Nakalapag sa lamesa ang isang picture. Nagkataon ito kaya hindi ko nakikita ang mismong hitsura ng larawan. Alam ko kung sino ang nasa larawan kahit na hindi ko pa ito tinitingnan pero natatakot akong itihaya ang larawan dahil alam ko ang maaaring idulot nito sa akin.
Nakatitig lang ako sa nagkataob na picture at hindi gumagalaw sa pagkakaupo. Sunod-sunod na hinga ang pinapakawalan ko habang tinatapos ng isa kong daliri ang lamesa na lumilikha ng nakakairitang tunogginagawa ko ito para maialis ang atensiyon ko sa larawan na ayaw kong silipin. Nakatitig sa akin sina Tiyo Samuel at Cassandra, hinahantay na silipin ko ang picture.
Nagulat ako nang biglang itihaya ni Tiyo Samuel ang picture dahilan para makita ko ang taong labis na bumabagabag sa isip ko. Muling bumalik sa alaala ko lahat ng mga bagay na nangyari noon. Hindi ko na matatakasan ang bagay na ito ngayon. Kailangan ko itong harapin. Kailangan kong labanan ang anumang bagay na magaganap sa akin.
Wala pang sampung segundo na nakatitig ako sa picture ay bigla na akong nakaramdam ng pagkahilo. Napaatras ako ng bahagya mula sa kinatatayuan ko, mabuti na lang at naitukod ko kaagad ang isa kong kamay sa pader na malapit sa akin kaya hindi ako tuluyang bumagsak. Nag-umpisa na ring malabo ang paningin ko kasunod noon ang pagsakit ng sikmura ko na tila ba gustong lumabas lahat ng kinain ko. Halos mamilipit ako sa magkakasabay na pagsakit ng ulo, dibdib at sikmura ko. Halos mawalan ako ng malay dahil sa matitinding sakit na nararamdaman ko sa iba't ibang bahagi ng katawan ko. Ni hindi ko alam kung sa anong parte ako unang iinda ng sakit.
Agad na pumwesto sa magkabilang gilid ko sina Tiyo Samuel at Cassandra para alalayan ako at pigilan akong bumagsak. Mahigpit nilang hinawakan ang magkabila kong braso saka nila ako dahan-dahang inalalayan papaupo sa mahabang upuan di kalayuan sa pinanggalingan naming pwesto.
"Ayos ka lang, Jio?" Tanong sa akin ni Cassandra dahilan para napalingon ako sa kaniya. Halos hindi ko na maaninag ang mukha niya sa sobrang labo na ng paningin ko. Ni hindi ko na nga makilala ang hitsura niya dahil halos itim na ang nakikita ko.
"Diyan lang kayo. Kukuha lang ako ng tubig." Sabi ni Tiyo Samuel kaagad na umalis para kumuha ng tubig sa kusina.
"Jio, anong nangyayari sa'yo?" Tanong ni Cassandra. Hindi ko na muli pang nilingon ang mukha niya dahil hindi ko rin naman makikita ang reaksyon niya.
"Medyo nahihilo lang." Sagot ko.
"Bakit? Tumingin ka lang naman sa picture ni Bryan ha." Saad ni Cassandra na naging dahilan para mablangko ang pandinig ko. Hindi ko alam kung bakit pero noong oras na banggitin niya ang pangalang iyon ay naging parang sirang T.V. ang pandinig ko. Parang kuliglig na hindi tumitigil sa pagpapakawala ng nakakairitang tunog, isang mahaba at matinis na tunog na lang ang naririnig ko at wala nang iba.
"H-hindi ko alam!" Naitulak ko ng malakas si Cassandra dahilan para bumagsak siya sa lupa.
Nagsimulang uminit ang mukha ko. Naririndi na ako sa tunog na halos bumasag sa eardrums ko kaya makailang beses kong tinapik ng malakas ang tainga ko para subukang pawalain ang tunog pero hindi ito nawala. Dahan-dahang bumabalik sa normal ang paningin ko kaya inikot ko ang paningin ko sa paligid. Doon ay nakita ko ang isang babae na nakasalampak sa lupa habang nakayuko ang ulo. Sinubukan ko itong lapitan ngunit napaatras ako nang iangat niya ang ulo niya. Bumungad sa akin ang sarili kong mukha sa katawan ng isang babae.
Nag-umpisa akong sumigaw. Halos mabaliw ako sa nakikita ko. Mukha ko sa katawan ng isang babae. Nakangiti ng maluwag na halos umabot na sa tainga. Mga mata na nakakatakot na tila gustong pumatay ng tao. Mas maputla na hitsura kaysa sa akin.
"Jiojan!" Nawala ang matinis at nakakarindi ng tunog ng magsalita ang babaeng suot ang mukha ko sa harapan ko. Malalim ngunit malinaw ang boses na pinakawalan niya. Sa sobrang lalim ng boses ay mararamdaman ng sinumang makakarinig nito ang pagdagundong maging ng sarili nilang dibdib.
"Lumayo ka. Lumayo ka! Lumayo ka!" Paulit-ulit kong sigaw habang paatras na naglalakad papalayo sa taong nasa harapan ko.
"Jiojan, bakit ka sumisigaw?" Biglang lumabas mula sa kusina ng bahay ang isa pang ako ngunit sa katawan ng isang matandang lalaki.nakasuot ito ng sando at shorts at kita na ang kulubot sa katawan nito.
"Lumayo kayo!" Isa pang sigaw ko bago ako natumba patalikod dahil sa pag-atras ko.
Pinikit kong kaagad na tumayo para mabilis na makaalis sa lugar na ito. Nang makatayo ako ay mabilis akong kumaripas papalayo sa dalawang taong nakatayo sa loob ng bahay na suot ang mukha ko. Hindi ko na alam ang gagawin. Hindi ko na alam ang mararamdaman. Labis na takot ang bumalot sa akin nang sandaling makita ko ang mukha ng dalawang taong iyon.
"Paano nila ako nasundan? Bakit sila nandito?" Paulit-ulit na tanong ko sa sarili ko habang tumatakbo ako papunta sa dalampasigan papunta sa mabatong bahagi nito.
Muli kong isiniksik ang sarili ko sa pagitan ng mga malalaking bato. Nakaupo ako habang nakatiklop ang mga tuhod ko na yakap-yakap ko. Idinukdok ko ang mukha ko sa mga tuhod ko at pilit kong ipinipikit ang mga mata ko. Habang nakikinig sa tunog ng mga alon ay sinusubukan kong sabayan ng malalim na paghinga ang bawat pagtama ng alon sa dalampasigan para pakalmahin ko ang sarili ko.
Nasa mahigit sampung minuto rin bago ko tuluyang masabayan ng tama ang bawat hampas ng alon. Nasa mahigit kalahating oras din bago ko tuluyang mapakalma ang sarili ko. Nasa mahigit tatlong oras din akong nakaupo sa pagitan ng malalaking bato sa ganoong pwesto bago ko iniangat ang ulo ko.
"Sabi ko na nandito ka lang." Pag-angat ko ng ulo ko ay mukha agad ni Cassandra ang bumungad sa akin. Hindi gaya noong una ay mas kalmado ang hitsura niya ngayon. Lumabas ka na diyan. Bakit ka ba tumakbo?" Tanong nito saka iniabot sa akin ang kamay niya. Hindi ko agad kinuha ito.
"Pasensiya ka na." Mahina kong sabi.
"Dali na. Lumabas ka na diyan." Malakas niyang sabi bago niya hinablot ang braso ko saka niya ako hinatak palabas sa pagitan ng malalaking bato. "Aalis na ako. Hindi mo na ako kailangang ihatid. Bukas sila Leila na ang susundo sa'yo." Mabilis nitong paliwanag.
"Tungkol pala kanina..." Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko dahil agad niya akong pinigilan.
"Huwag mo nang isipin iyon. Ayos lang. At least alam ko kung gaano ka rin nahirapan noong nawala si Bryan." Naging malungkot ang ekspresyon sa mukha niya. "Huwag kang mag-alala,Jio, mawawala rin yan. O sige na. Aalis na ako." Dugtong pa nito bago siya naunang maglakad sa akin.
Hindi na ako sumunod pa sa kaniya at hinayaan ko na siyang umalis. Hindi ko maintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin sa mga huling katagang binanggit niya. 'Lahat ng bagay ay may konteksto' yun ang alam ko kaya hindi ako mapakali nang marinig ko ang mga sinabi niyang iyon.
Hindi nawala sa isip ko ang mga katagang sinabi niya noong bago siya umalis. Tumatak ito sa utak ko hanggang matapos ang araw na ito. 'At least alam ko kung gaano ka nahirapan noong nawala si Bryan', 'Huwag kang mag-alala, Jio, mawawala rin yan'.
- - - - -
Muli akong napadpad sa madilim na lugar kung saan walang sinumang tao ang laman maliban sa akin. Walang anumang naroon. Walang gusali, walang tao, walang liwanag, walang ingay pawang kadiliman lang ang laman ng lugar na ito.
Tuwid akong nakatayo sa lugar na ito at hinahantay ang mga susunod na mangyayari. Hindi ko iginagalawo hindi ko magalawang alinman sa mga braso at binti ko dahil natatakot ako sa kung anong mangyayari kung sakaling may gawin akong hindi angkop sa lugar na ito. Maaaring isang maling galaw ko lang ay may mangyari nang masama sa akin.
Nakaramdam ako ng kakaibang lamig na dumadaan mula sa likuran ko hanggang sa harapan. Isang kakaibang lamig na nagiging dahilan para tumayo ang mga balahibo ko sa buo kong katawan. Nakakarinig rin ako ng mababagal at malalalim na paghinga sa magkabila kong tainga. Nakakakilabot ang sitwasyon ko ngayon idagdag pa na hindi ko kayang igalaw ang katawan ko dahil sa pangamba na baka may masamang mangyari sa akin kung gagalaw ako kahit na kaunti lang.
"Jiojan. Nandito ka na naman." Isang pamilyar na boses. Halos sanay na ako sa boses na ito pero hindi ko maiwasang matakot sa tuwing naririnig ko ang boses na ito. Parang gusto ko agad na tumakbo papunta sa kung saan sa tuwing maririnig ko pa lang ang boses niya.
Agad akong napalingon sa pinanggalingan ng boses. Bumungad sa akin ang sarili kong hitsura. Alam kong ibang tao ang nasa harap ko at hindi ako kaya nga hindi ko maalis ang kilabutan at matakot. Nasa dalawang pulgada lang ang layo ng mukha namin sa isa't isa. Halos magkadikit na ang dulo ng mga ilong namin.
Nakangiti siya ng malawak dahilan para lumitaw ang mga ngipin niya na higit na mas matalas kaysa sa ngipin ng isang normal na tao. Mga mata niyang walang buhay na nanlilisik pa at punong-puno ng pagnanasa na pumatay. Balat niyang maputla na tila ba nababasa ng matagal sa tubig. At amoy na tila nabubulok na hayop na kung maaamoy ay babaliktad ang sikmura ng sinumang makalalanghap ng amoy niya
"Ang akala ko ay tuluyan ka nang nakahanap ng paraan para iwasan ang mundong ito. Pero salamat na rin at nakita mo ang daan pabalik." Malalim ang boses niya na nagbibigay ng kilabot sa akin. Hindi pa rin nagbabago ang layo namin sa isa't isa.
"H-hindi ko g-ginustong bumalik dito." Utak na sagot ko sa kaniya.
"Patunay lang yan na parte ako ng pagkatao mo." Inilapat niya ang kaniyang palad sa pisngi ko. "Hindi mo gustong bumalik pero heto ka at kausap ako. Isang patunay na ako at ikaw ay iisa." Hindi ko maintindihan ang gusto niyang ipahiwatig. Ayaw kong intindihin.
"T-tigilan mo na ako. Pa-pakiusap." Pagmamakaawa ko sa kaniya.
"Hindi maari, Jiojan." Biglang niyang binuka ang bibig niya na bumuka ng napakalaki.
Napatulala ako nang makita ko kung gaano kalaki ang buka ng bibig niya na sa sobrang laki ay kaya nang magkasya ang isang buong sanggol. Habang nakatulala ako ay laking gulat ko nang bigla niyang sinunggaban ang mukha ko.
- - - - -
"Jiojan!" Nagising ako sa sigaw ni Leila na sinamahan pa ng malakas na pagtugtog niya sa katawan ko. Agad akong napabangon sa higaan at naupo ng maayos.
"Leila, ikaw pala." Sabi ko habang kinukuskos ko ang mga mata ko.
"Nandito rin si Arthur. Pati na rin ang Mama at Papa mo." Sabi niya kaya napalingon ako sa paligid.
"Wala naman ah." Naramdaman ko na lang ang pagtama ng palad niya sa likuran ng ulo ko.
"Nasa labas sila. Kararating lang namin kanina. Mga isang oras pa lang siguro." Paliwanag nito saka niya hinawakan ang braso ko at pinuwersa akong bumangon sa higaan.
Napatayo ako sa higaan kahit na wala pa akong balak na bumangon. Mabilis akong hinila ni Leila palabas ng kwarto. Paglabas namin ay bumungad sa amin sina Mama at Papa pati na rin sina Tiyo Samuel at Arthur na nakatingin sa amin na May malungkot na ekspresyon sa mga mukha nila. Hindi ko alam kung ano ang nangyari at suot nila ang mga mukhang iyon nang sandaling makita nila ako.
Naging tahimik ang paligid at walang nagsalita ni isa man sa amin. Halos lahat sila ay nakatingin lang sa akin na may malungkot na ekspresyon sa mga mukha nila na tila ba may isang nakalulungkot na bagay na nangyari sa akin.
"Oh magbihis ka na, Jiojan, mamayang tanghali rin ay aalis na kayo. Maghahanda lang ako ng makakain para makapananghalian kayo bago kayo umalis." Binasag ni Tiyo Samuel ang katahimikan noong sandaling magsalita siya. Napatingin na lang kami sa kaniya dala ng kaunting gulat sa biglaan niyang pagsasalita.
"O sige ho." Sagot ko bago ako agad na tumungo pabalik ng kwarto para kunin ang ilan kong mga gamit saka dumiretso sa banyo.
Bago ko sila iwan sa sala ay nakita ko pa ang salitang nilang pagtingin sa bawat isa na tila ba may pinag-uusapan silang hindi ko dapat malaman. Isang bagay na napakaimportante na itinatago nila sa akin. Isang bagay na gusto kong malaman dala ng kuryosidad.
Nilingon ko pa sila ng isang beses bago ako tuluyang nagtungo sa banyo. Iniisip kung ano ba ang pinag-uusapan nila. Iniisip kung ano ba ang nasa isip nila. Iniisip kung ano ba ang tinatago nilang bagay sa akin. Iniisip kung bakit pakiramdam ko ay may bagay na dapat kong malaman.
Mabilis na gumapang ang oras at namalayan nalang naming lahat na tanghali na pala. Sama-sama kaming nananghalian bago namin inayos ang mga gamit ko. Tinulungan ako ni Arthur na ayusin ang mga gamit na dala ko habang sina Mama at Papa naman pati na si Leila ay hinahantay kaming matapos at nakaabang na sa Van na sasakyan namin pauwi.
Hindi naman nagtagal at natapos kami sa pag-aayos ng mga gamit ko. Bago kami lumabas ay tinignan ko muna si Arthur ng matagal para ipahiwatig sa kaniya na may gusto akong malaman. May ilang segundo rin bago niya napansin na nakatingin ako sa kaniya.
"Bakit?" Tanong niya sa akin.
"May dapat ba akong malaman?" Balik ko ng tanong.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Pakiramdam ko may tinatago kayo sa akin. Paglabas namin ni Leila kanina bigla kayong tumahimik lahat." Paliwanag ko sa kaniya.
Binigyan niya lang ako ng isang blangkong tingin. Hindi rin nagbago ang ekspresyon ng mukha niya. "Wala naman." Hindi ko alam kung dapat ko bang paniwalaan ang sinabi niyang ito. Masama pa rin ang kutob ko sa katahimikang pinakita nila kanina paglabas namin ni Leila ng kwarto.
"Sigurado ka ba diyan?" Pagpipilit kong tanong.
"Wala talaga." Sagot niya kasabay ng pag-iling.
Hindi ko malaman kung talaga bang dapat akong makampante o mas lalo akong dapat na mag-alala. Hindi ko na alam kung anong paniniwalaan ko. Gayong inabot sila ng ilang linggo bago nila ako sadyain dito sa lugar na ito. Hindi ko alam kung may pagbabago ba sa uuwian ko kaya ako nag-alala.
Paglabas namin ay nakita naming nakatayo sa labas ng van si Leila habang ang mga magulang ko naman ay nakaupo na sa loob. Hindi ko magawang kausapin o kamustahin man lang ang mga magulang ko dahil nahihiya pa rin ako sa ginawa kong pagtakas papunta sa lugar na ito.
Nang marating namin ni Arthur ang van ay agad akong lumingon sa direksyon ng bahay Nina Tiyo Samuel at nakita ko siyang nakatayo sa labas ng pintuan habang nakatingin sa amin. Ngumiti ako sa kaniya at tinungo ko ang ulo ko para magpaalam. Hindi ko alam kung paano ako magpapaalam sa kaniya ng maayos lalo na sa sitwasyon ko ngayon. Bumawi lang siya ng ngiti at tumungo rin.
Pumasok agad ako sa van at umupo sa tabi ng bintana sa bandang kanan na upuan. Sa tabi ko nakaupo si Leila kasunod niya si Arthur habang sa harapan naman nakaupo ang mga magulang ko. Naging tahimik ang loob ng sasakyan nang sandaling makapasok na kaming lahat sa loob. Naging 'awkward' ang sitwasyon noong makumpleto kami sa loobsigurado akong hindi ganito katahimik ang loob nitong sasakyan noong papunta pa lamang sila sa lugar na ito.
Nag-umpisa nang umandar ang sasakyan. Wala pa ring nagsasalita. Masyadong tahimik sa loob ng sasakyan. Muli ang ko na lang ang sarili ko sa pamamagitan ng pagtingin sa labas ng sasakyan habang naandar ito. Isinandal ko ang ulo ko sa salamin ng bintana habang nakatingin sa labas. Hindi maalis sa isip ko na parang may maling mangyayari. Pakiramdam ko ay hindi ko magugustuhan ang dadatnan ko pagbalik ko sa dati kong tahanan.
Nakaramdam ako ng antok habang nasa byahe kaya isiniksik ko ang sarili ko ng mabuti sa pinakagilid ng inuupuan ko bago ko ipinikit ang mga mata ko. Ilang saglit lang at nakatulog agad ako.
- - - - -
Nakaupo ako sa isang upuan sa gitna ng isang park habang hawak-hawak ko ang isang gitara. Walang tao sa park na ito bukod sa akin. Sa harap ko ay may isang fountain na punong-puno ng mga kalapating umiinom sa tubig dito. Hindi gaanong mainit ang sikat ng araw tama lang para mamatay ang lamig na dala ng may kalakasang simoy ng hangin.
May umupo sa tabi kong isang lalaki, gaya ko ay may hawak din siyang gitara. Hindi ko makita ang mukha niya dahil sa sikat ng araw na dumadapo sa mata ko sa tuwing susubukan kong tumingin sa kaniya.
"Ang ganda rito, 'di ba?" Tanong ng lalaki sa akin.
"Oo nga." Sagot ko.
"Kamusta ka, kaibigan?" Nagulat ako sa tanong niya. Kaya muli akong napalingon sa direksyon niya ngunit muli akong masilaw sa sinag ng araw na tumatama sa mata ko.
"Kilala ba kita?" Tanong ko sa kaniya.
"Siguro." Sagot niya. "Ano bang pinaniniwalaan mo? Kung naniniwala kang kilala mo ako, baka nga kilala mo ako. Kung naniniwala kang hindi mo ako kilala, baka nga hindi mo ako kilala." Pamilyar ang mga sinabi niya sa akin ngunit hindi ko matandaan kung saan ko ito narinig.
"Sa tingin ko hindi kita kilala." Sagot ko.
"Siguro nga hindi mo ako kilala." Sambit niya.
Tumayo siya bitbit ang gitara niya saka siya pumwesto sa harapan ko at humarap sa akin. Dahan-dahan kong iniangat ang nakayuko kong ulo para silipin ang mukha niya. Nanlaki ang mata ko nang makita ko ang mukha niya. Bigla akong kinapos sa hangin at nahirapang huminga.
"B-bryan!?" Utal kong sabi.
Ngumiti ito ng malawak bago dahan-dahang dumilim ang paligid. Nawala ang mga bagay sa paligid at nabalot nalang ng kadiliman ang buong lugar. Ang mukha niyang malumanay ay biglang naging nakakatakot. Naging maputla ang mukha niya, nanlisik bigla ang mga mata niya naglabasan din ang mga ugat sa noo at leeg niya. Saka niya ako mabilis na sinunggaban.
- - - - -
Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ko nang sandaling bumalik ako sa pagkagising. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Gusto kong tumakbo palabas sa sasakyan pero bago pa man ako makagawa ng di inaasahang bagay ay mariin akong itinulak nila Leila at Arthur sa kinauupuan ko. Idinikit ng todo ang balikat ko sa upuan at hinawakan ng mahigpit ang mga kamay ko.
"Lumayo ka... Layuan mo ko... Pakiusap... Tigilan mo na ako..." Paulit-ulit kong binubulong habang paiba-iba ng direksiyon ang tinitingnan ng mga mata ko. Nag-umpisa na rin akong pagpawisan ng malamig.