Naging maayos naman ang hapunan. Masarap ang mga pagkaing inihanda ni Alice para sa lahat. Todo asikaso pa nito ang bisita nilang si Bryan na katabi ni Angel sa mahaba nilang dining table.
"Mom, bakit ang sarap ng luto ninyo ngayon?" tanong ni Alex na ganadong-ganado sa pagkain.
"Siyempre makikikain ang boyfriend ng ate mo kaya sinarapan ko talaga," sagot ni Alice sa katabing anak sabay ngiti kay Bryan.
Muntikan namang hindi malunok ni Bryan ang kinakain. Napangiti na lamang ito sa sinabi ni Alice.
"Bakit ang bait ninyo sa kanya ngayon?" parang nagmamaktol pang tanong ni Alex. "Dati galit na galit kayo nang malamang may boyfriend na si Ate. Tapos ngayon pinagluto n'yo pa siya ng masarap."
"Nagalit lang naman kami kay Ate mo noon dahil naglihim siya, tsaka ginawa niya iyong bagay na ayaw naming gawin niya," sagot ni Alice. "Pero siyempre, mga anak namin kayo kaya hindi rin naman namin kayo matitiis."
"Tama iyon," sang-ayon ni Benjie. "Hirap na hirap kaya akong mag-galit-galitan dito sa ate mo. Mabuti na lang at magaling akong umarte."
Napangiti si Angel sa sinabing iyon ng ama.
"Ows? Hindi nga?" tudyo pa rin ni Alex sa mga magulang.
"Totoo iyon kaya maniwala ka," ani Benjie sa anak.
"Sumama lang ang loob namin ng daddy ninyo sa inyong dalawa," ani Alice. "Pero nung malaman namin na mahal talaga ni Bryan ang ate mo, naisip namin na siguro nga, kailangan naming intindihin ang sitwasyon nila."
Alex smirked at Bryan and Angel. "Paano n'yo naman po nalaman na love talaga ni Bryan si Ate?"
"Nung Mr. & Ms. BS, dun sa Q&A portion."
Napatingin si Angel kay Bryan. Natuwa siya nang makumpirmang nag-work nga ang plano nito noong gabing iyon. Ewan niya pero parang na-touch siya sa isiping iyon.
"Tsaka yung kanina, nung umiiyak si Angel at hinawakan ni Bryan ang kamay niya," pahabol pa ni Alice. "Para akong nanonood ng isang romantikong pelikula."
Nahiya naman si Angel sa sinabi ng ina. Maging si Bryan ay napayuko na lamang at nahihiyang nagpatuloy sa pagkain.
"Pero Bryan, hanggang hawak-hawak lang ng kamay, ha?" paalala naman ni Benjie sa binata.
Napatingin si Bryan kay Benjie pero hindi ito nagsalita.
"Ang KJ n'yo naman, Dad," ani Alex. "Pwede naman daw yung hug."
"Baka saan mapunta iyong hug na iyon!" ani Benjie sa anak.
"Bakit ba ang dumi ng isip mo kaagad?" tanong ni Alice sa asawa. "Wala ka bang tiwala sa anak mo?"
"Meron, pero kay Bryan wala," diretsang wika ni Benjie. "Don't get me wrong, Bryan. Lalaki din ako kaya alam ko kung paano ang iniisip ng kapwa ko lalaki."
"Huwag po kayong mag-alala. Hindi ko po sisirain ang tiwala ninyo sa akin," ang sabi naman ni Bryan.
"Good," ani Benjie.
"Hayaan mo na iyong hug, Daddy," pilit naman ni Alex.
"Hay naku, Alex. Wala ka nang magagawa sa daddy mo dahil nabubuhay pa iyan sa panahon nina Rizal at Leonor Rivera," ang sabi naman ni Alice.
"Masyado naman yatang matanda ang mga iyon," ani Benjie sa asawa. "Hindi naman ako ganoon katanda."
"Pero ganoon ka katanda mag-isip," ani Alice.
"Naku, Daddy! Kung gaano daw tayo mag-isip, ganoon na rin tayo. Kaya kung kasing tanda ni Rizal ka mag-isip, baka mamaya maging ganoon din ang itsura mo," biro ni Alex sa ama.
Natawa ang lahat sa sinabi ni Alex, maliban kay Benjie.
"Grabe ka naman magsalita," ani Benjie sa anak.
"Totoo iyon, Daddy," natatawang wika ni Alex. "Nabasa ko iyon sa internet minsan."
"Iyang mga binabasa mo, hindi naman mapagkakatiwalaan ang mga iyan," ani Benjie.
"Dad, mga expert ang nagsulat noon," ani Alex. "Based on a number of studies and research and experiments."
"Ganoon ba?" Mukha namang convinced na si Benjie. "O sige. Pwede na ang hug. Pero hanggang doon lang. Hindi pwede ang kiss."
Nabilaukan si Angel at naubo. Napatingin ang lahat sa kanya.
"Hinay-hinay lang kasi sa pagkain, Ate," ani Alex. "Nakakahiya kay Bryan. Nakikita niya ang katakawan mo."
"Sorry," ani Angel tsaka muling inubo. Napatingin siya kay Bryan, at hindi niya naiwasang mag-blush.
Si Bryan naman ay napaiwas ng tingin nang magtama ang kanilang mga mata. Napatingin na lamang ito sa plato sa harapan nito.
"Anyway, maiba ako, Bryan," ani Benjie. "Kumusta na nga pala ang daddy mo?"
Medyo na-relax naman si Bryan nang maiba ang paksa ni Benjie. "Okay naman po siya. Actually, gusto nga daw niya kayong makausap. In God's perfect time."
"Tama iyon. In God's time," ani Benjie. "Nami-miss ko na rin naman ang kalokohan ng taong iyon. Alam mo, para ko siyang nakikita sa iyo. Kamukhang-kamuha mo siya, eh."
Napangiti si Bryan. "Mas gwapo daw po siya sa akin."
"Napaka-sinungaling talaga ng daddy mo, ano?" ani Benjie. "Nung magtabi kayo sa stage ay halata namang mas gwapo ka sa kanya. Siyempre nahaluan ka na ng genes ng mommy mo."
"Baka po kapag kayo ang nagsabi sa kanya, doon lang siya maniwala," nangingiti pa ring wika ni Bryan.
"Hayaan mo't ipapamukha ko iyan sa kanya kapag nagkita kami."
Natuwa naman si Angel sa sinabi ng ama. At least, mukhang okay na talaga si Bryan sa mga magulang niya. At least meron nang progress ang plano nila para kina Alex at Richard. Isa pa, at ang pinakamahalaga, okay na ulit sila ng mga parents niya. Iyon ang mas ikinatutuwa niya sa mga nangyari ngayong gabi.
♥️♥️♥️♥️♥️♥️♥️♥️♥️♥️
Matapos and hapunan ay dinala nina Alice at Benjie si Bryan sa may balkonahe sa second floor ng bahay nila. May mga sofa din doon at parang mini-sala ang ayos nito. Sa dalawang single armchair nakaupo sina Alice at Benjie habang magkatabi naman sa mahabang sofa sina Bryan at Angel. Hindi na nila isinama si Alex dahil seryoso daw ang usapang magaganap ngayon.
"Bryan, may mga rules nga pala ako na gusto kong sundin mo," umpisa ni Benjie.
"Makakaasa po kayong gagawin ko ang lahat ng gusto ninyo," ang sabi naman ni Bryan. Parang medyo naging at ease na ito sa presensiya ng mag-asawang Martinez.
"Mabuti kung ganoon," ani Benjie. "Noong Mr. & Ms. BS, nakita namin how you really want to prove your love for Angel. That's what made us reconsider your relationship. Gaya nga ng sabi ko, hindi pa rin okay para sa amin ang pagtatago at pagsisinungaling ninyo. Pero, what can we do? You really seem to love each other."
Ngiming napasulyap sina Angel at Bryan sa isa't isa.
"Kaya naisip namin ng asawa ko, wala na kaming magagawa pa kundi ang hayaan na lang kayo. But, having said that, hindi ako papayag na ganun-ganun na lang ang kahahantungan ng lahat. Mahal namin ang mga anak namin at gusto naming makatapos sila ng pag-aaral. Lalo na't si Angel ang napipisil naming papalit sa amin sa MPCF."
Tumango si Bryan bilang sagot kay Benjie.
"Kaya naman, we have to be strict sa inyong dalawa. Firstly, gusto namin na dito kayo sa bahay nagkikita ni Angel. At ang ibig kong sabihin, doon sa sala. Hanggang first floor ka lang, Hijo. Kung hindi kami kasama, hindi kayo pwedeng magpunta dito sa balkonahe."
Medyo natameme si Bryan sa sinabing iyon ni Benjie. But what could he do? Mabuti nga at binigyan pa siya ng chance ng mga ito.
"Second, hindi kayo pwedeng lumabas ng kayong dalawa lang. Preferably, kasama si Alex. We just want to make sure na hindi sa kung saan-saan mo dadalhin ang anak namin."
"Opo," ang sabi naman ni Bryan. Pabor iyon sa sitwasyon, dahil hindi na nila kailangan pang ipagpaalam si Alex para sumama sa kanila ni Angel at palihim na katagpuin si Richard.
"At pangatlo, iyong sinabi ko kanina. Hanggang hawak lang sa kamay ang pwede mong gawin."
"Honey!" tutol ni Alice sa asawa.
"Sige, you can embrace her, pero kung kinakailangan lang," ani Benjie.
"Paanong kailangan?" tanong ni Alice sa asawa.
"Kunwari, kapag may okasyon. O kaya kapag malamig," sagot ni Benjie sa asawa. "Basta dapat nakikita namin kayo," ang sabi naman nito sa asawa niya.
"Eh hindi naman natin iyan makikita sa lahat ng oras," ani Alice.
"Kaya nga Bryan, I'm counting on you on this one," ani Benjie. "Tama ang asawa ko. Hindi namin kayo makikita lagi. Hindi naman namin kayo pwedeng bantayan hanggang sa CPRU. At bilang lalaki, ikaw ang gusto naming manindigan sa rules na ito. Hindi sa wala kaming tiwala sa inyong dalawa. Pero sa uri ng panahon na meron tayo ngayon, kahit iyong hindi mo inaasahan maaaring mangyari. Katulad ng relasyon ninyo ni Angel. Kaya gusto naming pakaingatan ninyo ang tiwalang ibinigay namin sa inyo."
"Naiintindihan ko po kayo."
Sa totoo lang, hindi naman sila totoong mag-bf-gf. Ginagawa lang nila ang bagay na ito, ang pakikipag-usap kina Benjie at Alice, dahil sa kagustuhan nilang matulungan sina Alex at Richard. Kaya hindi maintindihan ni Bryan kung bakit kailangan nilang pagdaanan ang lahat ng guidance counseling na ito.
Napatingin siya sa katabing si Angel. Nakatingin lamang ang dalaga sa may sahig. Then, he finally realized why he's doing all this crap. Hindi niya maiwan sa ere si Angel. Hindi niya magawang pabayaang mag-isa ito sa problemang iyon. Hindi niya magawang hayaan ito ng mag-isa.
'Because I like to do this... for her,' Bryan admitted to himself.
"Bueno, sabi ko nga, ang salita mo lamang ang mapanghahawakan ko, Bryan. Ang iniisip ko na lamang ngayon ay mabuting tao ang mga magulang mo at pinalaki ka nila ng tama, ng may pagpapahalaga sa mga pangakong binibitawan mo," pahabol pa ni Benjie.
"Makakaasa po kayo, Tito," he assured Benjie.
"Sige, aasahan ko iyan." Napasandal na si Benjie na parang nagsasabing kumbinsido na siya sa sinabi ni Bryan.
"Siyanga po pala. Gusto sanang imbitahin nina Mommy si Angel. Siya naman po ang magdi-dinner sa amin."
"Kailangan kasama si Alex," ani Benjie.
"Opo, isasama po namin siya," ani Bryan.
"Sige, pumapayag ako."
Napangiti si Bryan. Mukhang tuluyan na nga niyang nakuha ang tiwala ni Benjie. Ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi niya sisirain ang tiwalang iyon. Hindi lang para kina Alex at Richard, kundi para sa kanilang dalawa mismo ni Angel.
❥ 𝚃𝚑𝚊𝚝 𝚔𝚒𝚜𝚜 𝚠𝚊𝚜 𝚏𝚞𝚕𝚕 𝚘𝚏 𝚊𝚕𝚕 𝚝𝚑𝚎 𝚠𝚘𝚛𝚍𝚜 𝙸 𝚍𝚒𝚍𝚗'𝚝 𝚗𝚎𝚎𝚍 𝚝𝚘 𝚜𝚊𝚢. ❣︎