Nasanay na si Madison na laging i-text si Lerome bago siya matulog at paggising. Pero bago pa niya gawin iyon ay lagi na siyang kinukumusta ng lalaki. Kung ano ang nangyari sa buong araw na iyon. Di siya sanay na wala itong text.
"Aba! Walang reply. Tinulugan na yata ako," usal ng dalaga. "Ang lagay di man lang niya ako kakausapin bago siya matulog."
Hindi kumpleto ang araw ni Madison hangga't di niya nakakausap si Lerome. Ito ang nasasabihan niya ng mga frustrations niya. At gusto rin niyang nakikinig sa mga kwento nito sa Barlig kahit na gaano pa kasimple gaya ng mga guest nitong bata sa Eagle Point na pinakawalan ang mga alagang bibe o ang aso nitong nagkasakit. Naging normal ang pakiramdam niya dahil doon. Pampawala ng pagod.
Tinawagan niya ang lalaki. "Madison, nasaan ka?"
"Anong nasaan ako?" tanong niya. "Nandito ako sa condo." Narinig niya ang ingay ng nagkakantahan sa background. "Nasaan ka?" Ang alam niya ay hanggang alas otso lang ang videoke sa Barlig. Alas onse na ng gabi.
"Lerome, mamaya na 'yan. Kumanta na tayo," narinig niyang sabi ng boses ng isang babae.
"May kasama kang babae? Sino iyan?" tanong niya sa mataas na tono.
"Mamaya na tayo mag-usap. Bye," paalam nito at pinutol ang tawag.
Nawindang ang dalaga. Iniwan siya ni Lerome sa ere. May kasama itong ibang babae at nagvi-videoke. "May ka-date siyang iba. Di man lang nagpasintabi sa akin. Pinagmukha akong tanga. Sayang ang load."
In-off niya ang cellphone niya at piniling matulog na lang sa inis. Sira na ang gabi ni Madison. At ang nakakainis pa ay pabiling-biling siya sa higaan habang iniisip si Lerome. Sino ba ang kasama niya? Mas importante kaysa sa akin? May girlfriend na ba siya? Gabi-gabi kaming magka-text pero di man lang niya sinasabi. Bad trip!
Hindi alam ni Madison kung gaano katagal siyang nagngingitngit. Hindi talaga siya makatulog sa sobrang yamot. Hindi nga niya maintindihan kung bakit nagkakaganito siya kay Lerome. Di naman niya ito boyfriend. Di rin naman ito nanliligaw. Di rin naman siya nito pinaasa sa kahit ano. Walang pangako. Dalawa lang silang nilalang na nagkukulitan gabi-gabi.
Di naman ako nagseselos kapag si Jeyrick pinuputakti ng fans niya o kasama niya ang girlfriend niya na si Beliza o kapag sweet sila ni Paloma o kahit kapag di na siya hiwalayan ng naka-discover sa kanya na si Sunny. Bakit ganito ako kay Lerome?
Naputol ang pagsisintir ni Madison nang mag-ring ang intercom. Napilitan niyang sagutin iyon. "Hello."
"Ma'am, may bisita po kayo dito sa lobby. Lerome Marquez daw po."
Biglang nahimasmasan ang dalaga. "Lerome Marquez. Seryoso?"
"Mas maganda po siguro kung puntahan ninyo dito sa lobby para po matiyak ninyo, Ma'am," anang receptionist.
Biglang ipinusod ni Madison ang buhok at isinuson ang cardigan sa T-shirt na pantulog niya. Baka mamaya ay may nagti-trip lang sa kanya. Imposible naman na mapadpad doon si Lerome. Nasa kung saan itong lupalop kasama ang ibang babae.
Isang matangkad na lalaki ang nasa gitna ng lobby nang dumating siya. Naka-maong itong jacket at pantalon. "Lerome," tawag niya dito.
"Nagising ba kita? Nagpapahinga ka na yata."
Kunwari ay naghikab siya. "Medyo."
"May dala akong pagkain. Di ka daw gaanong nakakain kanina sabi ni Jeyrick. Saka may choco flakes dito."
Nalusaw na agad ang sama ng loob niya at kumapit sa braso nito. "Doon nga tayo sa unit ko. Hindi mo naman sinabi na nandito ka sa Manila at dadalawin mo ako dito."
"Akala ko kasi dadalhin ka ni Jeyrick sa videoke kanina. Di ba niya nasabi na kasama namin ang mga kaibigan namin noong high school?" tanong nito.
"Sinabi niya pero di niya sinabing kasama ka." Kung alam lang niya, di na sana siya umuwi. "Pero bakit ka nandito? Di ba dapat kasama mo ang mga kaibigan ninyo? Baka magtampo sila sa iyo."
"Marami naman silang magkakasama. Ikaw mag-isa lang dito."
"Tch! Di pa kasi sabihin na nami-miss ako." Kinikilig na nga siya, di pa itodo.
"Ayoko nga. Baka umasa ka pa na gusto kita."
"Sira ulo," asik niya dito. "Ano ba itong pasalubong mo sa akin?"
"Japanese siomai. Iyan lang kasi ang nabibili sa labas ng bar. Di pa kasi dumadating ang in-order naming pagkain kanina. Kainin mo na," anang lalaki nang papasok sila sa condo. "Pinahihirapan ka ba ni Jeyrick? Mukhang nangangayayat ka."
"Mahirap din na sundan-sundan siya pero kasama naman sa trabaho. Di naman ako nagrereklamo. Ginusto ko ito."
"Masaya ka ba?" tanong ni Lerome habang nakasalampak silang kumain sa may center table. Mas komportable kasi sa sahig umupo.
"Oo," sagot niya at pilit na ngumiti. Pero ang totoo ay magaan ang pakiramdam niya ngayon dahil kasama niya ito. Wala ito sa bar. Siya ang pinili nitong makasama. Ang lakas nitong makaganda
Siniko siya nito. "Magkwento ka naman."
"Lerome, wala naman akong maiku-kwento na bago. Halos dugtong na ang bituka namin ni Jeyrick. Kung ano ang napapanood ninyo sa mobile channel niya, iyon lang din ang maikukwento ko. Magkwento ka na lang tungkol sa Barlig o sa trabaho mo."
"Boring iyon," sabi ng lalaki.
Humilig siya sa balikat nito. "Baka naman may nililigawan ka na o may babae kang gusto pero di mo pa sinasabi sa akin."
"May gusto ako. Isa siyang tennyo."
Tumaas ang kilay niya. "Tennyo?"
"Oo. Isang diwata galing sa buwan at bumababa sa lupa tuwing kabilugan nito para maligo sa..."
"Siblang Taraw?" putol niya sa sasabihin nito. "Sira ka pala e. Fiction naman 'yang gusto mo. Huwag mong sabihing sa tanda mo na iyan, nanonood ka pa ng anime?"
"Seryoso ako," anito at hinigpitan ang pagkakakawit sa leeg niya. "Pero di gaya sa kwento, di ko naman siya pipigilan kung gusto niyang lumipad."
"Bakit? Mag-a-abroad ba siya? Kasama ba siya sa mga kaibigan ninyo na nag-videoke?" tanong niya dito. "Di ba pwedeng magmahalan nang pareho ninyong tinutupad ang pangarap ninyo? Dami mong drama. Tennyo-tennyo ka pa. Tapos di mo pa rin sinasabi na gusto mo siya?"
"Wala rin namang mangyayari. Masaya na akong mapanood siyang tuparin ang mga pangarap niya."
"Nakakainis ka! Pa-martir ka rin. Kumain na nga lang tayo. Kumusta ang plano ninyo sa festival ng Mountain Province, di ba?" pag-iiba ng dalaga sa usapan. Sa susunod nga ay di na siya magtatanong para siya naiinis sa nalalaman niya.
Kung may isang bagay lang na nagpapasaya sa kanya, iyon ay dahil siya ang pinili na makasama ni Lerome at hindi ang babaeng iyon.
Give gifts to this story and you can win!!!
1 winner of Finding Carrot Man set
2 winners of Carrot Man string bag