HINDI na umuulan nang gabing iyon. Kitang kita na ang maliwanag na buwan at ang milyon milyong bituin sa langit. Naabutan ni Lukas ang tatlong Diyosa na nakatayo sa tuktok ng bundok, nakatanaw sa bayan na nasa ibaba.
Si Mayari, Diyosa ng Buwan ang unang lumingon. Tumaas ang kilay nito at mapang-inis na ngumiti. "Hindi ko inaasahan na babagay sa'yo ang ganiyang pananamit, Lukas."
Sumimangot siya at matalim na tiningnan ang babae. "Ikaw ang may kasalanan kaya kailangan kong makisalamuha sa mga tao ngayon."
Suot pa rin niya ang school uniform ng Tala High School. Nakatakas man siya sa kanyang ama pero alam na nitong nasa malapit lang siya. Ang tanging paraan para hindi siya matunton nito ay ang magtago sa mundo ng mga mortal. Galit sa mga tao si Dumagat kaya hinding hindi ito magtatangkang hanapin siya sa sentro ng bayan. Katunayan, malabong maisip nitong magpapanggap siyang tao para lang pagtaguan ito.
Sunod na lumingon si Dian Masalanta, ang Diyosa ng Pag-ibig at mabait na ngumiti, halatang nakikisimpatya. "Magiging maayos ang lahat, Lukas. Malapit ka naman sa mga tao noong unang panahon, hindi ba? Hindi ka mahihirapan makisalamuha sa kanila pansamantala."
Umiling siya. "Hindi tamang napapalapit ang mga tulad natin sa mga tao. Minsan na akong nagkamali at alam niyo kung gaano karami ang namatay dahil doon." Pagkatapos napunta naman ang masamang tingin ni Lukas sa Diyosa ng Bituin. "Kung anu-ano kasing pinagkakalat mong kuwento, Tala. Malabong magkaroon kami ng damdamin ni Mayari para sa isa't isa na katulad sa alamat na pinarinig mo pa sa mga mortal."
"Sinabi ko lang ang nakita ko sa mga bituin," pagtatangol ng diyosa sa sarili. "Saka, sinabi ko bang kayo ang nasa kuwento? Natatandaan ko pa ang mga salitang nabanggit ko noong panahong bata pa ang mundo. Mahuhulog ang loob ng anak ng buwan at anak ng dagat sa isa't isa at magiging hudyat iyon ng delubyo. Marami iyong puwedeng ibig sabihin. Ang mga mortal lang ang gumawa ng sarili nilang interpretasyon.
May gusto pa sabihin si Lukas pero naunahan siya ni Mayari. "Wala nang silbi pang magsisihan. May mas importante tayong dapat na intindihin. May nilalang na nagpapagala-gala sa lupain ng mga tao na hindi dapat nandito. Ayokong magkaroon ng panganib para sa katuparan ng sumpang binitiwan ko mahabang panahon na ang nakararaan."
Naging seryoso si Lukas at napatitig sa malayo. Masyadong mapanganib ang babaeng iyon. Kahit sa mga Danag na likas na mapagmataas at marahas, kinatatakutan si Rosario. "Ibabalik ko siya kung saan siya nanggaling kahit na anong mangyari."
"Dapat lang," sagot ni Mayari. "Ayokong madungisan ng kasamaan ang araw na ipapanganak ang babaeng itinadhana. Kailangan matupad ang propesiya. Mahabang panahon na akong naghihintay."
Sinulyapan ni Lukas ang mga diyosa kaya nakita niya nang bumakas ang lungkot sa mukha ni Dian Masalanta. Napailing siya, tumalikod at naglakad palayo.
author's note: thank you for reading. if you enjoy this story please take time to give a good rating and review. it will be a huge help for me. <3 next volume coming up.