ILANG buwan na ang nakalilipas nang maganap ang muntikang pagkagahasa kay Dada, ngunit wala pa ring ipinagbago ito. Lagi na lang itong aligaga at balisa.
Isang gabi, napagpasyahan kong katukin ito sa kuwarto niya. Nakita ko siyang nakadungaw sa labas ng bintana. Marahan akong kumatok na agad naman niyang napansin.
"Gabi na, Dada, hindi kapa ba matutulog?" tanong ko rito.
Nanatili itong nakadungaw sa labas ng bintana. Akala ko'y hindi na niya ako sasagutin ngunit nag-umpisa itong magsalita. Habang naglalahad ito ay patuloy lang ang pagpatak ng mga luha niya.
"H-hindi ko alam kung paano malalagpasan ang muntikan nang mangyari sa akin, Kuya. Parang bangungot iyon na pabalik-balik sa isipan ko. P-paano pa kaya kung tuluyan akong napari. . ." hindi na nito naituloy ang sasabihin at nagsimula nang umiyak nang umiyak. Tinatakpan niya ng dalawang palad ang mukhang dinadaluyan ng mga luha.
Hinayaan ko lang siya at dahan-dahan ko siyang niyakap.
Unti-unting tinatakpan ng maitim na ulap ang buwan sa kalangitan hanggang pumatak ang ulan sa labas ng mansiyon.
"Hayaan mo, Dada, makukuha mo na rin ang nararapat na hustisya sa nangyari sa 'yo." Kasabay niyon ang pagkalas ko sa mga yakap niya. Dali-dali akong dumiretso sa kuwarto ko at inilabas sa lihim kong taguan ang katamtamang haba na katana. Maigi ko itong pinagmasdan at dinama. Tulad ng inaasahan ko ay napakatalim nito. Dahan-dahan ko iyong inilapit sa kamay ko. Idinantay ko ang katana sa aking braso. Itinigil ko ang pagsugat sa braso ko na tinutuluan na ngayon ng sarili kong dugo.
Wala akong maramdaman sa mga sandaling iyon kundi ang kasiyahan.
Tinalian ko ng seda ang parteng sinugatan ko. Tatakpan ko na sana ang lihim kong taguan nang maagaw ng pansin ko ang isang maliit na kuwaderno.
Mapait akong napangiti, muling dumaloy sa nakaraan ang aking gunita.
[ FLASHBACK ]
Muli akong bumalik sa kuwarto ni Mama, dahil may nakalimutan akong sabihin dito. Akma na sana akong kakatok nang marinig kong may kinakausap ito sa telepono.
"Ma, kailangan kong gawin ito para kay Dexter."
Dahil sa pagkakarinig sa sarili kong pangalan ay pinag-igihan ko ang pakikinig sa labas ng pintuan ni Mama. Nang marinig ko muli ang boses ng Mama ay idinikit ko ang tainga ko sa pintuan.
"Alam niyo na anumang oras ay malalaman din ni Dexter ang katotohan. Kailangan ko nang gumawa ng hakbang bago pa siya makapanakit, dahil ayaw kong matulad siya sa kaniyang ama."
Bigla ang pagbangon ng kaba sa aking dibdib nang makarinig ako ng mahinang kaluskos. Nang humupa ang tunog na iyon ay dahan-dahan kong ipinihit ang seradura ng pinto.
Dahan-dahan kong isinira ang pinto pagkapasok ko. Kitang-kita ko ang pigura ng aking ina na nakaupo sa side table nito. Tanging ang lampshade lang nito ang ilaw nito sa madilim na kuwarto habang nagsusulat sa isang kuwaderno.
Hindi man lang nito naramdaman ang presensiya ko mula sa likuran nito. Pinasingkit ko ang dalawa kong mata para mabasa ang kaniyang isinusulat. Nasa kalagitnaan pa lang ako ng pagbabasa ay marami na akong nalaman. Makalipas ang ilang sandali ay mabilis akong tumalikod at naglakad palabas ng kuwarto niya.
Hindi ko papayagan ang mga itong itulad ako sa aking ama!
[END OF FLASHBACK]
Muling tinapunan ko ng tingin ang diary ni Mama. Hindi ko hahayaang may makaalam ng sikreto ko . . . lalo na sina Touishiro, Nakame at Jeyda.
Mananatiling lihim ang lahat.
Ilang metro na ang nilalakad ko nang matagpuan ko rin ang dampa ng mag-amang Cid at Mang Pilo. Mahigpit kong hinawakan ang katanang hawak ko. Dinig na dinig ko ang mga panggabing hayop sa paligid. Patuloy lang ang pagpatak ng ambon sa katawan ko pero hinayaan kong mabasa na ako nang tuluyan.
Maingat kong hinawi ang kurtinang nagsisilbing tabing ng kanilang kubo. Kahit nakasuot ako ng jacket ay ramdam ko ang malamig na simoy ng hangin sa balat ko. Tuloy lang ako sa paglalakad nang tumigil ako sa katre ng mag-amang mahimbing na natutulog. Napangisi ako at malakas na isinaksak sa katawan ni Mang Pilo ang katana.
Nakakailang saksak na ako kay Mang Pilo at alam kong patay na ito nang mapansin kong nakatingin sa akin si Cid at tila tuod sa kinahihigaan.
"D-Dex? A-anong. . ."
Hindi ko na ito pinatapos. Mabilis ko itong dinakma sa mismong kinahihigaan nito.
Pumalag ito at mabilis na nahawakan ang saklay sa may gilid ng kanilang katre. Malakas niyang ihinataw iyon sa akin.
Sa ulo ako natamaan at nagdulot iyon sa akin ng pagkahilo dahilan para matumba ako sa kinatatayuan ko. Nagmadali itong gumapang sa sahig papalayo sa akin. Tiningnan ko siya nang masama at dinama ang dumudugo kong ulo. Napangisi ako dahil tila lalo akong nasabik. Dahan-dahan akong tumayo at dinampot sa sahig ang duguang katana.
Patuloy lang ang pag-ambon sa labas. Humakbang ako nang paunti-unti papalapit sa aking susunod na biktima. Tuluyan akong napangisi nang patihaya siyang humarap sa akin.
"P-please, Dexter, huwag. Maawa ka. . . "pagmamakaawa nito.
Tinitigan ko lamang ito pagkatapos ay mabilis na hinablot ang kuwelyo niya. Iitinaas ko ito hanggang sa magpantay ang mga mukha namin.
"Naawa ka ba nang gabing muntik mo nang mapagsamantalahan si Dada? Di ba, hindi?!"
"Please, Dexter w-wala ako sa tamang katinuan noon. H-hindi ko alam ang pinaggagawa ko!"
Sa pagiging mabalasik na anyo ay naging blangko ang mukha ko. "Uulitin ko, Cid, wala akong awa!" Kasabay niyon ay ang paglaslas ko sa magkabilang pisngi niya.
Malakas itong nagpapalag at nagsisigaw. Binitiwan ko siya at dali-daling binuhat palabas ng kanilang dampa ang wala nang buhay niyang ama. Ibinalibag ko ito sa harap ng lumuluhang si Cid. Mabilis ko silang hinila papunta sa gubat.
Palakas na nang palakas ang ambong sumasabay sa pagkidlat at pagkulog sa palahaw na pagmamakaawa ni Cid.
"Saan mo kami dadalhin, Dex? Maawa ka!"
Hindi ko siya sinagot at patuloy lang sa paghila sa mga ito. Hindi ko alintana ang madulas na lupa at mga dawag ng siit na gumagasgas sa balat ko.
"Nandito na tayo, Cid," nakangising sambit ko nang marating ang lugar na ihinanda ko para sa mag-ama. "Now, you may rest in peace!" tumatawang sabi ko at saka sila ihinulog sa hukay na matagal ko nang ihinanda para sa mga ito. Mas lalo akong nasiyahan nang makita kong pilit na gumagapang paitaas at dumadausdus uli pababa sa hukay si Cid.
"Maawa ka, Dexter, patawarin mo na ako, "pagmamakaawa niya.
Patuloy ang matinis kong halakhak, ang bawat paghingi niya sa akin ng awa at kapatawaran ay tila musika sa aking pandinig.
Mabilis kong kinuha ang pala na ginamit ko rin sa paghuhukay.
Lagpas dalawang katao ang lalim nito kaya tiyak kong hindi na ito makakaahon pa. Dumakot ako ng lupa gamit ang palang hawak ko at mabilis na itinabon iyon sa kinaroroonang hukay nina Cid. Matagal-tagal na akong naglalagay ng lupa nang marinig ko ang papahinang boses ni Cid.
Sinilip ko ito at kalahating katawan na lang niya ang nakalitaw. Lalo akong ginanahan nang marinig ko ang muling paglakas ng sigaw niya.
"Walang hiya ka, Dex, mapupunta ka sa impyerno!"
"Is that your last sentence? Kasi ililibing na kita ng buhay!"
Lumipas pa ang ilang minuto ay ulo na lang ang tanging nakalitaw kay Cid. Ihinagis ko na ang hawak kong pala. Patuloy pa rin ang pagbagsak ng ulan na lalo lamang lumalakas.
"Paalam na, Cid. Hindi ba ganito naman ang gusto ninyong mag-ama? Ang mamatay sa bayang inyong sinilangan? Puwes, your wish is my command!" nababaliw kong sigaw habang pinapanood ang napupuno nang tubig sa hukay, dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan sa kalangitan.
Mabilis akong tumalikod at isinilid sa beywang ang aking katana.