May dalawang kama doon na double deck, tig-isa-isa kaming apat. Sa taas ako puwesto, 'don ko din nilagay ang ibang gamit ko sa ibabaw ng kama. Sa kabilang kwarto naman ay si ate Roda at tatlong babae na bed spacer din na naghahanap din noon ng mapapasukang trabaho. Si Marimar naman ay tuwing sabado at linggo lang natutulog doon, habang si kuya Joseph naman ay sa sala lang natutulog. Hindi ko na matandaan ang bayad ko noon sa bahay ,parang naglalaro sa dalawang libo o higit pa 'don. Nakapag-advance lang ako noon ng 500 pesos kay ate Roda, sinabi ko na lang sa kanya ang kulang ko ay pagmag-isang buwan na'ku ibibigay, pumayag naman s'ya.
Hindi naging madali sa'kin noon ang paghahanap ng trabaho, inabot pa ako ng limang araw 'non bago ako nagkatrabaho doon ngunit walang visa o iligal. Sumama ako noon sa tatlong babae na kasama ko sa bahay para maghanap ng trabaho, kasama din namin si Jay-r. Nagpasa ako noon ng dala kong rsume sa Macau Ferry Agency at naghulog din kami sa dropbox sa Grand Lisboa Hotel and Casino ng mga resume. Nakita ko noon ang mga drop box nila na punong-puno na at umaapaw na sa mga resume. Nu'ng hapon din iyon tumambay kami sa MGM Grand, doon sa casino nagpalipas kami ng oras at umuwi na din sa bahay. Noong kami'y makauwi, sinabihan ako noon ni kuya Joseph at Randy na aabutin ako ng siyam-siyam sa paghihintay bago matawagan ng mga inaaplayan ko.
Dala lamang ang 2,500 pesos na allowance ko ay unti-unting nauubos ito. Binadget ko noon ang kakarampot kong pera. Mura lang doon ang bigas, nasa bente pesos lang sa pera natin ang kilo, maganda ng klase, parang japanese rice na bilugan at malalaki ang butil. Masarap itong isaing at kainin. Laging boiled egg ang inuulam ko noon at pansit canton para lang makatipid. Kapag may luto si kuya Joseph na ulam, lagi n'ya akong pinagtitira at binibigyan. Si kuya Joseph, hindi na noon masyadong nakakalabas ng bahay dahil over staying na s'ya, at minsan lang s'ya nakakalabas kapag gabi.
Isang araw, pinapunta ako ni ate Malou ng hapon sa bahay ng anak n'ya para sabihin sa'kin ang alam n'yang trabaho. Sinabi sa'kin ni ate Malou na ang matatrabaho ko ay ang pagga-gwardya gaya ng sa anak n'yang lalaki. Binigay sa'kin noon ni ate Malou ang number ng makakasama kong mag-apply, tenext ko iyon at nakipagkita ako sa San Malo sa kanya para tagpuin namin si Mam na nagtatrabaho sa agency. Inutangan pa ako noon ni ate Malou ng isang libong piso. Halos nasa 700 pesos na lang ang natitira kong pera noon. Nangamba na din ako dahil paubos na ang pera ko.
Ilan kaming nakipagkita kay Mam ng gabing iyon. (Hindi ko na matandaan ang pangalan n'ya) May binigay s'ya sa'ming papel at pinil-up-pan namin iyon at binalik sa kanya. Sinamahan n'ya din kami noon na magpa-picture at kailangan din ng mga pictures namin. Bago kami naghiwa-hiwalay sinabihan n'ya ang kasama ko na magpagupit dahil mahaba na ang buhok nito. Sinabi ko noon sa kanya na marunong akong gumupit ng buhok. Kinabukasan, tenext ako ng makakasama ko para magpagupit sa'kin. Pinuntahan ko s'ya noon sa kanilang plot, doon ginupitan ko s'ya. Inabutan n'ya ako noon ng dalawang daang piso sa pera natin ng matapos ko s'yang gupitan. Nakapagkwentuhan din kami noon, taga Panggasinan daw s'ya at may pamilya na din na naiwan sa 'Pinas. Nagupitan ko din noon ang balae ni ate Malou. Mabait naman s'ya at nagkukwento din tungkol sa Macau at sa mga tao doon, marami daw mga Pilipino 'don ang mahirap pagkatiwalaan. Binigyan n'ya din ako noon ng pera kapalit ng serbisyo ko, pinasobrahan pa n'ya ang binigay n'ya sa'kin.
*T.C. 2247*
(Ang pagiging isang gwardya, night guard)
Hindi nagtagal at tinawagan ako ni Mam sa cellphone kong dala na lumang motorola na parang 32 10 ang itsura na may kaliitan, andon din ang sim card sa Macau na binili ko. Mag-uumpisa na daw akong dyumuti bilang gwardya, doon pinahiram ako ng kasama ko ng safety shoes ngunit maluwag ito, kaya tinatapalan ko pa ng isa pang medyas at karton para sumakto ito sa mga paa ko. Nadeploy ako noon sa MGM Grand extensyon na ginagawa pa lang na malapit ng matapos. (Construction site) Nakaduty lang ako ng isang gabi 'don dahil kaunti nalang ang lugar na pagdyu-dyutihan doon. Doon ko din nakilala ang O.I.C namin na nakasakay ko sa eroplano.
Naging mahirap ang pagpasok namin noon, paunahan sa pagpasok at paglista sa papel ng attendance ng dyu-duty. Parang first come, first serve ang labanan, kaya 'pag-oras na ng trabaho, marami ang napapauwi dahil sobra-sobra ang tao sa pagdyu-dyutihan.
Kasama kami noon ni kuya Biong na naging floating, kasama din ang ilang katrabaho namin, pati na din ang anak ni ate Malou ay napauwi din. Napagdesisyunan na lang namin ni kuya Biong na umuwi at ininom nalang ang aming pagkadismaya sa trabaho ng gabing iyon. Bumili kami noon ng mga beer in can at nag-inuman nalang sa bahay. Sinabi sa'kin noon ni kuya Biong na walang mangyayari sa'tin doon. Sumama ka sa'kin bukas at doon tayo magdyu-duty sa Taipa, doon maraming bakante kahit may kalayuan.
Nakapagtrabaho ako sa ginagawang hotel and casino na City of Deams sa tapat ng Venitian Hotel and Casino. T.C. 2247 ang code, 08:00 pm to 08:00 am ang duty namin, at 12 hours a day ang duty. (tagal din!) Halos walang isang buwan din akong nagtrabaho sa ganun. Nasa 800 pesos lang ang per araw namin noon, mababa daw 'yon dahil may kupit daw ang agency namin, sabi ng mga kasama kong matatagal na 'don. Ang matindi pa nito ay may isang buwang pondo, kaya ang sasahurin mo ay sa susunod na isang buwan mo pa makukuha. Grabeng pondo 'yon ang tagal!
Bakit kaya ang ayaw mong trabaho, ayon pa ang dumadating...? Ang pagga-gwardya kasi ang pinakaayaw kong trabaho, bukod kasi sa nakakainip ito, para bang ang tagal ng oras kapag nasa duty ka. Minsan, para na akong praning sa kakatingin ng oras na para bang hindi nagbabago. Kung pwede lang itulak paabante ang oras ng makauwi na. 'Di ko kasi maenjoy ang ganitong trabaho. (nakakainip talaga!) Ngunit tinanggap ko na din, kailangan ko kasi ng trabaho para magkapera. First job ko din ito at mahirap ang walang trabaho doon. Lalo na't limang araw na kong nakatenga simula ng dumating ako 'don.