Gaya ng dati kong ginagawa, takbo bilis takbo nUnahan! Pila agad! Kuha ng ticket! Sakay! Opo bus!Abot ticket! Abot pera! Baba! Takbo na naman! Sakay bus ulit!Balik ferry! Pila ulit! Sige go for gold kami!
Hindi lang naman ang mga pilipino ang pumipila at ginagawang negosyo at pinagkakakitaan ang pagpila sa Wynn. May mga Black American, African, Chinese national, Indonesian at mga Allien pa. Tatlong lugar ang distinasyon ng mga shuttle bus.
Ang una ay sa Macau Ferry: Ang pinakamalapit doon. Napakaraming pumipilang mga negro at Indonesian doon. Aabutin ka ng dalawa hanggang apat na bus sa pagpila bago ka makasakay doon.
Ang pangalawa naman ay sa Border gate: Medyo malapit din pero mas malapit ang sa Macau Ferry. Ilang beses din akong pumila doon. Wala din akong masyadong kakilala 'don.
Ang pangatlo naman at ang panghuli ay sa Taipa Ferry: Doon ako unang dinala ni kuya Biong, doon din ako natutong pumila. Malayo ang Taipa Ferry kaya konti lang ang pumipila 'don. Doon din ako maraming nakilala at naging mga kaibigan. Nakilala ko din ang dalawang mag-asawang intsik na matiyaga din tumatakbo at bumibili din ng mga ticket. Medyo magulang ang babae, marunong s'yang sumingit. Kapag s'ya naman ang nasisingitan ay galit na galit. Kamukha n'ya din ang asawa ni Popeye na ganon din ang hairstyle at may makapal na make-up at lipstick.
Masarap ang byahe sa Taipa, tawid tulay na mahaba-haba ang pagbyahe. Maganda ang view doon at mas madaling pumila dahil kaunti lamang ang mga pumipila doon, kaya mabilis ang alisan ng bus kahit iyon ang pinakamalayo sa tatlo.
Masaya din naman ang pagpila at kung makakabalik pa ako doon ay pipila pa din ako, kung meron pang pilahan. Noong umalis na kasi ako, pansamantalang itinigil ang paraffle at pagpila sa Wynn casino, pero ibabalik naman daw 'yon 'di lang alam ang eksaktong araw ng muling pagsilang nito.
Marami akong nakita sa pilahan! Maraming sitwasyon ng buhay, hirap, sarap, kalungkutan, kabiguan at kung anu-ano pa. Marami akong nakausap na pilipino 'don sa pilahan. Habang pumipila, nakakipagkwentuhan ako sa mga nakilala ko. Sa pagsakay, habang nasa byahe, naririnig ko ang mga kwento nila at hinaing sa buhay. Karamihan kasi sa mga pumipila ay naging bigo dito. Naging bigo ang iba sa Hong Kong, naubos ang mga visa at pumunta sa Macau. Ang iba naman ay naubos na ang mga visa o naging mga tnt na. May nakilala nga ako 'don na one year ng tnt sa Macau, tumatambay nalang s'ya sa mga Casino at magaling din talaga s'yang magtago. Hindi ko alam kung paano s'ya nabubuhay... Nang makausap ko s'ya, ramdam ko na may tinatago s'yang kalungkutan. Wala naman s'yang pera para makauwi ng Pilipinas. Minsan nga tatlong araw na ang suot n'yang damit na walang palitan. Hindi ko din alam kung saan s'ya natutulog... Hangad ko nalang ang kanyang kaligtasan. Inalok ko din s'ya na gupitan ng libre dahil mahaba na ang kanyang buhok ngunit tumanggi s'ya sa alok ko o sadyang nahiya na lang din sa'kin. S'ya din ang nagsabi sa'kin na, "Ang mga pulis doon ay marurunong magmura ng tagalog at tumawag ng pare."
Nabusog ang mata ko sa kaalaman. Napuno ang utak ko ng maraming tanong sa buhay. Umaapaw sa hangin, inisa-isa ko at inintindi. Ganito ba talaga ang buhay ng tao? Habang nasa byahe kami pabalik ng Wynn. Minsan, napapaisip ako, nalulungkot sa kalagayan ng karamihan na katulad ko doon. Walang kasiguraduhan ang buhay! Ang iba nga 'don ay napapaiyak nalang habang nagkukwento. Ang alam daw kasi ng mga naiwan nila sa 'pinas na maganda ang naging lagay nila dito. Hindi lang nila alam na komplikado na pala dito.
Karamihan sa pilahan mga domestic helper ang trabaho na naterminate sa Hong Kong. Si ate, si nanay, si neneng, si nena lahat sila pinakingan ko at inunawa. Ang iba naman doon ay na illegal recruiter pa. Gayun pa man, life goes on! Tuloy ang buhay! No matter what life's bring to us. Tuloy ang takbuhan, tuloy ang pagpila, tuloy ang konting kasiyahan.
Doon ko din nakilala si Friend, hindi ko na din inalam pa ang tunay n'yang pangalan, basta friend lang ang tawagan namin. Noong ako'y sumakay ng bus, kasama ko noon sa pilahan si Jay-r. Nakaupo na ako noon at walang katabi sa upuan. Nang may tumapat sa'kin na babae at nagsabing "Pogi, pwde ba akong tumabi sa'yo?" Tumabi s'ya sa'kin ng tumungo lang ako sa kanya. Habang nasa byahe, nagkakakwentuhan kami at kalauna'y naging magkaclose na din. Friend ang tawag n'ya sa'kin at ganon na din ang naging tawag ko sa kanya. Gaya ng karamihan, naterminate din s'ya sa Hong Kong at pumuntang Macau para maghanap ng swerte.
Maraming namumuhunan sa pakulo ng casino o paraffle ng Wynn. Malaki kasi ang papremyo at jackpot prize nito. Tatlong beses ang bola nito sa loob ng isang araw. Sa tanghali, sa hapon at sa gabi. Ang ibang mga pilipinong namimili 'don ng mga tiket ay may mga padrinong intstik na namumuhunan sa kanila. The more tickets you have, the more chances to win! Nakakomisyon ang mga pilipino sa bawat ticket na binibili nila. Mas malaki ang komisyon kapag nanalo pa ang ticket.
Ang 1st prize ay naglalaro sa 20-30 thousand pesos. At ang 2nd prize naman ay naglalaro sa 40-60 thousand pesos. At ang third prize naman, ang jackpot ay naglalaro sa 80-100 thousand pesos, kaya marami ang namumuhunan sa pagpila. Ilang beses ko lang din nilaban ang mga ticket ko ngunit 'di ako manalo-nalo. Dalawa hanggang tatlong ticket lang kasi ang nilalaban ko, ang iba pinagbibili ko na.
Napakaswerte ng mga nananalo doon, instant money kasi agad! Ang iba nakakabalato lalo na't kakilala mo ang nabunot sa raffle. Sa gayong paraan, kung mananalo ka ng jackpot, pwedeng-pwede ka ng umuwi ng 'pinas.
Minsan, kapag wala akong deliver ng tapao, maghapon akong pumipila. Karamihan sa mga pilipinong walang trabaho 'don, halos umaasa nalang din sa mga casino. Sa pagpila at sa kung anu-anong mga pakulo ng bawat casino doon. Survival of the fittest ang labanan doon! Malas mo na lang kapag wala kang diskarte, malamang mababaliw ka doon. 🚑