Download App
1.55% FLOWER OF LOVE / Chapter 2: KEEP HER IN THE DARK...

Chapter 2: KEEP HER IN THE DARK...

ALAS otso na ng gabi nang makauwi si Flora Amor sa kanila. Naabutan pa niyang kumakain ang mga magulang at mga kapatid sa lamesa.

"O, bakit ngayon ka lang?" Nanlisik agad ang mga mata ng ina.

"Ma, 'di po ba sabi ko sa inyo, may research ako ngayon," tila hapong-hapo niyang sagot, saka nagmano sa mga magulang.

"O siya, kumain ka na," sabad ng ama habang puno ng pagkain ang bibig at sige sa pagnguya.

Tinignan niya ang ulam sa lamesa. Daing, pritong saging at pritong talong ang naro'n.

"Tirhan niyo ako'ng talong Pa, ha?"

nakangiti niyang sagot.

Sa lahat ng gulay, talong ang pinakapaborito niya, kahit anong luto pa 'yon.

Inilang hakbang niya lang ang sofa sa sala, saka inilapag agad ang bag doon at bumalik na sa hapag-kainan, saka umupo sa bakanteng upuan katabi ni Harold.

Iniabot agad ng kapatid ang malinis na plato.

"Pa, dagdagan mo naman ang baon ko bukas. May bibilhin po kasi ako," habang ngumunguya ay untag niya sa katahimikang namayani sa kanila.

"Ako din po, Pa. Bibili po ako'ng lapis. Pudpod na po ang lapis ko," hirit din ni Maureen.

"Ate, kanin," utos nito sa kanya.

Dumukwang siya at kinuha 'yong lalagyan ng kanin, saka sinandukan ang kapatid.

"O ikaw, Harold. Wala ka bang ipabibili? " tanong ng ina habang sinusubuan ng kanin ang pang-anim na anak na nakakandong sa hita nito.

"Wala po."

Sinulyapan niya ang katabi. Simula nang lumipat sila dito sa Manila, 'di niya narinig si Harold na humihingi ng pera sa mga magulang, kahit baon man lang.

"Basta pagbutihin niyo lang ang pag aaral niyo mga anak. Nagpapakahirap kami sa pagtatrabaho ng mama niyo para lang mapapag-aral kayo. Nakikita niyo naman, madaling-araw pa lang, namamakyaw na ako ng mga ititinda naming isda para lang may pera akong maiuwi sa inyo para sa pag-aaral niyo."

Tahimik ang lahat. Ganyan mangaral ang papa nila. Kung kelan nasa hapag-kainan, saka magdadaldal.

"Noong kapanahunan namin, kahit piso iniiyakan namin. Maswerte kayo at kahit magkano hingin niyo naibibigay ko sa inyo," saad habang ngumunguya ng pagkain.

Tahimik pa rin sila.

"Oy, Flor. Ang sabi ni Anton dadalo ka raw sa birthday ng Papa niya," ang ina.

Bahagya siyang sumimangot.

"Ba't pumayag kayo, Ma?" paninisi niya dito, "Alam niyo naman wala akong pera pambili ng isusuot."

"Aba'y 'di mag pantalon ka 'tsaka mag-blouse, eh may school shoes ka naman d'yan. Pwede na 'yan," anang ina.

Muntik na siyang masamid habang umiinom ng tubig.

Napalakas ang paglapag niya ng baso sa lamesa.

"Ma, magdidisi-otso na po ako. Nakakahiya naman kung gano'n ang outfit ko," angal niya.

Nagkatinginan ang mag-asawa.

"Ate, daing." Kinalabit siya ni Maureen.

"Ba't ba bata ka eh ako lagi ang inuutusan mong kumuha ng pagkain mo?" nakaingos niyang puna.

"Kasi love kita eh," inosenteng sagot ng kapatid.

Napatingin siya rito, 'di alam kung matatawa o maiinis.

"Anak, gusto mo ba ng Avon?" Usisa ng ama.

Napatigil siya sa paghiwa ng daing sa plato at awang ang bibig na bumaling sa nagtanong.

Avon? Nag-a-Avon na pala ang mga tatay ngayon?

"Naku, sabihin mo na. Gusto mo ng make-up kit," panunudyo ng ina, pigil ang ngiti sa mga labi. "Balak ko umorder kay Mamay Elsa kasi sabi ni Anton, ikaw lang daw ang walang make up sa school niyo."

'Yong pagkatigagal niya ay napalitan ng sobrang tuwa. Ang mama niya talaga, kahit walang arte sa katawan eh marunong ding tumingin sa mga pangangailangan niya.

"Pa, Ma, walang bawian ha? Make-up Kit!" Sinabayan niya ng hagikhik ang sinabi.

Tumawa ng malakas ang ama.

"Promise! Basta unahin ang pag-aaral bago ang ligawan."

"Nakupo, Pa. Sa mukha kong 'to, si Beshie lang ang nagtityaga sakin do'n sa school," paliwanag niya. "Madami nga nagsasabing bakla daw si Anton kaya naging bestfriend ko."

Nagkatinginan ang mag asawa.

"Walang problema do'n anak basta, tapusin ang pag-aaral ha? 'Wag muna magpapaligaw," payo ng ama.

"O-po."

Biglang bumilis ang tibok ng dibdib niya.

May tumawag ba sa kanya?

Lumingon siya sa may pinto. Wala namang tao.

Kunot ang noong itinuloy niya ang pagkain.

Alas-dyes na ng gabi pero bakit 'di pa rin siya makatulog.

"Amor?"

Bakit laging sumasagi sa isip niya ang salitang 'yon?

Mula nang magkaisip siya, wala pa'ng tumatawag sa kanya'ng Amor, Flora Amor at Flor lang. Sino pala ang tumawag no'n kanina?

Napaawang ang bibig niya sa biglang pumasok sa isip.

"'Yong naka-sunglass na lalaking may-ari ng kotse?"

Agad siyang napailing. Imposible 'yon. 'Di siya nito kilala.

Nasa gano'n siyang pag iisip nang may marinig na nagbubulungan sa kabilang kwarto. Gising pa pala ang mga magulang niya.

"Wala kang maririnig sa'kin. Basta ipangako mo lang na itatago mo ang lahat sa anak natin," boses ng inang humihikbi.

Biglang umiyak si Precious kaya 'di niya masyadong narinig ang pinag-uusapan ng mga ito.

At dahil ukupado ng lalaking na-encounter kanina ang isip ay wala siyang nauwaan sa narinig.

In fairness gwapo ang lalaking 'yon kahit naka-sunglasses. Walang pimples kahit isa. Makinis ang mukha, 'tsaka sa tindig pa lang halata nang edukado at mayaman.

'How old is he? Let me guess. Uhmm...25?'

Wala sa sariling napangiti siya.

Pano kaya kung 'yon pala ang mapapangasawa niya? Nag-blush siya bigla sabay baling ng katawan sa kaliwa.

"Likot mo naman, Te," reklamo ni Harold.

Noon lang niya naisip, magkakatabi pala silang matulog sa higaan.

"Bakit 'di ka pa natutulog?" pabulong niyang tanong.

"Sino'ng makakatulog sa ginagawa mo? Kanina ka pa kaya pabaling-baling ng higa tapos humahagikhik pa." Sa boses nito'y naro'n ang inis.

"Huh? Talaga?" 'di-makapaniwalang tanong niya.

'Stop thinking! Matulog ka na!' utos niya sa isip saka pumikit. Makakatulog din siya.

At nakatulog nga siyang nakangiti.

Kinabukasan, 'di na niya narinig ang bulyahaw ng ina pagkagising. Nang tumingin siya sa orasang nakasabit sa dingding ng kwarto nila'y bigla siyang napatayo.

Alas singko na!

Kumaripas siya ng takbo papasok sa banyo.

"Harold, ba't 'di mo ako ginising kanina! " sigaw niya sa kapatid.

"Sinong hindi nanggising sa'yo? Ngawit na dila ko katatawag sa pangalan mo pero, atungal ka lang nang atungal!" Pabulyaw na sagot ng ina.

"Ma, 'yong baon kong tanghalian, kayo na magluto!" sigaw niya mula sa loob ng banyo.

"Kung sa katamaran, ikaw na ang pinakatamad damuho ka! Alam mo'ng magbibiyahe ka pa papasok sa paaralan pero nagpuyat ka na naman!" Nagsimula na naman itong manermon.

"Kanina pa ako tawag nang tawag sa'yo! Tinanghali na tuloy ako ng alis, hinampak ka!"

"Ma, 'yung baon ko, 'wag mo kalilimutan!" balewalang sigaw niya, hindi pansin ang galit nito.

"Oo na, hinampak ka, nakahanda na sa lamesa!" pasigaw nitong sagot.

Halos araw- araw na gano'n sila lalo 'pag tinatanghali siya'ng gising. Walang tigil sa panenermon ang ina pero tumitigil din naman 'pag hinahanap na niya ang baon sa school.

"O ayan 'yong brochure ng Avon, tignan mo habang nasa school ka at ikaw na pumili ng mga gusto mo d'yan," anang ina sabay abot ng brochure nang makitang papaalis na siya bitbit ang baong pagkain.

Halos pumalakpak ang tenga niya sa sobrang tuwa.

"Love na love ko talaga ang mama ko." Niyakap niya ito sabay halik sa pisngi nito. Noon lang niya napansing malalaki ang eyebags nito.

Kawawa naman ang ina. 'Di na naman ata pinatulog ni Precious sa kakaiyak kagabi.

"Alis na po ako, Ma," paalam niya.

"Ingat ka," sagot nito.

"Opo."

-------

KABABABA lang ni Flora Amor sa jeep nang makita agad siya ng mga kaibigang nakaabang na pala sa kanya sa labas ng gate.

"Beshie!" tawag ng mga 'to.

Kumaway lang siya saka patakbong lumapit sa dalawa.

Tulad ng inaasahan, aakbayan na sana siya ni Anton pero bigla siyang napailag at naunang maglakad, sumunod sa kanya si Mariel.

Naiwang napapatanga ang binata ngunit nagkibit-balikat na lang at humabol sa kanila.

"Gala tayo, Beshie. Wala raw tayong pasok ngayong umaga. May conference daw ang mga professors sa department natin hanggang mamayang tanghali," yaya ni Mariel.

"Ows? Saan naman tayo gagala?" curious niyang tanong habang tinatanaw sa malayo ang lugar kung saan niya nakita 'yong lalaki kahapon.

"Oy, bakla! Saan daw tayo gagala?" Nilingon nito si Anton.

"Wherever!" tipid nitong sagot habang salubong ang mga kilay na nakatingin sa likuran niya.

"Kahit saan daw Beshie," ani Mariel. "Aba, teka. Saan tayo papunta pala?" takang tanong nito nang mapansing 'di siya tumitigil sa paglalakad.

"Sa department!" sagot niya agad.

"Eh 'di ba nga't walang pasok? So, anong gagawin natin do'n?" nalilito nitong usisa.

"Ha?" Biglang hinto niya sa paglalakad sabay kunut-noong tumingin sa kaibigan.

"Ba't walang pasok?" taka pa niyang usisa.

"Eh 'di ba nga may conference sina ma'am." Nakakunot na rin ang noo ni Mariel habang nakatingin sa mukha niya.

"Ahhh." Tumango-tango siya pero kitang blangko ang mukha.

"Doon muna tayo sa waiting shed umupo," aya niya saka nauna na uling maglakad papunta sa department nila.

"May waiting shed naman sa likod, do'n na--" 'Di na natapos ni Mariel ang sasabihin at hinabol na lang siya samantalang si Anton ay nanatiling walang imik na nakasunod sa kanila.

"Hayyy, sa wakas nakaupo din," aniyang tila pagod na pagod.

Inayos niya ang pagkakaupo paharap sa department nila saka luminga-linga sa paligid.

"May hinahanap ka ba?" usisa ni Mariel.

"Ha? Wala!" Iniiwas niya agad ang mukha sa kaibigan.

Ba't ba gan'to siya ngayon? 'Di niya maunwaan ang sarili. May hinahanap siyang 'di niya mawari kung sino. At nang 'di makita ay kagat-labing napayuko.

Napansin niyang tumabi si Anton at umakbay sa kanya.

"Beshie, nakatulog ka ba kagabi?" usisa nitong deretso ang tingin sa mukha niya.

"Hindi eh, napuyat ako kaka--ahh, magdamag kasing umiyak si Precious, wala kaming tulog masyado." Nakayuko siya habang nagsasalita. Bakit ba nagba-blush siya? Pakiramdam niya pulang-pula ang magkabila niyang pisngi.

"May ibinigay si Mama sa'kin, pili daw ako ng make-up kit ko sa Avon." Nakangiting iniangat niya ang mukha ngunit agad ding yumuko nang makitang matiim na nakatitig sa kanya si Anton, wari bang inaarok kung anong laman ng isip niya.

Inilabas niya agad mula sa bag ang brochure ng Avon at iniabot sa dalawa.

"Tignan niyo na lang kung alin ang bagay sakin," aniya saka pakaswal na tinabig ang braso ni Anton sa balikat niya.

"Wahh! Ito, parang bagay sayo." bulalas ni Mariel na sa tabi ni Anton umupo.

Ngunit wala doon ang pansin niya kundi nasa sasakyang huminto sa harap ng commerce department di-kalayuan sa kanila.

Kunwari'y pakaswal siyang napatingin sa sasakyan at nang makita kung sino'ng bumaba ay bigla siyang nanlumo.

"Segurado ka bang gusto mo ng make-up kit?"

nakataas ang isang kilay na tanong ni Mariel sa kanya.

"Kailangan ko 'yon para sa bithday ng papa ni Anton. Nakakahiya naman kung pupunta ako do'n nang nakapulbos lang."

Sa narinig ay biglang binatukan ni Mariel ang kaibigang lalaki.

"Oy bakla, ba't si Flor lang ang pupunta, hindi ako kasama?" She glared at him.

"Ouch bro!" angal ng binata. "Sakit no'n ah! " Hinimas 'yong batok nitong nasaktan.

"Kelan ba 'yon, sasama din ako. 'Wag kang pupunta Beshie 'pag 'di ako kasama!" utos sa kanya ni Mariel.

"Don't worry Beshie, isasama kita for sure," napapangiting sagot niya saka tinapik-tapik ito sa balikat.

"Dapat naka-dress ka ha? " ani Anton.

Biglang nag-blush ang dalaga sa narinig, tila may bumara sa lalamunan nang magsalita.

"'D-di ba pwedeng ka-casual lang?" she stammered.

"'Di pwede! 'Wag mo ako ipapahiya kay Papa. Dalawa lang kayo ni Flor na inimbitahan ko do'n," giit ng binata.

"Amor!"

Napalingon siya bigla. Dinig na dinig niyang may tumawag sa kanya. Ilang beses siyang nagpalinga-linga pero wala namang nakatingin sa kanila sa mga estudyanteng nasa paligid.

"Amor..."

Dinadala ng hangin ang boses na 'yon patungo sa kanya.

Hinanap ng paningin niya ang may-ari ng boses hanggang mapadako ang tingin sa ginagawang building sa tabi ng commerce department, pero wala siyang makitang tao doon liban sa mga trabahador na kasisimula lang magtrabaho.

Muli siyang bumaling sa brochure ng Avon na hawak ni Mariel nang mapansin niyang kapwa nakataas ang kilay ng mga ito habang nakatitig sa kanya, puno ng pagtataka sa ikinikilos niya.

"What's wrong?" sabay pang tanong ng mga 'to.

Sunud-sunod agad ang iling niya.

"Nothing!" Alanganing ngumiti.

"Saan nga pala tayo pupunta ngayon?" pag-iiba niya ng usapan.

-------

Sa SM Fairview nila napagpasyahang gumala.

Mula nang malipat sila sa Novaliches ay tatlong beses pa lang siyang nakakapunta ro'n. Wala kasi siyang hilig mamasyal. Simple lang ang daily routine niya, bahay-eskwelahan at computer room lang sa school nila, liban na lang kung inaaya siya ng dalawa na gumala tulad ngayon.

Although wala siyang hilig mag-mall, pero 'pag andito na siya sa loob ay para siyang batang turo nang turo sa mga bagay na nagagandahan siya.

"Beshie, look! Ang ganda!" kalabit niya kay Anton sabay turo sa isang gown na naka-display.

Naaaliw naman ang binata sa ginagawa niya.

Si Mariel ang naging guide nila. Umakyat sila sa eskeletor papunta sa Cybercity kung saan naroon ang lahat ng uri ng gadgets.

"Hey, look! May bagong labas ang Oppo oh," ani Mariel saka nagpatiunang maglakad papunta sa loob ng Oppo outlet.

"Ang gaganda!" bulalas niya.

Pero alam niyang hanggang tingin na lang siya sa mga 'yon. Mula nang magkaisip siya, computer pa lang ang nahawakan niya dahil kailangan sa school. Pero cellphone o smartphone? Hanggang tingin na lang siya sa mga meron. 'Di niya kailangan 'yon. Kuntento na siya kung anong meron siya sa ngayon.

Pero ipokrita naman siya kung sasabihin niyang never siyang naghangad na magkaroon ng smartphone tulad ng sa dalawa. Kaya lang ay ayaw niyang pahirapan ang mga magulang. Magkakaroon din siya ng mga bagay na gusto niya 'pag nakapagtapos na siya ng pag-aaral.

"Mahal naman pala, 18k," bulong niya kay Mariel nang makita sa label ang price ng smartphone.

"Pwede naman 'yon Beshie, home credit," sagot ng kaibigan. "Ayain ko si Mama sa sunod para makita niya," patuloy nito.

Nakaramdam siya ng inggit sa narinig.

Kapwa nagtatrabaho sa BPI ang mga magulang ni Mariel. At dahil bunso ito sa tatlong magkakapatid, halos lahat ng gadgets ay merun ito. 'Yon nga lang, wala din itong arte sa katawan, para pa ngang tomboy kung umasta at manamit.

Samantalang siya, tindera lang sa palengke ang mga magulang. Gayunpama'y kailangan niyang makontento, kawawa naman ang anim pa niyang mga kapatid kung aasta siyang mayaman dahil lang sa scholar siya sa isang university at mayayaman ang mga classmate niya.

She sighed, but then managed to smile afterwards. Wala siyang dapat ikainggit. Gano'n talaga ang buhay. Nagkataon lang na mahirap sila sa ngayon. Yayaman din sila 'pag nakapagtrabaho na siya.

Ibinaling niya ang paningin sa labas ng outlet.

"Pa-?" naibulalas niya nang biglang mahagilap ng paningin ang ama.

Bakit andito sa SM ang papa niya? 'Di ba't nasa pwesto nila ito sa palengke ngayon at mamaya pa ang uwi? O baka naman may date ang mga magulang ngayon pero inilihim lang sa kanila para walang istorbo?

Napangiti siya sa naisip.

Excited na hinabol niya ang ama pero paglabas niya sa bilihan ng smartphones ay naglaho ito sa kanyang paningin.

Binilisan niya pa ang paglalakad baka maabutan pa ito.

Ayun! nakita niya ang ama sa eskeletor pababa.

"Pa!" tawag niya pero hindi ito lumingon.

Nakita pa niya itong bumaba sa ground floor at lumiko pakaliwa. Pero nang nasa ground floor na siya, nawala na ito bigla. Dumeretso siya ng lakad habang panay tingin sa mga taong naroon baka 'di niya lang ito makita, subalit nabigo siyang mahanap ang ama.

Ang excitement kanina ay napalitan ng panghihinayang habang pabalik sa Cybercity kung saan niya iniwan ang mga kaibigan.

Ngunit maging ang mga ito ay 'di niya rin naabutan. Sabi ng isang saleslady do'n, sumunod daw ang mga ito sa kanya kanina palabas.

Hinanap niya ang dalawa sa paligid pero 'di rin niya nakita. Bumaba siya sa ground floor baka sakali ando'n ang mga ito sa labas ng SM at do'n siya inaantay.

No'ng nasa kalagitnaan na siya, bigla siyang napahinto. Saan bang dako ang pinasukan nila kanina?


Load failed, please RETRY

Weekly Power Status

Rank -- Power Ranking
Stone -- Power stone

Batch unlock chapters

Table of Contents

Display Options

Background

Font

Size

Chapter comments

Write a review Reading Status: C2
Fail to post. Please try again
  • Writing Quality
  • Stability of Updates
  • Story Development
  • Character Design
  • World Background

The total score 0.0

Review posted successfully! Read more reviews
Vote with Power Stone
Rank NO.-- Power Ranking
Stone -- Power Stone
Report inappropriate content
error Tip

Report abuse

Paragraph comments

Login