TAHIMIK at tila walang katapusan ang kadilimang bumabalot sa aking kapaligiran nang mga oras na iyon. Tila ang bawat pagtapak ng aking munting mga paa sa malamig na marmol ng aming tahanan ay katumbas ng malakas pagtibok ng aking puso . . . na sa sobrang lakas ay mabibingi ang sinumang makaririnig.
Hanggang sa ang lakad ay naging pagtakbo.
Oo, tumatakbo na ako ngayon, hindi ko maintindihan pero takot na takot ako sa mga oras na ito.
Hanggang sa mabangga ko ang aking ulirang ina, na wala na atang ginawa kundi gampanan nang maayos ang pagiging mabuting ina sa amin. Sa pagkakatitig ko sa aking ina ay napansin kung gumuhit sa kaniya ang matamis niyang ngiti.
Napangiti na rin ako sa kabila ng takot. Yayakapin ko na sana siya nang mapansin kong umaagos na pala sa kaniyang labi ang mapupulang dugo! Nagulat na lang ako nang bigla siyang hilahin ng dalawang anino ng tao mula sa kadiliman.
Pilit akong humahabol kay Mama nang sa ganoon ay hindi nila siya maisama. Ngunit habang tumatagal ay palayo siya nang palayo. Hanggang ang huli niyang mga salitang namutawi sa kaniyang labi ang naiwan sa aking guni-guni.
"Dada!"
Nagising ako sa pagtawag sa aking pangalan at namalayan ko ang pagyugyog sa aking balikat. Pagdilat ko ng mata ay nakita ko si Kuya Nakame na kasalukuyang nakatunghay sa akin at nakabadha sa kaniyang mukha ang labis na pag-aalala.
"Ayos ka lang ba, Dada?" nag-aalala nitong tanong. Tumango lamang ako bilang tugon.
Hanggang sa pumasok pa ang dalawa kong Kuya. Agad akong binigyan ng malamig na tubig ni Kuya Toshiro. Nang maibaba ko iyon ay halos nangalahati ang tubig sa baso na tila nagging hudyat ng pagbuhos ng masaganang luha sa aking mga mata.
Ilang gabi na kong binabangungot. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit paulit-ulit akong dinadalaw ni Mama.
Hanggang sa napatingin ako sa labas ng pintuan, naroon na si Lola at tila alalang-alala sa akin.
"APO, ayos ka lang ba?"nag-aalala kong tanong sa bunso kong apo. Kitang-kita ko sa mukha niya ang labis na takot at hapo.
Binangungot na naman siya. Hinayaan ko muna siyang hamigin ang kaniyang sarili.
Mayamayay ang tikom niyang bibig ay nagsimula nang magsalita. "Si Mama. . . napaniginipan ko na naman. "Hila-hila na naman siya ng dalawang anino ng tao sa dilim. Umiiyak si Mama! Nasasaktan siya! Gusto ko siyang tulungan pero wala akong magawa. A-at ang sabi pa niya. . . mag-ingat tayo at huwag basta magtitiwala. . . "
Matapos niyang sabihin iyon ay kaagad ko siyang nilapitan at marahang hinagod ang kaniyang likuran. Isa-isa ko silang tinitigan. Nakaramdam ako ng awa sa mga apo ko. "Mga apo, ang lahat ng mga bagay na nangyayari sa inyo ngayon ay may dahilan. Pakatandaan nyo iyan. Halina kayo at balikan na natin ang Lolo ninyo." Agad na sinunod ng mga apo ko ang aking sinabi. Nakita kong umupo ang mga apo ko sa mga bakanteng upuan. Sa harap ng ataul ng kanilang Mama. Ito ang huling gabi ng burol ng aking nag-iisang anak.
Biglaan ang mga pangyayari at naisin ko mang mag-iiyak, humiyaw at magwala ay hindi ko magawa. Nangyari na ang nangyari.
Tinapunan ko ng tingin ang aking esposo na tahimik na nakamasid sa aming mga apong pawang nakabantay sa kabaong ni Minerva.
"Kung hindi lang sa ibinilin ng aking namayapang anak . . ." tahimik kong bigkas sa aking isip habang nakatitig sa likurang bahagi ng aking mga apo, kung saan nandoon ang panganay na si Dexter.