Napatingin ang lahat sa kakalabas lang na doktor mula sa emergency room. Sinalubong nila ito lahat habang naghihintay ng ibabalita nito sa kanila.
"Dok, kumusta ho ang asawa ko?" bungad ni Caridad.
"Hindi naging maganda ang pagkakatama ng ulo niya, mabuti na lang at walang naging internal bleeding. Under observation pa siya hanggang sa magising siya. We will observe kung may epekto ba ang pagkakahulog niya sa psychological and even physical health niya."
"Okay Dok, puwede na po ba namin siyang makita?" tanong muli Caridad.
"Yes, puwede na kapag nalipat na siya sa private room niya."
Nang malipat na si Armando sa private room nito, nagsipasukan na silang lahat. Wala pa ring malay si Armando kaya nag-aalala pa rin sila. Sobrang nag-aalala si Caridad sa asawa dahil napalakas talaga ang tama ng ulo nito sa sahig. Kung kaya niya lang sana lumipad ay gagawin niya huwag lang ito tuluyang mahulog sa hagdan subalit wala siyang kakayahan, ang tanging nagawa niya lang noong nangyari iyon ay ang sumigaw.
"Theo, umuwi na kayo. Ako na bahalang magbantay sa daddy mo," utos ni Caridad.
"But, paano ka? Paano ka makakapagpahinga?" nag-aalalang tanong naman ni Theo sa ina.
"Okay lang ako anak, ikaw ang inaalala ko. Magpahinga na kayo, kaya ko na ang sarili ko," sabi ni Caridad.
"Sige," napipilitang pagsang-ayon na lang ni Theo pero ang totoo, ayaw niya talagang iwanan ang ina at ayaw niya ring umuwi hangga't hindi pa nakikitang gising ang kaniyang ama. "But, you should call me kapag gising na si Dad."
Tumango si Caridad kaya naman napalagay na rin si Theo. Umuwi na sila. Hinatid sila ni Cliff sa mansion.
Nakatulala pa rin si Theo sa loob ng kotse. Iniisip pa rin nito ang nangyari sa araw na iyon. Subalit nahalata naman ni Rina ang pangamba sa mukha ng katabi kaya naman hindi siya nagdalawang-isip na hawakan ang kamay ng lalaki. Ikinalingon iyon ng lalaki. At sa halip na mailang siya sa pagtitig ni Theo sa kaniya, pinakitaan niya ito ng ngiti.
Ganoon kahalaga sa kaniya ang lalaki. Kung kaya niya lang alisin lahat ang pangamba at pag-aalala sa utak nito ay gagawin niya. Hindi niya gustong nahihirapan ang lalaki. Hindi pa naman ito palakuwento ng totoong nararamdaman. Pansin niya na mas pinipili nitong itago iyon kumparama sa malaman ng lahat ang laman ng isip nito. Mas gugustuhin pa nito na isipin ng lahat na galit ito kaysa ipakita ang takot. Hindi niya rin ito masisisi. Siguro takot lang din itong mahusgahan.
Pagdating sa mansion ay nagprito na lang si Rina ng canned meat products. Alam niyang gutom na si Theo dahil wala silang kinain na tanghalian. Hindi na nila naalala pang kumain noong oras na iyon dahil sa pag-aalala.
Pagkahatid sa kanila ni Cliff ay umalis na rin ito. Dumiretso naman si Theo sa itaas papunta sa silid nito.
Samantala nang matapos si Rina magluto, pinuntahan niya na si Theo sa kuwarto nito upang yayain na kumain na sila.
"Theo, luto na ang pagkain. Bumaba ka muna para kumain."
"I'm full," sagot nito sa kaniya mula sa kuwarto.
"Pero, wala ka pang kain simula kanina."
"I said, I'm full. Kung gutom ka na, you can eat alone."
Huminga siya nang malalim. Gusto niya sanang pilitin itong kumain pero alam niyang magtatalo lang sila. Ayaw niya namang painitin ang ulo nito lalo dahil hindi niya na gustong magkaroon muli ng tila bagyo sa kuwarto nito katulad nang huling nagalit ang lalaki. Hindi niya gustong umaakto si Theo na parang isang halimaw. Kaya hangga't maaari iniiwasan niyang galitin ito.
Bumaba na siya sa kusina. Siya na lang kakain mag-isa. Nasanay na rin naman siya dahil madalas na kapag inaalok niya si Theo kumain ay tumatanggi ito at pinapauna na lang siya. Bilang lang ang araw na nagkasabay silang kumain ng lalaki. Pero aaminin niya nakakalungkot na kumain mag-isa, noong nasa bahay pa kasi siya, madalas silang kumakain nang magkakasabay. Sama-sama silang buong pamilya. Ngayon niya lang talaga naranasang kumain mag-isa. Subalit hanga siya kay Theo dahil nakayanan nitong magtagal sa ganoong uri ng buhay. Nakayanan nitong kumain nang mag-isa sa matagal na panahon. Tiyak na nakakalungkot iyon. Nakakabagot ang mag-isa sa mansion na iyon.
Kaya naninibago rin talaga siya at nami-miss na makasalo sa hapag ang kanyang pamilya. At kahit pa nga nang mamatay ang papa niya, hindi pa rin nila inalis ang ugali na magkakasabay dapat kumain. Hindi puwede iyong mamaya na o kaya naman sandali lang. Kapag naihain na ng kaniyang ina ang mga pagkain sa hapag, dapat maupo na rin ang lahat para kumain.
Hindi iyon ang nakasanayan ni Theo. Kung siya ang nasa kalagayan ni Theo, pakiramdam niya ay mababaliw siya sa sobrang bagot. Baka makausap niya na ang sarili o kaya lumikha na siya ng imaginary friend para hindi lang siya maburyong.
Matapos kumain ni Rina at maghugas ng pinagkainan. Umakyat na rin siya sa kaniyang silid. Naglinis muna siya sa sarili bago natulog.
Nagising si Theo nang narinig ang ring ng kaniyang phone. Sinagot niya iyon nang hindi tinitingnan kung sino ang tumatawag. Nakapikit pa rin siya.
"Insan," bungad ni Cliff sa kabilang linya.
"It's too early, bakit napatawag ka?"
"Anong early ka diyan! Mag-aalas-dose na. Gising na!"
Narinig niya sa kabilang linya ang malakas na pagtawa ng pinsan na si Cliff. Ibababa niya na sana ang phone dahil hindi gusto nang pandinig niya ang pagtawa nito nang magsalita ito.
"Insan."
"What? Just tell what you have to tell me because you are making my mood worst."
"Ito na nga Insan, sabi nga nila, magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa ba-"
"Ibababa ko na," pananakot niya.
"Ito na nga, ito na nga. This is a bad news. Mr. Ellasar, emailed me and told me na disappointed siya. Nanghingi na ako ng paumanhin pero mukhang galit ito. Nasayang daw ang oras niya kakahintay sa atin. Ni hindi man lang tayo nagsabi sa kaniya na hindi tayo makakapunta..."
"Then?"
"Sinubukan kong magpaliwanag pero hindi niya na ako binigyan ng pagkakataon. Ang sabi niya, business is business. There is no space for personal matter daw sabi niya," sumbong ni Cliff.
Huminga nang malalim si Theo sa sinabi ng kaniyang pinsan. Ayon na nga ba ang sinasabi niya. Ang kaisa-isang pag-asa nila sa ikababangon ng branch ay nawala pa sa kanila. Unti-unti niyang dinilat ang mata. Hindi naging maganda ang salubong sa kaniya ng araw na iyon. Masamang balita agad.
"Insan, andyan ka pa ba?"
"Yes."
"Pero may magandang balita ako sa 'yo."
"Spill it."
"May darating na VIP guest sa hotel natin. Sa hotel daw natin ito nagpasyang magpa-reserve ng room dahil may sadya rin ito malapit sa branch natin. Guess who?"
"Sino?"
"Siya lang naman ang may-ari ng sikat na sikat na phone sa bansa. Ang IVO brand. May isa pang magandang balita..."
"Puwede ba, ituloy-tuloy mo na," naaasar na utos niya sa pinsan.
"Sige, sige. Nalaman ko na naghahanap sila ng lugar na pagdadausan ng yearly celebretion nila dahil sa maunlad nilang business. Mayaman ang may-ari ng IVO brand phone. Maaari natin siyang kumbinsihin na sa hotel na ganapin ang event nila."
"That's nice idea."
"Pero paano?"
"Again, kailangan niyang ma-impress sa hotel service natin para mapili niya ang hotel natin sa event nila."
"Paano natin uumpisahan?"
"Maybe this is the time na kailangan ko nang bumisita diyan. I'm gonna check all of our employees. Aalamin ko kung ginagawa ba nila nang maayos ang trabaho nila."
"Sigurado ka Insan? Pupunta ka na talaga rito?"
"Yeah."
"Yes!"
Narinig niya ang malakas na sigaw ni Cliff sa kabilang linya. Tuwang-tuwa ito nang narinig na aapak na siya sa hotel branch sa Manila. Matagal na nitong pangarap iyon. Matagal na siya nitong hinihintay na makarating doon kaya naman ganoon na lang ang saya nito sa narinig na sinabi niya.
"Wala nang atrasan Insan, a. Ia-announce ko na sa lahat."
"Huwag," pigil niya. "I want to surprise them. Gusto ko silang gulatin...dahil alam kong sa oras na banggitin mo na darating ang anak ni Mr. Ledesma, paghahandaan nila iyon at magpapanggap na ginagawa nang maayos ang kanilang trabaho."
"Okay."
"Keep it a secret...hayaan mong magulantang sila."
"Natatawa talaga ako sa 'yo, Insan. Kakaiba ka mag-isip."
"Because this is the world of business. I have to be wise."
"Sige, sige. Noted, Insan. Bye."
Binaba niya na ang phone at tumayo na sa kama. Handa na siyang lumabas at magpakita sa mga empleyado nila sa Manila. Hindi, kailangan niyang maging handa para isalba ang kumpanya. Kung hindi pa siya kikilos ay mas lalo siyang magiging talunan. Pangalawang beses na rin naman siyang nakalabas ng mansion, sa tingin niya ay magiging maayos na siya sa pangatlong pagkakataon. Sisikapin niyang kayanin.