ISINARA muna ni Michie ang KMIX at nagpasyang mag overnight muna sa bahay ng kanyang mga magulang. Isinuhestyon ni kuya Mike na gawin muna niya iyon para maipagtapat niya ang nangyari sa magulang.
Si Mike rin ang humingi ng "meeting" sa kanilang magulang at nakiusap na patapusin muna ang kuwento bago mag-react ang mga ito. Nakaalalay ang kanyang kapatid habang inilalahad niya ang rehistradong kasal, ang pagbabalik ni Diego sa bansa, at ang pagtatagpo sa dati niyang condo unit.
Ilang beses na may sasabihin sana ang kanyang mama pero sinasawata ito ng kanyang papa, laging sinasabi na, "Patapusin mo muna magkuwento ang mga bata."
"Sabi po ni Julius ay siya na po ang mag-ha-handle ng pagpapa null and void. Siya na lang din po ang makikipag-usap kay Diego at sa abogado nito para sa maayos na pag-proseso ng mga papeles," pagtatapos niya.
Nakita niya ang may inis na pag-iling ng kanyang ama, at ang dismayadong mukha ng kanyang ina. Alam naman ng mga ito noon pa ang tungkol sa pagpayag niya sa kunwaring kasal nila ni "Jamie". Napagalitan siya noon pero syempre ay napatawad pa rin dahil ang nasa isip niya ay tumutlong lang siya sa kanyang kaibigan at housemate.
Naiintindihan naman niya kung mainis ang mga ito ngayon. Kasi may karugtong pala ang problema noon, at hindi lang basta karugtong na problema, kundi isang napakabigat na suliranin lalo na at legalities ang kakaharapin.
"Wala na tayong magagawa riyan, nandiyan na. Gaano ba katagal iyong proseso ng pagpapa null and void nung kasal ninyo ni Diego?" tanong ni mama Amanda.
"Sabi po ni Julius ay naka depende po sa lahat ng ipipirisinta namin na ebidensya. Malamang po ay may appearance din po sila Kristine at Lizzie dahil sila po ang tumayong witness. Alam naman po nila na dapat ay kasal-kasalan lamang iyon," tugon niya. "Saka kung makikipag-operate naman po si Diego, mabilis lang po matatapos ang trial ng kaso."
"Saka pareho naman po silang walang idea na totoo po pala iyong kasal. Iyon lang po ang dapat nilang i-prove sa korte," dugtong ni kuya Mike.
"Kaya ikaw, Michelle, mag-iingat ka sa mga desisyon sa buhay. Huwag ka magpapadala sa awa o sa damdamin mo ng basta-basta. Lagi mong gagamitin ang utak mo at iisipin mo lagi ang consequences ng mga gagawin mo," may diin na sabi ni papa.
"Eh ang tanong, ano ang naramdaman mo nang magharap kayo muli ni Diego?" tanong ng mama niya.
Nadama niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi. Bakit naman kailangan itanong iyon ng mama niya?
"Ma! Syempre naasar ako. Hindi naman po ako natutuwa na niloko na nga niya ako noon, eh may problema pa tuloy ako ngayon dahil sa kanya," sabi niya na nilagyan talaga ng pagmamaktol ang tinig. "Sinuntok ko nga pagkaalis nila kuya Mike at Julius."
Namilog ang mga mata ng mama niya bago napamaang. Ang papa naman niya ay napataas ang kilay pero parang nagpipigil naman tumawa. Si kuya Mike ay hindi makapaniwala ang mukha.
"Napaka feminine at hinhin mo eh naununtok ka?" gilalas na tanong ng kakambal.
Siya naman ang nagtaas ng kilay bago sumagot. "Sexist ka rin, 'no? Buti nga hindi ako ganoon kalakas sumuntok. Eh kayo nga nagkaputukan sa mukha," may katarayan niyang sabi.
Sabay na napabaling ang mama at papa nila kay Mike. Ang facial expression ng kanyang kapatid ay, 'Bakit mo sinabi?'
"Eh paano ko po hindi susuntukin, eh dahil sa kanya muntik na napahamak noon si Michie? Tapos ipinagtapat niyang siya ang bumili sa dating condo unit, at saka totoo pala ang kasal nilang dalawa? Saka puwede bang hindi ako sasali eh silang dalawa ni Julius ang nagsimula?
"Syempre sinuntok ni Julius si Diego nung sinabi niyang totoo pala ang kasal at gusto niyang manatiling asawa si Michie. Mapipikon si Julius kasi siya ang boyfriend eh. Nagtiyaga siyang manligaw at maghintay na sagutin ni Michie tapos asawa na pala ng iba?
"Aalma talaga iyong best friend ko, at nung gumanti ng suntok sa kanya si Diego, syempre eh manununtok na rin ako," defensive na sagot ni kuya Mike.
Talaga naman kapag may kasalanan, mahaba ang paliwanagan. Nakita niyang natawa na ng tuluyan si papa Ramon, habang iiling-iling si mama Amanda.
"Eh napuruhan mo ba?" tanong ni papa sa pagitan ng pagtawa.
"Pa!" sabay na saway nilang mag-ina.
Nagkamot sa ulo si kuya Mike. "Tinamaan ko pero nagantihan din po ako."
"Sino umawat?" tanong ni mama.
"Tumigil na po kami pagkatapos magkatamaan. At least lugi po si Diego, naka tig-isa kaming suntok ni Julius sa kanya. Tapos sinuntok pa pala nitong si Michie. At halata naming hindi niya gagantihan si Michie, kundi lilitsunin ko siya," may pagmamayabang na sabi ng kapatid.
Pero hindi niya napigilan ang sarili, natawa siya at tila ay nahawa na rin ang magulang nila at ang kakambal niya.
NAKALIGO na si Michelle at nagpapatuyo na lang ng buhok bago matulog. Bukas ng umaga ay babalik na siya sa bahay niya. Nag aalala siya na baka may mga customers siyang magtampo sa panandalian niyang pagsasara.
Tatawagan sana niya sila Lizzie at Kristine nang may kumatok sa pintuan ng kanyang kuwarto. "Tuloy," aniya. Bahagya siyang nagulat nang makitang si kuya Mike ang pumasok, akala niya ay mama niya.
"O, kuya, bakit?" tanong niya pagkaupo nito sa dulo ng kanyang kama.
Nakatitig lang ito sa kanya bago huminga ng malalim. "Michelle."
Muntik na tumaas ang kilay niya. Bihira siyang tawagin nito sa buong pangalan, kagaya na bihira niya itong tawagin na Michael. Bigla tuloy siyang kinabahan.
"Bakit?" tanong niya at saka ibinaba ang hawak niyang hair brush.
"Kanina, pagkagaling mo sa condo unit ni Diego, napansin ko na iba ang hitsura mo." Huminto ito at tila ay hinihintay ang reaksyon niya. Nagkibit balikat lang siya. "Alam kong galing ka sa pag-iyak. Hindi man namumugto ang mga mata mo, pero ramdam ko ang lungkot mo," malumanay nitong sabi.
Pinag-aralan niya ang hitsura ng kapatid. Mukhang sincere ito sa sinasabi at hindi nanunukso. Wala ang usual nitong pang-aasar sa kanya.
"Eh mayroon bang matutuwa kapag nalaman mo na iyong pekeng kasal mo pala ay totoo? Malaking poblema kasi iyon at sakit sa ulo," tugon niya. Totoo naman ang sinasabi niya ah.
"Pero iyon ba ang dahilan ng pag-iyak mo? Iyong totoo, mahal mo pa rin ba si Diego?" diretsong tanong nito.
Magkunwari na lang kaya siyang inaantok na? O kaya ay maghikab ng bonggang-bongga tapos hihimatayin na sa sobrang antok? Pero sigurado siyang yuyugyuginlang siya ni Mike hanggang sa magmulat siya ng mga mata.
"Bakit mo ba itinatanong 'yan?" balik-tanong na lang niya.
"Michelle!"
Aba! Ginagamit nito ang kuya voice nito! Kaya din naman niya ang bunso attitude ah! "Aba, kahit kambal tayo, puwede ko naman hindi sagutin ang tanong mo. Karapatan ko 'yan," pagdadahilan niya ng may katarayan.
Bumuntunghininga ito. "At dahil sa ganiyan ang pagsagot mo, alam ko na. Mahal mo pa rin si Diego. Kasi kung hindi, hindi ka dapat nahihirapan sagutin ang tanong ko."
Natigilan siya. May puntos nga ang kapatid. "Alam mo naman pala ang sagot, nagtanong ka pa," mahinang sabi niya.
Hindi na nabigla si Mike at mukhang inaasahan na nito ang isasagot niya. "Nung nagkausap ba kayo kanina ay saka mo naramdaman na mahal mo pa rin siya?"
Sinalubong niya ang nanunuring tingin ng kapatid bago siya marahang tumango. Sukol na siya eh alangan naming umiwas pa siya sa mga tanong nito o kaya ay magsinungaling?
"At sinabi rin sa'yo ni Diego na mahal ka pa rin niya?"
Muli siyang tumango sa tanong ng kapatid. "Ramdam ko naman na nagsasabi siya ng totoo nung sinabi niya na ang iniba lang niya dati ay ang pangalan niya, at nagkunwari lang siyang bakla. Pero totoo na ang lahat, lalo na ang damdamin niya."
Tumikhim muna si kuya Mike bago ito muling nagsalita. "Michie, timbangin mo maigi ang damdamin mo. Kasi kung talagang mahal mo pa si Diego, ibig sabihin ay mahal pa ninyo ang isa't isa. Unfair iyan para kay Julius. Alam ko naman na hindi mo niloloko si Julius, pero matututunan mo bang ibaling ang feelings mo sa kanya?"
Naramdaman niya ang pangingilid ng kanyang mga luha. Si Julius… na napakabait at haba ng pasensya sa kanya. Hindi na niya dapat nararamdaman ang ganito para kay Diego kasi dapat ay ang kasintahan na ang mahal niya.
Umiling siya. "Hindi ko alam kung kaya ko o hindi," matapat na sagot niya bago nag-unahan sa pagpatak ang kanyang mga luha. "Pero sa ngayon, isa lang ang alam ko, mahal ko pa rin si Diego," at muling pumatak ang mga luha niya.
Gumuhit ang awa sa mukha ng kanyang kuya. Lumapit ito ng upo sa kanya at ibinukas ang bisig. Pumaloob siya roon at hinayaan niyang yakapin siya ng kapatid. Hinayaan na rin niya ang sarili na tuluyang umiyak.
Nang kumalma na siya ay saka siya kumalas sa kapatid. Kinuha niya ang tissue holder na naka patong sa bedside table niya, at pinunasan ang kanyang mga luha bago suminga. Pagkaayos niya ng sarili ay saka siya tumingin sa kapatid.
"Paano na, kuya?" tanong niya.
"Ano ba ang naiisip mong dapat gawin mo?" ito naman ang nagbalik-tanong sa kanya.
"Kailangan kong kausapin si Julius nang masinsinan. Kailangan malaman niya ito." Alam man niyang mabait si Julius, pero hindi ito santo. Dapat ay ihanda niya ang sarili kung anoman ang magiging reaksyon niya. Mas malaking kasalanan kung hindi niya sasabihin. Bahala na si Batman, at sana ay isama niya si Robin!
"Pag-isipan mo na lang maigi kung paano mo sasabihin kay Julius," bilin ni Mike. "Ayoko sa bandang huli ay pare-pareho lang kayong masasaktan," dugtong pa nito.
Siya naman ang napabuntunghininga. Bakit ba kapag dumarating si Diego sa Pilipinas ay nagiging komplikado lagi ang buhay niya?