ILANG MINUTO PA LANG sila naglalakad at hindi pa masyadong marami at dikit-dikit ang mga puno sa tinatahak nilang daan nang may makita si Selna na nakakuha sa kanyang atensiyon. Kumabog ang dibdib niya at napatakbo pauna sa mga kasama niya.
Gabi na pero maliwanag ang buwan sa kalangitan kaya nakita niya agad ang isang indoor slipper na naipit sa nakausling ugat ng puno. Yumuko siya at nanginginig ang kamay na pinulot iyon. Pambabae ang tsinelas na iyon.
"Selna? Anong nakita mo?" narinig niyang tanong ni Danny.
Dahan-dahang humarap siya sa mga ito at ipinakita ang hawak niya. "K-kay Michelle yata 'to."
Napabilis ang paglapit ng mga kaibigan niya at tiningnan ang tsinelas na napulot niya. Pagkatapos sabay-sabay silang napalingon sa direksiyon na mas madilim at walang trail. "Doon kaya siya nagpunta?" tanong ni Andres.
"Hindi," biglang sagot ni Lukas na nagsimula maglakad at nanatili sa daan na maliwanag dahil sa sinag ng buwan. Gulat na napatingin silang apat sa lalaki na nagpatuloy sa pagsasalita, "Akala ko rin nasa masukal na bahagi ng gubat ang daan papunta sa mga Dalakitnon pero buong gabi at maghapon ko na nilibot ang kagubatan sa buong Tala. Wala akong nakita."
Napanganga si Selna at hindi napigilan bulungan ang mga kaibigan, "Kaya pala bigla siya nawala kagabi at absent din sa school kanina."
"Kung wala sa gubat… nasaan ang daan? Saan nagpunta si Michelle?" tanong ni Ruth.
Imbes na sumagot ay sumenyas lang ang lalaki, pinapasunod sila. Kipkip ang tsinelas ni Michelle na mabilis na naglakad si Selna. Sumunod ang mga kaibigan niya. Tahimik na sila habang naglalakad, nakasunod lang kay Lukas na halos dalawang metro yata na nauuna sa kanila.
Mayamaya nagulat sila nang bigla itong tumalon pababa. Napatakbo tuloy sila hanggang makita na sa dulo ng dinadaanan nilang nakaangat na lupa ay may sementadong kalsada. Nakatayo sa gitna niyon si Lukas, patingalang nakaharap sa kanila. "Baba na."
Napasilip silang apat sa kailangan nila talunin para makapunta sa kalsada. Halos hanggang dibdib yata nina Selna at Ruth ang taas niyon. Kahit anong gawin nila siguradong masasaktan sila kapag –
Nagulat sila nang walang pagdadalawang isip na tumalon si Andres. Sumunod si Danny na wala sa hitsura pero likas na athletic, mas nahilig lang talaga ito sa comics kaya hindi sumali sa sports club sa school. Biglang humarap kina Selna at Ruth ang dalawang lalaki, tumingala at ibinuka ang mga braso. "Talon na, sasaluhin namin kayo," sabi pa ni Andres. Pero wala rito ang atensiyon niya, na kay Danny.
Sa kaniya kasi ito nakaharap ngayon at deretso ang tingin sa kanyang mukha. Hindi katulad dati na nahuhuli niyang si Ruth ang una nitong gusto tulungan kaso nauunahan lang palagi ni Andres.
May init na humaplos sa puso ni Selna at parang may bumara sa lalamunan niya habang nakatitig kay Danny. Siya na lang tuloy mag-isa sa itaas bago niya nagawa kumurap at kumilos. Huminga siya ng malalim at buong tiwalang tumalon papunta sa mga bisig nito. Sa tingin niya, hindi gawa ng imahinasyon niya na humigpit ang yakap nito sa kaniya at mas matagal kaysa dapat bago siya nito alalayan makatayo sa kalsada.
Mayamaya pa naglalakad na uli sila. Unti-unti nagiging pamilyar ang dinadaanan nila. "Teka lang… tama ba ako na parang papunta 'to sa Abba College?" nagtatakang tanong ni Danny.
"Oo nga no?" mangha ring nasabi nina Andres at Ruth.
Sasangayon na sana si Selna nang may makita na naman siya ilang metro sa harapan nila, sa bandang side walk at parang mahuhulog na sa kanal ano mang sandali – ang kapares na indoor slipper ng nakita nila sa kakahuyan kanina. Tumakbo siya palapit doon at muntik pa mahagip ng dumaang tricycle sa pagmamadali niya. Narinig nga niya ang pagsigaw ng mga kaibigan niya sa kanyang pangalan, natakot para sa kaniya.
Pinulot niya ang tsinelas na nakita niya, itinabi sa hawak niya kanina pa at nakumpirmang pares nga iyon. Dumaan nga sa lugar na iyon si Michelle.
"Selna! Delikado 'yon ah. Nasaktan ka ba, ha?" tarantang sabi ni Danny na tumakbo palapit sa kaniya kasama sina Andres at Ruth.
Nabagbag ang damdamin niya sa pag-aalala nito pero mas nanaig pa rin ang takot niya para kay Michelle. "Galing nga siya rito. Nakita ko 'tong isa pang tsinelas niya."
Natahimik ang mga ito at napatitig sa hawak niya. Pagkatapos halos sabay-sabay silang napalingon sa ngayon ay walang katao-taong kalsada. Bigla naimagine ni Selna ang kaibigan niya. Kung ganitong klase ng tsinelas ang suot nito, malamang nakapantulog ito nang lumabas ng bahay. Ano kaya ang ekspresyon sa mukha nito habang naglalakad sa kakahuyan? Tumigil ba ito o hindi nang unti-unting mahubad ang tsinelas nito? May nakakita ba rito habang naglalakad sa kalsada na ito na deretso ang tingin at determinado makarating sa pakay na lugar? Kumurap siya nang hawakan ni Danny ang braso niya. "Tara na." Naglalakad na pala ang iba at sila na lang ang naiwang nakatayo roon. Tumango siya at nagsimula na rin maglakad.
Pagdating nila sa Abba College may mangilan-ngilan pang estudyante ang pakalat-kalat sa loob ng campus. Ang iba nga na nakasalubong nila tumataas ang mga kilay sa tuwing mapapatingin sa kanila. Nakasuot pa rin kasi sila ng school uniform. Katunayan kung hindi nga lang nakilala ng guards sa gate si Andres, malabong papasukin sila roon.
Hindi na sila nagulat nang makarating sila sa parte ng campus na mapuno. Lalo na nang lampasan iyon ni Lukas. Walang katao-tao sa bahaging iyon at mas madilim kaysa sa quadrangle na bukas pa rin ang mga ilaw para sa natitirang estudyante na hindi pa nakakauwi.
Napalunok si Selna nang makita ang higanteng puno ng balete na nakatayo malapit sa pader. Natatandaan niya ang puno na iyon. Doon lumabas ang kapre na hinarap nina Danny at Lukas para makuha ang mutya ilang linggo ang nakararaan. Lakas loob na humakbang siya palapit doon at parang binuhusan ng malamig na tubig nang may makita siyang maliit na piraso ng tela na nasabit sa isa sa mga nakalawit na sanga ng balete. Kulay baby pink na may design na hello kitty. Nang pakatitigan niya ang tela nakita niyang may bahid iyon ng dugo. Patunay na nasugat ang may suot nang napunit na damit.
"P-posibleng galing dito si Michelle," garalgal ang boses na nasabi ni Selna. Nanginginig ang kamay na kinuha niya ang piraso ng tela at ipinakita iyon sa mga kasama. "Paboritong kulay at paboritong cartoon character ito ni Michelle. Ganito ang design ng panyo, pencil case at notebooks niya. Hindi malabong ganito rin ang suot niya 'di ba?"
Napasinghap si Ruth at sunod-sunod na tumango, sumasangayon sa kaniya.
"Wait. Diyan ang pinto na hinahanap natin?" manghang tanong ni Andres.
"Diyan nga."
"Pero akala ko diyan nakatira 'yung kapre. Magkakasama silang lahat sa loob?" nagtatakang tanong ni Danny.
Huminto sa paglalakad si Lukas at humarap sa kanila. "Hindi sila mismong nakatira sa loob ng puno na katulad ng mga kuwentong kumakalat dito sa inyo. Ang mga puno na katulad niyan na daan-daang taon nang nakatayo ay nagsisilbi lang talagang pinto para sa mga nilalang na may kapangyarihan."
"Pero kung hindi pala literal na sa puno na 'yan ang palasyo ng mga Dalakitnon, saan talaga sila nakatira? Sabi mo dati isang dimensiyon lang ang ginawa ni Bathala para tirhan ng mga supernatural being 'di ba? Posible bang may iba pang dimensiyon maliban sa Nawawalang Bayan?" kunot noong tanong ni Ruth.
Umiling si Lukas at sumulyap sa higanteng puno ng balete. "Nandito sa tunay na bersiyon ng kalupaan ang tirahan ng mga Dalakitnon at iba pang nilalang na pinili manatili rito. Hindi lang nakikita ng mga tao pero madalas, nasa tabi-tabi lang sila nakatira." Bumuntong hininga ito, mukhang nauubos na ang pasensiya sa kakatanong nila. "Maraming bagay sa mundong ito ang mahirap ipaliwanag. May mga pangyayari at konsepto na si Bathala lang ang nakakaalam."