya ng kanilang hapunan at inaaliw naman ng kaibigan ang sarili nito.
"Good catch kasi iyong bagong marketing officer sa theatre. Crush ko! Pero na-pa-praning ako dahil effeminate kumilos. Hindi mo naman ako masisisi, ayoko yatang matulad sa`yo na hindi marunong kumilatis kung bakla ang isang lalaki o hindi." It was their private joke about Diego. Hindi nila magawa ang ganoong biruan kapag nandiyan si kuya Mike.
Binelatan niya si Kristine. Ilang buwan na lang ay isang taon na mula noong nangyari ang insidente na nabugbog si Diego. Hindi na siya nasasaktan kapag naaalala ang lalaki. And deep in her heart, alam niyang maluwag sa loob na napatawad na niya ang dating housemate.
"May naibabalita ba si Julius tungkol kay Diego?" tanong ni Kristine.
Umiling siya. "Awkward tanungin eh. Nung tinanong ko dati, ang sagot lang ni Julius eh nung sinabi niya kay Diego na ayaw ko na siya makausap, nanahimik na raw. Buti nga at hindi na nangulit."
"Eh kumusta naman kayo ni Julius?" mabilis pa siya nitong sinulyapan pero nakatingin pa rin at abala sa cellphone nito.
Ibinukas muna niya ang takip ng nilulutong sinigang para tignan kung luto na ang kangkong. Pinatay na niya ang apoy. Hinugasan niya ang basahan at piniga ng maigi bago lumapit sa lamesa kung saan nakalugar si Kristine.
Sinimulan niya punasan ang lamesa. "Dating pa rin," simpleng sagot niya. Kagaya ng bff#1 niya, hindi nagalit si kuya Mike nang magpaalam si Julius na liligawan siya.
Nang sabihin daw ni kuya Mike sa magulang nila, una na pala nagpaalam si Julius sa mga ito. Kaya pala sobrang maasikaso ang mama niya sa binata. Mukhang boto ang mga magulang niya sa lalaki.
Tumayo si Kristine at lumapit sa lababo. Naghugas ito ng kamay at tinulungan siya sa paghahain. "May chance na ba sa'yo?"
Siya naman ang naghugas ng kamay at kumuha ng kubyertos pagkatapos. "Ganun pa rin, bff. Hinihintay ko pa rin iyong magic," aniya. Tinulungan siya nito dalhin ang kanin at ulam sa lamesa.
"Alam mo, Michie, kung hihintayin mo iyong magic na naramdaman mo kay Diego noon, baka hindi mo na sagutin si Julius," sabi ni Kristine nang makaupo na kami.
"Ang harsh mo naman, bes. Pero alam mo ang maipupuri ko naman kay Julius, sobrang habaaaaa ng pasensya niya. Hanga ako," eksaharadong sabi niya habang nagbabahog ng kanin sa mga plato nila.
Si Kristine naman ang naglagay ng ulam sa malukong nila. Inabot nito ang isa sa kanya. "Kaya huwag mo abusuhin. Kahit mahaba ang pasensya nung tao, mapapagod din iyon at magsasawa. Sige ka, baka may mga lumalandi roon eh masulot sa'yo," pananakot sa kanya nito. Nagsimula na silang kumain.
Natigilan siya. Totoo naman ang sinabi ni Kristine, hindi naman panghabang buhay ang pasensya ni Julius. Darating ang time na magtatanong ulit ito kung may pag-asa o wala.
"Eh dalawang buwan pa lang naman siya nanliligaw eh," dahilan niya.
Mas madalas siyang dalawin ng binata sa bahay ng magulang niya noon, at samahan sa mga pag-aasikaso niya para sa negosyo at dito sa bahay. Nang makalipat na siya ay tuwing Linggo sila nag-de-date. Baka daw hindi maganda tignan kung tatanggap siya ng lalaking bisita sa bahay niya na silang dalawa lang.
Aaminin niya, gusto niya ang katangiang iyon ni Julius, gentleman. Bilang na lang yata sa daliri ang mga ganoong klase ng lalaki. Kaya minsan ay naiinis siya sa sarili na bakit hindi pa mahulog ng bonggang bongga ang puso niya para rito.
"Hoy Michelle Dimapalad! Hindi lahat ng lalaki eh nagtitiyagang manligaw ng ganiyang katagal. Iyong iba, kapag tinanong ka sa text at nagpakipot ka pa, naglalaho na lang na parang bula," pananakot sa kanya ng kaibigan.
"Alam ko naman yan, bff. Minsan iniisip ko rin nga iyong sinabi mo na mas nakikilala mo iyong tao kapag boyfriend mo na. Testing ground pa lang naman at hindi agad magpapakasal 'di ba?"
Tumango-tango lang si Kristine bilang pagsang-ayon dahil ngumunguya ito. Pagkalunok ay muli itong nagtanong, "Bago mo pa pinayagan manligaw, ilang buwan ba siya naghintay sa sagot mo kung puwede ba siyang manligaw?"
Muntik na siyang nasamid sa pag-inom ng tubig. Napangiwi siya bago sumagot. "Bes, naman. Malaki talaga ang galit mo sa 'kin, 'no? Ipinapaalala mo pa ang mga pagkakamali ko. Three months," litanya niya pero sumagot din.
Umikot ang mata ni Kristine bago siya tinaasan ng kilay. "Kita mo na? Kung su-sumahin, parang liman buwan na siya nanliligaw sa'yo. Ikaw talaga. Pero kay Diego na manloloko, ang dali nahulog ng loob mo," may katarayan na sabi ng kaibigan niya.
Nakaramdam siya ng guilt. Talagang mali ba na sinisiguro muna niya ang nararamdaman para kay Julius? Kung tutuusin, wala naman talaga siya mahihiling pa sa lalaki. Guwapo naman ito, galing sa maayos na pamilya, kilala ng pamilya niya, maganda ang career, at mabait. Ano pa nga ba ang hinihintay niya?
Pagkatapos ng hapunan ay tinulungan muna siya ng kaibigan sa pagliligpit bago ito umalis. Nanood muna siya ng tv bago naligo at naghanda sa pagtulog.
Nang nasa kama na siya ay saka niya binuksan ang kanyang messenger at nakita ang messages doon ni Julius. Tumugon siya at kinompirma ang date nila bukas. Same routine, susunduin siya nito dito sa bahay at magsisimba sila sa San Sebastian Church bago mamasyal sa kung saan.
"NAPADAAN ako dito kahapon nung papunta ako sa isang event. May ikinakasal, maganda iyong ayos ng simbahan," sabi ni Julius kay Michelle habang naglalakad sila papunta sa sasakyan ng una.
Katatapos lang nila magsimba at ang tinutukoy nito ay ang simbahan. "Sikat naman ang simbahan na 'to sa pinagdarausan ng mga kasal," tugon niya.
Tumikhim muna ang lalaki bago nagsalita. "Ikaw ba, saan mo gusto ikasal kung sakali?"
Bigla bumaha sa alaala niya ang naging kasal-kasalan nila ni "Jamie". Ang wedding gown, red carpet, ang mga bulaklak, quartet, caterer, at si Diego…
Ipinagbukas siya ng pintuan ng sasakyan ni Julius at sumakay na siya. Naalala niya ang pekeng wedding night… nung muntik na may nangyari sa kanila ng paminta.
"That's a nice smile. May naisip ka bang simbahan?" untag sa kanya ng binata. Nakasakay na rin ito at binuhay na ang makina ng sasakyan.
Hindi niya alam na nakangiti pala siya. Umiling siya. "Maganda naman itong simbahan ng San Sebastian. Okay din dito o kung saan mang simbahan, basta ang importante ay ikakasal ako sa taong mahal ko."
Napasulyap siya kay Julius. Nakangiti ito, natuwa kaya sa isinagot niya? Syempre ay hindi niya sasabihin na naalala niya si Diego kaya napangiti siya ng ganoon.
Iniba na niya ang usapan hanggang sa nakarating sila sa isang mall na malapit sa Manila Bay. Dumiretso sila sa isang bar and grill na American restaurant.
Kung siya lang, namamahalan siya sa Chili's, kaya lang ay si Julius ang laging nagbabayad kahit sinasabi niyang hati sila. At dahil hindi ito pumapayag na gumastos din siya, hinahayaan niyang ito ang mamili ng kakainan nila.
Nag order ang lalaki ng nachos para appetizer, baby back ribs para dito, at country-style pork belly ang sa kanya. May in-order din itong dessert na molten chocolate cake.
Kapag ganitong kumakain na sila, saka sila nag-kakamustahan sa nangyari ng buong week. Hindi naman niya ine-expect na lagi itong mag-me-message o tatawag kapag weekdays dahil marami itong trabaho.
Minsan ay nagugulat pa siya kapag bigla ito tumatawag at kapag tinanong niya kung may nangyari dito, ang isasagot lang ay "I just want to hear your voice. I miss you."
O 'di ba? Dapat ay kinikilig na siya ng bonggang-bongga. Meron naman kilig kahit paano. She's getting there, sana lang ay magtiyaga pa si Julius na maghintay sa kanya.
Pagkatapos nilang kumain at makapagpahinga, naglakad-lakad sila sa loob ng mall. Tumikhim si Julius kaya napatingin siya dito.
"Michie, ahm, nagpaalam naman ako sa magulang mo. Sorry hindi ko agad sinabi sa'yo," anito.
Parang walang sense ang sinasabi nito. "Ano?" tanong niya. Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ang lalaki. Mataman itong nakatingin sa kanya.
"Nagpaalam ako sa kanila, at kay Mike na sasamahan kita sa susunod mong punta sa Hong Kong. Nagpaalam ako bago nagpa book ng flight at hotel. Ibinigay ng mama mo ang details kaya ipinaayos ko rin sa secretary ko pagkatapos mo magpa-book. Same flight at hotel tayo. Magkaiba lang ang floor ng hotel rooms natin," paliwanag nito.
Her jaw literally dropped. Naramdaman niya ang pagpitlag ng puso niya. She thinks it is so sweet.
"B-bakit mo ginawa iyan?" nauutal niyang tanong.
Nginitian siya nito ng matamis. "Gusto ko magkaroon tayo ng quality time together. Every Sunday na lang nga tayo nagkikita, kaya kumuha ako ng vacation leave muna. Sana ay okay lang sa'yo."
She felt flattered with his gesture. She smiled sweetly. "Ano ka ba, okay lang sa 'kon, 'no. Mas gusto ko nga iyon para may magbibitbit ng mga bibilhin ko."
Ang lakas ng tawa ni Julius. Mukhang malapit na bumigay ang puso niya ah.