Sampung taon ang lumipas…
"Hyaaahhh…!"
Hinigpitan ko ang hawak sa aking espadang-kahoy saka sumibad pasugod sa katunggali ko. Buong pwersang inunday ko ang espada pero mabilis naman itong sinalubong ng sandata ng kaharap ko. Saglit kaming nagsukatan ng lakas habang magkadikit an gaming espada bago ako dumistansya.
"Hanggang dyan ka na lang ba? Sa lagay mong iyan, sa tingin mo mababawi moa ng Tondo? Hindi pa tayo nag-iinit pero pagod ka na," patuyang sabi ng panganay ni Gat Ibal na si Haji. Simula pa man, ramdam ko na ang bigat ng dugo niya sa akin. Taliwas sa mainit na pagtanggap sa akin ni Dayang Yumina at ni Yana.
"Sinong may sabing pagod na ako?" bwelta ko sa kanya, habol-habol pa rin ang aking hininga. "Sa tingin ko ikaw ang mas pagod sa ating dalawa. Hanggang depensa na lang ang kaya mong gawin."
"Sumugod ka nang magkaalaman na," inis na sabi nya na halatang tinamaan sa sinabi ko.
"Huwag mo naming pahirapan ng husto si Suyen, kuya. Babae pa din sya, baka nakakalimutan mo," singit ni Yana na nanonood sa kanilang ensayo. Katabi nito si Kapitan Biga na kanilang guro sa pakikidigma. Siya rin yung nakatagpo sa amin sa kakahuyan.
Tumakbo ako pakaliwa. Parang tinatamad naman na itinaas ni Haji ang espadong kahoy nito at sinundan lang ako ng tingin. Inikutan ko siya at nang makakita ako ng pagkakataon, mabilis akong umatake. Pero ganoon din kabilis nahuli ang espada ko ng espada nya. Sa lakas ng pagkakaunday niya, nabitawan ko ang sandata at tumilapon iyon ng ilang metro.
"lahat ng kilos mo, naisulat na at nabasa ko na sa mga aklat. Kung balak mong kunin ang Tondo, huwag ka nang sumubok. Ipapain mo lang ang sarili mo sa kamatayan. Ang pakikidigma ay hindi lang pagbibilang ng "isa hanggang sampu", dapat marunong ka din "gumuhit ng iba't-ibang hugis". Kung gusto mong matalo ang kalaban, sumugod sa pagkakataon at pamamaraan na hindi nila aasahan."
Hindi ko pinansin ang pinagsasabi nito. Inirapan ko lang sya bilang tugon. Akmang dadamputin ko ang aking espadang-kahoy, nang mahagip ko ng tingin ang espada niya na lumilipad sa aking direksyon. Mabilis akong umiwas ngunit saktong pagharap ko ay nasa harap ko na si Haji, nakatutok ang hintuturo nito sa aking leeg.
"Ganito dapat sorpresahin ang kalaban," sabi niya.
Inis na hinawi ko ang kamay nya sabay mabilis na hinawakan iyon at pinilipit papunta sa likod niya. Napa-daing ito. "Ganito dapat sorpresahin ang kalaban," nang-aasar na bulong ko sa kanya.
Binitawan ko lang siya ng makarinig ako ng palakpak sa likod. Paglingon ko, si Gat Ibal pala. Natatawang lumapit ito sa amin. "Mahusay. Mabilis kang matuto, Suyen. Ano sa tingin mo Haji?"
Hindi sya sumagot. Sa halip tinalikuran lang kami nito. Nang mawala sa paningin naming si Haji, sumeryoso bigla ang mukha ni Gat Ibal.
"May sasabihin ako sa'yo, Suyen. Sumunod ka sa akin."
"Sampung taon na ang nagdaan, ano ang plano mo ngayon?"
"Sampung mahabang taon, ama," pagtatama ko. "Hindi na ako makapag-hintay na maisakatuparan ang aking paghihigante, pero hindi pa tapos ang ating paghahanda."
Inipon lahat ng magigiting na lalaki sa buong ibalon, at tahimik silang tinuturuan ni Kapitan Biga at Basod upang humusay sila sa pakikidigma.
Inipon din ni Ama lahat ng mahuhusay sa pagpapanday at nagbukas kami ng sariling arsenal. Sabay ng pagpapalakas ng aming pwersa ang pagbibigay ng mga matitibay na armas na kayang pumantay sa kung ano meron ang Tsina.
Ngunit wala pa kami sa bilang ng mga mandirigma na kayang tumapat sa kawal ng imperyo. At hindi pa napapasok ng espiya ng Ibalon ang mahahalagang tanggapan sa pamahalaan ng Tondo ngayon.
Dalawang laban ang pinaghahandaan namin sa Tondo: laban sa loob at labas nito. At hindi pa kami handa sa parehong laban na 'yon.
"Ngunit may mga pagbabago sa Tondo ngayon na maaari nating samantalahin para sa ating mga plano."
"Ano pong pagbabago?" bigla akong nagka-interes sa sasabihin ni ama.
"Nagbaba ng utos ang Emperador. Mula sa pagiging Probinsya ng Tsina, itinataas niya ang Tondo bilang isang Kaharian. Kasabay niyon ang pagbibigay ng karapatan, kapangyarihan at lahat ng katangian mayroon ang isang Kaharian sa Tondo."
"Kung ganoon, ang Tondo na ang bahala sa kanyang sarili?" paglilinaw ko.
"Maaari, ngunit hindi natin masasabi. Hindi nabanggit sa kautusan na tinatanggal nya na ang Tondo bilang parte ng Tsina."
Naguluhan ako. "Wala namang pinagkaiba, Ama. Mas lalo pa nga silang lumakas."
"Makinig ka: hihirangin na ng gobernador-heneral ng Tondo na si Li Gu Bao ang pinaka-unang Hari ng Tondo pagkatapos nila masakop ito. Itinalaga ng Emperador ang pamilya Li bilang dinastiyang Tsina na maghahari sa Tondo.
"Ngunit ilang maharlikang pamilya ang nagsusulong para sa kanilang interes sa Tondo. Iniisip nila na sila ang mas may karapatan dito, kompara sa pamilya Li na hindi naman isa sa mga maharlika na pamilya.
"Sa madaling salita, may tahimik na hidwaan sa loob ng Tondo. Madaming mata ang nakatuon sa trono ng Hari ng Tondo ngayon. At habang nagkakagulo sila, gumawa na tayo ng unang hakbang."
Naikuyom ko ang aking mga palad. Hari ng Tondo? Wala silang karapatan para dalhin ang titulong iyan. Mga tunay na bayani, magigiting, at may pagmamahal sa bayan lang ang may karapatang magdala ng titulo. Hindi ang mga lapastangan na katulad nila.
"Ama, hindi maaaring may ibang umangkin ng titulo ng Hari ng Tondo. Isa yung pambabastos sa kasaysayan ng buong Tondo."
Ginagap ni Gat Ibal ang kamay ko. "Alam ko. Kung handa ka na, simulan na natin ng unang bahagi ng plano."
"Ngayong gabi ang luwas namin ni Haji patungong Tondo. Personal namin aanalesahin ang sitwasyon, saka ako magbibigay ng hudyat."
"Mag-ingat kayo doon," may pag-aalalang sabi ni Gat Ibal.
Tipid na ngiti ang ibinigay ko kay Ama.
— New chapter is coming soon — Write a review