Download App
93.75% The Villainess' Soul [Tagalog] / Chapter 30: XXIX

Chapter 30: XXIX

"Kumusta ang iyong silid?"

Inangat ni Maia ang kaniyang tingin sa Punong Lakan. Nasa loob sila ng silid-talaan nito kung saan, taliwas sa nakasanayan ni Malika na nakatayo lamang sa harap ng pinto, ay inanyayahan siya nito na maupo sa isa sa mga magagarang kanape na mayroon dito.

Masasabi niya na kaniyang hindi inasahan ang pag-anyaya nito lalo na ang paghainan pa siya nito ng tsaa. Alam niya na may nagbago ngunit hindi pa siya tiyak kung dapat ba niya iyong ipagdiwang o ipagluksa.

"Maayos po. Malinis," tahimik na kaniyang sagot sa tanong nito at sinalubong ang mga mata nito na pansin niyang tila nalusaw ang lamig. Kung bakit, hindi niya lubusang maunawaan at sa katotohanan wala rin siyang planong pagtuunan pa iyon ng pansin.

Nagpakawala siya ng hininga. "Ngunit hindi po iyon ang dahilan kung bakit ako nandito ngayon, hindi po ba?" kaniyang pagpapatuloy nang may pag-iingat sa bawat pagbigkas. Sa kakaibang pakikitungo sa kaniya nito ngayon, alam niyang kailangan niyang mas maging mahinahon at maingat sa kaniyang mga sasabihin lalo na't nakalipat na siya sa palasyong ito, kung saan mas mababantayan at malilimitahan nito ang kaniyang mga pagkilos.

Natigilan ang Punong Lakan at inilapag sa mesa ang hawak nitong tasa. Sa isang iglap ay naging mas taimtim ang ekspresyon nito at mas lalo lamang lumalim ang kaniyang kutob na may kakaiba sa nangyayari.

At ang kaniyang unang pinakiramdaman ay ang kaniyang baril na nasa kaniyang kanang hita.

Ayaw man niyang gamitin ito ngunit ang ekspresyon na suot ng Punong Lakan ngayon ay isa na hindi pa nakikita ni Malika. At kung siya ay tataya, madaling sabihin na masamang balita iyon.

Kung mapagpapasyahan ng Punong Lakan na siya ay ikulong bilang kaparusahan, kailangan niyang lumaban. Hindi siya tiyak kung gaano kahaba o kaiksi ang natitirang oras bago lubusang mawala ang buhay sa katawan ni Malika at bagaman masasabi niya na maayos ang kaniyang pakiramdam ngayon, hindi siya kampante sa kung gaano tatagal ang magandang pakiramdam na iyon.

Ayon sa aklat na kaniyang nabasa, mayroon na lamang siyang hanggang anim na buwan sa katawan ni Malika. At iyon ay kung pumanig sa kaniya ang kapalaran. Sapagkat kung siya ay mamalasin, maaaring tatlong buwan nalang ang mayroon siya.

Kung tama ang kaniyang pagkakaalala, isang buwan na rin ang nakalipas simula nang siya ay magising sa mundong ito. At labas sa kaniyang plano ang gugulin ang kaniyang natitirang oras sa loob ng isang malamig na kulungan.

Tumikhim ang Punong Lakan at humigpit ang kaniyang hawak sa palda ng kaniyang suot na bestido, handa upang kunin ang kaniyang sandata.

Ngunit sa katotohanan, hindi siya gaanong kampante na magiging madali ang kaniyang planong paglaban sakaling ipakaladkad siya ng Punong Lakan patungo sa kulungan.

Iyon ay sa kadahilanang hindi naman nakapapatay ang kaniyang baril.

Kumpara sa baril na kaniyang ginagamit sa dati niyang mundo, ang balang kaniyang gamit dito ay pampatulog lamang. Pinagpasyahan niya iyon sapagkat aaminin niya na siya ay may pag-aalinlangan sa kaniyang pagdala sa sandatang ito sa mundong ito.

Lubos niyang alam ang labis na panganib ng baril. Alam niya kung paano kadali sa may hawak nito ang kumuha ng buhay ng iba. Ngunit kailangan niya ng armas kung saan siya ay bihasa upang magkaroon siya ng laban sa mundong ito. Dahil kung siya ay makikipagsabayan sa paraan ng pakikipaglaban ng mga tao sa mundong ito, hindi siya kampante sa kaniyang kakayahan. Oo at maalam siya sa paggamit ng balisong o mga kutsilyo, maging ang busog at palaso, ngunit ang paggamit ng mga kampilan o mga sandatang may mahahabang talim ay labas sa kaniyang nakasanayan.

At sa totoo lamang, ayaw rin naman niyang pumatay. Bukod sa iniwan na niya ang buhay na iyon, pinakamalaking rason ay dahil nasa katawan siya ni Malika. Inosente ito at malinis ang mga kamay nito. At wala siyang balak na baguhin iyon.

"Malika..." simula ng Punong Lakan kasabay ng pagtaas ng konsentrasyon ni Maia.

Nasa labas ang kanang-kamay nito kung kaya sila lamang dalawa ang nasa silid na ito. Dagdag pa doon, halos isang dipa lamang ang layo ng Punong Lakan sa kaniya at kampante siya na wala itong kamalay-malay sa balak at kaya niyang gawin. Magiging madali ang mapatulog ito gamit ng kaniyang baril.

At sa pagkakataong marinig naman ng Gat ang mangyayari ay magiging huli na ito at mapagsasamantalahan rin niya ang pagkagulat nito. Mataas ang tyansa na hindi nito maiiwasan ang pagbaril niya dito lalo na at hindi ito pamilyar sa kaniyang armas na gamit. Pagkatapos niyon ay magkakaroon siya ng isa't kalahating oras upang makalayo sa palasyong ito.

Bagama't kailangan niya ring tiyakin na walang makapapasok sa silid na ito sa oras ng kaniyang paglabas, sa kaniyang palagay ay madali na lamang isipan ng paraan iyon. Maaari naman niyang ikandado ang pinto at sabihan si Otis na mahigpit na ipinagbibilin ng Punong Lakan na ito ay hindi abalahin.

Bahagyang bumaba ang tingin ng Punong Lakan bago ito muling tumingin sa kaniya habang isang malalim na hinga ang hinugot ni Maia.

"...aking nais na humingi ng paumanhin sa iyo."

.

..

...

Ha?

Lumuwag ang pagkakahawak ni Maia sa kaniyang palda at kung hindi siya nasanay na itago ang kaniyang nadarama, tiyak siyang kumunot na ng pagkalalim-lalim ang kaniyang noo kasabay ng pagbuka ng kaniyang bibig.

Paumanhin?

Nais nitong humingi ng paumanhin?

Tama ba siya ng narinig?

Sapagkat kung siya lang, iyon ang huling inaasahan niyang maririnig mula dito.

"Hindi ko batid ang iyong paghihirap sa aking palasyo. Ni hindi ko alam na ikaw ay naiwan sa lumang palasyo at... at ipagpaumanhin mo rin kung ako ay hindi nakinig sa iyong mga daing patungkol sa iyong pagkain."

Sinalubong nito ang kaniyang mga mata at kung hindi siya nililinlang ng kaniyang nakikita, masasabi niyang taos sa puso ang mga sinasabi nito. "Batid ko na ako ay huli na ngunit makakaasa ka na hindi na mauulit pa ang mga nangyari. Pinalitan ko na ang lahat ng tagapaglingkod at kung may kaparusahan ka na nais ipataw---"

"S-Sandali... Sandali lang po," naguguluhang pagputol ni Maia sa sinasabi ng Punong Lakan. "Pinalitan? Kaparusahan? Ano po ang inyong sinasabi?"

Habang kaniyang binibigkas ang mga katanungang iyon, bumalik sa kaniya ang katahimikan sa palasyo sa kaniyang paglabas ng kaniyang silid. Kung tuluyan na ngang pinaalis ng Punong Lakan ang mga tagapaglingkod, hindi na nakapagtataka kung bakit ganoon ang sitwasyon ngayon dito. Hindi niya lamang maintindihan kung bakit ginawa nito iyon.

Wala bang halaga dito ang mga taong naging tapat sa paglilingkod dito?

"Malika, mali ang kanilang ginawa sa iyo. Sa katunayan, kulang pa ang aking pagtanggal sa kanila bilang kaparusahan. Hindi tama---"

"A-Ano... na ang mangyayari sa kanila? Saan sila tutungo?" naguguluhan pa rin niyang tanong.

Alam niyang mali ang mga ginawa ng mga tagapaglingkod na iyon kay Malika ngunit ang tanggalan ang mga ito ng kabuhayan? Hindi niya alam ang madarama doon. Sa mundong ito, ang pagtanggal sa mga tagapaglingkod ay katumbas ng pagiging alipin. At tama, iyon na ang nangyari sa mga iyon kung tinanggal na nga ang mga ito ng Punong Lakan.

Kumunot ang noo ng Punong Lakan ngunit nagpatuloy pa rin ito, "Malika, huwag kang mag-alala. Tinitiyak ko na hindi nila magagawa ang kanilang nagawa sa iyo sa iba. Hindi na sila makahahanap ng trabaho sa kahit saang lugar dito sa Aguem."

Tila hinalukay ang kaniyang tiyan sa narinig. "H-Hindi ho ba labis na kaparusahan naman iyon? Tinanggalan niyo ho sila ng kalayaan at sila ay bumaba sa pagiging alipin. Paano na lamang ang kanilang mga pamilya na umaasa sa kanila?"

Lumalim ang mga linya sa noo ng Punong Lakan. "Sila ba ay iyong ipinagtatanggol?Maling-mali ang kanilang inasal! Wala silang karapatan na gawin sa iyo ang mga bagay na kanilang nagawa! Isa kang Binibini at---"

"Hindi ho ako 'Binibini'!" mariin niyang sambit nang madinig ang napakababaw na dahilang iyon.

Mabigat ang katahimikan na bumalot sa silid-talaan. At ilang nakabibinging segundo ang lumipas bago nadinig ang paghinga ng Punong Lakan at muli itong nagsalita, malinaw ang kalituhan nito. "Malika... ano ang iyong sinasabi? Isa kang 'Binibini'. Ikaw ang nag-iisang 'Binibini' ng palasyong ito! Bahagi ka ng aking pamilya! A-Anak.. kita."

Halos mapangiwi si Maia sa huling sinabi nito na tila hirap na hirap itong tawaging 'anak' si Malika. Hindi niya maipaliwanag ngunit nakaramdam siya ng kirot doon. Marahil, naramdaman ng katawang ito ang pagtanggi.

Huminga siya ng malalim at sinalubong ang mga mata ng Punong Lakan. Malinaw dito na nahihirapan ito.

Ngunit tila isa muling sampal kay Malika sapagkat ang dahilan ng paghihirap nito ay ang desisyon na ginawa nito. Hindi man niya napansin kanina ngunit ngayon ay malinaw na masakit para dito ang pagtanggal nito sa mga pinagkakatiwalaang tagapaglingkod.

Kinailangan lamang nitong tanggalin ang mga ito sapagkat bilang isang pinuno, at para sa katayuan nito, dapat nitong gawin ang 'tama'.

Sa sitwasyon na ito, iyon ay ang tanggalin ang mga bumastos at nang-api sa isang 'Binibini'... isang Maginoo.

"Hindi niyo ho ako anak," malinaw niyang simula, unti-unti niyang nilulunok ang galit na tila nagsisimula. "Hindi ko ho kayo kadugo o kaanu-ano. At hindi rin ako bahagi ng inyong pamilya. Hindi noon. Hindi ngayon. Hindi kailanman." Huminga siya ng malalim, ang tinig niya ay mas naging banayad. "At malinaw ho sa akin iyon."

May gulat sa mukha ng Punong Lakan at ekspresyon na tila ay sakit ngunit hindi niya tiyak kung kaya nagpatuloy na lamang siya, "Ang hindi po malinaw sa akin ay kung bakit niyo kailangang gawin ito. Ang inyong mga tagapaglingkod... sila po ay tapat sa inyo." Tinitigan niya ng mabuti ang mga mata nito. "Sila po ang bahagi ng inyong pamilya."

Makalipas ang ilang segundong katahimikan sa pagitan nilang dalawa, tumayo si Maia at tinungo ang pinto. Ngunit bago pa niya tuluyang mabuksan ito, muli siyang humarap sa Punong Lakan at nagsalita---mga bagay na tiyak siya ay mga nais sabihin ni Malika---na bahagyang ikinabigla nito. "Alam ko po na ni minsan ay hindi ko pa nasabi ngunit... sa pagbibigay niyo po sa akin ng tirahan, pagkain, kasuotan... sa inyong pagkupkop sa akin, lubos ko pong ipinagpapasalamat ang lahat ng iyon. Nakita... at aking naranasan kung paano pakitunguhan ng karamihan ang mga alipin sa lipunang ito. At ako po ay mapalad sapagkat maraming pagkakataon na nailigtas po ako sa mga iyon dahil sa inyong pangalan." Walang pag-aalinlangang tinignan niya ang Punong Lakan. "Naging malaya po ako dahil sa inyo... Dahil sa inyong pamilya. At buong buhay ko po iyong tatanawin na utang na loob."

Bahagya siyang yumuko bago ibinalik dito ang tingin. At matapos ang kaniyang paghinga ng malalim, siya ay nagpatuloy, "Marahil ang nais ko lamang pong sabihin ay... sana hindi po kayo gumawa ng kapasiyahan na muli niyong pagsisisihan."

Nagbigay galang si Maia bago tahimik na lumabas ng silid kung saan naiwan ang Punong Lakan na naging malalim ang iniisip.

___________________________

Nagtungo si Maia sa pergola na nasa gitna ng malawak na hardin ng palasyo pagkalabas niya sa silid-talaan. Kaniyang napagpasyahan na dito mag-almusal---na kaniyang hinihiling na sana ay walang makapansin---sapagkat sa bahaging ito ng palasyo ay madali niyang makikita ang pasilyo sa harap ng silid-aklatan. Madali niyang mapag-aaralan ang galaw ng mga tagapaglingkod.

Ngunit sa kaniyang nalaman mula sa Punong Lakan, mukhang hindi na niya kailangang alalahanin iyon---na lalo lamang pinatotohanang muli ng katahimikan ng paligid.

Umupo siya sa isa sa mga bangko upang hintayin si Mindy. Marahil ay hindi pa ito tapos maghanda sapagkat taliwas sa kaniyang inasahan, hindi nagtagal ang kaniyang pakikipag-usap sa Punong Lakan.

Napabuntong-hininga siya. Sa katotohanan, ngayon na kaniyang iniisip, hindi niya maunawaan kung bakit tila ay ipinagtanggol pa niya ang mga tagapaglingkod na iyon. Kung bakit tila inalala pa niya ang magiging kalagayan ng mga ito sa pagtanggal sa mga ito ng Punong Lakan. Kung tutuusin, hindi ba tama lamang iyon? Tama lamang na may kapalit ang mga nagawang pangbabastos at pang-aabuso ng mga ito kay Malika na wala namang ginawang masama sa mga ito? Sapat lamang ang pagtanggal sa mga ito... ang maranasan ng mga ito ang mga naranasan ni Malika dahil lamang sa pagiging alipin nito.

Tama.

Walang mali doon. At tiyak siyang ikatutuwa pa iyon ni Malika. Lalo na at nais nitong maghiganti. Maghiganti sa lahat ng taong nagparamdam dito na isa itong nakakadiri at kasuklam-suklam na nilalang.

Ngunit hindi niya mapigilan ang sarili na sabihin ang lahat ng kaniyang nasabi kanina. Sapagkat sa kabila ng mga nangyari kay Malika, hindi niya maatim na may matanggalan ng kalayaan sapagkat pinili niyang magsalita at lumaban. Sapat na sa kaniya na malaman ng mga ito na mali ang mga ginawa ng mga ito kay Malika. Sapat na sa kaniya na may makarinig sa mga hinaing nito... Na pawang katotohanan lamang ang mga sinasabi nito. Ngunit hindi niya inasahan na ganoon katindi ang ibibigay na kaparusahan ng Punong Lakan.

Napahinto si Maia. Marahil, iyon din ang pinaka-dahilan kung bakit hindi niya tuluyang matanggap ang naging kapasyahan nito.

Hindi niya matanggap na may pagmamalasakit ito kay Malika.

Hindi niya kayang maisip na maaaring kahit kaunti ay nag-aalala rin ito para sa batang inampon nito. Sapagkat...

Bakit ngayon lamang? Bakit ngayon na wala na ito?

Kumuyom ang mga palad ni Maia. Ang Lakan at ang Punong Lakan... ang dalawang taong lubos na hinihiling ni Malika ang pagtanggap ay parehong humingi ng paumanhin. Pareho... na kahit ayaw man niyang aminin ay maaaring may pagmamalasakit dito.

Ngunit bakit siya ang nakasaksi at nakarinig sa mga iyon? Bakit ngayon lamang na hindi na iyon makikita at maririnig ni Malika?

Ang galit na kanina ay kaniyang isinantabi at pilit na nilunok ay muling bumabalik. Bakit ngayon lamang narinig ng mga ito ang sigaw ni Malika? Bakit ngayon na wala na ang tunay na tinig nit---

Dalawang beses na napakurap si Maia dahil sa kulay luntian na rosas na biglaang sumulpot sa kaniyang harapan. Hindi niya namalayan na siya ay nakayuko na pala at tinititigan ang kaniyang nakakuyom na mga palad.

Inangat niya ang tingin sa nagmamay-ari ng kamay na may hawak sa rosas at sumalubong sa kaniya ang tila nag-aalalang mga bughaw na bughaw na mata. Mga mata na sa kaniyang palagay ay pamilyar sa kaniya.

"Tila napakalalim ng iyong iniisip. May problema ba, Mahal na Binibini?"

Pakiramdam ni Maia ay binuhusan siya ng napakalamig na tubig nang mapagtanto na ang Kaniyang Hirang, Mahal na Prinsipe, ang nag-iisang tagapagmana sa trono ng Aguem, ang nakatayo sa kaniyang kaliwa.

Walang pag-iisip na kaniyang kinuha ang iniaabot nitong bulaklak at tumayo upang bumati at magbigay galang ngunit napigilan iyon nang magsalita muli ito, ang tinig nito ay sumasalamin sa ekspresyon ng mga mata nito. "Ano ang nangyari sa iyong kamay, Binibini?"

Agad na bumaba ang tingin ni Maia sa kaniyang kaliwang kamay na nakalimutan niyang nakabenda pa rin dahil sa kaniyang sugat.

"Wala ho ito, Kamahalan. Isang... maliit na aksidente lamang po," aniya kahit alam niyang hindi aksidente ang nangyari bagkus sarili niyang kagagawan---isang bagay na labis niyang pinagsisisihan at ikinakahiya. Kung kaya't hangga't maaari rin ay kaniyang hinihiling na wala nang makaalam sa nangyari noong gabing iyon bukod sa tatlong taong nakasaksi sa kaniyang nagawa.

Kampante naman siyang hindi kakalat iyon sapagkat nakatitiyak siya na hinding-hindi iyon ipagsasabi ni Mindy, mas lalo na ang Punong Lakan at ang kanang-kamay nito. Sapagkat batid niya at batid din ng mga ito na hindi makabubuti sa pangalan ng Pamilya Raselis kapag kumalat na nasisiraan na ng bait si Malika.

Inangat niyang muli ang kaniyang tingin sa Mahal na Prinsipe, umaasa na hindi na ito magtanong pa, ngunit halos siya ay mapalunok nang makita muli ang ekspresyon nito.

Ang pag-aalala sa bughaw nitong mga mata ay lumalim at sa ikalawang pagkakataon, ang pakiramdam na siya ay tinitigan na nito nang ganito noon ay bumalik muli sa kaniya.

Subalit imposible iyon. Sapagkat ang tanging alaala ni Malika sa Mahal na Prinsipe ay limang taon na ang nakalilipas.

Nagpahanda ng isang malaking piging ang Mahal na Hari para sa paglisan ng panganay nitong anak matapos nitong magpasya na mag-aral sa ibang kaharian. At kung hindi siya nagkakamali, ang piging na iyon rin ang unang opisyal na salo-salong dinaluhan ni Malika sapagkat nasa wastong edad na ito upang dumalo sa mga ganoong kaganapan.

Ngunit sa alaala nito, hindi nagtagal ang Pamilya Raselis sa piging sapagkat may mahalagang lakad ang Punong Lakan kasama si Akila kinabukasan. Kung kaya bukod sa sandaling pakikipag-usap sa mga Maginoo at pagbibigay galang sa Pamilya ng Hari---na naganap nang wala ang Prinsipe, masasabi ni Maia na hindi pa ito nakakausap at nakakaharap ni Malika nang ganito.

At ngayong kaniyang iniisip, nakita lamang ito ni Malika noong gabing iyon nang humabol ang Mahal na Prinsipe sa kalesa ng Punong Lakan.

Sa ibang kalesa nakasakay si Malika sapagkat napagpasyahan ng Punong Lakan na umalis na rin no'ng gabing iyon patungo sa Kaharian ng Turinia. At kasabay ng pag-andar ng sinasakyan ni Malika, napansin nito ang pagtakbo ng noon ay nagbibinata pa lamang na Prinsipe patungo sa kalesa ng Punong Lakan, malapad ang ngiti nito.

At ang tanging naramdaman ni Malika dito ay inggit at selos. Sapagkat kitang-kita nito kung paano suklian ng kaniyang Ama at kapatid ang ngiti nito at tila ay napakasaya ng mga ito na makausap ang dugong-bughaw na binata. Para kay Malika, ang Prinsipe ang taong pinaka-kasalungat niya. Lagi itong pinapalibutan ng mga tao, hinahangad ang atensyon nito, at walang kahirap-hirap nitong nakukuha ang paggalang, paghanga, at pagmamahal. Samantalang si Malika ay kailangan pang magmakaawa at sa kabila niyon ay magiging para sa wala lamang.

Tama. Ngayong bumalik kay Maia ang mga alaalang iyon ni Malika, bumalik rin sa kaniya ang katotohanang ayaw nito sa Pamilya ng Hari. At hangga't maaari ay iniiwasan nito ang mga dugong-bughaw.

Kaya ngayon, hindi maunawaan ni Maia kung bakit ganito na lamang ang pag-aalala sa mukha ng Prinsipe.

Dahil ba sa ampon si Malika ng Pamilya Raselis na malapit sa pamilya nito?

Maaari...

Ngunit sa kabilang banda, maaari rin na ganito lamang talaga ang Mahal na Prinsipe. Sapagkat ang naririnig lang naman ni Malika tungkol sa Pamilya ng Hari ay kung gaano kabuti ang mga ito na dumagdag sa selos at inggit na nararamdaman na nito.

Ngunit sa totoo lang, para kay Maia, ay mahirap paniwalaan iyon.

Masyado siyang pamilyar sa kung gaano kagaling magpanggap ang mga taong nasa kapangyarihan. Kung tunay na mabuti ang mga ito, hindi ba na matagal na dapat tinanggal ng mga ito ang sistema ng pang-aalipin sa kahariang ito?

Alinman, kailangan niyang mag-ingat. Ayon sa journal, malaki pa rin ang tyansa na maaaring ang prinsipeng ito ang papatay kay Malika---sinasadya man o hindi.

"May... maipaglilingkod po ba ako sa inyo, Mahal na Hirang?" puno ng galang at maingat niyang tanong---una dahil ayaw niyang mapasama ang tingin nito sa kaniya na magpapabilis sa napipinto niyang kamatayan; pangalawa, pakiramdam niya ay hindi na siya makahinga sa pagtitig nito na parang kaya nitong basahin ang kaniyang iniisip.

Isa pa, bakit ba ito nandito ngayon at siya ang kausap?

May kagitlahanan ang ekspresyon ng Prinsipe at hindi niya maiwasang isipin kung may nasabi siyang mali.

Sana lamang ay wala sapagkat kapag nagkataon, hindi na niya talaga magagawang makaalis nang mapayapa sa kahariang ito o kahit man lang makita pa ang bughaw na langit. Masyado itong makapangyarihan na tiyak siyang maaari siya nitong paslangin ngayon din, dito sa kaniyang kinatatayuan at ang buong Aguem ay papalakpakan at ituturing itong bayani.

Bahagya itong umiling. "Nandito ako upang kausapin ang iyong Ama."

Nakahinga siya nang maluwag nang mapagtantong siya ay buhay pa rin at nagpasyang sabihin dito kung nasaan ang Punong Lakan. Ngunit bubuka pa lamang ang kaniyang bibig ay nagsalita muli ang Prinsipe na hindi niya alam na hindi pa pala tapos magsalita---

"At para ikaw ay kumustahin."

---Mabuti na lamang at naunahan siya nito sapagkat hindi nito maaaring maisip na binabastos niya it---Ha?

Ano daw?

???

Kumustahin sino? Ako?

Este si Malika?

...

?!

Eh?

Tinitigan ito ni Maia at hindi niya maiwasang mapakurap. Bakit naman siya nito kukumustahin?

"Aking batid na masama ang iyong pakiramdam noong gabi ng pagdiriwang kung kaya kinailangan mong agad na umalis," pagpapatuloy nito na tila ay nabasa ang kaniyang isip.

Hindi kaya na marunong talaga itong magbasa ng isip ng iba?

Nabigla man at sa kabila ng kaniyang iniisip, mabagal na tumango si Maia. "Opo, Kamahalan," tipid niyang sagot.

Kung nakarating sa Mahal na Prinsipe ang maaga niyang paglisan, malaki ang posibilidad na buong kaharian ang nakakaalam niyon. Ang tanong ngayon ay kung anong klaseng usapan na ang umiikot sa kaharian tungkol sa kaniya. At sa katotohanan, hindi na siya magtataka kung may mga sabi-sabi na na mayroong malubhang sakit si Malika---na tiyak siyang ipinagbubunyi na ng karamihan. Ang sana lamang, walang makaisip na nawawala ang kalahating kaluluwa nito. Sapagkat kung nagkataon, maaari pa siyang makulong upang pag-aralan ang katawan ni Malika.

At walang duda na mas masahol pa iyon kaysa sa kamatayan. Ayaw man niyang mapaaga ang kamatayan ni Malika, mas pipiliin niya iyon kaysa ang maging ispesimen na lamang ito para sa isang eksperimento o pag-aaral.

Bahagya siyang yumuko bago nagsalitang muli, "Maraming salamat po sa inyong pag-aalala, Kamahalan. Maayos na po ang aking pakiramdam."

"Mabuti," malumanay na tugon nito.

Inangat ni Maia muli ang tingin dito, may maliit na ngiti sa mga labi ang prinsipe at lumanay sa titig nito na hindi niya maiwasang mapaisip kung may kakayanan ba talaga itong pumatay ng isang babaeng tulad ni Malika. Sa ekspresyon nito ngayon, nahihirapan siyang isipin ang posibilidad na iyon. Masyadong maamo ang mukha nito para pumatay ng tao. At wala siyang makitang tanda na nagpapanggap lamang ito.

Ngunit kung sakaling nagpapanggap nga ito, masasabi niyang napakahusay nitong umarte.

"Masaya ako na makita ka," dugtong nito na nagpatigil sa kaniyang mga iniisip at halos magpakunot sa kaniyang noo. Ngunit bago pa siya makapag-isip muli ng kung anu-ano ay tila nabigla rin ang Prinsipe at agad na nilinaw ang sinabi nito, "A-Ang... aking ibig-sabihin ay masaya akong malaman na maayos na ang iyong pakiramdam."

Panandalian itong tumingin sa malayo bago muling ibinalik ang atensyon sa kaniya, sa pagkakataong ito, may bahid ng lungkot ang mga mata nito. "Sana ay hindi kita nabigla o naabala sa aking biglaang paglapit---kahit na aking batid na huli na ako upang sabihin iyon."

Mabilis na umiling si Maia. "Wala pong problema, Inyong Hirang. Ako nga po ay nahihiya sapagkat kayo po ay nag-abala pa upang ako ay kumustahin."

"Kamahalan."

Sabay na nilingon ni Maia at ng Mahal na Prinsipe si Akila---na kasunod si Einar na agad yumuko upang bumati sa kaniya at sa Prinsipe---ngunit mabilis din na umiwas siya ng tingin sa mga ito. Malinaw pa rin sa kaniya ang mga sinabi ng Lakan noong isang gabi at sa katunayan, hindi pa rin niya alam kung paano ito pakikisamahan. Isang bagay na kahit si Malika ay hindi rin alam gawin.

"Akila," pagbati ng Prinsipe dito, ang lungkot sa mga mata nito ay agad na nalusaw na napaisip si Maia kung totoo ba na nakita niya ang emosyong iyon o namalik-mata lamang siya, o sadyang umaarte lamang ang Prinsipe sa kaniyang harapan.

"Paumanhin, Kamahalan. Hindi ko batid na ikaw ay bibisita," sambit muli ng Lakan.

"Ah... May kailangan akong talakayin sa iyong Ama," agad na balik ng Prinsipe. Tumikhim ito at tumingin kay Malika bago nagpatuloy, "Ngunit nang aking nakita ang Mahal na Binibini, nagpasya akong bumati at siya ay kumustahin."

Sa sagot ng Kamahalan, tila naguluhan lamang si Maia. Sapagkat kung nagpapanggap ito sa harapan ni Malika, bakit kinailangan pa nito na lumapit?

Kung iisipin, hindi niya ito nakita. Nagulat na lamang siya nang kinausap siya nito. Bakit nag-abala pa itong lumapit at makipag-usap para lamang magpanggap?

Dahil ba na sa paningin ng iba ay 'bahagi' si Malika ng Pamilya Raselis? At bilang matalik na kaibigan ng Hari ang Punong Lakan, at kaibigan din ito ni Akila, napilitan pa itong lumapit sa kaniya?

Hindi. Mahirap iyon paniwalaan.

Kung tutuusin, isa itong Prinsipe. Hindi nito kailangang lumapit kay Malika kahit pa 'anak' ito ng Punong Lakan. Isa pa, mas madali para dito kung hindi na lamang siya nito pinansin...

Ayaw mang aminin ni Maia, may pagdududa na nabubuo sa kaniya. Hindi kaya na isa ang Mahal na Prinsipe sa mga taong may galit kay Malika at para dito ay wala itong karapatan na maging bahagi ng pamilyang may mataas na antas? At maaaring naghihintay lamang ito ng pagkakataon na siya ay magkamali upang maparusahan?

Napaisip muli si Maia. Hindi na rin nakapagtataka iyon dahil sa magandang relasyon na mayroon ito sa Pamilya Raselis. Hindi rin naman niya masisisi ito sapagkat may mga nagawa rin si Malika na kaduda-duda. Maaaring nais lamang nito ang kabutihan ng Punong Lakan at mga anak nito---na siyempre ay hindi kasali si Malika.

Alinman, wala namang ipinagbago ang mga nangyayari ngayon para sa kaniya. Kailangan pa rin niyang mag-ingat dito.

"Kung gayon, hayaan niyong samahan ko kayo sa aking Ama, Inyong Hirang," simula muli ni Akila na tila naging mas seryoso nang bumaba ang tingin nito sa kamay ni Malika. Marahil napansin rin nito ang kaniyang benda.

Pagtango ang naging tugon ng Kamahalan dito bago muling bumaling sa kaniya. "Mahal na Binibini..." Itinaas nito ang kanang kamay nito sa kaliwang dibdib nito at bahagyang yumuko.

Agad namang nagbigay-galang pabalik dito si Maia at aaminin niyang nakaramdam siya ng pagkataranta at kaba. Na hindi naman nakapagtataka para sa kaniya sapagkat kitang-kita niya ang kampilan na nakadikit sa bewang nito.

Hindi siya handa sakaling bigla siyang pugutan ng ulo nito kapag siya ay nagkamali sa pagbibigay-galang dito.

"Magandang araw po, Mahal na Prinsipe," paalam niya dito sa pinaka-mahinhin at pinaka-magalang na tinig ni Malika.

At sa kaniyang muling pagtayo ng tuwid ay halos tumigil ang kaniyang paghinga nang sumalubong sa kaniya ang tila kumikinang na bughaw na mga mata na nagpaalala sa kaniya ng karagatan.

Ngunit doon, kaniyang naalala rin na nakasalubong niya ang Mahal na Prinsipe sa labas ng silid-aklatan ng Palasyo ng Hari. Kasabay niyon ay ang pag-alingawngaw ng mga salitang kaniyang mariing binitiwan sa harap nito...

Nais mong makatulong? Umalis ka sa aking harapan!


Load failed, please RETRY

Weekly Power Status

Rank -- Power Ranking
Stone -- Power stone

Batch unlock chapters

Table of Contents

Display Options

Background

Font

Size

Chapter comments

Write a review Reading Status: C30
Fail to post. Please try again
  • Writing Quality
  • Stability of Updates
  • Story Development
  • Character Design
  • World Background

The total score 0.0

Review posted successfully! Read more reviews
Vote with Power Stone
Rank NO.-- Power Ranking
Stone -- Power Stone
Report inappropriate content
error Tip

Report abuse

Paragraph comments

Login