Download App
51.66% Ruined Heart / Chapter 31: Kabanata 30

Chapter 31: Kabanata 30

Kabanata 30

"Maureen!"

Nagulat na lang ako nang patakbong lumapit sa akin si Danica at niyakap ako. Kauuwi ko lang kasi galing sa bakery.

"Miss na miss na kita!" sabi pa niya nang humiwalay siya sa akin.

Natawa na lang ako sa kanya. Kung makaakto itong si Danica, akala mo bang nagpunta ako sa malayong-malayong lugar. Sa bagay, ilang araw na kaming hindi nagkita. Na-miss ko na nga siyang kakuwentuhan at katabi sa pagtulog, e.

"Halika, pasok ka sa loob," paanyaya ko sa kanya.

"Ano 'yang dala mo?" tanong naman niya nang makitang may dala akong supot na kulay luntian.

"Ah, ito?" Itinaas ko pa ang hawak kong 'yon. "Bibingkang may latik. Pasalubong ko kay Itay."

"Wow ha. Balita ko nga kala Jacob, nagtatrabaho ka na sa bakery e," sabi naman niya sa akin.

"Salamat sa kanya at kay Junard," sagot ko naman. Naisip ko rin naman siyang alukin ng bibingka ko. "Ah, gusto mo ba? Dalawa 'to."

"Hindi, 'wag na," sabi naman niya at humawak sa braso ko. "Tara na sa loob."

Sabay kaming pumasok sa loob ng bahay at siya naman ay dumiretso sa papag namin. Doon siya naupo. Dahil hapon pa lang naman ay wala pa si Itay sa bahay. Siguradong namamasada pa 'yon.

"Sandali lang, a? Magbibihis lang ako," sabi ko sa kanya habang kumukuha ng damit na pambahay ko.

"Okay!" sagot naman niya.

Nang makakuha ako ng isang sando at isang shorts ay mabilis din naman akong nagtungo sa banyo para magpalit. Habang naroon ako ay narinig ko namang binuksan niya ang TV namin. Paglabas ko nga ay nakumpirma kong nanonood siya.

"Kamusta na?" tanong ko at tumabi sa kanya.

"Ikaw nga ang dapat kong tanungin n'yan, e!" sagot naman niya.

Napangiti naman ako at nagsimulang magkuwento sa kanya, "Ayos lang naman ako. Masaya ako kasi may bago na akong trabaho. Tsaka mababait naman 'yung mga kasama ko do'n. Pero, syempre, nakakapanibago. Nami-miss ko nga kayo, e."

"Hmm. Kami ba talaga o si 'Sir Zeus'?" mapanuksong tanong niya sa akin.

Sa pagkakabanggit niya ng pangalang iyon ay natigilan ako. Isang linggo na rin ang nakalipas simula nang mapalayas ako sa mansyon. Pero ni kahit minsan ay 'di ko na ulit nakita at nakausap pa si Zeus. Nami-miss ko na rin siya. Gustong-gusto ko na siyang makita.

Hindi ko maiwasang itanong sa sarili ko; naiisip niya rin ba ako? Palagi niya rin kaya akong naalala? Sana naman ay naiisipan niyang gumawa ng paraan para makausap ako.

"K-Kamusta na siya?" tanong ko kay Danica.

Napabuntong-hininga naman siya bago sumagot, "Alam mo, Maureen? Ibang-iba na ang pakiramdam sa mansyon ngayon. Naging istrikta na si Ma'am Helen, pati si Manang Guada. Si Sir Zeus. . . Bantay-sarado na siya. Kumuha ng ibang tauhan si Ma'am Helen, dahil ayaw niyang pagkatiwalaan sina Jacob."

Hindi ko mapigilan ang madismaya sa ibinalita niyang 'yon. Ibig sabihin, talaga palang mahihirapan si Zeus na humanap ng pagkakataon para makita ako? Siguradong hindi siya iiwan ng bantay niyang 'yon.

"Tsaka napadalas na nga rin 'yung pagpunta do'n ni Marquita, e. Malungkot din ngayon si Sir Zeus, kung alam mo lang," dagdag pa niya at halata ko sa boses niya ang awa sa aming dalawa ni Zeus.

"Gusto ko siyang makausap, Danica. . . Gusto ko ulit siyang mahawakan. . ." mangiyak-ngiyak na sabi ko sa kanya.

"Pero hindi pwede, Maureen," malungkot na sabi naman niya sa akin.

Napabuntong-hininga na lang ako.

"Malalapitan mo ba siya?" tanong sa kanya mayamaya.

"Uh, si Manang Guada lang ang nakakalapit sa kanya ngayon, e," sagot naman niya sa akin.

Naisipan ko sanang gumawa ng sulat para kay Sir Zeus at ipaabot kay Danica. Pero naisip ko rin na baka pati siya ay madamay. Baka mamaya, uminit ang ulo ni Ma'am Helen at mapalayas din siya. Ayoko namang mangyari iyon. Ayoko nang madamay pa ang mga kaibigan ko. Tama nang ako na lang ang nagdurusa dahil kasalanan ko rin naman ito.

Bahagya naman akong napapitlag nang hawakan ni Danica ang kamay ko. Kaya mula sa dingding ng bahay namin ay nabaling muli ang tingin ko sa kanya.

"Sorry, Maureen, ah? Hindi kita matutulungan," paghingi niya ng paumanhin sa akin.

"Ayos lang 'yon, Danica. Ayoko rin namang mapahamak ka pa," sagot ko sa kanya.

"Oh sige, a? Uuwi na 'ko. Magluluto pa 'ko, e. Sa susunod na lang ulit," paalam naman niya sa akin at tumayo na.

Tumayo na rin naman ako para magkapantay kami. "Sige. Sa susunod na lang."

* * *

Ilang araw pa ang lumipas at unti-unti na akong nasasanay sa bagong buhay ko ngayon. Hindi naman sobrang nagbago ang buhay ko, pero syempre iba noon sa mansyon at iba rin ngayon.

Sa bagay, maganda na rin ito dahil madalas ko na ulit nakakasama ang itay ko. Napansin ko nga rin kay Itay na mas sumaya siya noong palagi na kaming nagkakasama. Noon kasi, tuwing Sabado lang niya ako nakikita. Siguro nga mas ayos na rin ang ganito. . . Baka ayaw ng tadhana na malayo ako sa tatay ko. Para ipaalala sa'kin kung sino ang siyang mas wagas magmahal sa akin.

"Ang ganda naman niyang kwintas mo," nakangiting sabi ni Yngrid sa akin.

Napahawak naman ako doon. "Ito?"

Tumango naman siya. "Yung Sir Zeus mo rin ba nagbigay n'yan?"

Hindi na lingid sa kaalaman ni Yngrid ang totoong nangyari sa akin kung bakit ako napalayas sa mansyon. Nabanggit na rin naman daw ni Junard sa kanya. Pero 'wag daw akong mag-alala dahil 'di naman daw niya ako hinuhusgahan.

"Hindi, tatay ko ang may bigay nito. No'ng birthday ko," sagot ko naman.

"Ah. . ." Napatango-tango naman siya.

"Yngrid!"

Sabay kaming napatingin kay Manong Lando nang tawagin niya si Yngrid.

"Kuya Lando! Bakit po?"

"Makibili nga muna 'ko ng itlog d'yan sa palengke. Paubos na, e," utos naman ni Manong Lando sabay abot ng pera sa kanya.

"Sige po," sagot naman ni Yngrid. Pagkatapos noon ay bumalik na rin sa loob si Manong Lando. "Maureen, ikaw muna dito, a?"

"Sige!" sagot ko na lang habang siya ay papalayo na.

Dahil katanghalian at wala namang masyadong customer, naupo na lamang ako sa upuan doon. Nakakangawit din naman kasi ang nakatayo maghapon. Kita naman mula dito kung may lalapit man sa amin. Isa pa, may CCTV rin sa sulok ng bakery na 'to, kaya kung may magnakaw man, hindi pa rin siya makaliligtas.

Ilang sandali pa ay may naaninag akong lalaking nakasuot polong asul na papalapit dito sa bakery. Kaya naman kaagad akong tumayo para asikasuhin siya, pero gayon na lamang ang gulat ko nang makita ko ang hitsura niya.

"Maureen? Ikaw ba 'yan?" Halata rin sa mukha niya ang pagkagulat nang makita ako.

"S-Sir Apollo. . ." nasambit ko na lang.

"Dito ka na pala nagta-trabaho?" tanong pa niya sa akin sabay ngiti.

Tumango na lang ako bilang sagot.

"Uh. . ." Parang nag-aalangan pa siyang magtanong. "Kamusta ka na?"

"Ayos lang ako," walang ganang sagot ko. "Ano pong bibilhin mo?"

"Maureen, sorry sa nangyari. . ." halos pabulong na sabi niya at saka yumuko.

Bakit naman siya humihingi ng pasensya sa akin? Hindi naman siya ang nagpaalis sa akin sa mansyon kung hindi ang nanay nila. Pwera na lang kung talagang may kinalaman siya doon. Pero ayos lang. Hindi naman ako pwedeng magalit sa kanya. Gusto ko lang alamin.

"Ikaw ba ang nagsumbong kay Ma'am Helen?" diretsong tanong ko sa kanya.

Kaaagad naman siyang umiling. "Maureen, hindi! Hindi ako 'yon!"

"Pero nakita kita no'n sa mall!" giit ko naman. Pagkatapos ay idinugtong ko pa, "Sir Apollo, gusto ko lang namang malaman. Wala na rin naman akong magagawa pa."

"Okay, totoo. Sinundan ko kayo no'n sa mall—"

"Sabi ko na nga ba, e," reaksyon ko. Tama nga. Siya nga ang nakita ko no'ng araw na 'yon sa mall. Sinundan pala niya kami.

"—pero ginawa ko lang 'yon para makumpirma ang hinala ko! Maniwala ka, Maureen. . ." paliwanag pa niya.

"Pagkatapos sinabi mo kay Ma'am Helen ang nalaman mo at napaalis ako sa mansyon," pagpapatuloy ko.

"Hindi! Hindi ako ang nagsumbong kay Mama. Nakita ko kayo no'n at oo nalungkot ako—pero hindi ko naisip na ibulgar ang sikreto n'yo," paliwanag pa niya sa akin.

Napayuko na lamang ako. Sa pagkakataong ito, hindi ko alam kung maniniwala ba ako kay Sir Apollo o ano, e. Alam kong may motibo siya para isumbong kami ni Zeus. Pero para bang may nagbubulong sa akin na maniwala sa sinasabi niya.

"Maureen, sa palagay ko si Marquita ang may pakana no'n."

Kaagad akong napalingong muli kay Sir Apollo nang sabihin niya 'yon.

"Nakita ko rin no'n sa mall si Marquita. Binati nga niya 'ko, e. Pero tinanguan ko lang siya. Sa tingin ko, siya talaga ang nagsumbong kay Ma'am Helen," dagdag pa niya.

Napaisip naman ako at bumalik sa alaala ko ang sinabi noon ni Marquita nang magkita kami sa bookstore.

'Sige, Zeus. Magpakasaya ka d'yan sa puritang 'yan! Sinasabi ko sa'yo, I'll make sure na makakarating 'to kay Ma'am Helen!'

Nagtagumpay siya sa plano niya. Nagwagi siya sa pag-agaw sa'kin kay Zeus. Syempre, ano ba namang magagawa ng isang katulad kong mahirap lang? E, siya mayaman. Botong-boto ang lahat sa kanya.

"Maureen. . ." pagtawag ni Sir Apollo sa akin.

Napabuntong-hininga naman ako at saka inipit ang ilang takas na buhok sa likod ng tenga ko. "Kalimutan na lang natin 'yon. Ano bang bibilhin mo?"

"Special Ensaymada. Dalawa," sagot naman niya.

Sakto rin naman na dumating na noon si Yngrid. Kaagad ko siyang nilapitan at kinuha ang tray ng itlog na dala niya.

"Ako na magbibigay nito kay Manong Lando," pagpi-prisinta ko. "Pakibigyan ng dalawang special ensaymada 'yung lalaki."

Nagulat naman siya sa ginawa kong 'yon pero kaagad ding tumango-tango. Walang salita naman na pumasok ako sa loob para iabot kay Mang Lando ang tray ng itlog.

Sinubukan ko na lang ituon ang atensyon ko sa trabaho ko hanggang sa hapon na't uwian na namin. Kapag ganoon ay naglalakad lang ako mula sa bakery hanggang sa may sakayan. Kaya minsan, dumadaan ako sa palengke para ibili si Itay ng pasalubong na meryenda.

Habang naglalakad patungo sa sakayan ay napansin ko ang ilang mga taong galing sa isang bangko. Dalawang lalaki at dalawang babae. Malayo pa lang ay kita ko na ang mga ngiti nila, kaya mukhang nagkakatuwaan sila. Mayamaya rin ay nagpaalam na ang isang lalaki at kaagad na sumakay sa asul na kotse niya.

Kung gano'n dito pala nagtatrabaho si Sir Apollo.

* * *

Pagkauwi ko naman galing sa bakery, nagluto na kaagad ako ng hapunan namin ni Itay. Kanin at langgonisa lang. Habang hinihintay siya ay nagligpit din ako nang kaunti dito sa bahay. Mayamaya rin naman ay dumating na siya.

Lumapit agad ako at nagmano sa kanya.

"May lechon tayo ngayon! Bigay ni Pareng Carlos," sabi naman niya at itinaas pa ang supot ng lechon para maipakita sa'kin.

"Ay, Tay, hinay-hinay lang. Baka ma-high blood ka na naman po," paalala ko naman sa kanya. Siya naman ay abalang isinasalin ang lechon sa mangkok.

"Ikaw naman oh. Minsan lang naman, e," katwiran naman niya sa'kin.

"Bahala ka nga, Tay."

Naiiling na lang akong lumapit sa tauban ng pinggan namin at kumuha ng dalawang pinggan. Kumuha na rin ako ng panandok ng sinaing saka ng kutsara at tinidor.

"Wag kang mag-alala. Malakas yata 'tong tatay mo!" pagyayabang pa niya sa'kin.

Umupo naman ako sa harapan niya matapos kong ayusin ang mga plato namin.

"Tay, nag-papaalala lang naman ako," sabi ko habang nagsasandok ng kanin.

"Hayaan mo nga't minsan lang naman," sabi pa niya.

"E, may magagawa pa nga po ba 'ko?" pagsuko ko naman.

"Kamusta naman sa panaderya? Marunong ka na bang gumawa ng pandesal?" pag-iiba naman niya ng usapan.

"Medyo-medyo lang po," nahihiyang sagot ko naman. Hindi ko pa rin kayang gawin nang maayos. Si Mang Nesty, magaling na talaga siya. Kuwento niya sa akin ay ilang taon na rin niyang ginagawa 'yon.

"Ayos lang 'yan," sabi naman ni Itay.

"Oo nga po. Kahit maliit ang kita, okay na rin," sabi ko pa.

"Basta magsikap ka lang at mararating mo ang gusto mo," payo naman niya.

Napangiti ako. "Opo, Itay."

Matapos noon ay tahimik lang kaming kumain. Minsan ay nabanggit niyang ipinaghanda daw ng anak si Mang Carlos, kaya may pa-lechon ito. Host kasi ng mga events ang anak nito.

Pagkatapos namang kumain ay iniligpit ko na ang mga pinagkainan namin para maurungan. Nagulat naman ako dahil kaagad ding kinuha ni Itay ang susi ng tricycle niya.

"Oh, Tay, aalis ka pa?" tanong ko at nilingon siya.

"Oo! Marami pang mga pasahero, e. Sayang din ang kita," sagot niya.

"P-Pero, Tay, gabi na, a!" sabi ko naman at tuluyan na siyang hinarap.

"Hayaan mo na. Matulog ka na kapag inantok ka, a?"

Pagkatapos noon ay tuluyan na siyang lumabas. Wala na akong nagawa para pigilan siya. Hindi naman magpapapigil 'yon. Ang tatay ko talaga na 'yon, walang kapaguran. Basta may kita, sige.

Pero hindi ko naman mapigilan ang mag-alala sa kanya. May katandaan na si Itay, at alam kong masama sa kalusugan niya ang magtrabaho nang magtrabaho. Kung pwede nga lang sana, patitigilin ko na siya sa pagta-tricycle, e. Kaya lang, hindi naman pwede.

Ang hirap talagang maging mahirap.

Itutuloy . . .


Load failed, please RETRY

Weekly Power Status

Rank -- Power Ranking
Stone -- Power stone

Batch unlock chapters

Table of Contents

Display Options

Background

Font

Size

Chapter comments

Write a review Reading Status: C31
Fail to post. Please try again
  • Writing Quality
  • Stability of Updates
  • Story Development
  • Character Design
  • World Background

The total score 0.0

Review posted successfully! Read more reviews
Vote with Power Stone
Rank NO.-- Power Ranking
Stone -- Power Stone
Report inappropriate content
error Tip

Report abuse

Paragraph comments

Login