"H-hindi mo ako pipiliting sagutin ka?" paniniguro niya.
Tila natigilan si Alden bago marahang tumango. "Okey."
Bahagya siyang napapikit nang mapawi ang tensiyon sa kanyang mga kalamnan. "G-gusto ko nang umuwi," pahayag niya, pabulong.
"I'm serious about the dinner. Tatanggihan mo ba ako?"
Nagkamali siya nang mapatitig siya nang diretso sa mga matang may mainit na mensahe para sa kanya. Natagpuan na lamang niya ang kanyang sarili na tumatango. Napasang-ayon siya kahit na laban sa kalooban niya.
Disastrous ang simpleng hapunan. Ilang na ilang siya sa dalawang matanda. Panay ang paramdam ng matandang babae na botong-boto ito sa napipisil ng anak na binata.
Prangka naman ang matandang lalaki. Mahusay daw pumili ang batang Tamon ng babaeng mapapangasawa. Tiyak na matatalino ang magiging mga anak nila!
Gusto na niyang matunaw sa kanyang kinauupuan.
Tahimik lang si Alden. Ngingiti-ngiti lang. Napapakindat sa kanya kapag nagkakatinginan sila.
Ang tanging pampalubag-loob lamang ay ang kasiyahan ng matandang babae. At ang pagpapahayag nito ng kagustuhang bumiyahe na patungong Amerika para magpagamot.
Sa wakas, natapos na ang pagbabalatkayo at ang pagkukunwari. Ipinagpaalam na siya ni Alden. Tila nahahalata na ng lalaki ang kanyang pagkailang. Panay kasi ang sulyap niya rito.
Sandaling kumaba ang dibdib niya nang pumarada na sa tapat ng bahay nila ang sasakyan ni Alden. Nakatingin ito sa kanya.
Paiwas naman siya. Nagbubuhul-buhol ang kanyang mga daliri habang naghahanap siya ng dapat sabihin.
"S-salamat sa hapunan," wika niya, paudlot. "Er, goodnight...."
Hindi siya sigurado kung ano pa ba ang inaasahan sa kanya. Ngayon lang siya nakipag-date, kumabaga. Sa sobrang nerbiyos, hindi na niya napagtuunan ng pansin ang suot niya.
Nakapusod sa likod ang kanyang buhok. Nangingintab na marahil ang kanyang mukha. Hindi siya nakapagpulbo maghapon.
"Goodnight, Selina," paalam ni Alden. Pormal na naman ang tono at anyo. Buong pagkamaginoo na ipinagbukas siya ng pintuan nito, gaya nang ginawa kay Dely kanina.
Nakatingala siya sa mukha ng lalaki. Hindi niya halos mapigil ang sarili sa pagtitig dito. Para bang hindi siya makapaniwalang magkasama sila nang gabing iyon.
Bahagyang yumukod ang lalaki bago tumalikod at muling sumakay sa Landrover. Kumaway pa ito habang papalayo sa kanya.
"Selina?" anang tinig ng kanyang ina. "Ikaw na ba iyan?"
Luminga siya sa itaas. Nasa balkonahe ang kanyang mga magulang, pati na si Diana. Nakatanaw sa kanya at sa papalayong ilaw ng sasakyan ni Alden.
"Oho," tugon niya. Dali-dali siyang pumasok sa pinto.
Nagtuloy siya sa balkonahe para magmano sa matatanda. Matiim ang pagkakatingin sa kanya ng panganay na kapatid.
"Uh, naanyayahan po ako sa hapunan kina mayor, ma, pa," pahayag niya. "Ate, magandang gabi sa iyo."
"Hmm, dalaga na pala talaga ang bunso namin, ha?" tudyo ng buhay na diyosa sa kanya.
Katulad nang dati, nakasampay na naman sa isang mahabang sopa ang dalaga. Yari sa seda ang evening gown. Seksi ang yari at tabas.
Mahaba ang slit ng paldang hanggang sakong, ngunit parang hanggang hita lamang ang kasuotan nito dahil litaw ang malaking bahagi ng mapuputi at makikinis na biyas nito.
Hindi pinansin ni Selina ang patutsada nito. Palaging ganito ang pang-asar sa kanya ng ate niya. Beinte siete anyos na kasi siya pero ngayon pa lang siya parang nagdadalaga.
"Ma, tuloy na po ako," paalam niya. Hinagkan niya sa pisngi ang ina at ang ama naman ay sa noo. "Pa."
"Goodnight," wika ng mga ito.
Sinundan siya ng ate niya hanggang sa kanyang silid.
"Gusto lang kitang paalalahanan, bunso," umpisa nito. "Sa akin may gusto si Alden, simula pagkabata namin. Baka ginagawa ka lang niyang panakip-butas."
Kinagat ni Selina ang ibabang labi para hindi siya makasagot. Nagtuloy siya sa kanyang banyo.
Isinara niya ang pinto. Maluwang ang silid na ito, dahil nandito rin ang bihisan niya. May isang dressing table sa isang sulok, katabi ng tatlong hilera ng malalaking aparador.
Maingat niyang hinubad ang suot na bestida at ini-hanger. Nagpunta siya sa shower cubicle. Matagal na nagbabad sa ilalim ng malamig ng malamig na bugso ng tubig.
Nakadamit pantulog na siya nang lumabas sa kanyang silid. Wala na si Diana.
Nakahinga siya nang maluwag. Ibig na niyang magpahinga. Wala siyang panahon sa mga munting laro ng kanyang kapatid.
Nakapagtataka, nakatulog siya nang mahimbing. Ni walang panaginip na dumalaw sa kanya hanggang sa magising siya nang dakong magbubukang-liwayway ang kalangitan.
Magaan ang kanyang katawan na bumangon siya at nag-inat. Tuloy uli siya sa banyo para maligo. Nagpantalon at nag-sando, bago isinuot ang isang bagong labang jacket na maong. Ganito ang routine niya sa umaga.
Nagpadausdos siya sa balustrahe ng hagdan nila pababa. Nakatali ng makapal na goma ang mahabang buhok na medyo basa-basa pa. Dinatnan niya sa kusina si Aling Senyang.
"Magandang umaga ho, Aling Senyang," bati niya dito.
"Iha, tamang-tama ang dating mo. Nandiyan na sa labas si Pedring. Nandito na ang basket ng pagkain.
Dinampot niya iyon. "May kape na ho dito?"
Tumango ang matandang kusinera. "Alam ko namang mamaya ka pa kakain, e."
Lumabas siya ng pintuan. "Pakisabi kina papa na kasama ako ni Pedring. Nasa gawing hilaga kami," pahabol niya.
Naghihintay na si Batik sa tabi ng bakod. Ngumangalot ito ng kung anong nasa loob ng bibig.
Nakatawa ang binatang katiwala sa bukid habang nakatingin sa kanya. Nakita nito ang dala niyang basket.
"Akina ho iyan, ma'am," magalang na wika nito habang inaabot sa kanya ang dala niya.
Ibinigay naman niya dahil ayaw ni Batik nang may iba pang karga bukod sa kanya.
Lumarga na sila agad. Magkaagapay ang kanilang mga kabayo sa pagtakbo. Wala munang usapan habang nagsusunog ng sobrang enerhiya na naipon nang nagdaang magdamag ang mga hayop. Nang kusang bumagal ang mga ito, saka lang siya nagsalita.
"Sa palagay mo, nandoon na siguro sina Mang Isko at Mang Balo? Inuumpisahan na kaya nila ang pagdadasi?"
Tumango si Pedring. "Alas singko pa lang nang maulinigan ko silang dumaan sa tapat ng kubo namin ni Ina."
Nagkalat na nga ang mga tao sa iba't-ibang panig ng malawak na palayan. May mga naulinigang utos na umaalingawngaw sa paligid ng payapang pagbubukang-liwayway.
Sa gawing mapuno nagtuloy ang mga kabayo nila. Tinulungan siyang umibis ni Pedring.
Ngumiti si Selina sa mga kababaihan na naruroon.
"Magandang umaga sa inyong lahat," bati niya. "Nakapag-almusal na ba ang mga nagtatrabaho?"
Isang babaeng mas may edad sa kanya ang tumugon. Naghahalo ito ng tsamporado sa isang malaking kaldero.
"Nakainom pa lang ng kapeng mainit at tig-i-tig-i-isang pandesal."
Kinuha niya ang basket kay Pidring. Tumango siya rito bilang pagtataboy. Mas kailangan ang binata sa gitna ng bukid.
"Narito ang mga lata ng gatas at garapon ng asukal, pati ang mga kutsara. May dala ba kayong mangkok at pinggan?"
Tumugon ang babaeng may katabing tiklis na puno ng kagamitan. "Kutsara at sandok lang ang wala, Selina."
Ngumiti siya rito. "Alam ko namang ang mga iyan ang palagi mong nakakalimutan taun-taon, hindi ba?"
Tumulong siya sa paglalatag ng mga tabla para gawing lamesa. Nakapatong ang mga ito sa pinahigang troso na itinumba ng nakaraang bagyo. Nakapila din siya sa nagsasandok ng tsampurado, dala ang isang tray na may nakahilerang mangkok, pinggan at tasa.
Saka pa lamang siya nakahigop ng mainit na kape nang areglado na ang lahat.
Naupo siya sa di-kalayuan para hindi mailang ang mga tauhan.
Hindi ganito ang tingin niya sa kanyang sarili kaya nagagawa niyang makitungo nang natural sa mga ito ngunit mahirap palisin ang inferiority complex na minana pa yata sa mga ninuno. Nag-uugat sa pagiging mangmang.
Umaasa na lamang si Selina na magbabago ang lahat nang ito sa susunod na henerasyon. Karamihan sa mga naging estudyante niya ay mga anak ng mga kaharap.
Nasa ganito siyang pagmumuni-muni nang maramdaman niyang tila natigil ang ugong ng mga boses. Muli siyang tumanaw sa grupong nagkakainan.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Alden. Kahit na napapalibutan ito ng mga kalalakihan na nagsitayuan, nakuha pa rin ng binata na mamukod-tangi sa pagiging matangkad nito kaysa karaniwan.
Tanging ang awtoridad na natural sa pagkakaupo sa malalapad na balikat nito ang nagpapahiwatig ng mataas na posisyon nito sa lipunan. Nakasuot pambukid din ito. Hakab sa matipunong katawan ang manipis na tela ng kamisa de tsino, pati ang pantalong maong na kupasin.
Matapos ang maikling pagbati sa mga taong dinatnan, nagtungo na sa direksiyon niya ang marahang paghakbang ng lalaki.
Tila ba usapan na ang pagpunta nito dito ngayong umaga, dahil natural na natural na ang pagngiti nito sa kanya habang papalapit.
"Hi," kaswal na bati nito. Nakatutok sa mukha niya ang malalalim na mata. Sinisipat ang bawa't pulgada ng makinis at mamula-mulang kutis.
Hindi mapigil ni Selina ang mapabuntonghininga. "Wala akong alam na pupunta ka pala dito ngayon," puna niya. "Paano mo nalaman?"
"Natanaw ko kayo. Naglalargabista ako sa may veranda nang makita ko ang kabayo mong si Batik," paliwanag ng lalaki.
Itinaas nito ang isang paang nakabotang itim para ipatong sa nakadapang katawan ng punong mangga. Para bang binabakuran ang pakiramdam niya.
"Ang akala ko'y maaga ka lang nangangabayo ngayon."
"May isang linggo na ang pa-trabaho namin dito," tugon niya. Umiwas siya ng tingin. Hindi na naman niya kayang tagalan ang mga titig ng lalaki.
"Gusto mo ng kape? Marami pa dito sa termos," alok niya rito.
Inabala niya ang kanyang sarili sa pagkuha ng tasa mula sa basket. Nagsalin siya ng mainit na likido. Nakita niya ang lihim na ngiti ng lalaki nang aktong inaabutan na niya ito ng puswelo.