Maliwanag ang mga ilaw sa paligid. Malalim na ang gabi pero sobrang liwanag ng buong lugar. Maraming tao sa kalsada, mga sasakyan at halo-halong ingay ng mga tao na paroo't parito. Masigla ang paligid kahit saan ka tumingin. Makikita mo ang walang humpay na pagdating ng mga tao mula sa iba't ibang direksyon.
Minamasdan ko ang ganda ng buong siyudad mula sa di inaasahang lugar. Nakatayo lang ako habang dinadama ang hangin at tinatanaw ang kakaibang ganda ng siyudad. Hindi pangkaraniwang pagkakataon mula sa hindi pangkaraniwang tao.
"Mas maganda pala kapag ako yung nasa labas", sambit ng isa ko pang katauhan na siyang may kontrol sa katawan ko ngayon. "Eh kung tuluyan na kaya tayong magpalit, ano sa tingin mo?" tanong niya sa akin nang hindi man lang inaalis ang nakakakilabot nitong ngiti.
"H-hindi ako papayag! B-babawiin ko itong katawan ko!", hindi ko alam kung saan ako humugot ng tapang para isigaw sa kanya ang mga salitang iyon na umalingawngaw lang sa lugar kung saan ako nakakulong ngayon.
"Alam kong hindi gaanong maganda diyan sa loob pero h'wag kang makasarili. Ilang taon din akong nagtiis sa loob panahon na para maging malaya", mahinahon ngunit madadama mo ang galit sa tono ng boses niya. "Gusto mo bang maranasan yung hirap na naranasan ko diyan sa loob? Pagbibigyan kita", hindi na ako nagkaroon pa ng pagkakataong sumagot dahil siya na ang nagbigay ng sagot sa sarili niyang tanong.
Mabilis ang naging galaw ng katawan namin na ikinagulat ko. Bigla itong sumampa sa railing ng rooftop ng isang 5-storey building kung nasaan kami ngayon. Gusto ko siyang pigilan sa kung ano mang balak niyang gawin ngunit wala akong magagawa sa kalagayan ko ngayon kundi ang manood.
Nag-umpisang manginig ang buong katawan ko at binalit ng takot dahil madaling malaman kung ano ang nais niyang mangyari. Lalo akong binalot ng takot ng bigla siyang ngumiti ng todo. Hindi ko na nasundan ang iba pang detalye at namalayan ko na lang na naglalakbay na pababa ang buo kong katawan. Tumama ang katawan ko sa plantbox ng isang palapag sumunod ay sa balkonahe ng ibaba pang palapag at huli ay tumama sa sementong poste na nasa bangketa.
Tuluyang bumagsak ang katawan ko sa sementong bangketa. Dama ko ang pagkabasag ng bungo at nga buto ko. Hindi ko maipaliwanag ang sakit. Masyadong masakit na tila nanunuot sa buo kong pagkatao. Halos tumirik ang mga mata ko at mangisay ang buo kong katawan dahil sa napakatinding pakiramdam ng pagkabali ng mga buto ko na ngayo'y tumutusok sa mga laman at umiipit sa bawat ugat sa katawan ko.
Nakita kong lumabas mula sa bibig ko ang napakapulang dugo na sobrang lapot. Animo'y durog na laman ng tao na lumabas mula sa bibig ko ang malapot na dugo. Masakit sa ilong ang masangsang na amoy ng dugong iyon na kumakalat sa sementong bangketa. Halos paliguan ang buo kong mukha ng malapot na dugo na galing sa akin.
Nag-umpisa na ring tumagas ang dugo sa iba't ibang bahagi ng katawan ko. Kumakalat sa semento at halos mabalit na ng pulang mantsa ang suot kong mga damit. Dumarami ang mga taong nakikiusyoso at gustong makita ang kalagayan ko. Walang nais tumulong. Nakatingin lang lahat at kumukuha pa ng litrato ang iba.
Sumusuko na ang katawan ko sa tindi ng sakit na nadadama ko mula sa pagkahulog sa limang palapag na gusali. Tumindi pa ang sakit na nararamdaman ko at halos mawalan na ako ng malay ngunit nanatiling gising ang diwa ko. Habang nanatiling gising ang diwa ko ay lalong tumitindi ang hirap at sakit na nadadama ko.
Tuluyang tumirik ang mata ko at nawalan ako ng malay. Naging madilim ang paligid ngunit nanatili ang tinig ng mga taong nakikiusyoso sa pagkahulog ko sa limang palapag na gusali. Ilang saglit pa ang lumipas bago bumigat ang dibdib ko.
*RESET*
Napasinghap ako kasabay ng pagbalik ng malay ko. Nagising akong naghahabol ng hininga. Balisa pa rin sa mga nangyari. Mas matindi ang mga naging pangyayari ngayon kumpara sa una kong mga naging karanasan. Totoong-totoo ang mga nangyari, damang-dama ko ang bawat detalye, tunay ang mga sakit at pakiramdam ko ay hindi ako umalis sa pisikal na mundo.
"Masaya ba?", umalingawngaw ang tinig sa lugar na kinaroroonan ko. Malalim at may mabigat na sensasyong dala ang mahinahong tinig. "Masaya bang maranasan yung mga nararanasan ko noon? Masaya bang damang-dama mo ang sakit? Masaya bang walang natulong sa'yo? Sagutin mo ko, masaya ba?", sunod-sunod na tanong niya. Nananatili ang mahinahon niyang pagsasalita na lalong nagpatindi sa bigat ng sitwasyon. Palakas ng palakas ang boses niya na nagiging dahilan ng patindi ng patinding alingawngaw.
"A-ahh", hindi ako makasagot. Namanhid ang mga laman ko sa katawan dahil sa napakatinding karanasan na dinanas ko. Nanginginig pa rin ang bawat bahagi ng katawan ko. Wala akong lakas sumagot. Hindi alam kung ano ang dapat sabihin. O kung may dapat ba akong sabihin. Hindi ko na naituloy ang naputol kong pagsasalita.
"Alam ko ang pakiramdam mo. Ganyang-ganyan ang nararamdaman ko sa tuwing nag-iisip ka ng mga kahindik-hindik na mga pangyayari. Sa akin umeepekto. Ako yung pinakaapektado. Ako yung nakakaranas ng pinakamatinding sakit. Kaya salamat sa pagkakataon na 'to. Maipaparanas ko sa'yo ang mga ganoong bagay ng paulit-ulit", mas dumiin ang paraan niya ng pagsasalita. Nanatili ang mahinahon na tinig ngunit madadama mo ang galit, o mas akmang sabihing poot, sa kanyang mga tinig.
Bago ko pa man mabawi ang lakas ko para sumagot o umapela sa kung ano mang nais niyang mangyari o gawin ay biglang nagbagsakan mula sa kalangitan ang mga matutulis na piraso ng bakal. Nasa isa't kalahating metro ang haba at apat na pulgada kwadrado ang kapal na may matutulis na dulo na parang sinadyang gawin. Malatatsulok ang matutulis nitong dulo na sobrang kinis at kintab. Mukhang tatagos sa kung saan man ito tumarak.
Paisa-isang bumabagsak mula sa kalangitan ang mga matutulis na bakal na iyon. Halos lahat ay papunta sa direksyon ko. Iniyuyuko ko ang ulo ko at ibinabaluktot ang katawan upang maiwasan ang mga bagay na iyon. Sinubukan kong tumakbo papalayo sa kinatatayuan ko. Naghanap ako ng maaaring pagtaguan ngunit sa isang lugar ko lang piniling pumunta. Sa pintuan pababa sa lugar na ito.
Binilisan ko ang pagtakbohalos pakaripas na at halos mapaliyad na ako sa bilis kong tumakbo. Sinubukan kong abutin sa pinakamadaling paraan ang pinto na iyon ngunit naabutan ako ng isa sa mga bumabagsak na bakal na tumama sa binti ko na naging dahilan para matuklap ang kalahati ng kaliwang binti ko sa loob na bahagi.
Lumitaw na ang buto at nakikita ko na ang mga naputol na litid at ugat sa kaliwa kong binti. Nakadikit naman sa bakal na ngayo'y nakatarak na sa sementong sahig ng rooftop ang lamang natuklap sa kaliwa kong binti. Parang laman ng baboy na nadikit sa kutsilyo at nababahiran ng dugo ang bakal na nakatusok sa sementong sahig. Nakakapangilabot isipin na para akong hinihimay ng buhay sa paraan ng pagkakatanggal ng laman sa kaliwa kong binti.
"WAHHHHHH!!!!", malakas kong sigaw ng makita ko ang kalagayan ng binti ko. Sinubukan kong gumapang ng patalikod habang hatak-hatak ang kaliwa kong binti. "AARRRGGGHHHH!!!! WAHHHHH!!!", patuloy kong sigaw. Halos lumitaw na ang litid ko sa leeg sa lakas ng pagkakasigaw ko habang patuloy na hinahatak ang sarili papunta sa pintuan pababa sa lugar na ito.
Bago pa man ako makarating sa pintuan ay may tumarak na namang bakal sa may kanan kong sikmura dahilan para maibagsak ko ang likuran ko sa sahig. Napatulala ako sa kalangitan. Nakikita ko kung paano isa-isang nagbabagsakan ang mga matutulis na bakal.
Bumulwak sa bibig ko ang dugo. Napahawak ako sa bakal na nakatarak sa sikmura ko at sinubukang isama ito papunta sa pintuan ngunit hindi ko magawa. Nakabaon na rin ito sa sementong sahig ng rooftop dahilan para hindi ko ito mahatak. Tila nakapako ako sa sementong sahig parang manyikang idinikit sa pader.
Sinubukan kong iangat ang ulo ko at paupuin ang sarili ko. Kahit hirap ay nagawa kong iangat ang itaas na bahagi ng katawan ko at naipuwesto ko ang sarili ko ng paupo. Hindi ko inalis ang kamay ko sa pagkakahawak sa bakal na nakatarak sa aking sikmura. Mabigat sa pakiramdam, higit na mas mabigat pa sa pakiramdam na tila may nakadagang malaking tipak ng bato sa akin, higit na mas mabigat pa sa pakiramdam na mayroong nakapatong na sasakyan sa katawan ko.
Pinulupot ko ng maigi ang sampu kong mga daliri sa bakal na nakasaksak sa sikmura ko. Naramdaman ko ang lamig sa kamay ko, ngunit kung galing ba sa bakal ang mababang temperatura o galing sa kamay ko, iyon ang hindi ako sigurado. Mahigpit na kumapit ang bawat tiklop ng aking daliri sa matigas na bagay na nakabaon at bumubutas sa katawan ko.
Buong lakas kong hinatak ang matigas na bagay na iyon, nakakapanginig, nakakapanglambot, nakakangilo, masakit, mahapdi, nakakasuka, nakakapanlabo ng paningin. Halo-halo na ang pakiramdam na namumuo sa loob ko. Halos ubos na ang natitira kong lakas ngunit wala pang isang pulgada ang iniangat ng bakal na iyon mula sa katawan ko. Kahit sino ang tumingin ay wala silang makikitang pagbabago sa posisyon ng bagay na iyon sa sikmura ko.
Humugot akong muli ng tapang, lakas, hininga at pag-asa sa kaloob-looban ko umaasang makakayanan kong alisin ang bagay na ito na tumagos sa katawan ko. Isang malalim na paghinga kasabay ng pagngitngit ng mga ngipin, malakas na pag-ungot at mariin na pagpikit ng mata ang sabay-sabay kong ginawa habang pilit na inaalis ang bakal sa sikmura. Noong sandaling iyon ay unti-unti ko nang naramdaman ang marahan nitong pagkabunot ngunit may sumira sa maliit ba kasiyahan na iyon.
Muli akong napahiga sa semento ng isa-isang tumusok sa iba't ibang parte ng katawan ko ang iba pang mga bakal na may iba't ibang haba at kapal. Ang isa ay sa balikat ko tumama, ang isa ay sa dibdib, mayroon din sa may braso, sa may hita, sa leeg. Halos mapuno na ng matutulis na bakal ang buo kong katawan. Daig ko pa ang pin cushion sa dami ng matutulis na bagay na nakatusok sa akin. Mas manipis na bakal na nakatusok mas malalim ang pagkakatarak nito sa semento at mas magpapahirap sa aking gumalaw.
Hindi ko na magawa pang magsalita ni gumalaw man lamang. Ang nag-iisang bagay na kaya ko na lang gawin ay indahin at pagtiisan ang sakit. Anong magagawa ng isang taong nakapako sa isang lugar at halos wala nang magawa? Umasa ako na kaya ko pang makaligtas sa pangyayaring ito. Dugo na rin pati ang likidong nalabas mula sa gilid ng mga mata ko. May halo nang lamang-loob ang sinusuka kong dugo at hindi ko na kayang maglabas ng kahit kakarampit pang tunog mula sa bibig ko.
Umikot na lang ang paningin ko, pinapanood ang mga nagbabagsakang bakal na mula sa himpapawid. Pinupuno nito ang buong rooftop, walang iniiwang bakanteng lugar. Hindi natigil ang pagbagsak ng mga ito at napupuno ng nakangingilong tunog ng nagsasalpukang bakal ang buong lugar. Masakit sa tenga, nakakabingi, nakakairita ang mga tunog na nililikha ng mga bagay na ito. Hindi ko mapigilang mapaluha dahilan para maging puro pula ang paningin ko na tila tinatakluban ng rosas ang dalawa kong mga mata at tinatakpan ng pula nitong kulay ang nakikita kong nakapangingilabot na pangyayari. Nabalot ng pula ang paligid at natakpan na ng tuluyan ang aking paningin kasabay nito ang pagkawala ng aking malay.
*RESET*
"HAHAHAHAHA nakakaawa ka, Jiojan", rinig kong sabi ng isa pang ako sa labas ng katawan ko. Mas malakas na ang tinig niya ngayon. Mas may buhay na ang pananalita niya ngunit mas dama mo ang galit na may halong pagkasabik sa pananalita niya. "Mahina ang loob mo, hindi na ako nagtataka kung bakit mo pa ako kinailangan", mariin sagot nito habang nakangiti at nakatingin pa rin sa ilaw na nagmumula sa ibat ibang establisimiyento.
"A-ano ba talagang g-gusto mong iparating? Bakit m-mo ba ginagawa ito?", nauutal kong tanong na naging bunga ng labis na pagkabigla sa kakaibang nangyari ngayon-ngayon lamang. Hindi natigil sa panginginig ang labi at tuhod ko habang nasa loob ako ng sarili kong katawan.
"Wala. Gusto ko lang makipagpalit sa iyo. Pero sa ngayon hindi ko pa pwedeng kunin ang katawan mo", nawala ang ngiti sa mga labi niya na pinalitan ng panlilisik ng mga mata niyang nakatitig sa kawalan. "Masuwerte ka pa rin at limitado lang ang oras kosa ngayon", humina ang boses niya sa pagkakataong ito ngunit makikita pa rin ang galit sa mga mata niya.
"Pwede bang ipaliwanag mo ng mas malinaw sa akin kung ano talagang nangyayari?", mabilis kong sabi sa nanginginig kong boses. Halos tumiklop na ang buo kong katawan kakapigil sa panginginig ng iba't ibang parte nito.
Hindi niya ako sinagot sa tanong ko bagkus ay nanatili ang pagtitig niya sa ilaw sa harapan namin. Tila minamasdan niya ang isang mundong ngayon niya lang nakita. Ang galit sa mata niya ay maaaninagan mo ng kaunting lungkot ngunit itinatago niya ito sa pagpapakita ng matinding galit sa akin. Dama ko ang nadarama niya ngunit hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya. Nasa iisa kaming katawan ngunit estranghero siya para sa akin. Nakapangingilabot pa rin ang dala niyang atmospera. Mabigat at nakakasakal ang hangin sa paligid tuwing makikita mo ang mga mata at ang ngiti niyang nakakanginig ng mga tuhod.
Sinubukan kong pakalmahin ang sarili at sabayan siyang titigan ang ilaw sa siyudad mula sa tutok ng gusali kung saan kami nakatayo. Pinilit kong damahin ang dinadama niya para maintindihan ko siya ngunit sadyang magkaiba kami ng pagtibgin sa mga bagay at hindi ko pa rin malaman kung ano ang laman ng isip niya. Hindi ko hinayaang maibaba ang guard ko at mawala ang atensiyon ko sa mga posibleng mangyari. Nag-aabang ako ng kakaibang pangyayari na maaari na namang kagagawan niya.
Nagulat ako sa biglaang pagtunog na narinig ko. Hinanap ko ang pinanggagalingan ng tunog at kinapa ko ang mga bulsa ng suot kong pantalon. Nakita ko ang pinagmumulan ng tunog. Ang cellphone ko na naka-alarm.
"Twelve o'clock A.M.?", tanong ko sa sarili na sinabayan ng pagkagulat. Kinapa ko ang bawat bahagi ng katawan ko. Ang braso, dibdib, tiyan, hita at likuran. "Nakabalik na ako sa sarili kong katawan!", napalakas ang sigaw ko kaya agad kong tinakpan ang bibig ko. Hindi ko matago ang saya ko kaya napatalon ako paikot sa rooftop. Labis ang tuwang nadama ko ngayong nakabalik na ako sa katawan ko.
Lumingon ako sa paligid at hinanap ko ang isa pang ako ngunit hindi ko siya makita saan mang sulok ng lugar. Sinubukan kong maghanap ng bagay na magpapakita sa repleksyon ko at may nakita akong mga basag na salamin kasama ng nga nakatambak na kahiy at yero sa isang bahagi ng rooftop. Kumuha ako ng isang bahagi ng basag na salamin at sinubukan kong tignan ang repleksiyon ko kahit medyo natatakot akong makita ang isa pang ako. Normal na imahe ko lang ang nakita ko kaya muli kong ibinalik ang bahagi ng salamin.
Huminga ako ng malalim kasabay ng pagpisil ko ng mariin sa nanginginig kong tuhod. Hanggang ngayon ay walang humoay sa panginginig ang tuhod ko at labis na nanghihina ito na nagpapahirap sa akin sa paglalakad ng tuwid. Dumiretso ako sa pintuan pababa sa lugar na ito para sana bumalik sa unit ko ng biglang may nag-text sa akin.
"Jio, kita tayo bukas may gusto akong sabihin", laman ng text ni Leila na nireplyan ko lang ng simpleng "okay" at wala na akong iba pang sinabi. Matagal-tagal din akong tumitig sa text na iyon ni Leila bago ako nagsimulang bumaba pabalik sa unit ko. Madilim ang daan pababa kahit na malawak ang espasyo sa may hagdan. Nagawa kong aninagin ang bawat baitang at mailakad ang paa ko sa madilim na daanan.
Sa kalagitnaan ng pagbaba ko sa madilim na daan pababa y bigla akong nakaramdam ng kirot sa kanang sentido ko. Animo'y may sumuntok sa bahaging iyon ng ulo ko na naging dahilan ng panandaliang pagkahilo. Nanlabo ng kaunti ang aking paningin at muli akong nakaramdam ng pagkirot sa aking ulo ngunit sa pagkakataong ito ay tila gumagapang ang pakiramdam mula sa kanang parte ng ulo ko papunta sa kaliwang bahagi. Mas tumitindi pa ito sa paglipas ng mga segundo at tila may kung anong parasitikong gumagapang sa loob ng aking bungo.
Pinilit kong muling ihakbang ang aking mga paa pababa sa madilin na hagdanan. Paisa-isa ang hakbang ko at iniiangatang huwag magkamali lalo na at dumadagdag sa hirap sa pagbaba ko ang pagkirot ng aking ulo na hindi ko malaman kung ano ang sanhi. Nagawa kong malampasan ang madilim na hagdanan ngunit kailangan ko pang lakarin ang halos labing-limang metro na pasilyo papunta sa mismong unit ko.
Kinailangan kong kayanin ang sakit ng aking ulo upang makabalik sa unit ko lalo na't masyado nang malalim ang gabi. Inilakad ko ng dahan-dahan ang mga paa ko kahit na nanaghihina pa ang aking mga binti at nangangatog pa ang aking mga tuhod. Nangalahati ako sa dapat kong lakaring distansya papunta sa sarili kong unit ngunit hindi ko na kinaya pa ang sakit at kirot ng aking ulo kaya napasalampak ako sa sahig at napakapit sa nananakit kong ulo.
Hindi ko na nagawa pang tumayo. Masyado nang mabigat ang katawan at ulo ko para sa akin dahilan para mahirapan akong tumayo ni gumalaw man lamang. Nahihilo ako, naikot ang paningin ko at nanginginig ang mga tuhod ko. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin kaya napaupo na lang ako sa sahig at sumandal sa pader katabi ng isang pintuan. Nagdilim na ang paningin ko at halos wala na akong maramdaman.
Patagilid akong bumagsak sa sahig at ang tanging nakikita ko ay sahig na gumagalaw mag-isa, tila lumilindol pero wala kang mararamdamang pagyanig parang lahat ng bagay ay nagalaw ng kusa sa aking paningin. Hindi ko na kinakaya ang sakit ng ulo ko kaya pilit kong nilalabanan ang sakit. Halos lumitaw na lahat ng litid sa leeg at ulo ko kapipigil ko sa sakit na nararamdaman ko.
May naaninag akong isang taong papalapit sa akin ngunit hindi ko makita ang mukha nito. Labis na ang panlalabo ng aking paningin at paggalaw ng mga bagay sa paligid ko. Tuluyang nakalapit sa akin ang taong kanina ay papatakbo lang sa akin. Isang babae na naka-uniform na pang opisina. May suot na blouse na puti at itim na mini-skirt na may bitbit na shoulder bag na kulay blue. Ang imahe niya ang huli kong nakita bago ako tuluyang nawalan ng malay.
Nagising ako dahil sa ingay sa may bandang kusina, tunog na tila may nagluluto. Bumangon ako upang siliplin kung sino ang taong nasa kusina ko at kung anong putahe ang niluluto niya. Pagkaangat ko pa lang sa ulo ko ay naramdaman ko agad ang sakit nito. Hindi pa rin pala humupa ang sakit ng ulo na naging dahilan ng pagkawala ng malay ko kagabi. Gayunpaman, hindi ko pinansin ang nararamdamang sakit ng ulo at tumayo ako mula sa pagkakahiga sa kama bago tinungo ang kusina.
Bumungad sa akin ang isang babaeng pamilyar sa aking mga mata ngunit hindi ako sigurado kung saan ko siya nakilala o magkakilala nga ba talaga kaming dalawa. Tinitigan ko lang siya habang nagluluto sa kusina ko, hindi ako gumawa ng anumang ingay, sadyang itinuon ko lang ang aking atensiyon aa panonood sa ginagawa niya. Sinundan ko ng tingin ang bawat galaw niya na tila ba isa akong security guard ng sarili kong kusina. Wala akong pinalampas na galaw niya, lahat ay sinundan ko ng tingin at tinuon ang atensiyon ko sa kaniya.
"O gising ka na pala. Pasensiya ka na ginamit ko yung kusina mo. Pinagluto kita ng almusal, masarap yan tikman mo. Upo ka muna", sunod-sunod kung magbitaw ng pangungusap ang babaeng ito tila mauubusan ng oras para magsalita kaya hindi ako nagkaroon ng pagkakataon para sumagot. "-May masakit pa ba sayo? Maputla ka. Nakita kita kagabi nakahandusay doon sa labas buti na lang naabutan kita kundi nako ewan ko na kung anong mangyayari sa iyo. Kain ka na. Kakatapos ko lang yan lutuin", hindi pa man napoproseso ng isip ko ang mga huli niyang sinabi ay dinagdagan niya na naman ito ng sunod-sunod na pagsasalita na tinapos niya sa isang malawak na ngiti.
"Uhh pa'no ka napunta sa unit ko?", tanong ko sa kanya habang nakasandal ang balikat ko sa pader ng kusina.
"Ah alam ko kasing dito ka nakatira tapos nakita ko yung susi sa bulsa mo kaya kinuha ko tapos dinala kita dito. Ay oo nga pala dito na rin ako natulog kaya paggising ko pinag", hindi pa man niya natatapos ang mahaba niyang paliwanag ay pinutol ko na agad ang pagsasalita niya.
"Hep hep hep hep hep! Isa-isa lang. Pakiusap isa-isa lang. Isang tanong isang sagot kasi medyo masakit pa ang ulo ko e, okay?", pigil ko sa kanya kasunod ng malumanay na pagsasabi ko ng instructions kung paano kami mag-uusap ng maayos ng hindi sumasakit ang ulo ko sa bilis niyang magsalita.
"O-okay. Sige", maikli niyang sagot na binigkas niya sa maliit na tinig sabay napayuko siya habang nilalaro ang buhok niya. Para siyang batang pinagbawalan sa hitsura niyang iyon. Natatawa ako sa reaksiyon niya pero minabuti kong wag humagalpak sa harapan niya.
"Okay. Base sa paliwanag mo nakita mo ako sa labas na nakahandusay tama ba?", malumanay kong tanong habang kinakamot ang kilay ko.
"Oo ganon na nga", sagot niya sabay tingin sa akin.
"Dinala mo ako dito ng mag-isa ka lang?", tanong kong muli.
"Oo. Kaya ko naman e", sagot niya.
"Dito ka natulog? Saan banda? Sa sofa?", tanong ko sabay lumingon sa sala at kwarto ko bago muling tumingin sa kanya.
"Oo dito ako natulog. Tumabi ako sayo. Malaki naman kama mo e", mayabang niyang sagot sabay ngiti ng malaki sa harap ko. Pinilit kong huwag ilabas ang tawa ko ngunit tinraydor ako ng sarili kong katawan at napatawa ako dahil sa reaksiyon niya. "Bakit ka natawa? Nakakatawa ba iyon? Porke tumabi sa'yo nakakatawa na?", inis na sabi nito sabay irap sa akin at tinitigan ako ng may magkasalubong na kilay.
"Hindi. Natawa ako sa reaksiyon mo. Buti nakayanan mong tumabi sa hindi mo kakilala", paliwanag ko sa kanya habang nakamot na naman sa kilay ko. Sinusubukan kong huwag mailang sa kanya at maging kaswal sa pakikipag-usap.
"Hindi ka naman iba no. Kapitbahay kita. Diyan lang ako sa kabila nakatira", paliwanag niya na nagpatawa na naman sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero natatawa ako sa paraan niya ng pakikipag-usap. Magaan lang siya kausap at tila kilalang-kilala na niya ako kahit na ngayon lang kami nakapag-usap ng ganito.
"Anyway, salamat sa paghatid mo sa akin dito at sa pagluto mo ng pagkain. So, tara kain na tayo", aya ko sa kanya habang nakaturo sa lamesa ko. Magkasama kaming naghain ng mga sandaling iyon at muling naging tahimik ang paligid. Wala na'ng isa pa sa amin ang nagsalita muli at nagpatuloy lang kami sa paghahanda ng kakainin.