Isang araw ay wala akong ginagawa,maghapon naman sa dagat si Brave kaya naisipan kong sumunod kay Nanay Neth sa palengke.
"Oh? Keeyo?! Anong ginagawa mo dito?" ang gulat na tanong ni Nanay Neth ng makita ako.
"Wala po kasi akong magawa sa bahay. Pwede po bang tumulong sa pagtitinda mo?" ang sagot ko naman. Hindi naman kasi pwedeng nakikituloy ako sa kanila tapos wala akong ginagawa? Sobrang nakakahiya naman nun.
"Sigurado ka ba? Aabutin tayo ng gabi dito?"
"Ayos lang po Nay,pabayaan nyong si Brave naman ang mag isa sa bahay." ang biro ko pa na ikinatawa ni Nanay Neth.
Haayst! Miss ko na ang tawa ni Mama,ang kulitan namin,lahat ay miss ko na.
Alas dose na ng tanghali at nagbreak muna kami. Kumain kami ni Nanay Neth sa isang karendirya sa Balayan. Sa jollibee ko nga sya niyayaya pero ayaw nya,nakakahiya daw dahil amoy isda sya.
Sa kalagitnaan ng pag kain namin ay napatigil ako. May pamilyar na tao akong nakita na nakikipag usap sa di kalayuan sa amin.
Shit! Anong ginagawa nya dito?
"Nay,kayo muna magbayad. Sa bahay kita bayaran. Dun na din tayo magkita!" agad na akong tumayo at nanakbo ng hindi hinihintay ang sagot ni Nanay Neth.
"KEEYOOO! SAGLIT!!" sigaw nito. Hindi nya dapat ako maabutan.
Mabilis akong nakipagsiksikan sa mga tao para makalabas sa palengke.
Hanggang sa nabunggo ako sa isang tao.
"Araay!!"
"Sorry po! Nagmamadali--Lemon?!"
"Keeyo? Bakit ka ba nananakbo?!"
"May humahabol sa akin. Kailangan kong makalayo!" ang taranta kong sagot at tumingin sa likod ko.
"Ganon ba? Tara,itatago kita!" at bigla na lang akong hinila ni Lemon,direderetso ang lakad namin. Hindi na ako lumingon sa takot na baka nakasunod lang ito sa amin.
Dinala ako ni Lemon sa terminal ng jeep. Agad kaming sumakay. At ng mapuno ang jeep ay lumarga na ito.
"Salamat,Lemon." ani ko ng nandito na kami sa lugar namin.
"Okay. Ano yon? Bakit ka hinahabol? May napatay ka ba?" ani Lemon na halatang naguguluhan sa nangyari.
"Hindi,wala akong pinapatay." ang agad ko namang depensa. Never kong magagawa yon at hinding hindi ko gagawin.
"Okay! Tara sa may parola. Dun mo sa akin ikwento. Pwede mo akong pagkatiwalaan." at hinila nya ulit ako.
Nang makarating kami sa taas ng parola ay namangha ako. Ang lakas ng hangin,tanaw ang buong dagat at ang buong paligid.
"Lagi ko itong nakikita,pero ngayon lang ako nakapunta dito." ang hindi ko mapigilang sabi. Ang sarap sa pakiramdam pag tumatama sa katawan ang hangin.
"Nung bata pa ako,may napadpad dito sa lugar namin. He was broken,napaka gwapo nya. Nabanggit ko na sya sayo nung una tayong nagkakilala." aniya at ngumiti,na parang binabalikan ang nakaraan.
"Yung Krew? Yung nabulag?" ang paninigurado ko,tumango sya at tiningnan ako.
"Tulad natin,bakla din ang minahal nya. Araw araw ko syang hinahatid at sinusundo dito. Humanga ako sa kanya,nangarap ako na balang araw,may magmahal din sa akin na gaya nya. Kaya lumaki akong tulad ni kuya Krew ang hinahanap ko sa mga lalaki. Alam mo,ang ganda nung bakla,si Laxmi. Pag bakasyon nandito sila palagi." mahaba nyang sabi.
Naalala ko si Kaze,yung mga panahon nagsisimula pa lang kami hanggang sa maging kami na.
"Totoo namang may mga lalaking nagmamahal ng mga gaya natin. May boyfriend ka ba?" ang sabi at tanong ko.
"Meron akong gusto,mula high school,kaibigan iyon ni Brave. Kaya medyo nahihiya ako kay Brave,dati kasi close kami. Nasira lang nung nalaman nila na gusto ko nga yung lalaki. Nahiya na ako at umiwas dun sa lalaki at kay Brave." sagot ulit ni Lemon.
Napabuntong hininga ako,napaka kumplikado talaga ng buhay pag ibig ng mga third sex.
"Hindi ka dapat nahiya. Im sure,naghihintay lang sila na ikaw ang unang mamansin."
"Siguro. Bahala na,eh ikaw? Bakit ka tumalon sa barko? Boyfriend mo ba yung humahabol sayo? Yung tinatakasan mo?" ang sabi ni Lemon. Tumingin sya sa akin at muling tumingin sa dagat.
"May boyfriend ako. Pero may nagawa akong malaking kasalanan. Paniguradong galit na sya sa akin at ang pamilya ko. Hindi ko kinaya kaya naisipan ko magpakamatay." ani ko. Sa totoo lang,hindi pala ganon kadali lumimot. Kailan kaya darating ang araw na hindi na ako masasaktan pag naisip ko yon?
"Aw. Wala akong masabi. Im sorry."
"Mahal na mahal ko si Kaze. Mahal na mahal ko ang pamilya ko,pero walang kapatawaran ang nagawa ko." ani ko at nagpunas ng luha. Naiyak na pala ako ng hindi ko namamalayan.
"Sya ba yung tinatakasan mo kanina?"
"Hindi." ang simple kong sagot at pareho na kaming natahimik.
"Ang sarap mainlove no Keeyo?" pagkuway sabi ni Lemon sa gitna ng katahimakan.
"Oo,pero masasabi mo lang na tunay kang nagmahal pag nasaktan ka na. Yan ang partners eh,love and hurt. Kaya ikaw,madami ka pang pagkakataon,ako wala na." sagot ko na ikinatahimik nya.
"Nandito lang pala kayo. Nag alala ako ng makitext si Nanay na may nangyari daw sayo,Keeyo." boses iyon ni Brave. Nanlaki ang mga mata ni Lemon at hindi nakagalaw,kaya hinarap ko si Brave.
"Ha? Oo. Uhm sinamahan din ako ni Lemon." ang sagot ko. Tas may isang lalaking sumulpot mula sa hagdanan. Gwapo ito,pero gaya ni Brave,sunog din ang balat.
"Hoy Brave! Hindi pa tapos yung pagbibilad natin ng mga isda!" sabi nito. Saglit lang syang nilingon ni Brave,lalong nanigas si Lemon kaya nagtaka ako.
"Mas importante to kesa sa pagbibilad ng isda,Killian." sagot ni Brave dito.
"Huy! Lemon? Na estatwa ka na dyan." ang pagkalabit ko kay Lemon.
"Ano ba? Binanggit mo pa pangalan ko." ang bulong ni Lemon na nanlilisik pa mga mata.
"Lemon? Ikaw yan?" sabi nung Killian. Napangisi si Brave,at nahulaan ko na kung bakit.
"Keeyo,tara na." ani Brave at naglakad na pababa sa hagdanan.
"Oy Lemon,maiwan na kita ah? Salamat." at agad akong sumunod kay Brave. Nadinig ko pang tinawag ako ni Lemon pero hindi ko na pinansin.
"Bakit hindi mo din pinapansin si Lemon?" ang agad kong tanong kay Brave habang naglalakad kami pauwi.
"Tuwing papansinin ko sya,umiiwas sya." ang simpleng sagot ni Brave. "Masyado syang nahiya talaga siguro,kaya ganon."
"Yun ba yung gusto nya? Yung Killian?" tanong ko ulit.
"Oo. Sa Balayan na sya nakatira kaya talagang hindi na sila nagkikita ni Lemon."
"Ah. Kaya pala. Sana maging okay na sila." ani ko at ngumiti sa kawalan. Bumaling ako kay Brave na naglalakad pa din. "Last question Brave?"
"Ano yon?" tumigil sya sa paglalakad at hinarap ako. Medyo kinakabahan ako pero itutuloy ko pa din ang balak kong itanong.
"Anong opinyon mo sa mga bakla? Sa tingin mo ba posible sina Lemon at Killian?"
"Bakit ako ang tinatanong mo ng ganyan?" salubong ang mga kilay na sabi nya.
"Basta,sagutin mo na lang." ang pangungulit ko pa din. Wala lang,I just want to know his opinion.
"Hindi ko alam,Keeyo. Babae ang kailangan ng mga lalaki,si Lemon at Killian,magkaibigan huwag na nating bigyang malisya. Ayaw ko ng mag kumento patungkol sa mga gaya nya,pero hindi ako pabor." aniya saka nagtaas ng isang kilay.
"Okay! Salamat sa sagot." ani ko at nauna ng maglakad. Yun pala ang opinyon nya. So bahala na sya kung hindi pa din nya mapapansin na magkapareho kami ni Lemon.
Pagkadating sa bahay ay agad akong uminom ng tubig at naupo sa papag. Napaisip ako,ilang araw na ba ako dito?
"Bakit mo ba yun natanong?" ang biglang sulpot ni Brave sa may pintuan na ikinagulat ko.
"Walang gulatan dre!" ang agad kong sabi sa kanya na ikinangisi nya.
"Masama ba? Ikaw ang puro tanong kanina eh. Ngayon,sagutin mo ang tanong ko." aniya at lumapit.
"Wala lang. You see,pareho kami ni Lemon. Bakla din ako. Yun nga lang mas maligalig sya." ang sagot ko. Tinitigan lang ako ni Brave,na para bang pinag aaralan ang mga sinabi ko.
"Sabi ko na nga ba. Naghihintay lang ako na ikaw ang magsabi. Hindi ko kasi ugali ang manghusga." seryoso nyang sabi. Kinabahan ako,baka kasi biglang magbago ang pakikitungo nya sa akin.
"Makaka apekto ba ito sa samahan natin dito at sa pagtira ko dito? Sabihin mo lang. Ayaw ko namang pinagpipilitan ang sarili ko." ang nalungkot ko ng sabi.
"Ano ba yang mga sinasabi mo? Wala akong pakialam kung ano ka pa. Basta tao kang humarap at nakisama sa amin ni Nanay ay ganon din kami sayo." aniya at tumalikod na at naglakad palabas.
May mga binubulong pa sya na hindi ko na masyadong naintindihan. Napahinga ako ng malalim.
Itutuloy ko na ang pagbabago sa buhay ko. Kasama sina Nanay Neth,Lemon at Brave. Ang pagbabago ko sa lugar na ito.
Pero laking pagtataka ko pa din kung paano napadpad dito si Lourd? Sya yung nakita at tinakbuhan ko kanina. Nasundan nya kaya kami?
Hindi pa ba sya masaya sa ginawa nila sa akin?
Si Lourd ang huling tao na gusto kong makita. Sana huwag na nya akong guluhin.