*Habang may buhay, may pag-asa*
Dumating ang araw ng pasukan. Muli akong enenroll ni mama sa P.H.S, doon kinausap ang lahat-lahat ng nagdropped-out at mga bumagsak o mga retain noong last school year ng aming principal na lalaki. Sinabihan ako ng principal namin noon na, "Huwag ko daw sayangin ang panahon!" Mas maganda daw kung may pinag-aralan at tinapos.
Taong 1999, muli akong nagfirst year high school. Hindi naging madali ang pagpasok ko doon, mas lalo pang naging magulo at komplikado. Lahat ng bumagsak at nagdrop-out na mga estudyante ay pinagsama-sama at ginawang isang buong section. Sa kasaysayan ng Parang High School, kami lang ang naging kakaiba, dahil lahat kami noon ay puro mga lalaki. Ang tanging naging babae lang doon na aming muse ay si Bubbles na isang beki o bakla. At naging adviser namin noon ay si Mr. Flores. Uso pa noon ang paluan, dibdiban, kaltukan at kung minsan nga ay sipaan ng mababangis na mga naging teachers namin. At ukaan na din ng buhok tuwing mag-eexam kapag hindi nakapagpagupit ng buhok, tiyak may uka ka kay Mr. Kotong.
Sa una palang ay naging magulo na ang klase namin, dahil lahat ng mga kaklase ko ay puro pasaway, mga makukulit at mga magugulo. Naging kaklase ko noon ang ilang naging kaklase ko noong elementary tulad ni Jerry So at Ray-an. Maging ang kuya noon ni Rommel Azul na kaklase ko din ay naging kaeskwela ko na si Tito Azul.
Laging laman noon ng office ang aming section dahil sa mga iba't-ibang kalokohan namin. Laging may awayan noon sa'min ng mga siga kong mga kaklase laban sa mga ibang section na mga first year din. At minsan mga kaklase ko na din ang nagsusuntukan sa loob ng aming class room.
Ako ang naging pinakamaliit noon sa klase kaya, 'yung mga ibang kaklase kong malalaki ay naging ka close ko din. Sila ang mga naging siga noon sa klase kaya hindi din ako minsan napapagtripan noon dahil naging mga kabatak ko din ang ilan sa kanila. May isa lang doon na lagi akong binubully pero naging ka close ko din ng magtagal.
Si jerry So ay tahimik lang noon sa klase, tahimik naman talaga s'ya kahit noong elementary pa lang kami. (Goodboy 'yon) Meron din kami noong naging kaklase na magbebente anyos na ay first year high school pa din. Mahal na mahal daw n'ya ang pagiging first year biro ng ilang naging teacher namin.
Kapag wala pa ang mga teacher namin at may away, and'yan na ang mga "SQUARE" sa loob ng room. Hahawiin ng mga kaklase ko ang mga upuan, itatabi ito sa bawat gilid at doon sa gitna sila magsusuntukan. Madalas kami noon pinapagalitan ni Mr. Flores, sinisigawan kami at isa-isa kaming dinidibdiban, maging mga ibang teacher namin ay suko din sa amin. Uso pa din noon ang mga abangan sa labas ng eskwelahan, kapag may atraso ka o naging kaaway sa ibang section. Malamang mamaya abangan na sa labas at rumble na.
Habang tumatagal, unti-unti kaming nauubos, lalo na sa mga last two subject namin. Gumagawa kami noon sa index card ng mga kunwari'y mga pass subject namin at dinudoktor namin ang mga pirma ng mga teacher. Iyon ang pinapakita namin sa gwardya ng gate, tapos 'non ay makakalabas na kami ng paaralan. Hinahabol ko noon ang palabas dating Ghost Fighter na kinuha noon ng GMA 7, maging ng iba ko man mga kaklase na sa ganong oras pinapalabas. Madalas din kaming magbakod noon.
Gulat na gulat noon ang teacher namin sa Pilipino, (isa iyon sa ang huling subject namin) dahil kapag oras na n'ya ay halos maubos na ang buong klase namin. Wala pang sampu minsan ang naiiwan sa klase kapag huling subject na ang pinag-uusapan, uwian na agad bago pa man dumating si mam. Mahigit kwarenta din kami noon o higit pa kaya, kapag dumadaan s'ya sa aming klase, alam n'ya na nagsipag-uwian na ang karamihan o nag-i-skip na sa kanyang klase.
Malimit din noon ang pagabsent ko. Hindi pa din talaga ako ganon kaseryoso sa pag-aaral, kahit na umulit pa din ako. May mga pagkakataong nagkacutting classes pa din ako ng buong isang araw. Niyaya ko noong magcutting kami ni Jerry boy at pumayag naman s'ya sa imbitasyon ko. Doon kila manang Inday na malapit lang sa kanilang bahay kami ay tumambay. (Lakas ng loob ni Jerry malapit lang sa kanila) Pumunta din kami sa sikat noong gotohan sa'min malapit lang sa kantuhan ng Marikina Village, at muling bumalik kila manang Inday.
Mula first grading hanggang third grading ay puro palakol ang grades ko. Hindi ko na din noon pinapakita kila mama ang card ko, ako na mismo ang pumipirma 'non gamit ang kanyang pirmang dinoktor ko.
Hindi ko makakalimutan ang sinabi sa'min noon ng teacher namin sa Pilipino subject. Nang kaumpisan ng fourth grading, ang sinabi n'ya sa'min ay, "Habang may buhay,may pag-asa!"... Pwede n'yo pang habulin ang mga bagsak na mga grades n'yo. Simula first grading ko hanggang third grading halos karamihan sa mga subject ko noon ay puro bagsak, meron man pasa ngunit pasang awa pa. Nabuhayan kami noon 'nung marinig namin sa kanya ang mga salitang 'yon, kumbaga nakakabuhay ng dugo! At sa puntong iyon, halos lahat kami ay nagsipagseryoso na sa pag-aaral, maging ako man ay nagkukumahog sa pagpasok at pilit naghahabol sa mga bagsak na grades ng mga subject na pinagsasawalang bahala ko noon. Mula sa mga subject na T.H.E (Technology and Home Economics) kay Mr. Flores na aming adviser, MATH, SCIENCE, P.E, ENGLISH, ARALING PANLIPUNAN, VALUES at sa PILIPINO lahat ng iyon ay pinasukan namin at muli,dumami ang mga estudyante sa class room, magmula sa unang subject hanggang sa mga huling subject gaya ng Pilipino ay present na present ang karamihan. Alam kong huli na ang lahat at ramdam kong baka bumagsak ako.
Natapos noon ang pasukan. Hindi ko alam kung pumasa ako o bumagsak. Naging malaking tanong 'yon sa isipan ko. At ng kuhanan na ng card, kasama ko si mama noon. Sinabi na lang sa'kin noon ni mama na, "Anu ba 'yan, uulit ka na naman!" Pinakita n'ya sa'kin ang card ko at ng makita ko ay," Bagsak pa din ako!" Ulit nga!.. Nanghinayang din ako noon dahil dalawang subject ang naibagsak ko. Malamang kung isa lang ay pasado na ako o magiging second year na. Tanging ang Math at Science lang ang naibagsak ko. (Sa totoo lang ayaw ko ng Math!)
Two units ang science kaya ang suma 'non ay dalawang subject din, kaya parang tatlong subject na din ang naibagsak ko. Masasabi ko ngang nasa huli ang pagsisisi! 🙃
Nanghihinayang noon sa'kin si mama, napagsabihan n'ya din ako. Wala na din naman kaming magagawa kung hindi umulit muli ako.
Doon ko napagtanto noong pasukan ng muli na, hindi lahat ng pumapasa ay nag-aaral ng maayos. Hindi lahat ng mga "bobo" ay bumabagsak! Meron din naman mga pumapasa at sinuswerte. Halos 50/50 noon ang pumasa at bumagsak sa klase namin o mga 60% ay pumasa pa nga. Nakita ko na lang noon ang mga pumasa kong mga kaklase o mga promoted bilang second year ng muli ng nagbukas ang klase. Halos karamihan doon ay mas malala pa sa akin, na hindi talaga lahat ay nagseryoso sa pag-aaral. At 'yung iba pa nga ay mga nangongopya lang sa'min kapag exam-an na. Doon ko din napatunayan na totoo nga pala ang kasabihan na, "Ang nangongopya ay daig ang nagpapakopya!"
Si Jerry boy ay pumasa noon, deserving naman s'ya dahil naging matino naman talaga s'ya sa klase. At mukha talaga s'yang "good fucking boy!" 😜
Nag-umpisa na muli akong pumasok bilang "first year" sa pangatlong pagkakataon taong 2000. Doon ay naging teacher ko si Ms. Lianza sa Science sa ibang section. Humingi ako noon ng pabor kay mam dahil ang oras pa ng Science subject namin sa mismong section namin ay aabutin pa ng ilang subject. Pumayag naman s'ya noon na isama ako sa pang-umaga n'yang turo, at sa ibang section 'yon.
Ang aking katangi-tanging adviser ay si Ms. de la Cruz ng English subject. Hindi na rin ako noon pumasok sa subject ni mam dahil naipasa ko na ito 'nung last school year. Ngunit nakasama pa ako sa kanyang pagtuturo sa mga naunang linggo. Napakabait ni Ms. de la Cruz, utang ko talaga sa kanya ang lahat.
Sa pasok naming 7:00 am to 1:00 pm na regular class, ang sa'kin naman ay 7:00 am to 9:00 am lang o minsan lagpas pa ng alas nuwebe. Dalawang subject lang noon ang pinapasukan ko dahil naipasa ko na ang iba, ang Math at Science lang. Sakto naman na ang first subject namin ay Math, na aabutin ng 40 minutes. At pagtapos 'non ay lilipat na akong ibang section para doon pumasok ng Science na aabutin ng 120 minutes. After 'non, uwian na! Uuwi na ako, tapos na ang klase ko. Naging kaklase ko noon si Raymond o Tano na kapitbahay namin.
Wala pa din o nawalan ng trabaho noon si papa ng taong iyon, kaya't nagtitinda pa rin ako ng pandesal sa madaling araw para may pambaon ako noon. At binibigyan ko din noon ang kapatid kong si Jing ng kanyang baon bilang first year high school din. Nagkasabay kami noon ni jing sa pagpasok bilang first year. Naabutan n'ya ako noon dahil sa kasipagan ko. Hehehe..
Nahihiya na din ako noon na magpakita sa mga high school student sa tuwing nagtitinda ako ng pandesal. Kahit noon pa man ay umiiwas na ako sa kanila kapag nakikita ko sila o sa mga kaklase ko, kahit pa noong elementary pa lang ako. Hindi kasi noon nawawala ang bulihan o pangbubully, kaya nagtatago ako noon sa kanila gamit ang bike ko.
Gigising ako ng alas quatro at dapat alas sais ay napaubos ko na ang mga pandesal, para pumasok ng alas siete sa eskwelahan. Madali ko na naman ng napapaubos dahil mangilan-ngilan na noon ang mga nagtitinda ng pandesal. 'Yung mga ibang kasabayan ko dati ay nagsipaghinto na sa pagtitinda. Halos buong school year ko ding binigyan ng baon ang kapatid ko. At may mga pagkakataon din noon na ako rin ang bumibili ng pangulam namin kaya, hindi ako pwedeng tumigil noon sa pagtitinda kahit gustuhin ko pa. Hindi rin ako pwedeng mawalan ng pera noon kahit kakarampot lang.
Dahil sa aga ng labas ko sa eskwela at mahaba ang oras ko ng buong araw, muli ay napabarkada na naman ako sa mga taga Marikina Village at Tierra Vista Subd. na matagal ko na din mga kakilala. Pagkatapos ng pasok ko, dederetso na akong Twin River Subd. kung saan nandon ang videohan ni manang Inday at ang Jay-r's bakery. At ang mga tropa ko na halos isang taon ko din nakasama sa taong iyon ay sila Dexter, Alex, Jovel, Nikolo, Mario, Jeffrey, Collin, Corpuz. Meron pang isa na nakalimutan ko na ang pangalan na taga Marikina Village din at ilan pa. Meron din kami noong nakasamang dalawang bata na naglayas na mga taga ibang lugar ang sumama sa amin. Nakita namin sila noong nakatambay sa park ng Tierra Vista, nilapitan ko sila at kinausap. Sinabi nila noon na naglayas sila kaya, sinabi ko na lang sa kanila na sumama na lang kayo sa'min. Hindi na ako noon halos umuwi ng bahay kahit sa gabi pa, doon na mismo kami natutulog sa jeep na nakaparada malapit sa bakery, para sa madaling araw deretso na ako sa paglalako ng pandesal.
Noong napasarap ako sa barkada halos mapabayaan ko na din ang pag-aaral ko. Malimit din kami noon sa ilog para maligo. Pagkatapos ng eskwela hala tambay at gala! Paulit-ulit namin 'yon ginawa. At 'yung dalawang bata na sumama sa'min, nawala na rin kinalaunan. Nagkaroon din noon ng bagong bukas na videohan malapit kila manang Inday kaya nadoble ang aming pagtatambayan.
Minsan, may pagkakataong hindi na ako pumapasok kay Ms. Lianza. Napabayan ko na din ang pag-aaral ko maging kila mama at papa at sa mga kapatid ko ay minsan wala na akong pakialam. Talagang nalunod ako noon sa barkada! Sinabi sa'kin nila mama noon na, "Uuwi ka lang kung kelan mo gusto." Mas ginusto ko pa noong bumarkada kesa tumigil sa bahay. Kahit 'yung mga kababata ko na taga sa'min ay minsan ko na lang din pakisamahan. Madalas talaga ako noong wala sa aming lugar. Naki pag-riot din kami sa mga kabataan sa kabilang ibayao. Nakasama namin noon sila Joel at ang kuya ni Mario na si Nuno. Sa ng park ng Tierra Vista nagliliparan ang mga bato! Palitan kami noon ng mga bato, habang ang ilog ang nasa pagitan namin. Nabasag pa noon ang bintana doon ng church ng tinamaan ito ng lumilipad na bato.
Doon din ako natutong maggupit ng buhok. Habang noong naliligo kaming ilog, napagtripan namin noong gupitan ang buhok ni Jovel na may kalaguan na. Sa mga gumupit sa kanya, ako ang huling umayos ng kanyang buhok. Tawa kami ng tawa noon sa kinalabasan ng kanyang gupit. Dati ko na din napagpraktisan ang kapatid kong si Dan, kaya kahit papano ay malakas na ang loob ko 'nung gupitan si Jovel.
Habang tumatagal ay unti-unti akong natututo at nahahasa sa paggugupit. Sa ilog kami madalas maggupitan at pagtapos 'non deretso ligo na sa ilog. Ang gunting ko pang ginagamit dati ay gunting sa papel na de tiklop kaya may katagalan ito bago matapos.