Naaawa na lang ako sa mga instik na nahuhuling natutulog sa ginagawang building na iyon. Ang iba 'don, papikit-pikit pa habang naglalakad. Kahabag-habag talaga ang mga itsura nila kapag nakikita kong dumadaan sila sa harapan ko kasama ang mga katrabahong kong gwardya na humuli sa kanila. At doon lang din ako nakakita na kahit mga babae ay nagpapala at nagbubuhat ng mga bakal. Nakakabilib ang mga intsik dahil sa kaliksihan ng kanilang pagkilos kahit pa ang karamihan sa kanila ay may payat na pangangatawan.
Mahigit kaming isang daang gwardya kasama na ang mga dyumu-duty sa umaga, at karamihan 'don mga ilokano. Napakarami kasing mga ilokano sa Macau, siguro mga 60 to 70 percent 'don mga ilokano. May mga mababait at meron din naman mayayabang na katrabaho ko. Marami din akong natutunan sa kanila, sa mga katrabahong kong naging kaclose ko. Palibasa'y bago palang ako sa Macau, tinuturuan nila ako kung 'pano dumiskarte ng pera at sumadline doon. Hindi ko pa masyadong kabisado ang Macau, kaya ang iba gina-guide ako kung saan ang tamang sakayan, babaan at mga ilang lugar doon. Tinuro din sa'kin ng ilokano kong katrabaho at kasama ko sa bahay na si kuya Biong kung paano makamenus sa pasahe. Sinasabay ako ni kuya Biong sa pagpasok, mga dalawang kilometro o higit pa ang nilalakad namin mula sa aming bahay hanggang sa sakayan. Napakabilis n'yang maglakad at lagi akong naiiwan sa kanya. Siguro, s'ya na ang taong nakilala ko na sobrang bilis maglakad.
Nasa fourthy plus na ang edad ni kuya Biong. Dati daw s'yang nakapagtrabaho ng tatlong taon sa Hong Kong, kaya bihasa na s'ya sa salitang intsik at cantonese. At mga tatlo hanggang apat na beses na s'yang pabalik-palik ng Macau, kaya alam na alam na n'ya ang takbo ng buhay 'don.
Mula bahay, lalakarin namin hanggang border gate ng Macau at China, tapos 'don kami sasakay sa nakaparadang mga shuttle bus ng Venitian Hotel and Casino. Libre naman ang pagsakay at 'di mahirap ang hintayan dahil 5 to 10 minutes umaalis na ang bus patungong Venitian.Pagdating naming Venitian papasok lang kami sa entrance ng casino, lalakarin namin hanggang dulong exit/entrance. At pagbukas ng pinto, ayon harap na ng pinagtatrabahuhan namin. Sabi ko, Ayos ha! Hindi tayo namasahe. Medyo malayo din kasi ang workplace namin, sa kabilang isla pa. Taipa ang pangalan ng lugar na tawid dagat pa.
Sa pag-uwi naman, sumasakay kami ng shuttle bus pa din, dalawang shuttle bus na magkaiba. Mula sa shuttle ng Venitian bababa kami sa Taipa Ferry at doon ay sasakay kami ng shuttle bus naman patungong Wynn Hotel and Casino. At pagbaba namin sa Wynn, maglalakad na kami pauwi sa amin na medyo may kalayuan din patungong bahay.
Maraming itunuro sa'kin si kuya Biong na mga diskarte doon. Tinuruan n'ya din akong pumila sa Wynn upang kumuha ng raffle coupon at ipagbili din sa mga instik at mga pilipinong namumuhunan para ilaban sa pabola ng pa-raffle ng casino, sa halagang tatlong patakas katumbas ay kinse pesos. Masarap din pumila, nakakalibang at nakakaexcite, para lang kaming mga bata na nagtatakbuhan, nag-uunahan sa pagpila para makarami ng balik.
Mula Taipa Ferry, sasakay kami ng shuttle bus ng Wynn patungong Wynn. At pagdating namin, bababa ng bus, tatakbo tungo sa isa pang bus na nakaparada sa gilid ng entrance ng casino na papunta ulit ng Taipa ferry. Pagdating 'don, pipila ulit sa shuttle to Wynn again.
Sa pilahan naman ay may maliit na booth, doon nanggagaling ang raffle ticket. Ibibigay 'yon ng mga empleyado ng Wynn habang nakapila kami papaakyat ng bus. Kailangan mabilis kang tumakbo, talagang takbuhan kami. Nakikipag-unahan kami sa mga intsik para makapila agad dahil may limit ang pagbigay nila ng mga coupon. Isang puno ng bus, ganun din ang bilang ng mga tao at coupon na ibibigay kaya, 'pag babagal-bagal ka malas mo nalang 'pag sumubra ka sa bilang dahil maghihintay ka ulit ng isang pang shuttle.
Kapag nakasakay ka na ng bus, doon may pasimpleng lalapit sa'yo upang bilhin ang ticket mo sa halagang 3 patakas, bawal kasi ang bilihan ng ticket kaya ang driver ng bus patingin-tingin nalang sa salamin, napapakamot na lang sa ulo ang driver na intsik. Ang ibang nasa booth, nayayamot na din sa'min. May kaguluhan din kasi kami sa pila, takbuhan, singitan, tulakan, ingayan, pero masaya ang pumila. Maraming pilipino ang pumipila araw-araw, yu'ng iba 'don walang mga trabaho. Ang iba naman, galing Hong Kong na nawalan ng trabaho. May mga TNT din na malalakas ang loob na gumala pa at maghanap buhay.
Halos kada umaga nagkikita-kita kami sa pilahan. Nakilala ko na din ang iba 'don at nakausapa. At halos lahat din ng mga pumipila ay may kanya-kanyang problema din. Kanya-kanyang kwento sa buhay, samu't-saring mga pangarap na hirap abutin. Gayun pa man, masaya kami dahil nalilibang kami sa ginagawa namin. Pipila lang may konting pera na agad! Makakarami ka lang dito ng kita kapag masipag-sipag kang pumila. Kami ni kuya Biong, pipila lang ng ilang oras pagkagaling sa trabaho para may pang-almusal at panggastos pambili ng sigarilyo. At uuwi na din kami bago magtanghali at tutulog ng ilang oras.
Kinarir ko na din ang pagpila pagkagaling ko ng trabaho. Minsan, 'di na sumasama si kuya Biong sa'kin. May mga nakakasama din akong katrabaho ko sa pagpila tulad ni Garcia, Bigboy, Tatay at ilan pa. Si Garcia na naging mayor daw s'ya sa munti noon. Marami din s'yang kwento sa buhay noon. Dati daw silang may sindikato, nagka-onsehan, napalaban sa mga pulis, nahuli, nakulong ng maraming taon at nakalaya. Tahimik lang si Garcia nasa kwarentahan na din ang edad n'ya. Hindi rin s'ya mayabang umusta 'di tulad ng iba naming katrabaho, at minsan joker din s'ya. Mabilis naman kaming nakapagpalagayan ng loob dahil sa marunong naman akong makisama at ganon din naman s'ya. Hindi rin ako nailang sa kanya o natakot dahil sa kanyang naging buhay noon, nakapatay na din daw s'ya ng tao.
Minsan naman, si Bigboy ang kasama ko, taga bulacan naman s'ya. Bigboy ang tawag namin sa kanya dahil malaki s'yang tao. Kamukha n'ya si Ace Vergel at brush-up din ang kanyang buhok na katulad kay Ace Vergel. Nasa 40 plus na naglalaro ang kanyang edad, sa tansya ko. Si Bigboy medyo mabagal ng tumakbo. Matagal na din s'yang pabalik-balik sa Macau dahil andon din ang kanyang asawa bilang domestic helper. Nakarating na din ako sa kanilang plot noong nagpagupit sila sa'kin ni tatay.
Si Tatay naman na kasama din namin sa pagga-gwardya ay sumasama din sa'min pumila. Lagi silang magkasama ni Bigboy, at sanggang dikit sila. Medyo may edad na din si Tatay at nasa 60 plus na s'ya. ('Di ko na alam kung 'san parte s'ya sa maynila.) Hinihingal na sa pagtakbo si tatay kaya minsan, naiiwan namin s'ya ni Bigboy.
Tinuruan din ako ni Bigboy ng ibang diskarte para makasurvive sa Macau. Ganito, papasok kami sa Grand Lisboa, isa sa mga magagandang hotel casino sa Macau. At doon sa loob ng casino kami tatambay. May mga push cart na tinutulak ng mga empleyado 'don. Minsan, mga pilipina ang nagtutulak ng push cart. Ang laman ng mga push cart ay iba't-ibang mga inumin at mamemeryendang pagkain. May tubig, tea, beer, gatas, kape at softdrinks. May cake, tinapay, lumpia at sar-sari pa.
"Anung gagawin natin dito?" Tanong ko sa kanya.
"Kakain tayo ng libre!" Sagot n'ya sa'kin.
Maya-maya pa'y may dumating na push cart, sindi ng sigarilyo si Bigboy sabay lapit sa push cart. Suminyas s'ya sa'kin upang lumapit na din, at doon namili kami ng pagkain at inumin. Ayos din! May natutunan na naman ako. Sige kain lang tayo, sabi n'ya sa'kin. Kuha ng kape, soft drinks at tinapay. Maya-maya pa'y may push cart na naman, lapit, kuha, kain, inum. Kapag medyo mabusog na, aalis na kaming dalawa. Madiskarte din si Bigboy sa buhay at masarap din s'yang kasama gaya din nila Garcia.
Hindi naglaon, may isinama din ako sa pilahan. First time din n'yang pipila kaya tinuro ko din sa kanya kung paano pumila. Tinuro ko din sa kanya 'yung mga natutunan ko kay kuya Biong.