"ARAY!" reklamo ko kay Abram nang pitikin niya ang pisngi kong may pasa dulot ng bugbog sa akin ni Teajay kahapon.
"Pasalamat ka, pitik lang ang ginagawa ko sayo. Kapag nagkataon talaga, susuntukin din kita, mas malala pa sa pasa mo ngayon." Mayabang na sabi niya at hinampas naman ngayon ang braso ko.
"Thank you, ah? Naa-appreciate ko ang concern mo sa akin bilang pinsan at kaibigan ko. Grabe talaga." Sarkastikong usal ko sa kanya at ngumiwi naman siya sa akin.
"Sino ba naman kasing matutuwa sa kalagayan mong 'yan, ha? Kagabi tinatawagan kita pero nakapatay ang cellphone mo at hanggang makatulog na lang ako ay hindi ka pa dumadating! Tapos ngayong umaga pagpunta ko sa kwarto mo, nakita kitang bugbog sarado?! Sinong matutuwa, Damien?!" sermon niya at napapapikit naman ako sa tuwing lumalakas ang boses niya.
Alam kong nag-aalala lang siya sa akin kaya ganito ang reaksyon niya, kahit naman yata ako, sesermonan ko siya kapag ganito ang nangyari sa kanya. Halos limang taon na kaming magkasama sa iisang bahay ni Abram kaya malapit na kami sa isa't isa at hindi kami mapakali kapag may nawawala sa amin o hindi pa umuuwi sa bahay dahil hindi man maamin ay parang kapatid na ang turingan namin at importante kami sa bawat isa.
"Saan mo nakuha mo ang pasa mo? Magkuwento ka, makikinig ako. Magtuos tayo ngayong dalawa," seryosong sambit niya at kinuha ang upuan saka umupo paharap sa akin.
Tulad ng sinabi niya ay kinuwento ko mula umpisa, ang pagtawag sa akin ni Heizelle, ang pagpunta ko sa paboritong lugar namin, ang pag-uusap namin, ang akma kong paghalik, at pagbugbog sa akin ng boyfriend ni Heizelle.
"Argh! Sandali lang, masakit pa ang katawan ko," pigil ko sa kanya ngunit patuloy pa rin siya sa paghampas sa akin ng unan ko. Sinasangga ko naman ito gamit ang kamay ko.
Tumigil siya sa paghampas sa akin at hinagis ang unan ko kung saan.
"Alam mo kulang pa iyan pasa mo, e!" nanggigil na sabi ni Abram at akmang susuntukin ako.
"Oh, easy. Bibigyan kita ng pagkakataon na suntukin ako pero huwag muna ngayon. Saka na kapag magaling na ang bubog niya sa akin," usal ko at ibinaba ko ang kamay niya.
"Ano bang hayop ang pumasok sa kokote mo?! Nauulol ka na ba, Damien, ha?! May boyfriend na ang tao tapos hahalikan mo pa siya? Nasisiraan ka na ba ng ulo?!" sermon niya sa akin at nakagat ko ang labi ko. Gusto ko siyang pagalitan sa salitang ginamit niya sa akin ngunit hindi ito ang tamang oras para pagalitan siya.
"Baka nga. Baka nga nasisiraan na ako ng ulo," nakangising sambit ko at napailing dahil naalala ko ang ginawang kalokohan ko.
"Oo, sira na talaga ang ulo mo. Maiintindihan ko pa sana kung inosente ka at hindi mo alam na boyfriend siya, pero gising ka sa katotohanan na may kasintahan ang babaeng iyon ngunit nagawa mo pa rin siyang halikan! Sarap mo tirisin!" galit na sabi niya at dinukdok ang noo ko gamit ang hintuturo niya.
Inalis ko ang kamay niya, "Hindi ko siya nahalikan, okay?"
"Nagplano ka pa rin na halikan siya!" sigaw niya sabay hampas sa akin ng unan.
Pagkatapos niya ako hampasin ay natahimik kaming dalawa at pareho kaming malalim ang iniisip.
"Seryosong usapan, Damien. Bakit mo siya gustong halikan?" tanong niya sa akin at umupo sa kama.
Napabuntong hininga ako at inaalala ang oras na iyon.
"Hindi ko rin alam," napapailing na sagot ko sa kanya. "Pero, isa lang ang sigurado ako."
"Ano?"
"Mahal ko pa siya— mali. Mahal ko pa rin siya," seryosong sagot ko habang malayo ang tingin.
"Sigurado ka?"
Lumingon ako sa kanya at sinalubong ang tingin niya.
"Oo, siguradong sigurado ako. Nong minsan ko pa napatunayan na may nararamdaman pa rin ako kay Heizelle at mas lalo iyon napatunayan kahapon, aaminin ko na nagplano akong kumilos at agawin si Heizelle sa boyfriend niya kaya nagplano akong halikan siya pero nagbago ang isip ko. Alam kong mali ang gagawin ko kaya hindi ko tinuloy ang plano kong paghalik sa kanya," pag-amin at nagpapakatotoong sambit ko sa kanya.
Napahilamos naman siya sa mukha niya gamit ang palad niya. Halatang nahihirapan siya sa sitwasyon ko at mas lalo naman ako. Nagkagulo-gulo na.
"Paano naman si Caelian?" tanong niya sa akin at dahil binanggit niya ang pangalan na iyon ay dali-dali kong inabot ang cellphone para i-check kung nag-reply o tumawag siya sa akin ngunit wala. Si Heizelle lang ang nagtext, nag-sorry siya at tinanong kung ayos lang ba raw ako. Nagreply ako sa kanya ng, 'I'm fine, don't worry'. Binalik ko muli ang cellphone ko sa side table.
Iniangat ko ang katawan ko at komportableng sinandal ang katawan ko sa headboard ng kama saka ko pinagkrus ang mga braso ko.
"Napano siya?" tanong ko.
"Diba, may crush ka sa kanya?" tila naguguluhan na sambit niya at ibig kong matawa dahil sa itsura niya ngayon.
"Oo," walang pag-aalinlangan na pag-amin ko kay Abram at napanganga siya.
"Totoo nga?!" natutuwang sambit niya at mahinang sinuntok ako sa tiyan.
"Dahan-dahan naman. Oo nga, crush ko siya," masungit na sagot ko habang hinihimas ang tiyan kong sinuntok niya.
"Putek! Kinikilig ako sa inyo! Langya!" halata ang kasiyahan sa mukha at boses niya. "Kailan pa, pare?" pigil ngiting tanong niya at napaisip naman ako.
"Hindi ko matandaan kung kailan. Basta alam ko lang ay crush ko siya," nangingiting sagot ko sa kanya.
"Grabe! Kakaiba ang ngiti mo, Damien! Crush mo nga!" natutuwang sambit niya at tumawa lalo ako.
"Okay, seryoso na ulit," sambit ni Abram at tumikhim. "Kung may crush ka Caelian, paano mo nasabing may nararamdaman ka pa kay Heizelle?" seryosong tanong niya at napaisip ako.
"Si Caelian, crush ko lang siya habang si Heizelle, mahal ko siya. 'Yon ang pinagkaiba nila. Sa totoo lang, kung hindi mo binanggit ngayon si Caelian, hindi ko siya maaalala. Masyadong okupado ni Heizelle ang isip ko at bigla ko siyang nakalimutan. Aaminin kong masaya ako kapag naalala o nakakasama si Caelian, pero kapag pumasok na si Heizelle sa usapan, wala na. Tapos na ang laban," pilit na ngiting sambit ko at nakaramdam ako ng lungkot. Lungkot para sa sarili ko. Dahil tumitibok ang puso ko sa isang taong pagmamay-ari na ng iba.
Napakunot ang noo ni Abram sa sinabi ko.
"Gwapo mo, Damien, ah. Ano 'yan pareho tumitibok ang puso mo sa dalawa? Ang landi naman ng puso mo. Psh. Basta ang labo mo!" biglang sambit niya at ako naman ang kumunot ang noo.
"Anong magagawa mo? Gusto sila pareho ng puso ko kaya anong malabo do'n?"
"Naniniwala ako na iisa lang ang puso natin, kaya sa isang tao lang din ito titibok. Hindi ako naniniwala na posibleng tumibok ang puso natin sa dalawang tao, dahil alam kong sa kalooban-looban natin, nalalaman natin kung kanino talaga ito tumitibok," seryosong sambit niya sa akin at tinuro kung saan ang puso ko.
"Base sa pagtatanong mo sa akin kahapon at sa ngiti mo na nakita ko ngayon kapag pinag-uusapan natin si Caelian, nalalaman ko na hindi lang siya simpleng crush mo...kundi may espesyal kang nararamdaman sa kanya," seryosong sambit munit may nakatagong nakakalokong ngiti sa labi.
"Kung may espesyal akong nararamdaman sa kanya, ano 'yong nararamdaman ko kay Heizelle?" nagtatakang tanong ko.
"Posibleng naguguluhan ka lang sa nararamdaman mo," nakangising sambit niya at tumayo na. Pinigilan ko naman siya at hinawakan ang dulo ng damit niya.
"Saan ka pupunta? Hindi mo man lang ba, gagamutin ang sugat at pasa ko?"
Hinampas niya ang kamay ko paalis, "Syempre hindi! Malakas ang loob mong magpabugbog, diba? Edi mag-ipon ka rin ng lakas para gamutin 'yang mga sugat mo! Bahala ka!" sigaw niya at malakas na sinarado ang pintuan.
"May araw ka rin sa akin!" sigaw ko sa kanya at napangiwi dahil kumirot ang sugat ko sa gilid ng labi. Kainis.
Napapaihi ako kaya kahit na nahihirapan ay tumayo ako sa kinahihigaan ko at pumuntang banyo. Naghilamos na rin ako at nag-toothbrush bago lumabas.
Nakita ko si Abram na nakasandal sa gilid ng pintuan ko habang nakangisi sa akin. Kung maayos lang ang pakiramdam ko ngayon ay baka lumapit na ako sa kanya at inupakan siya.
"Humanda ka talaga sa akin, Abram Cadenza," pananakot ko sa kanya ngunit mas lalong gumuhit ang nakakaasar na ngisi niya.
"May darating na nurse, humiga ka na," utos niya sa akin at natigilan naman ako.
"N-Nurse?! Wala akong pambayad sa serbisyo niya, 'wag mo papuntahin 'yan dito. Ikaw na lang kasi mag-alaga sa akin, atleast hindi pa tayo gagastos," sambit ko at umupo sa kama ko saka dahan-dahan na humiga. Kahit yata gamutin ang sariling sugat ko ay mahihirapan akong gawin dahil sa sobrang sakit ng katawan ko.
Hindi siya sumagot sa akin at sinira lang ang pintuan.
***
KINUHA ko ang maliit na back pack ko at isinabit sa isang balikat ko saka ako nagmamadaling lumabas ng kwarto. Ang damit ko ay simpleng long-sleeved shirt na nilukot ko para umabot sa siko habang naka-pants naman ako pangbaba.
"May mahalagang lakad ka yata, anak?" tanong ni mama sa akin pagkalabas ko. May hawak siyang mga tuyong damit na nilabhan ko kahapon.
"Opo, mama, mahalaga po ito," nakangiting usal ko at humalik sa pisngi niya.
"Pupunta si Kyrine dito. Paano 'yan?" untag niya at gusto kong katukin ang ulo ko.
"Oo nga pala. Ikaw na lang po magpaliwanag sa kanya. Mas mahalaga po talaga ang pupuntahan ko ngayon. Bye, ma." Paalam ko at lumabas na ng bahay. Pumara na rin ako ng tricycle.
NAKARATING na ako sa isang convenience store kung saan kami magkikita. Matiyaga itong naghihintay sa akin at pabaling-baling ang ulo niya para alamin kung dumating na ba ako. Tipid na napangiti ako at lumakad palapit sa kanya.
"Abram!" sigaw ko sa pangalan niya at napalingon siya sa gawi ko. Ngumiti siya sa akin na natural na ugali ni Abram.
"Long time no see! Masyado ka kasing sinosolo ng isa at pinagdadamot ka sa akin!" natatawang sambit niya at tinapik ang balikat ko. Kumunot ang noo ko sa kanya dahil hindi ko maintindihan ang pinupunto niya ngunit imbes na ipalinaw iyon ay iniba ko ang usapan.
"Kumusta si Damien? Seryoso ka ba sa sinabi mong puro pasa at sugat siya pagkauwi niya kagabi?" tanong ko sa kanya at hindi ko mapigilan na hindi mag-aalala sa kalagayan niya.
Napansin ko ang pagpigil ng ngiti ni Abram at pinilit na sumeryoso, "Oo, seryoso ako. Sa totoo lang, b-bugbog sarado siya kaya kung iniisip mong isa lang ang pasa niya, nagkakamali ka." Kamot-ulong sabi niya.
"Saan ang bahay niyo dito? May kasama ba siya doon ngayon?" sunod-sunod na tanong ko at nag-umpisang maglakad sa kaliwang kalsada.
"C-Caelian, sa kanang kalsada tayo," nahihiyang sambit niya at napapahiya naman akong humarap sa kanya saka sumunod sa likuran niya.
"Diretso lang ang lakad natin sa kalsada 'to hanggang sa yellow na bahay na iyon," tinuro niya ang isang bahay na may dalawang palabag at may magandang gate. "Pagkatapos kakaliwa tayo do'n at kapag may nakita kang puno ng mangga sa labas ng bahay. Bahay na namin iyon," sambit niya at napatango ako.
Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa sinasabing bahay ni Abram. Ang gate nila ay abot tao lang at kulay itim ito. Katulad ng sinabi ni Abram ay may puno mangga sa harap ng bahay nila, kitang-kita ang kulay berdeng mga mangga at kahit hindi ko pa ito nakakain ay alam kong maasim ito. Binuksan na ni Abram ang gate at pinauna ako sa pagpasok.
***
BUMUKAS ang pintuan ng kwarto ko at pumasok si Abram. Nanlaki ang mata ko hindi dahil pumasok ang pinsan ko, kundi nakita ko isang pamilyar na tao!
Agad na sinarado ni Abram ang pintuan at lumapit sa akin.
"Wait. Si Caelian ba 'yon?" hindi makapaniwalang tanong ko at napapalunok pa habang nakaturo sa pintuan.
Hinawakan ako sa balikat ni Abram at seryoso akong tiningnan, "Kumalma ka, kaibigan pinsan. 'Yong mata mo baka lumuwa na. Easy-han mo lang," sambit niya at huminga ako ng malalim.
"Anong ginagawa niya rito?" nagtatakang tanong ko.
Nanlaki ang mata niya at napatingin sa pintuan saka muling tumingin sa akin.
"Hinaan mo ang boses mo baka marinig niya tayo," bulong niya sa akin.
"Sorry," bulong ko rin sa kanya. "Pero ano nga ang ginagawa niya dito? Bakit mo siya kasama?"
Sumagot siya sa akin ngunit hindi malinaw ang mga salita kaya napakunot ang noo ko.
"Ano?!—" sigaw ko may sasabihin pa sana ako ngunit tinakpan niya ang bibig ko.
Inis niyang kinuha ang kuwelyo ng damit ko at pinalapit sa kanya saka siya bumulong sa akin.
"'Yang bibig mo konti na lang talaga steppler na ang matatanggap niyan. Hinaan mo ang boses mo. Sarap mo dagdagan ng pasa, e," nanggigil at inis na sabi niya bago ako pakawalan.
"Ayusin mo kasi pagsasalita mo, hinaan mo pero dapat maiintindihan ko pa rin," sermon ko sa mahina at madiin na paraan.
"Ang sabi ko kanina, siya yong nurse mo," nakangising sambit niya at nagkrus ng braso.
"Bakit siya ang magiging nurse ko?"
"Simple lang, siya ang mag-aalaga at gagamot sa mga sugat mo," usal niya na may nanunuksong ngiti at pataas baba ang kilay.
"S-Siya?" gulat at hindi makapaniwalang sabi ko.
"Oo siya nga. Isang Caelian ang nurse mo," sagot niya sa na nakangiti at hindi ko mapigilan na ipakita ang kasiyahan ko.
"Bilib ka na ba sa kaibigang pinsan mo?" mayabang na sabi niya at natawa ako. "At dahil diyan, Give me fifteen!" mahinang sigaw niya. Kung sa iba ay may 'give me five' sila, ibahin mo kaming Cadenza. Fifteen sa amin. Nag-apir kaming dalawa gamit ang dalawang kamay pagkatapos ay sinampal namin ang pisngi ng bawat isa.
Hinuli ko ang ulo niya at kinulong sa braso ko saka siya pabirong sinakal.
"Thank you, Abram! Dabest ka talaga!" natatawang usal ko at tinanggal niya naman ang kamay ko saka inayos ang damit niya.
"Akala mo 'yon lang ang pasabog ko? Hindi pa. Meron pa." sabi niya na nakataas ang sulok ng labi.
"Ano pa?" interesadong anya ko at sumenyas naman siya na lumapit ako sa kanya.
"Kanina habang papunta kami rito sa bahay, sinabi ko sa kanya na maraming kang sugat at pasa. Nong sinabi ko iyon, nakita ko kung paano siya nag-aalala sayo at sinabi niya pa kung saan daw ang bahay natin, tinanong niya pa nga kung may kasama ka rito at dapat daw hindi ka pinababayaan mag-isa," nakangiting sabi niya sa akin at halos mapunit ang labi ko sa pagkakangiti.
"Talaga?" may tuwa sa boses ko pero nandon pa rin ang hina ng boses. Tumango-tango naman siya.
"O sige na. Lalabas na ako." paalam niya sa akin habang nakangisi pa rin. Ito ang unang pagkakataon na hindi ako nainis sa ngisi niya.
"Sige lumayas ka na. Para maalagaan na ako ni Caelian," usal ko at napailing naman siya.
"Wait lang!" pigil ko sa kanya nang akmang bubuksan niya ang pintuan.
"Shhhh…ang boses mo," suway niya sa akin.
Napakamot ako sa ulo ko, "May tanong lang ako"
"Ano 'yon? Bilisan mo. Baka mainip na si Caelian sa labas."
"Kinakabahan ako, e. Hindi pa ako handa na magpakita sa kanya." Kinakabahan sabi ko sa kanya. "Ano ba dapat ang itsura ko? Maliligo muna kaya ako? Ano bang magandang puwesto? tatagilid ba akong ganito? O sa kabilang side? Ano sa tingin mo?" untag ko sa kanya at napahampas naman siya sa noo niya.
"Humiga ka lang diyan. Ayos na 'yon. Saka isa pa, kumalma ka." Sagot niya sa akin. "Lalabas na talaga ako. Umayos ka na." Tumango ako at kumaway.
***
HINDI masyadong malaki at hindi masyadong maliit ang bahay nina Damien at Abram, masasabi ko na sakto lang ito sa dalawang tao na naninirahan sa iisang bahay. May sala, may kusina, may isang pintuan na posibleng kwarto ni Damien dahil dito pumasok si Abram, may ikalawang palapag din ang bahay na ito at mukhang nandon pa ang isang kwarto, at sa labas nakita ko na may veranda rin sila at balcony naman sa ikalawang palapag.
Nakakatuwa lang din na malinis ang bahay nila kahit dalawang lalaki ang nakatira rito.
Lumabas si Abram sa kwarto ni Damien at sinarado ang pintuan.
"Sandali lang. Bigyan mo siya ng isang minuto para kumalma," sabi ni Abram at hindi umaalis sa harap ng pintuan.
"Bakit naman?" takang tanong ko.
"Ha? Wala. Sabi ko pwede ka na pa lang pumasok," nakangiting sabi niya ngunit pilit ito. Binigyan niya ako ng daan kaya lumapit ako sa pintuan at binuksan na ito.
Nakita ko si Damien na balot na balot ng comforter. Tanging ulo lamang niya ang nakikita. Nakapikit ito at mukhang natutulog...siguro? Napansin ko kasi ang pasimpleng pagsilip niya sa akin. Tumalikod ako at isinarado ang pintuan.
"Akala ko ba bugbog sarado ka? Bakit parang inaapoy ka ng lagnat sa itsura mo?" sabi ko habang palapit sa kama niya. "Kayong dalawang magpinsan, pinapagulo niyo ang utak ko," umupo ako sa isang upuan na malapit sa kama niya at komportableng umupo doon.
Ibinaba ni Damien ang comforter hanggang dibdib niya at nakita ko ang mga pasa niya sa braso. Napatayo ako at hinawakan ang braso niya saka ito tiningnan. Tiningnan ko siya sa mukha at nakita ko rin na may pasa sa noo at may sugat sa gilid ng labi.
"Diba, kagabi ka pa binugbog?" seryosong tanong ko kay Damien at napapalunok naman siyang napatango.
"Bakit hindi man lang ginamot ang mga sugat at pasa mo?" pigil emosyong tanong ko sa kanya.
"Kasi dis-oras na akong umuwi k-kagabi kaya hindi na nakita ni Abram ang mga sugat at pasa ko. Actually kaninang umaga niya lang nalaman," sagot niya at hindi makatingin sa akin ang mga mata niya.
"Alam mo bang delikado ang ginawa mo? Dapat kagabi pa lang ginagamot na ang mga 'yan! Huwag mong gawing biro ang mga pasa at sugat mo!" sermon ko sa kanya, puno ito ng diin at galit. "Tingnan mo ang pasa mo, nagkulay ube na! Tapos 'yang sugat mo kahit maliit pa 'yan basta open wound ay pwedeng pasukan ng bacteria! Nag-iisip ka ba?! Nag-iisip ba kayong dalawang mag-pinsan?!"
"S-Sorry," nakayukong sabi niya.
"Pumunta tayong hospital," pagtatapos ko sa usapan naming dalawa at hinawakan siya sa pulsuhan para tumayo.
Ngunit tinanggal niya ang hawak ko sa kanya kaya sinamaan ko siya ng tingin.
"Ayaw kong pumuntang hospital. Saka bakit pa ako pupunta doon, kung pwedeng ikaw na lang gumamot sa akin? Hindi na ako gumastos at kilala ko pa ang nag-aasikaso sa akin," usal niya na nakatingin ng diretso sa akin. Natampal ko ang noo ko sa pagka-stress sa kanya.
"Okay, sabi mo 'yan, ah." Pagsuko ko sa kanya.
Dumiretso na ako sa labas at iniwanan siya.
"Gusto mong ako ang mag-asikaso sayo, ah? Sige, lasapin mo ang gagawin ko sayo," nakangising sambit ko at pumunta sa sala kung nasaan si Abram.
"Oh, anong meron? Bakit ka lumabas?" tanong niya sa akin. Nakahiga siya sa sofa habang hawak ang remote control. Nanonood siya ng basket ball game.
"Nasaan ang first aid kit nyo?" tanong ko at pinapalibot ang tingin ko.
"Ahh. Wala kami no'n. Sakto lang kasi ang budget namin sa bahay," nahihiyang sagot ni Abram sa akin.
"Hindi pa rin sapat na dahilan 'yon. Importante na may nakahandang first aid kit katulad ngayon, kailangan niyo pero wala kayo. Hays." sermon ko sa kanya. "O sige, may ice cube ba kayo?" pag-iiba ko ng usapan.
"Oo meron nasa freezer," sagot niya at pumunta naman ako sa fridge nila saka kinuha ang ice cube.
"Pahingi ng planggana at maliit na towel," utos ko sa kanya at tumayo naman siya para kunin ang hinihingi ko.
"Ito," sabay bigay niya sa akin ng kulay green na planggana at puting towel.
Naglakad na ako papunta sa kwarto ni Damit subalit napatigil ako at hinarap si Abram.
"Bakit nandito ka pa?" nagtatakang tanong ko sa kanya.
Nagulat naman siya sa tanong ko.
"H-Ha? Gusto niyo ba ng solo time dalawa? Sorry. Sige, aalis na ako," nagmamadaling sabi niya. Napakunot ang noo ko sa kilos niya at ilang sandali lang ay mahinang napatawa dahil hindi pala malinaw ang tanong ko sa kanya.
"Diba, sabi mo sa akin may emergency sa bahay niyo? Kaya tinatanong ko kung bakit nandito ka pa?" paglilinaw ko sa tanong ko kanina.
Follow me on Instagram and twitter!
Username: @shayyymacho
Also, support my other story entitled "Fighting Battles" thank you!❤️
-shayyymacho