Ang binigay na isang buwang bisa sa'kin ay naubos na. Kasama ko si Jay-r, kami ay kumuha ng panibagong bisa sa pamamagitan ng pag-exit namin sa China. Noong naubos na ang aming bisa, pumunta na kami ni Jay-r sa border gate kung saan doon kami magkaka-visa. Ang daming mga intsik ang naglalabas pasok doon, kumpulan ang pagdating ng mga tao at paglabas ng Macau. Sa mga yabag palang ng mga paa nila mabibingi ka na, bukod pa ang mga pinagsama-sama nilang mga boses, talagang sobrang ingay. Pulo-pulutong ang mga pagdating ng mga intsik sa Macau.
Hindi pamilyar sa'min ni Jay-r ang gagawin doon. Basta ang sabi lang sa'min nila te Roda pumila lang.Pumila kami ni Jay-r, sinundan lang namin ang mga intsik na pabalik ng Tsina. Sa paghihintay sa pila, nakapasok kami sa bukana ng China. Doon naglibot-libot muna kami sa kanilang duty free at tumambay ng ilang minuto. Pagkatapos 'non, bumalik na kami sa window kung saan babalik na kaming Macau.
Hindi namin alam ni Jay-r kung saan kami pipila para bumalik sa Macau. Nakakita kami ng daanan sa gilid ng building na may harang na bakal. Ayon 'yung dapat daanan namin para kami makabalik ng Macau sa pagkakaalam ko sa nasabi sa'min. Nang kami'y dumaan na doon, nakita kami ng gwardyang babae na instik at pinabalik kami at hindi n'ya kami pinadaan 'don. Bumalik kami sa dati naming pwesto. May mga dumadaan 'don na mga intsik at derederetso lang at 'di sinisita ng gwardya, hanggang sinabi ko kay Jay-r na taymingan nalang natin kapag umalis ito o malingat sa kinatatayuan. Tumayming kami ni Jay-r at sumubok na dumaan muli ngunit sa kamalasan ay napansin pa rin kaming dalawa ng gwardya. Pinabalik n'ya ulit kami at may sinasabi s'ya na hindi namin maintindihan. Bumalik kami muli sa dati naming kinatatayuan, may mga upuan doon at umupo muna kami. Nag-umpisa na din kaming mangambang dalawa, medyo kinakabahan na din ako noon. Biniro ko nalang si Jay-r na 'pano to? Mukhang hindi na tayo makakabalik sa Macau. Aninag ko ang pagkabahala sa mukha ni jay-r. Tinawagan n'ya ang kanyang mama na si ate Roda, sinabi n'ya na hindi kami makabalik ng Macau, at tinanong n'ya din kung anung gagawin namin at saan pupunta para makabalik. Aligaga na kami noon! Sinabi nalang ni te Roda na magtanong nalang kami doon, hindi din daw n'ya alam at parang nag-aaway na din ang mag-ina sa telepono.
Wala kaming nagawa noon kundi mag-antay. Sinabi ko nalang na maghintay nalang tayo ng pinoy at doon nalang tayo sumabay pabalik. Lumipas pa ang ilang minuto, maya-maya pa'y, may tila ba parang pamilyar na mukha ang natanawan ko. Nakilala ko s'ya ng lumapit ako sa kanya, s'ya ang dati kong nakasama sa paggagwardya sa Taipa. Sinabi ko noon na hindi kami makabalik! Tara na, sabi n'ya sa'min ng nakangiti. Sumama kami sa kanya noon, doon din s'ya dumaan sa dinaanan namin na pinabalik kami. Suminyas lang s'ya noon sa gwardyang intsik ng iikot lang kami, senyas n'ya sa kamay at pumayag itong padaanin kami. Sa isip-isip ko ganun lang pala 'yon. Nakailang balik na din s'ya sa Macau at bihasa na din sa mga ganun. At muli nakahinga kami ng maluwag ni Jay-r dahil sa tulong n'ya. Nauna s'yang pumila sa'min ni Jay-r at ng matatakan na ang kanyang passport, nagpaalam na s'ya sa'min. Nagpasalamat ako sa kanya noon, sinabi n'ya din sa'kin na naggagwardya pa din s'ya.
Natatakan ang passport namin ng tig-dalawampung araw. Naging masaya kami 'non at may visa na ulit kami, pwede na ulit gumala-gala ng walang pag-aalinlangan. At kahit papano ay nakatapak kami sa lupa ng China.
Dumating din ang araw na naubos na din ang dalawampung araw na bisa ko. Nag-apply ako noon ulit ng huling bisa o ultimatum visa, na sampung araw lang. May mga nakasabay din akong mga pinoy na nag-apply din noon. Sa huling sampung araw ko sa Macau hindi ko pa din nakukuha ang sahod ko sa paggagwardya kaya kailangan ko pa din maghintay ng tawag mula sa agency. At kahit 'pano ay makapagpart-time pa.