"AYAW ko nga. Dito nalang ako sa bahay, babantayan ko na lang si Baby Abdiel." Pumunta ako sa crib na malapit sa kama ko at binuhat si baby Abdiel.Niyaya kasi ako mag KTV ni Kyrine ngunit ayaw ko. Dahil diyan sa pagyaya niya sa akin nong minsan, napahamak at napagastos ako.
Pinunasan ko ang laway ni Baby Abdiel na kumalat sa gilid ng mapula at maliit na labi niya. Ang cute cute talaga ng baby ko.
"Excuse me for the word Caelian Joy ha, pero ang feeling-feeling mong bruha ka. Bakit ikaw ba si Marian Rivera? Kung makaarte ka riyan, akala mo ang ganda ganda mo! Maniwala ka sa akin, kahit pa makilala ka ng buong mundo, hindi ka naman guguluhin ng fans mo kung meron man! Ang feeling nito sapukin kita riyan, e" nanggigil na sabi ni Kyrine sa akin at napasimangot naman ako, ang sakit talaga nito magsalita. Kasalanan ko bang introvert ako? Ayaw ko naman kasi talagang napapalibutan ako ng mga tao o napupunta ang atensyon sa akin. Ayaw ko non. Ayaw na ayaw ko.
"Sabihin mo nga sa akin Kyrine, niyaya mo ba talaga ako o sasaktan mo ako gamit yang bibig mong maputak?" Na-stress ako bigla sa babaeng ito, ah.
Napakamot sa ulo si Kyrine at pilit na ngumiti, "So, ano nga? Tuloy na ba tayo? Bilis kantahan lang tayo hanggang maubos ang mga boses natin"
Napabuntong hininga na lang ako at lumaki naman ang ngiti niya.
BUMABA na kami sa tricycle habang kalong kalong ko naman si Baby Abdiel sa bisig ko, hindi ko naman siya pwede iwan sa bahay dahil walang magbabantay sa kanya.
"Wah! Excited na ako kumanta!" tuwang tuwa na sabi ni Kyrine habang papasok kami sa isang restaurant na may KTV room.
"Baka excited kang masira ang pandinig ko" nakangising sambit ko sa kanya at hinampas naman niya ako sa braso. Sakit talaga manghampas nito.
"Hiyang hiya naman kasi ako sa ganda ng boses mo po, no? Sobrang hiyang hiya ako" tumawa lang ako bilang sagot sa kanya.
Pumunta na kami sa counter at si Kyrine na ang kumausap.
"Maam maghintay pa po kayo ng 15 minutes kasi don palang po magkakaroon na ng available na KTV room" magalang na sabi ng babae sa counter.
"Ayos lang po, doon na lang po muna kami maghihintay, ate" turo ni Kyrine sa isang table at ngumiti kami pareho sa kanya.
"Sige po maam at thank you rin po" tumango kami sa kanya at pumunta na sa isang table para maghintay.
Simple lang ang Restaurant and KTV bar na ito, hindi rin masyadong kamahalan at abot na abot ng bulsa. At isa pa, masasarap ang pagkain dito at napakasulit kaya naman hindi ka manghihinayang gumastos.
Habang naghihintay ay nagkuwentuhan lang kami ni Kyrine at pagkalipas nga labing limang minuto ay may lumabas na sa KTV room kaya nagpasya na kaming tumayo.
"Miss, puwede na po ba?" nakangiting tanong ni Kyrine, halatang excited talaga ang loka loka. Dapat ko na talaga ihanda ang pandinig ko.
"Po?" naguguluhan na sabi ng babae.
"Diba kami ang sinabihan mo na maghintay ng 15 minutes?" pagpapaalala ni Kyrine, sa una ay nangunot ang noo ng babae at napalitan ng nanlalaking mata.
"Ay, oo nga po pala! Sorry po maam! Nakalimutan ko po kayo! Kayo nga po pala ang next na gagamit, kaso po may dumating na customer at nasabihan ko rin po silang sila ang gagamit ng KTV" halata sa babae na namomoblema siya. At hindi niya alam ang gagawin niya.
Napameywang naman si Kyrine sa tinuran ng babae. Paktay na. Kapag ganito na si Kyrine, badtrip na 'to.
"Sabi mo 15 minutes kami maghintay, diba? Kaya naghintay kami pero natapos na ang 15 minutes wala pa rin lumalabas kaya naghintay pa kami ng halos 30 minutes tapos ngayon, sasabihan mo kami na may dumating kayong customer at binigay mo ang KTV room na iyon? Aba. Mali naman yata 'yon, miss" pigil ang galit sa boses ni Kyrine at halatang pinipilit na maging kalmado.
Tama naman kasi si Kyrine, kami ang sinabihan na kami ang gagamit tapos ngayon may gagamit ng iba? Maling mali talaga yon. Dapat matuto silang tratuhin ng maganda at fair ang mga customers nila.
"Hi Miss ganda, puwede na ba kaming pumasok?" nakita namin kung paano napakagat sa labi ang babae at pumula ang pisngi (mapula na pala 'yon dahil sa blush on).Sabay kaming napalingon ni Kyrine sa lalaking nagsalita sa likod namin.
"Ikaw na naman!"
"Ikaw ulit!"
Papaano ko nga ba makakalimutan ang mukha ng lalaking 'to? Siya lang naman ang iniiwasan ko isang linggo na ang nakakalipas. Siya ang dahilan kung bakit ayaw ko lumabas tapos ngayon makikita ko ulit siya? Kung minamalas ka nga naman.
"Magkakilala kayo, Caelian?"
"Damien, chiks mo?"
***
HINILA niya palapit sa kanya ang babaeng kasama niya.
"Siya lang naman ang fan boy ko na sinasabi ko sayo, Kyrine. Siya yong iniiwasan kong makita at siya rin ang dahilan kung takot na akong lumabas ng bahay ngayon"
Aba't talagang.
Napaawang ang labi ko at huminga ng malalim bago tumingin sa kanya ng hindi makapaniwala.
"Ikaw, alam mo..." dinuro ko siya gamit ang hintuturo ko. "Ang taas-taas ng tingin mo sa sarili mo. Napaka-feeling mo. Sobra." madiin na sabi ko sa kanya, simula nong nakita ko siya sa isla hanggang ngayon ay hindi man lang nabawasan ang pagkahangin niya. Ang taas talaga e, hindi ko siya maabot, grabe.
Nakita ko kung paano siya napalunok at namula ang pisngi niya sa sobrang kahihiyan. Tama yan, matuto kang mahiya minsan.
"Wait lang pare, siya ba yong babaeng nakita ko sa camera mo? Yong pinicture-an mo sa isang isla?" tanon ni Abram. Mula sa pagkakangisi ay lumapat ng tuwid ang labi ko. Saglit na napapikit ako.
Tiningnan ko ng masama si Abram, kung kailan ko kailangan ang pananahimik niya ay doon naman siya pumalatak. Pahamak talaga.
"Omy...Omygosh" napatingin ako sa babaeng kasama niya na nakaawang labi at nakahawak sa dalawang pisngi niya.
"Siya nga ba, pare? Kamukha niya e. Ikaw ah, hindi ka man lang nagsasabi sa akin na nagkikita na pala kayo ni Miss Short hair!"siniko niya pa ako habang tuwang tuwa na nakatingin sa akin.Tumikhim siya at lumapit sa babaeng feeling.
"Hi! Ako nga pala si Abram, ang kaibigang pinsan ni— Siya na lang pala magpapakilala ng sarili niya sayo, ayaw ko sirain ang damoves ng pinsan ko, by the way, nice to meet you" nakangiting sabi niya at nakipagkamay sa babae.Tumingin din si Abram sa babaeng madaldal, "Hello! Abram nga pala!" nakipagkamay si Abram ngunit tiningnan lang 'yon ng babae at maarteng inilayo ang kamay niya sa kanya. Pangit talaga ng ugali ng dalawang babaeng 'to.
Napapahiyang napakamot si Abram saka bumalik sa akin.
"Ikaw naman ang magpakilala" utos niya sa akin ngunit hindi ako sumunod. "Puntahan mo na, dami pang arte, e" sabay tulak niya sa akin palapit sa dalawang babae.
"Hmmm..." Putek. Ano nga ba ang sasabihin ko? Magpapakilala lang naman ako diba? "Ako nga pala si —"
"Damien. Oo, kilala kita." Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang lumapit ang babaeng madaldal at nakipagkamay sa akin "Ako naman si Kyrine at siya naman ang kaibigan kong si Caelian"
Caelian pala ang pangalan niya? Hmmm.
"Ah okay. Nagagalak akong makilala kayo. Tama. Oo." Parang tangang sabi ko. Hindi ko kasi alam kung ano ang susunod kong sasabihin. Napapaisip ako kung natutuwa ba talagang akong nakilala sila o hindi? Ngunit sa dulo, mas pinili kong maging pormal.
"Maam, Sir gagamit pa po ba kayo ng KTV room?" pagsingit ng babae sa counter at doon palang kami natauhan. Pinagtitinginan na pala kami rito sa loob ng restaurant.
MAGKAKASAMA kaming apat ngayon sa loob ng KTV room dahil ito pa lang ang available. At kung tatanungin n'yo kung bakit napunta kami rito? Si Abram ang may kasalanan, gusto lang namin talaga kumain ngunit si Abram nang malaman na may KTV ayon i-try daw namin para raw magsaya raw kami kahit papaano.
Tiningnan ko si Caelian na tahimik lang sa tabi habang may hawak hawak siyang bata sa bisig niya. Tinitingnan niya ito at nilalaro rin. Hindi ko ito napansin kanina ngunit nong may umiyak na bata doon ko lang napansin na may hawak pala siyang bata. Ang lusog ng bata at napaka-cute naman talaga. Sarap kurutin ng pisngi at laruin. Halatang alagang alaga ng magulang.
Si Kyrine at Abram naman ay may sariling mundo dahil sila lang naman dalawa ang nagsasalitan sa pagkanta, ewan ko nga ba sa dalawang 'to, ang bilis magkasundo. Akala mo kanina hindi ni-reject ang kamay, e.
Pinapanood lang namin silang dalawa habang kumakanta ngunit nong tumagal na ay napabaling ang tingin ko kay Caelian na nakangiti na ngayon habang pinapalakpak ang dalawang kamay ng bata.
Ang ganda ng ngiti niya.
Kahit medyo madilim ay kitang kita ko kung gaano siya kasaya sa batang hawak niya.
At dahil na-bo-boring na rin naman ako ay dahan dahan akong lumapit sa puwesto niya. Paunti paunti akong umuurong palapit sa kanya. Hindi niya ako napapansin kasi busy siya kakalaro sa bata.
Palihim akong napangiti nang may sapat na akong lapit sa kanya.
"Bulaga! bulaga!" paglalaro niya sa bata. Naririnig ko ang sinasabi niya dahil pinahina ni Kyrine ang volume ng speaker dahil may bata rin kaming kasama.
"Ang cute ng kapatid mo, no?" hindi mapigilang usal ko dahil totoo naman. Lumapit pa ako ng konti at nilaro ang baba ng bata. Ang taba taba niya. Ang cute cute talaga.
Tumingin sa akin si Caelian at tipid na nginitian ako.
"Oo, cute talaga si Baby Abdiel...p-pero hindi ko siya kapatid" mahinang usal niya sa dulo ngunit narinig ko pa rin.
"Ha? Kung hindi mo siya kapatid, ano mo siya? Pamangkin mo?" tanong ko. Ang tsismoso naman ng datingan ko. Wala kasi akong ma-open na topic kaya ito nalang atleast diba hindi kami ma-boring dito.
"Anak niya kasi si Baby Abdiel, Damien" napalingon ako kay Kyrine nang siya ang sumagot.
Hindi naman ako bingi diba? Naglilinis ako tuwing umaga ng tenga.
"Ano?" Hindi makapaniwalang usal ko. Tiningnan ko si Caelian ng nagtatanong na tingin at binigyan niya lang ako ng tipid na ngiti saka muling tinuon ang atensyon sa bata. "Anak mo nga talaga?"pag uulit ko pa.
"Oo," mabilis at tipid na sagot niya sa akin.
Tiningnan ko siya at ang bata. May pagkahawig nga sila pero may anak na nga talaga siya?
"Sorry, ha? Kung ganito ang reaksyon ko. Ang sakin lang kasi...hmm ano, Hindi halata sayo na may anak ka na" Totoo 'yon, hindi halatang may anak na siya kasi kahit naka shirt siya ngayon ay halata na may kurba at maliit ang katawan niya kaya nakakagulat lang.
Tumawa siya sa sinabi ko at napakagaan no'n. Ako naman ay nakatingin lang sa kanya at pinapanood siyang tumawa sa harap ko.
Kapag tumatawa siya nakakalimutan kong may inis pala ako sa kanya. Kahinaan ko yata talaga ang tawa at ngiti ng isang babae dahil noon ayon din ang nagpahulog sa akin kay Heizelle. Subalit may nakikita akong kakaiba sa ngiti niya. Iba yong ngiti niya kay Heizelle. Hindi ko masabi kung ano.
"Diyan mo mapapatunayan na masyadong mapanlinlang ang mata" natatawang sabi pa niya at hinarap sa akin si Baby Abdiel "Hi po, Kuya Damien" pinaliit ang boses na sabi niya.
"Hello, baby Abdiel" sagot ko sa bata at nilaro ang matabang kamay nito.Tiningnan ko si Caelian at nagtanong, "Kung may anak ka na, bakit nakita kita sa isla na ikaw lang mag isa? Hindi ba dapat hindi mo iniiwan ang anak mo?" takang tanong ko sa kanya.
Tiningnan niya ako muna ako ng maige bago bumuntong hininga,"Hindi ko gusto ang tono ng pagtatanong mo"pag-amin niya sa akin at napayuko naman ako. Nakakahiya.
"Para kasing sinasabi mo sa akin na parang ang sama kong magulang sa anak ko." Kumakanta sila Abram at Kyrine ngunit ang tibok ng puso ko ang naririnig ko. Kinakabahan ako ng sobra. Bakit naman kasi ganon ang tinanong ko, diba? Ang tanga ko talaga. Narinig ko ang malalim na pagbuntong hininga niya.
"Si Kyrine ang nagpilit sa akin na magbakasyon, sabi niya sa akin kailangan ko muna raw magpahangin at 'wag ko muna raw alalahanin si Baby Abdiel dahil siya muna raw ang mag-aalaga," pagpapatuloy niya at wala akong nagawa kundi lumunok at pakinggan ang bawat sasabihin niya.
"Huwag kang magsalita na parang alam mo lahat dahil sa totoo lang wala ka naman talagang alam. At kung masama para sayo ang ginawa ko, sorry," madiin na sabi niya sa dulo at tumayo saka lumabas sa KTV room.
Okay, Damien. Anong ginawa mo?