Hindi ko maigalaw ang aking katawan.
Tila binuhusan ako ng malamig na tubig dahil sa nalamang iyon.
Pilit na pinoproseso ng aking utak ang diniktang iyon ni Uncle Jazzib. Tama nga ang aking pinaghihinala kanina. Kapatid ko nga ang batang dilag na iyon.
Nais ko siyang puntahan at hagkan.
Nais ko siyang mahawakan.
Sinenyasan ko ang aking tiyuhin na sundan ang aking kapatid at tumango naman ito bilang pagsasang-ayon.
Nanginginig ang aking kamay dahil sa kagalakang nararamdaman. Ang aking labis na pagkainis kanina ay biglaang napalitan ng pagkasigla. Mahigit labinlimang taon akong namuhay dito sa mundong hindi nakikita ang aking mga kapatid. Siguro ay ito na ang tamang oras upang mahagilap ang isa sa kanila.
Pilit man kaming pinaghihiwalay ng tadhana, nasisiguro ko namang kahit na sa isang panahon lamang ay magawa ko silang hagkan.
Kasalukuyan na akong tumatakbo habang hinahabol ang kapatid kong papalabas na ng palengke. Mas binilisan ko pa ang pagtatakbo subalit nanghihinayang ako nang makitang papasok na sila sa kanilang sasakyan. Bumuga ako ng malalim na hininga upang pakalmahin ang sarili. Ito na lamang ang aking natatanging oras upang siya'y mahagkan kaya't wala na akong sasayangin pang oras.
Nagsimula ng umandar ang kanilang sinasakyan at patuloy pa rin ako sa paghahabol sa kanila. Nasa likuran ko pa rin ang aking tiyuhin na katulad ko ring naghahabol.
"Sirs, do you need help?" Nilingon ko ang may ari ng boses na iyon at natagpuang galing ito sa isang matandang drayber ng tricycle. "I saw you running two after that big car" Napangiwi ako nang marinig ang nagkandabuhol-buhol niyang pag-Ingles.
Wala akong pera upang ipamasahe kung kaya't kailangan kong umakto bilang isang dayuhan. "Yes, you're right. But I dont have any..." Bigla akong napahinto nang hindi ko malaman kung ano ang Ingles ng pamasahe. Piste, bakit sa lahat-lahat pa ng salitang Ingles ay pamasahe pa ang aking nakalimutan. " I d-don't have anything for you to be paid" Walang kwenta. Hindi ko na alam kung ano ang pinagsasatsat ko.
"Oh that's not a problem anymore! Come and sit inside" Nakangiting umupo na ako sa loob maging si Uncle Jazzib.
Papaano kaya kapag nalaman ng matandang ito na hindi kami dayuhan?
Natatawa ako sa pinapakita ng matandang ito. Hindi naman siya magpapakatao kapag isang Pinoy ang naghahanap ng tulong. Masyado siyang isang magaling na matandang aktor.
Oh hindi kaya'y nais niya talaga kaming tulungan kahit pa isa akong totoong pilipino sa kaniyang harapan?
Labis lamang talaga akong nadidismaya dahil mayroon akong nakasalubong noon na babaeng umiiyak at humihingi ng tulong na idala sa ospital ang kaniyang asawa subalit walang ni-isa sa kanila ang naglakas-loob na tumulong, hindi ko alam pero nagagalit ako kapag inaalala ko ang pangyayaring iyon.
Nasa likuran na kami ng kotseng sinasakyan ng aking babaeng kapatid.
Patuloy pa rin sa pagdadaldal itong tricycle driver subalit hindi ko na ito pinakikinggan pa. Hindi ko naman naintindihan ang kaniyang pag-Ingles.
Tumigil lamang sa pagtatakbo ang sasakyan nang pumasok na ito sa may malaking tarangkahan.
Hacienda de Las y Marselas
Isang malaking kasulatan ang nakaukit sa harapan ng malaking mansion.
Napatigil sa pagmamaneho ang matandang driver nang nasa harapan na kami nitong tarangkahan. Limang guwardya ang labis na nagmamasid dito kaya't hindi kami nito makakapasok ng madalian.
"I think that this is the end of our journey, hadsomes" Bigla na naman akong napangiwi nang banggitin iyon ng driver subalit kailangan kong umaktong hindi namimintas ng kaniyang mga Ingles. Kailangan ay mabait ako sa kaniyang harapan sapagkat marapat lamang din naman na igalang siya dahil sa kaniyang kabaitan.
"Maraming salamat po" bulalas ko sa kaniya na mayroon pang tuldik habang sinasaad ito upang magmukha talaga kaming dayuhan. Nginitian lamang siya ni Uncle Jazzib sapagkat hindi naman siya nakakapagsalita.
"I'm always welcoming you" Naiinis na talaga ako sa paraan ng kaniyang pagsasalita ng Ingles. Kanina pa siya pinagpapawisan dahil lang sa pagi-ingles at parang ako pa ang nahihirapan sa kaniyang pinanggagawa.
Subalit labis akong humahanga sa kaniyang pagiging makatao sa mga sandaling ito, sana ay ganito ang ugali ng lahat ng pilipino rito. Kung hindi lamang siya nag-anyaya kanina ay hindi siguro namin masusundan ang aking kapatid na babae.
Hinintay muna namin siyang makaalis sa aming harapan bago namin napagdesisyunang pumasok sa loob ng Hacienda.
Nais kong itanong sa aking tiyuhin kung bakit kami pinaghiwa-hiwalay na magkakapatid subalit parang wala siyang maibibigay na kasagutan sa akin.
Isang hakbang papasok sa malaking tarangkahan ng Hacienda pa lamang ang aming nagagawa nang iangat na ng mga guwardya ang kanilang mga baril at tinutok ito sa amin.
"Ang walang tungkulin sa loob ng Hacienda ni Marselas ay walang karapatang pumasok." Maawtoridad na boses ng guwardyang walang ngipin sa gitna.
"Ang sinumang lalabag sa batas ng lugar na ito ay ikukulong" ani pa ng pinakabata sa kanila.
Kating-kati na ang aking katawang pumasok sa walang kwentang tarangkahang ito. Kung pwede lang sanang patayin ang mga ito ay ginawa ko na. Subalit naalala ko ang itinuro sa akin ni Uncle Jazzib; Kung mayroon ka nang taong nalagutan ng hininga gamit ang sariling kamay, ang kalahati ng iyong kalamnan ay unti-unti nang kinakain ng demonyo.
Ayoko namang isipin na mas mauuna pang makakatikim ang demonyo sa aking katawan kaysa sa babaeng aking mapapangasawa. Kung kaya't malinis ang loob kong hindi na lamang sila patayin at pakiusapan nalang sa pinakamalinis na estilo.
"Nais lang po namin sanang kausapin ang batang dilag na kasa-kasama ng matandang lalaki kanina" Nagtataka ako kung bakit biglang umasim ang kanilang mukha.
"Sa loob ng lupaing ito ay wala kang makikitang nakatirang matanda, mayroon ka bang nakitang isa?" Usisa ng guwardyang may suot na anteoho. Pumalapit ako sa kanila at hinawakan ang rehas na bakal.
"Kung hindi lamang po sana kayo bulag ay makikita niyo ang kotseng kani-kanina lamang pumasok dito, kasama po ng batang dilag na kawangis ng aking mukha ang matandang aking tinutukoy" Agad na napatikhim ang guwardyang walang ngipin sa gitna.
Tila gusto nilang matawa subalit parang ipinagbabawal sa lupaing ito ang labis na pagtawa.
"Si Marselas pala. Teka-" Tinalikuran niya muna kami matapos ay tumataas-baba ang balikat na parang humahalakhak ng mahina. Agad rin siyang humarap sa amin na wala ng ni-isang emosyon ang makikita sa mukha. "Wala kang karapatang husgahan ang aming amo"
"Hindi ako nanghuhusga, sinasabi ko lamang ang katotohanan-"
"Kung ibulgar mo lamang ang katotohanan ay para mo na ring hinusgahan ang tao" Napatahimik ako sa sinabi ng pinakabata sa kanila.
"Ang pagsasabi ng katotohanan ay kailanman hindi matatawag na panghuhusga, maliban na lamang kung nasaktan ka sa katotohanang iyon" Sila naman ang napatahimik sa pagkakataong ito.
"Ngayon sabihin niyo sa'kin, nasaktan ba kayo sa aking sinaad na matanda?" Parang anumang segundo ay susulong na sila kaya't agad na akong bumalik sa pwesto kanina.
"Alam niyo bang ang tinatawag na panghuhusga ay mahahalimbawa sa inasta ng guwardyang walang ngipin kanina? Nakita niyo naman siguro ang kaniyang patalikod na paghahalakhak." Nakita kong namumula na ngayon ang mukha ng guwardyang aking binabanggit.
"Tinawag mo akong walang ngipin, iyon ang tunay na panghuhusga!" Kung hindi siguro sarado ang tarangkahang ito ay sinasakal na ako ng guwardyang ito.
"Hindi iyon panghuhusga, iyon ang katotohanan!" Tumataas na rin ang tono ng aking boses. Wala ka talagang magandang mapapala sa makikitid ang utak.
"Panghuhusga ang tawag dun sapagkat nasaktan mo'ko!"