"Teka, puwede ko bang malaman yung pangalan mo?", tanong ko sa kanya habang magkasabay kaming kumakain. Hindi ko siya nilingon ni sinulyapan habang tinatanong ko sa kanya kung anong pangalan niya. Out of curiosity lang naman yung tanong ko saka masyado akong abala sa pagkain ng mga niluto niya para tingnan pa siya o lingunin pa.
"Ahhh, Cassandra. Ako si Cassandra", sagot niya sabay lapag ng ID niya sa lamesa bilang patunay na hindi siya nagsisinungaling. Hindi ko alam kung necessary bang magpakita ng ID kapag ipapakilala mo yung sarili mo. Sa ibang bansa siguro ginagawa iyon pero nasa Pilipinas naman kami kaya hindi ko makita yung point.
"Ano 'to? Akin na lang? Itatago ko na ba 'to?", pabiro kong tanong habang akmang ibubulsa na ang ID niya. Agad niya namang hinawakan ang kamay ko ng mahigpit para pigilan akong ibulsa ang ID niya. Masyadong mahigpit yung pagkakahawak niya sa braso ko parang babalian yata ako ng braso ng babaeng ito sa higpit ng pagkakahawak niya sa braso ko.
"Alam mo bang manyakis lang yung nagtatago ng picture ng babae? Manyakis ka ba? Sapakin kita diyan", paninindak niya sa akin. Agad niyang hinablot ang ID niya at muling itinago sa bag niya habang nakatingin ng masama sa akin. Natawa lang ako sa reaksiyon niya habang nakatakip ang kamay ko sa bibig ko upang hindi ko maibuga ang pagkain na kakasubo ko lang.
"Ang seryoso mo naman masyado. Nagbibiro lang naman ako. Serious much", alam kong hindi usual para sa taong ngayon lang nagkakilala ang maging ganito ka-casual mag-usap pero ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko para mawala ang ilang naming dalawa sa isa't isa at mukhang tagumpay naman kahit papaano dahil nagawa niyang ipakita ang inis niya sa akin.
"Tch. Hindi naman nakakatuwa!", tumaas ang boses niya kaya napangisi ako bago ko itinuloy ang pagkain ko. Bago ko muling iyuko ang ulo ko ay napansin kong nguniti siya ng bahagya bago niya muling itinuon ang atensiyon niya sa pagkain.
"Jio?!! Nandiyan ka ba?!!", may biglang tumawag sa pangalan ko mula sa labas na ikinagulat ko kaya naibaba ko ng mabilis ang pagkain ko sa lamesa. Pamilyar ang boses at pumasok agad sa isip ko kung sino ang taong natawag sa pangalan ko. Yung malaking boses ng babae na iyon, hindi ako maaring magkamali, si Leila iyon.
"Si Leila. Ang aga niya yatang pumunta", nabigkas ko yata ng malakas ang mga katagang iyon dahil nakita kong tumingin sa akin si Cassandra at tila nagtataka sa kung sinong tao ang nasa labas. Sana naman hindi niya mapagkamaliang girlfriend ko si Leila kundi magiging malaking misunderstanding ang lahat ng ito. Teka, bakit nga ba ako nagpa-panic? Hindi naman ako nangtu-two time ng babae. Wala naman akong relasyon sa isa man sa kanila.
"Girlfriend mo? Pagbuksan mo na. Tutulungan kitang magpaliwanag. Wala naman tayong ginagawang masama kaya bakit ka nagpa-panic diyan. Gulat na gulat ka pa nung tinawag ka niya", naku po. Nangyari ang masamang iniisip ko. Akala niya girlfriend ko si Leila. Kitang kita sa mukha niya ang pagkadismaya sa pag-aakalang two timer ako.
"Wait lang ha. Pagbubuksan ko lang", saad ko bago ko tinungo ang pinto at pinagbuksan si Leila. Pagkabukas ko ay nakita ko agad si Leila na nakasuot ng off-shoulder na blouse at naka-skinny jeans sabay high heels na sandals. Nakangiti na agad siya sa akin pagkabukas ko pa lang ng pinto.
"Yo Jio. Kakagising mo lang? Pwede akong pumasok? Dali, may balita ako sa'yo", agad na sambit nito pagkatapos ay bigla akong hinatak papasok ng unit ko. Muntik pa akong madapa dahil natalisod ako sa shoe rack sa gilid ng daan. Napatigil ako ng tumigil sa paglalakad si Leila at naharangan niya ang daraanan ko. "May bisita ka pala Jio hindi mo sinabi", mahinang sabi nito sabay lingon sa direksiyon ko na may tingin na tila nagtatanong kung sino ang babae sa loob ng unit ko.
"Ahh hello. Pasensiya na naabutan mo pa ako. H'wag kang mag-alala magkaibigan lang kami ng boyfriend mo. Diyan ako nakatira sa kabila tapos nakikain lang ako ng almusal", nanlaki ang mata ko nang marinig ko yung salitang 'boyfriend' sa sinabi ni Cassandra. Alam kong sinadya niyang banggitin ang salitang iyon para asarin ako. Paraan niya iyon para makabawi sa pang-aasar ko sa kaniya kanina.
"Ah e-eh hello din. H-hindi ko boyfriend si Jiojan, magkaibigan lang din kami", mahinang sabi ni Leila sabay turo sa akin ng hindi man lang ako nililingon. Dama sa boses niya ang pagkailang dahil sa sinabi ni Cassandra. Nakita ko ring kinuyom niya ang kamay niya para pigilan ang hiya sa nangyari.
"Ah ganon ba?", nakita ko ang pagngisi ni Cassandra pagkasabi niya ng mga katagang ito na tila ba may naiisip siyang paraan para mas lalo akong asarin. "Kung gano'n pwede ko bang gawing boyfriend yang 'kaibigan' mo?", muntik na akong matumba dahil sa gulat nang sabihin ni Cassandra ang mga salitang iyon. Sinuguro pa niyang i-emphasize ang salitang 'kaibigan' para mas lalo akong asarin at tila pinapatindi niya rin ang hiya ni Leila.
"Ah eh no problem. Oo naman", pinilit ni Leila na maging masiyahin ang tunog ng pananalita niya. Lumingon na rin siya sa akin sa pagkakataong iyon sabay ngiti sa akin. Tila nagkasundo ang dalawa sa pang-aasar sa akin. Nanliit ako sa hiya at napakamot na lang sa ulo sa mga sandaling iyon. Kailangan kong ibahin ang topic para mailihis ang atensiyon ng dalawa sa akin.
"Aha! Kumain ka na Lei? Sabayan mo na kami. H'wag mo lang pansinin yang si Cassandra nagbibiro lang yan", paglilihis ko sa usapan sabay amba kay Cassandra na tila kukutusan ko siya ng malala. Agad kong pinaupo si Leila sa bakanteng upuan at binigyan ng plato at kubyertos para makakain siya. "H'wag kang mahiya. Wala tayo noon", pabiro kong sabi sabay bumalik ako sa pwesto ko at itinuloy ang pagkain.
Naging tahimik ang hapag-kainan pagkatapos no'n. Walang nagsasalita o mas akmang sabihin na walang gustong magsalita habang nakain hindi katulad kanina. Napuno ng katahimikan ang buong lugar habang nakain kaming tatlo. Nagpapalitan na lang kami ng tingin kasabay ng pagtitiis namin sa kakaibang atmospera sa paligid.
Nakatapos kami ng pagkain kaya iniligpit ko na ang mga kinainan bago ako bumalik sa lamesa at naupo kasama ng dalawang babaeng ito. Nagpalitan muli kami ng mga tingin habang naghihintay kung sino sa amin ang unang magkahuhugot ng lakas ng loob upang magsalita. Medyo matagal ring naging ganoon ang sitwasyon, walang tigil na pagpapalipat-lipat ng tingin sa isa't isa habang hindi mapakali sa sari-sariling puwesto.
"Uhkailangan ko na yatang umalis", sa wakas at may nagsalita rin sa aming tatlo bago magmukhang lamayan ang unit ko. Napalakas pa ang pagkakabigkas ni Cassandra sa mga salitang iyon kaya nakita kong medyo napaangat ang balikat ni Leila. Napatawa ako pero napigilan ko at tanging ngiti lang ang lumabas.
"Ahhhhh... Sige ihatid na kita sa labas", mabilis kong sabi na sinundan ng mabilis na pagtayo.
"Ah h'wag na kaya ko na. Diyan lang naman ako sa kabila e"
"Hindi, hindi, ihahatid kita palabas", sinundan ng sarcastic kong ngiti ang pag-aalok kong iyon.
"Sige mapilit ka e", sumagot lang siya at ngumiti rin ng sarcastic pabalik sa akin. Tumayo siya pagkatapos ay sininop ang mga gamit niyang dala sabay baling ng tingin kay Leila. "Nice to meet you ulit, salamat sa pagtanggap", sabi nito kay Leila na hindi naman maintindihan kung ano ang talagang kahulugan ng sinasabi niya.
"Ah... Eh... Sige, see you again", nahihiyang pahayag ni Leila na napatingin na lang sa malayo para umiwas sa tingin ni Cassandra.
"Tara na? Hatid na kita?", Patanong kong yaya kay Cassandra sabay turo sa daan palabas.
"Heto na, heto na. Medyo atat ha", nakakainis ang pagkakasabi niya noon pero hindi ko na lang pinansin at nginitian ko na lang siya.
Pinauna ko siyang maglakad papuntang pintuan saka ko siya sinundan. Hindi na muna ako lumingon kay Leila dahil hindi naman siya aalis agad. Pagkarating sa pintuan ay muli akong nilingon ni Cassandra at nawala ang ngiti sa mga labi niya. Medyo magkasalubong na rin ang mga kilay niya at halata sa hilatsa ng mukha niya ang pagkainis sa mga nangyari kanina.
"Alam mo akala ko pa naman okay ka e. Dumating lang girlfriend mo nakalimutan mo nang iniligtas kita", inis na sabi nito sabay irap. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman sa reaksiyon niyang iyon. Ni hindi ko nga alam kung bakit ganoon siya umarte eh. Napatawa na lang ako ng mahina.
"Sorry naman. Nagpapasalamat naman ako kasi niligtas mo 'ko eh. Pero bakkt ka ba nagagalig diyan", pang-asar kong tanong. Bad habit ko talaga na gawing biro yung seryosong bagay para mawala yung pagiging uneasy ng pakiramdam ko.
"Sinong galit?"
"Ikaw", mabilis kong sagot sa mabilis niyang tanong.
"Hindi ako galit ha"
"Inis lang? Asar?"
"Wala, wala. Bumalik ka na sa loob. Naghihintay iyon. Salamat sa pagkain", pinilit niyang bumalik ako sa loob. Halos itulak na niya ako papasok para lang pabalikin sa loob ng unit ko. Medyo malakas ang babaeng ito kaya pumasok na lang ako ng kusa sabay dila sa kanya bago ko isinara ang pinto. Narinig ko pang magsabi siya ng 'baliw' bago ko narinkg ang mga yapak niyabg papalayo sa pinto ko.
Pagkabalik ko sa loob ay tahimik lang na nakaupo si Leila habang nakayuko at nakatitig sa sahig. Naupo ako sa upuan sa harapan niya at tinitigan ko siya, inuusisa kung ano ang tinitingnan niya sa sahig. Wala namang kakaiba sa sahig kaya isinandal ko na lang ang likod ko sa upuan bago ako pakunwaring umubo para mapansin niya ako. Nagulat siya ng bahagya kaya halata ko na nag-space out lang siya.
"Nandiyan ka na pala", mahina niyang sabi.
"Kanina pa nga. Ano bang meron sa sahig at nakatitig ka diyan?", mabilis kong tanong habang nakatitig sa mukha niyang hindi ko alam kung bakit namumula. "Lasing ka ba? O makapal lang make up mo? Pulang-pula ka ha", pang-aasar ko sa kanya na mukhang mali dahil binato niya ako ng wallet niya.
"Baliw ka talaga, Jio. Lahat na lang ginagawang biro", inis na usal nito sabay hinablot ulit ang wallet niya na hawak ko. Mabuti at sa dibdib ko lang tumama. Kasi kung sa ulo malamang may bukol na ako sa lakas ng pagkakahagis niya.
"So, bakit ka nga napadalaw?", pag-iiba ko ng topic para na rin malaman ko kung bakit bigla-bigla siyang napadaan sa unit ko ng walang pasabi.
"Kung makapagsalita ka parang hindi ako nag-text kagabi ha", saka ko lang naalala yung text niya noong hating-gabi bago ako mawalan ng malay at bumagsak sa labas ng unit ko. Napakamot na lang ako sa ulo dahil nakalimutan ko agad iyon.
"Oo nga pala. Pasensiya na nawalan ako ng malay kagabi diyan sa labas e", paliwanag ko sa kaniya para maging malinaw na hindi ko intensiyong kalimutan iyon. "Nakalimutan ko agad kasi nawalan agad ako ng malay pagkabasa ko ng message", sinundan ng mahinang tawa ang pagpapaliwanag ko. Makikita naman sa mukha ni Leila ang pag-aalala.
"Anong nangyari, Jio? Ayos ka lang ba? May sakit ka ba?", sunod-sunod na tanong niya habang papalapit ang mukha niya sa akin. Mabuti na lang at may lamesa sa pagitan naming dalawa.
"Wala. Hindi naman seryoso. Nawalan lang ako ng malay tapos nakita ako no Cassandra sa labas kaya nandito iton kanina", paliwanag ko pa kaya muli siyang umayos sa pag-upo.
"Hmm sige, sabi mo e", sabi nito sabay umayos ng upo.
"So, bakit mo nga naisipang pumunta? May sasabihin ka malamang 'no?", tanong ko sa kanya habang hinahanap kung nasaan ang cellphone ko.
"Hindi ko alam kung kailangan mo ba ito o hindi pero kasi..."
"Kasi ano?"
"...Nakausap ko yung binilhan ko ng bracelet na binigay ko sayo...", napahawak ako sa braso ko nang ipaalala niya ito sa akin.
"Ano nga? Ituloy mo. Paputol-putol ah", inis na sabi ko.
"May kakaiba rin daw siyang nakikita. Makikita niya yung magiging dahilan ng pagkamatay ng tao kapag nakita niya itong walang ulo", paliwanag ni Leila.
"Urban legend yan di ba? Na kapag may nakita kang tao na walang ulo mamamatay na yung tao na iyon kaya dapat batukan mo", dugtong ko sa paliwanag niya. Napaababte ako dahil sa sinabi niya. Naging interesado ako sa kwento niyang iyon. May kung ano sa loob ko na nagsasabing may pagkakapareho kami ng taong iyon. May kakaiba kaming kakayahan, kunh matatawag mang kakayahan ang kakaibang mga pangyayaring ito.
"Oo. Pero sa kanya makikita niya pa kung paano mamamatay yung tao", pahabol nito sa mga sinabi niya.
"Lagi ba nandoon yung nagtitinda na iyon? Pwede ba nating puntahan ngayon?", tanong ko sa kanya na may pananabik sa tono. Gustong-gusto ko talagang makausap yung tao na iyon para magkaroon ng kaunting clue.
Tumayo kaagad ako bunga ng pananabik at pumasok ako sa kwarto ko sabay kuha sa mga gamit ko. Mabilis akong gumalaw paikot sa kwarto sabay lumabas kaagad. Pagkalabas ko ay nakita kong nakatayo na fin si Leila. Nakatalikod siya sa akin tila nakatitig sa pader sa harapan niya. Tinawag ko siya para palingunin ngunit hindi siya lumilingon. Nanatili lang siyang nakatayo at nakatitig sa pader.
Lumapit ako sa kanya sabay hawak sa balikat nkya bago ko siya hinatak paharap sa akin. Napaatras ako sa nakita ko. Wala ng balat ang mukha niya, kitang-kita na ang laman at namumuong dugo sa ibang parte ng mukha niya. Tila tinanggalan ng balat ang kanyang mukha makikita ang sariwang sugat sa mukha niyang iyon. May makikita pang kaunting uod at bulateng nagapang sa iba't ibang bahagi ng mukha niya.
Napasalampak ako sa sahig at bumaliktad ang sikmura ko kaya sinuka ko lahat ng kinain namin kanina. Nangingilabot ako sa imaheng nakita ko. Ayaw kong tumingin na muli sa mukha niyang yaon kaya halos nakasubsob na ang mukha ko sa sahig katapat ng suka ko. Lalong bumaliktad ang sikmura ko ng biglang umalingasaw ang amoy sa buong kwarto. Amoy na parang may nabubulok na bangkay. Amoy na napakalangsa, nanunuot sa sikmura, tumutusok sa pang-amoy at nakakabaliktad ng sikmura.
Pagapang akong pumunta sa pintuan ng kwarto ko para makalayo sa nakakasulasok na amoy at naghanap ng lugar na may sariwang hangin. Binuksan ko ang bintana sa kwarto ko at doon ko isinuka ang lahat ng kinain namin kanina. Hindi pa rin nawawala ang kakatwang amoy na nagpabaliktad sa sikmura ko.
Muli akong napalingon kaya nakita ko si Leila na papalapit sa akin na may hawak na kutsilyo. Naidikit ko ang likuran ko sa pader at naghahanap ako ng maaaring takbuhan ngunit wala akong maaaring puntahan. Napako na ako sa pwesto ko at hindi na nakagalaw. Napasinghap ako ng biglang tumakbo papalapit sa akin si Leila at tinarak ang kutsilyo diretso sa dibdib ko.
Napahugot ako ng hininga. Malalim na paghinga na sinundan ng pagbulwak ng dugo sa bibig ko. Nakita ko ang mata niyang walang emosyon na tila nakatitig lang sa kawalan. Tila wala siyang nakikilala, ni walang nararamdaman. Nakatingin siya sa akin na parang manika. Magkalapit ang mga mukha namin kaya mas naaamoy ko ang nakasusulasok na amoy, kita ko rin kung paano gumapang ang mga uod at bulate sa mukha niyang binalatan.
Hinugot niyang muli ang kutsilyo mula sa dibdib ko sabay ibinalik niya sa pagkakatarak. Ilang beses niyang inulit ang pagsaksak sa dibdib ko dahilan para magtalsikan ang mga dugo ko sa paligid at kumalat sa sarili kong kama. Halos maligo na ako sa sarili kong dugo at tumitirik na ang mata ko dahil sa dami ng saksak na natamo ko mula sa kaibigan kong si Leila.
Hinawakan ko ang braso at balikat niya para pigilan siya sa muli niyang pagsaksak sa akin, kasabay nito ang pagmamakaawa ko sa kanya na tigilan na niya ang pagtarak ng kutsilyo sa dibdib ko. Tila hindi niya ako narinig at buong puwersa niyang sinaksak na mag-uli ang kutsilyo pabaon sa katawan ko. Sa pagkakataong ito ay inikot niya habang nakabaon sa dibdib ko ang kutsilyo at pinalakbay ito pababa sa tiyan ko.
Umikot ang paningin ko at biglang nanlabo ang mga ito. Bumigat ang katawan ko dahilan para bumagsak ako pababa ng kama. Unang bumagsak ang ulo ko sa sahig habang nakatarak pa rin sa tiyan ko ang kutsilyo. Damang-dama ko ang sakit na dulot ng pagkakasaksak ng kutsilyo sa katawan ko lalo na at makailang beses itong naglabas-masok sa iba't ibang bahagi ng katawan ko. Biglaan na lang akong nawalan ng malay.
*RESET*
Nagising ako na nakasubsob ang mukha ko sa sarili kong suka. Rinig ko ang paggising sa akin ni Leila kaya iniangat ko ang ulo ko at naupo. Nakatulala lang ako sa kawalan habang pinupunasan ni Leila ang mukha ko at ang suka sa sahig. Nanatili akong nakaupo at nakatulala sa kawalan habang inaayos ni Leila ang mga kalat na ginawa ko.
"Jio, ayos ka lang?", tanong ni Leila sa akin habang pinupunasan niya ang suka sa mukha ko. Nakatitig lang ako sa kanya at hindi nagsalita. Pasimple kong ikinatok ang kamay ko sa paa ng kahoy na lamesa. Nakaramdam ako ng kakaibang pakiramdam na tila may humihila sa akin patalikod ngunit nanatili akong tahimik.
"Salamat, Lei. Pasensiya ka na", narinig ko ang salita ng isang lalaki na kaboses ko. Hindi ko alam kung saan galing ang boses pero dahil dito ay bumalik ako sa ulirat at nagising ako sa mga nangyayari. Tumingin ako kay Leila para kumpirmahin ang hinala ko.
"Ano ba kasing nangyari sa'yo, Jio?", tanong nito habang nakatingin sa akin. Saka ko lang nakumpirma kung sino ang nagsalita. Ako iyon. Ako ang nagsalita ngayon-ngayon lang. O mas akmang sabihin na yung isang ako.