"Pasensya na inay ngayon po uli kami napadalaw marami po kasing trabaho sa office", ang sabi ni Cristy sa ina.
*****
Kasabihan na ang isang ina ay hindi maaaring tiisin ang mahal na anak, subalit ilang anak kaya ang puwedeng tiisin ang ina na nag-aruga sa kanya at nagtaguyod hanggang sa siya ay maging matatag sa buhay upang sagupain ang mga unos ng pagsubok.
Sa isang bario sa probinsya ng Ilocos ay may naninirahan na mag-ina, si aling Belen at ang nag-iisa nitong anak na si Cristy.
Palibhasa ay wala ng katulong si aling Belen sa pagpapalaki kay Cristy ay naitaguyod din naman nito ang anak. Maliit pa lang si Cristy ay namatay na ang ama nito dahil sa isang sakit.
Mahal na mahal ni Aling Belen ang anak kaya nagpursigi ito sa buhay. Nagawa ni aling Belen na magtinda ng mga isda at gulay na inilalako niya sa mga kapitbahay tuwing umaga at sa hapon. naman ay tumatanggap ng mga labada.
Masinop si aling Belen sa pera kaya nakapagipon siya para sa anak upang mapagtapos lang niya ito sa pag-aaral
At dahil sa pagsisikap ni aling Belen ay nakatapos si Cristy sa kanyang pag-aaral ng Managaement.
"Inay salamat po sa supporta at ako po ay nakatapos sa aking pag-aaral. Maghahanap po ako ng aking mapapasukan upang makatulong po sa inyo."
"Anak, ang pagsisikap ko na maitaguyod ka ay para iyon sa iyo, dahil mahal na mahal kita."
Nagkaroon si Cristy ng matatag na hanapbuhay at nagkaroon na rin ito ng sariling pamilya.
Nagkaroon si Cristy ng isang anak, si Dario, na lubos na nagbigay ng kaligayahan kay aling Belen.
"Lola pasyal tayo", ang paglalambing ng anim na taong gulang na si Dario.
"Nakuuu! ang apo kong ito oo gusto laging pasyal, paano ba ito eh hirap na akong maglakad."
"Akay ko po kayo Lola, sige na."
At kahit hirap maglakad si aling Belen ay pinagbigyan ang makulit niyang apo.
***
Dahil sa katandaan, si aling Belen ay unti unti ng nauubusan ito ng lakas at ang nagpapasaya na lamang sa kanya ay itong si Dario lalo na kapag kinukulit siya.
***
Malaki at malawak ang kumpanyang napasukan ni Cristy kaya inilipat siya sa isa sa mga branches ng kumpanya sa Maynila.
Dahil dito kinakailangan ng pamilya ni Cristy na lumipat ng tirahan sa Maynila, subalit ayaw ni aling Belen na sumama sa paglipat. Nanaisin na lang daw niya na maiwan dahil napamahal na sa kanya ang bahay na tinitirahan nila ngayon, bukod sa magandang kapaligiran na kanya ng nakasanayan.
Hindi rin napilit ni Cristy ang ina kaya nangako na lang siya na dadalaw na lang silang pamilya ng madalas.
"Sige po inay at huwag kayong mag-alala, hindi po namin kayo pababayaan, pasabihan na lang ninyo ako kaagad kapag biglang kailanganin ninyo ako."
"Huwag ninyo akong alalahanin, kaya ko pa ang sarili ko at isa pa hindi rin ako pababayaan ng ating mga kapitbahay dito", ang nakangiting paliwanag ni aling Belen.
****
Sa unang taon at pangalawang taon ay laging dumadalaw ang pamilya ni Cristy kay aling Belen, hanggang dumalang na ito ng dumalang na ang naging dahilan ay sa dami ng trabaho ni Cristy sa kumpanya na kanyang pinagtatrabahuhan kaya hindi siya nakadadalaw sa kanyang ina.
Hindi maiiwasan at dahil sa katandaan na ni aling Belen ay nagkaroon ito ng karamdaman kaya ang nag-asikaso dito ay ang kanyang malalapit na kapitbahay.
"Aling Belen bakit hindi po ninyo ipaalam sa inyong anak ang kalagayan ninyo para mapuntahan niya kayo kaagad?", ang payo ng isa sa mga kapitbahay ni aling Belen.
"Nag-aalala ako na baka maabala ang anak ko sa kanyang trabaho, tutal naman kaya ko pa naman ang aking sarili", ang malumanay na tugon ni aling Belen habang nagpapasalamat sa tulong nila.
Subalit kay aling Belen ay naroroon pa rin ang kalungkutan dahil sa totoo lang ay gusto niya na dalawin siya ng kanyang anak at sabik na rin ito na makita ang kanyang apo.
Lumipas pa ang mga araw at sa Maynila.
"Mama dalawin natin si lola kasi gusto ko na siyang makita, yayakapin ko siya mama", ang daing ng anak ni Cristy.
"Sige anak dadalawin natin si lola sa makalawa, tatapusin ko lang ang mga trabaho ko sa upisina",ang tugon ni Cristy na hindi pa rin tiyak kung matutuloy sila o hindi dahil nga sa sobrang busy siya.
Naging malungkot si Dario dahil hindi natupad ng mama niya na pumunta sila sa kanyang lola sa probinsya.
Nadagdagan pa ang mga araw na lumipas at nagkaroon din ng panahon si Cristy na madalaw ang kanyang ina sa probinsya.
"Inay pasensya na po ngayon lang kami uli nadalaw kasi sobra po kaming busy sa office", ang paliwanag ni Cristy sa ina.
"Huwag ninyo akong intindihin mga anak at kaya ko pa naman ang aking sarili", tugon ni aling Belen na hindi halata ang pagdaramdam sa kanila dahil ayaw niyang ipahalata sa anak ang tunay niyang nararamdam, ayaw niya itong mag-alala sa kanya.
"Lola alam mo po mis na mis ko po kayo", ang sabi ni Dario na tuwang tuwa dahil nakita niya at nayakap ang kanyang lola.
Ang mga sinabi ni Dario sa kanyang lola ang nagbibigay ng lakas sa matanda upang hangarin pa niyang mabuhay alang alang sa kanyang apo.
"Inay tayo na po at magsalo salo tayo, nagluto po ako ng paborito ninyong ulam", ang sabi ni Cristy sa ina na nakita niyang nagpahid ng luha.
"Inay huwag na po kayong malungkot bayaan nyo po dadalasan na namin ng apo ninyo ang pumunta dito", ang pangako na naman ni Cristy sa ina.
"Cristy basta makita ko lang kayo ng apo ko na masaya at walang sakit ay sobra na akong maligaya."
Naantig ang damdamin ni Cristy dahil naalala niya noong maliit pa siya at ang laging nagpapasaya sa kanya ay ang makasama ang kanyang ina. Madalas silang namamasyal noon, nagpupunta sa tabing ilog at pinagmamasdan ang masayang agos ng tubig, pinakikinggan ang mga huni ng iba't ibang ibon.
Sa puntong ito ay nilapitan ni Cristy ang ina at hinalikan sa noo. Ngayon niya napagmasdan ang maputi nitong buhok, pumuti sa tindi ng hirap na dinanas nito alang alang lang sa pagtataguyod sa kanya upang marating lang niya ang kinalalagyan niya ngayon sa kanyang buhay.
At naipangako niya sa kanyang sarili na hindi niya pababayaan ang kanyang ina.
***
Bumalik na sa Maynila sina Cristy at tulad ng dati, talagang hindi niya puwedeng pabayaan ang kanyang trabaho kaya muli siyang naging busy, nawalan siyang muli ng panahon na makadalaw sa kanyang ina. Lagi din niyang iniisip ang kanyang ina na nag-iisa lamang sa kanilang bahay sa probinsya subalit wala pa rin siyang magawa kung anong dapat gawin sa kanyang ina.
Gustuhin man ni Cristy na isama si aling Belen sa Maynila ay hindi rin nila ito maasikaso at baka kung ano pa ang mangyari sa kanyang ina.
Dahil dito pinagkasunduan nilang mag-asawa na sa muli nilang pagdalaw, ay hihikayatin ang ina na mailagak ito sa 'Home for the Aged' upang maging masaya ito at tuloy magkaroon ng maraming kaibigan sa pagdadalhan sa kanya.
"LOLA! LOLA!", ang matinis na boses ni Dario pagbungad nila sa pinto ng bahay ni aling Belen.
"Mano po inay", ang bungad na bati ng mag-asawa kay aling Belen.
"Lola pasyal po tayo, sabi mo po sa akin noon pupunta tayo sa tabing ilog", ang may paglalambing na sabi ni Dario sa kanyang lola.
"Dario kakain muna tayo at pagkatapos kumain mamasyal tayo kasama ang lola mo", ang sabi ni Cristy sa ginagawang mangungulit sa lola niya ni Dario.
"Yeheyyyy! mamasyal kami", ang natutuwang wika ni Dario.
Pagkatapos nilang kumain ay namasyal nga sila sa tabing ilog.
"WOW! ang ganda pala dito maraming tubig, maraming ibon, maraming punong kahoy.. LOLA! LOLA! ayun oh maraming bunga ang mangga, gusto ko lola ng mangga, kuha tayo", ang natutuwang sabi ni Dario kay aling Belen.
"Ha! ha! ha!", at natawa si aling Belen dahil sa kakulitan ng kanyang apo.
Sa pagkakataong ito ay kinausap ng mag-asawa si aling Belen at sinabi ang balak nila na ilagak ito sa 'Home for the Aged'.
"Inay labis po kaming mag-asawa na nag-aalala sa kalagayan ninyo dito sa bahay na wala kayong kasama at hindi po kami mapalagay, kaya napagkasunduan po namin na ilipat kayo ng tirahan sa isang lugar na kung saan po ay magiging masaya po kayo, at doon ay magkakaroon kayo ng maraming kaibigan, maraming kakilala, at higit po sa lahat, inay, ay may titingin sa inyong kalusugan, oras oras", ang paliwanag ni Cristy upang makumbinsi lang ang ina.
Matagal na hindi nakakibo si aling Belen. Iniisip na mabuti ang sinabi ng anak. Sa totoo lang ay nahihirapan din siya na mag-isa sa bahay, dahil sa lagi siyang may naramdaman sa sarili. Kahit hindi na siya nagtatrabaho dahil sapat sapat naman ang ipinadadalang pera ni Cristy sa kanya buwan buwan ay naroroon pa rin ang pangamba sa kalooban niya, na kung sakaling may biglang mangyari sa kanya, ay wala kaagad na sasaklolo sa kanya o tutulong man lang.
Naganyak din si aling Belen at pumayag sa gustong mangyari ng anak.
"At huwag po kayong mag-alala inay, at dadalawin po namin kayo ng madalas doon", ang binitiwang pangako ni Cristy sa ina.
***
Sa pinagdalhan kay aling Belen ni Cristy, ay naging masaya naman ang matanda, nagkaroon siya ng maraming kaibigan at kakilala, at higit sa lahat ay laging may tumitingin sa kanyang kalusugan.
Anupa't sa unang isang taon ay hindi nagpabaya si Cristy na dalawin si aling Belen, subalit, unti unti nawalan na muli si Cristy ng panahon na dalawin si aling Belen. At tuloy nalungkot ang matanda dahil sabik siyang makita ang kanyang apo at malaman din ang kalagayan ng mahal niyang anak.
"Kailan kaya ako dadalawin ng aking anak, gusto kong makita ang apo ko", ang bulong ni aling Belen sa sarili na halata ang kalungkutan sa kanyang mukha.
"Aling Belen bakit hindi po ninyo ipaalam sa anak ninyo ang kalagayan ninyo upang madalaw po kayo, tulad niyan, may karamdaman po kayo", ang sabi ng isa sa kanyang mga kaibigan sa 'Home for the Aged'.
"Abala kasi ang anak ko sa kanyang trabaho doon, at isa pa malayo din naman itong lugar natin", ang paliwanag ni aling Belen upang pagtakpan lamang ang pagkukulang ng kanyang anak.
Nagbulung bulungan ang mga kaibigan ni aling Belen na kahit mahina ang kanilang pag-uusap ay dinig na dinig naman niya ang kanilang pinagbubulungan. At dahil pinipilit niya na unawain ang kalagayan ng kanyang mahal na anak, ay hindi niya pinapansin ang kanilang pinag-uusapan.
"Kaawaawa naman si aling Belen, nakalimutan na ng kanyang anak, tulad niyan may sakit siya, at isa pa nangungulila siya sa kanyang apo".
Naging palubha ng palubha ang karamdaman ni aling Belen, kaya tinangka ng admin na ipaalam na ito sa anak niyang si Cristy, subalit hindi nila ito makontak. Nagpalit pala si Cristy ng kanyang contact number na hindi naman naipaalam sa kanila, kaya nawalan ang admin ng communication dito.
Dahil sa sakit ni aling Belen at dahil na rin sa katandaan nito, ay wala ng magawang paraan ang mga manggagamot, kaya binawian ng buhay ang matanda.
Walang nagawa ang admin ng 'Home for the Aged', kundi ipalibing si aling Belen sa pampublikong libingan.
Nagdalamhati ang mga kaibigan ni aling Belen, at maging ng ibang nakakakilala dito. Awang awa sila sa naging kalagayan ng matanda, na may naturingang anak, subalit pinabayaan naman ito sa kanyang kalagayan, hindi sa financial na pangangailangan, kundi ng attention, na dapat ibigay ng isang anak sa kanyang magulang.
***
Noong nararamdaman na ni aling Belen na hindi na siya magtatagal ay gumawa siya ng isang sulat para sa anak na si Cristy at nakisuyo na ibigay ito sa anak kapag dumalaw siya.
Nakalipas ang isang buwan ng maisipan ni Cristy na dalawin ang ina at sa pagkakataong ito ay hindi niya kasama ang anak na si Dario, maging ang kanyang asawa dahil may rush na trabaho sa office.
Dumating si Cristy sa 'Home for the Aged' na kung saan niya inilagak ang kanyang ina.
Hindi niya makita ang ina kaya nagtanong siya sa mga naroroon.
"Mawalang galang na po, nasaan po ang aking ina na si aling Belen?".
Walang sumagot sa tanong ni Cristy dahil galit silang lahat dito sa ginawa nitong pagpapabaya sa matanda.
Pumunta siya sa admin ng office at doon nalaman niya ang katotohanan sa kanyang mga katanungan. At ng marinig ni Cristy na matagal ng namatay ang ina ay para siyang pinagsakluban ng langit at lupa.
Walang nagawa si Cristy kundi isubsob ang kanyang mukha sa dalawang palad nito at umiyak siya ng umiyak.
Nang mahimasmasan na si Cristy ay sinamahan siya ng isa sa admin sa puntod ng kanyang ina at doon habang siya ay humahagulgol sa pag-iyak ay nasabi niya ang mga katagang, 'PATAWAD PO INAY PATAWAD'.
Bago umuwi si Cristy ay may ibinigay sa kanyang sulat ang admin, sulat ng kanyang ina para sa kanya, bago ito namayapa. At ng basahin niya ang sulat ay lalo siyang nakaramdam ng ibayong lungkot at bigat ng kalooban, dahil sa naging pabaya siya sa kanyang ina noong nabubuhay pa ito.
***
Ganito ang nilalaman ng sulat ni aling Belen...
"Cristy, anak ko, nararamdaman ko na hindi na ako magtatagal...mahinang mahina na ako anak...baka hindi na tayo magkita...wala ako na kahit katiting na sama ng loob o pagdaramdam sa iyo kung hindi mo man ako nadadalaw...nauunawaan ko anak na abala ka sa iyong trabaho...naaalala mo pa ba noong maliit ka pa?...lagi tayong masaya...ako ang kalaro mo lagi..madalas kitang ipasyal sa tabing ilog...sabi mo pa nga sa akin 'inay love na love kita' tapos hahalikan mo ako...minsan inapoy ka ng lagnat at hindi ko malaman ang gagawin ko...hiniling ko sa Diyos na huwag ka niyang kukunin sa akin, kasi ikaw ang kaligayahn ko dahil mahal na mahal kita...anak huwag mong pababayaan ang aking apo...ingatan mo ang iyong sarili...paalam na sa iyo anak, at ihalik mo na lang ako sa aking apo...ang nagmamahal mong ina."
Thank you, guys. Sana nagbigay ang kuwentong ito ng inspirayon sa mga anak na patuloy nilang mahalin ang kanilang mga magulang habang sila ay nabubuhay.
Rio Alma
Another inspiring short story is coming, so enjoy reading.
Thank you.