Mayamaya, nagulat si Andres nang paglingon ay may nakita siyang pamilyar na imaheng nakaguhit sa bato. Stick figure version ng painting na paboritong titigan ng kanyang lolo! Iyong may mga nagtutulungan para buksan ang nakaharang sa kuweba na nasa ilalim ng dagat.
"Ang galing…" manghang sabi ni Ruth kaya napunta sa mukha nito ang kanyang tingin. Nakalapit na pala ang dalagita sa malaking puno, hinahaplos ang mga letrang nakasulat sa katawan niyon habang nakatutok ang tingin sa mga nakaguhit sa bato. "Andres, may sinasabing kuwento ang buong kuweba na ito. Nakakatuwa."
Lumapit siya rito. "Anong kuwento?"
Nagniningning ang mga mata na humarap sa kanya si Ruth. Pero bago pa ito makapagsalita, may narinig na silang malamyos na mga boses. Humuhuni ng kung anong awitin ang mga iyon. Pareho silang natigilan. Hinawakan ni Andres ang kamay ng dalagita at pinisil nang bigla niyang maramdaman na hindi na lang sila ang nasa loob ng kuweba. Pagkatapos, narinig nila ang tunog ng mga yabag palapit sa kanila.
Huminto ang pagkanta, napalitan ng malamyos na boses na nagsasalita sa lumang lengguwahe. Nakatitig si Andres sa mukha ni Ruth kaya nakita niya nang manlaki ang mga mata ng dalagita at pasinghap na lumingon sa isang bahagi ng kuweba. Dahan-dahan din siyang lumingon hanggang makita ang tinitingnan nito.
Magical at nakakamangha ang grupo. May tatlong magagandang babae. Mahahaba ang buhok, makaliskis ang makurba pero kulay-asul na balat, at kulay-berde ang mga mata. Halos magkakamukha ang tatlo pero kapansin-pansin na may isa sa mga ito na mukhang leader ng grupo.
The leader's whole body was adorned with gold. Mula sa headdress at sa palamuti sa buhok, sa leeg na halos hindi na makita dahil punong-puno ng mga gintong kuwintas, sa bracelets hanggang sa accessories sa magkabilang sakong. Pero mas nakakamangha na nakasakay ang babae sa isang ginintuan ding hayop (baka ba iyon o kalabaw?) habang naglalakad sa magkabilang gilid ang dalawa pang magandang babae.
Huminto ang mga ito ilang pulgada ang layo sa kanila. Nagsalita na naman ang nakasakay sa hayop at sumagot naman si Ruth. Napu-frustrate si Andres dahil wala siyang naiintindihan. Gusto rin kasi niyang matutong makaintindi ng sinaunang lengguwahe.
Natigil siya sa pag-iisip nang biglang pinisil ni Ruth ang kamay niya at tumingala sa kanya. "Mabuti na lang mababait pala ang mga Naiad, Andres. Nagpupunta rin daw sila sa dagat pero dito talaga sila sa talon nakatira. Sila raw ang inutasan ng diyosa na nagmamay-ari sa lahat ng bundok at kagubatan dito sa Tala para bantayan ang kuwebang ito. Sinisiguro nilang hindi matatagpuan at masisira ng mga tao ang mga nakasulat at nakaguhit dito. Importante raw ang kuwentong nakapaligid sa atin ngayon. Hindi lang para sa nakaraan kundi para din sa hinaharap."
Muling inilibot ni Andres ang tingin sa paligid. "Ano ba'ng kuwento ng mga naka-drawing sa bato?"
"Kuwento ng pag-ibig," sagot ni Ruth.
Napatitig siya sa mukha ng dalagita.
Ngumiti ito. "Sa tingin ko'y isa itong alamat. Tungkol sa anak ng buwan at anak ng dagat." Nakangiting nagpatuloy si Ruth sa pagsasalita, halatang gusto nito ang ikinukuwento.
Noong bago pa lang daw ang mundo, madalas pang magpakita ang mga diyos at diyosa sa lupa. Isang araw, napadpad daw ang diyosa ng buwan sa bahagi ng mundo kung saan nagtatagpo ang dagat at ang kalangitan. Namangha ito sa magaganda at kakaibang bagay na nakita sa tubig. Habang nilalaro ang kamay sa tubig, nagulat ang diyosa nang may boses na biglang nagsalita, pinuri ang kagandahan nito at tinanong kung saan ito nanggaling.
Paglingon, nakita ng diyosa ang isang binata na mabait na nakangiti. Nawala tuloy ang alinlangan ng diyosa at nagpakilala. Lumuwang ang ngiti ng binata at nagpakilala bilang anak ni Dumagat, diyos ng karagatan. Mula sa araw na iyon ay naging magkaibigan ang dalawa. Napakaraming kuwento ng dalawa. Nang oras na para bumalik sa Kaluwalhatian ang diyosa ng buwan ay nangako sila sa isa't isa na magkikita uli sa lugar na iyon.
Mula noon, regular nang nagkakasama ang diyosa ng buwan at ang anak ni Dumagat. Hindi sila nauubusan ng pag-uusapan at sa bawat pagkikita, naging palalim nang palalim ang damdamin nila sa isa't isa. Hanggang pag-ibig na ang nararamdaman ng mga ito.
Isang araw, bumalik ang diyosa ng buwan sa Kaluwalhatian na masayang-masaya. Sa sobrang saya, nagkuwento ito sa ibang diyosa ng tungkol sa anak ni Dumagat. Kaya lang nainggit ang mga diyosang iyon sa kagandahan at kasiyahan ng diyosa ng buwan at isinumbong ito kay Bathala.
Nagalit si Bathala. Ikinulong ang diyosa sa hardin sa kalangitan at hindi hinayaang makalabas. Samantala, matindi rin ang naging galit ni Dumagat nang malaman ang tungkol sa relasyon ng dalawa. Ikinulong nito ang anak sa kuweba sa ilalim ng dagat. Kahit anong gamit ng anak ni Dumagat sa kapangyarihan nito, kahit anong tulong ang gawin ng mga nilalang ng karagatan ay hindi ito makalabas.
Hindi nakatiis ang diyosa ng buwan na hindi nakikita ang minamahal kaya tumakas ito para magpunta sa kanilang tagpuan. Nakita ng anak ni Dumagat ang repleksiyon ng diyosa sa tubig at tinalo ng matinding pagnanais na makalapit dito. Nagwala ang lalaki at nagpumilit makawala sa kuweba pero hindi ito nagtagumpay.
Naghintay ang diyosa pero hindi dumating ang lalaking minamahal. Kaya malungkot itong bumalik sa Kaluwalhatian. Lalong pinagbuti ng anak ni Dumagat ang pagtatangkang makalaya. Tumaas ang mga alon at nagkaroon ng pagyanig dahil sa lakas ng puwersa nito. Naramdaman ng mga mortal na naninirahan sa tabing-dagat ang nangyayari.
Noong panahong iyon, regular pa raw na bumibisita sa mga tao ang anak ni Dumagat kaya matindi ang suporta at pagmamahal ng mga tao sa imortal na lalaki. Sanay sumisid sa tubig ang mga tagalaot kaya lahat ng kalalakihan ay lumangoy papunta sa kuweba at tumulong na alisin ang batong nakaharang sa bukana niyon.
Nagalit nang husto si Dumagat nang malaman ang pangyayari. Ipinataw nito ang matinding kaparusahan sa mga mortal. Pinataas nito ang alon, hiniram ang kapangyarihan ng diyosa ng hangin at ulan at inilubog sa tubig ang munting tribu sa tabing-dagat.
Nagsisi nang husto ang anak ni Dumagat nang masaksihan ang nangyari sa mga mortal na tumulong dito. Mula noon, hindi na nito tinangka pang tumakas mula sa kuweba. Hindi na rin muling nagtagpo ang dalawang nagmamahalan.
Pero isang araw, nalaman na lang na bukas na ang kuweba sa ilalim ng dagat at wala na rin doon ang anak ni Dumagat. Hanggang ngayon daw, walang nakakaalam kung nasaan ito at kung nagkita na ba uli ito at ang diyosa ng buwan.
"Sabi ng Naiad, wala raw mga nilalang sa karagatan ang hindi nakakaalam ng kuwentong iyon. Saka… paboritong kuwento raw iyon ng sirenang pakay natin. Katunayan, dahil doon kaya nagkaroon ng obsession ang sirena na makakilala rin ng mamahalin. Kaya lang, mortal na lalaki naman ang nakilala niya at nauwi rin sa trahedya ang kuwento nila," pagtatapos ni Ruth.
Nagulat si Andres at napasulyap sa mga Naiad. Kumabog ang dibdib niya dahil sa kanya nakatitig ang tatlo. "Paano nila nalaman na pakay natin ang sirena?"
Mukhang naintindihan siya ng leader ng mga Naiad, bigla kasing kumilos ang kamay nito at itinuro ang opening sa itaas ng kuweba. Napatingala sila ni Ruth. Natanaw nila ang buwan. Bigla niyang naalala si Mayari na siyang nagbigay sa kanila ng misyong iyon. Nanlaki ang kanyang mga mata at napatingin kay Ruth.
"Sa tingin ko, alam ko na kung anong nilalang si Mayari."
Ngumiti ang dalagita at tumango. Tama ng hinala si Andres. Si Mayari ang nasa kuwentong sinabi nito. Ang diyosa ng buwan! Hindi siya makapaniwala. May nakaharap at nakausap siyang Diyosa. Pero bakit parang hindi naman ito mukhang brokenhearted nang makita nila kanina?
Parang gustong matawa ni Ruth nang makita ang facial expression niya. Pero nang may sabihin ang Naiad ay bigla uli itong sumeryoso at tahimik na nakinig.
Naging alerto na rin tuloy si Andres. "Tungkol na ba sa sirena ang sinasabi niya?" tanong niya nang ilang minuto na ang lumipas.
Tumango ang dalagita at humigpit ang hawak sa kanyang kamay. "Ano'ng gagawin natin, Andres? Sa tingin ko… may kinalaman si Rosario kaya naging masama ang sirenang naninirahan sa dagat ng Tala."
Gulat na napatitig siya kay Ruth. Dumaan sa isip niya ang nakakatakot na babaeng pumatay sa kuya ni Danny. Nanlamig siya at parang nilamutak ang sikmura. Kung totoo nga na may kinalaman si Rosario sa mga nangyayari… paano na?