Nang humupa ang bagyo, maliwanang na ang buong kapaligiran. Nararamdaman pa rin ni Caridad ang katawan ni Pedro na nakapatong sa kanya. Yinugyog niya ito at pilit na pinaaalis. Hindi na niya makayanan ang bigat ni Pedro. Nahihirapan na siyang huminga.
Hindi gumagalaw si Pedro. Biglang nanlamig si Caridad. Muli niyang hinawakan ang kamay nang asawa. Sobrang lamig nito. Agad siyang gumapang papalabas sa kinalulukuban ni Pedro. Hinipo niya ang likod nito, isang malamig at matigas na bangkay na ang asawa.
Napahiyaw si Caridad sa nasilayan niya. Yakap-yakap ang asawa, bumuhos na parang ulan ang kanyang mga luha. Hinagpis at sakit ang tanging bumabalot sa kanyang katawan ngayon. Sari-saring bagay ang pumasok sa kanyang isipan.
Papaano na siya? Sino na ang kasama niya sa kanyang pagtanda? Sino ang yayakap sa kanya sa gitna ng gabing malamig?
Wala na...wala na ang kanilang tahanan. Wala na ang kanyang asawa... ang kanyang mahal.
Kung alam lang niya na hahantong sa ganito ang kanilang pag-iibigan, hindi na sana siya umibig. Hindi na sana siya napadpad sa lugar na iyon. Ito ba ang kapalit ng pagtakas niya sa matandang mayamang iyon? Ito ba ang kapalit nang pagiging suwail niyang anak?
Humagulgol ng malakas si Caridad hanggang sa mawalan siya ng malay.
-----------
Nang mailibing na si Pedro sa lugar kung saan dating nakatayo ang kanilang kubo, nilibot ng mga mata ni Caridad ang buong paligid. Ang dalampasigan kung saan sila madalas maupo, ang malayong dagat na lagi niyang tinatanaw habang hinihintay ang pag-uwi ni Pedro, ang puno ng niyog kung saan umaakyat si Pedro para kumuha ng sabaw ng buko. Ang lahat ng mga lugar kung saan sila gumawa nang magagandang alaala ay ninamnam ng kanyang mga paningin.
Ilang sandali pa ay tumalikod na si Caridad at nagpaalam na sa puntod ni Pedro. Isang krus na kahoy ang nakatayo duon. Minisahan ni Padre Filemon ang bangkay ni Pedro at tanging ang dalawang saksi sa kasal nila ang sumama sa paglilibing. Pigil ang luha, naglakad siya palayo sa dalampasigan. Hinayaan niya ang kanyang paa na dalhin siya kung saan nito nais na makarating.
Tanghaling tapat, nagulat siya sa lugar kung saan siya dinala ng kanyang mga paa: ang klinika ni Duktor Jose Rizal.
Inalis ni Caridad ang hiya sa kanya at nakiusap sa kalihim nito na makausap ang duktor. Sa kabutihang palad ay humarap sa kanya si Jose Rizal. Sinabi niya ang kanyang pakay. Ibig niyang manilbihan dito sapagkat wala siyang mapuntahan at walang ibang kakilala sa Dapitan. Pumayag si Jose at dinala siya sa bahay na bato sa labas ng bayan. Dito niya nakilala sila Tiya Nita.
----------
Tumitilaok na ang manok nang mapansin ni Caridad na hindi pa pala siya nakakatulog. Masakit ang mga alaala ng kanyang karanasan sa pag-ibig. Dinakot niya ang kanyang dibdib sa nararamdamang sakit sa kaibuturan ng kanyang puso. Kinagat niya ang kanyang mga labi nang mariin upang pigilan ang mga luhang nangingilid sa kanyang mga mata. Nang ipikit niya ang kanyang mga mata, unti-unting tumulo ang kanyang mga luha.
Nakapitong tunog na ang malaking orasan sa sala ng magising si Caridad. Siya na lamang ang naiwan sa kama at ang lahat ay nagsisipagkilos na, ginagampanan ang kanya-kanyang mga gawain sa bahay.
Maagang nilisan nila Jose, Josefina, Amihan at dalawang katulong na lalaki ang bahay na bato. Pumasok silang lima sa gubat na pinangungunahan ni Amihan. Si Jose at Josefina, na may dalang payong, ay naglalakad na para lamang namamasyal na kasunod ang dalawang lalaki.
Madaling natunton ni Amihan, sa kabila ng gubat, ang bahay sa burol. Wala pang trenta minutos ay nakalabas na sila ng gubat. Napakamot ng ulo is Amihan. Nagtataka siya kung bakit madali lamang niya natunton ang bahay. Kung alam lang niya kung gaano kalapit ang bahay ni Jose Rizal sa bahay niya, noong una pa lamang ay sinubok na niyang pumasok muli sa gubat.
Sa isang punong mayabong sa tuktok ng burol may mga taong nag-uumpukan. Apat silang nakapalibot sa isang lamesita. Kumaway si Amihan sa kanila. Kumaway din ang mga ito sa kaniya at isa-isang tumayo upang salubungin siya at ang mga taong kasunod ni Amihan.
Nang makaharap na nilang lahat si Jose Rizal at si Josefina, ipinakilala ni Amihan ang mga ito sa kaniyang mga kamag-anak, ang lolo at lola niya at dalawang tiyahin. Isinalaysay ni Amihan ang lahat ng nangyari sa kanya sa kanyang mga kamag-anak.
"Tuloy muna kayo sa aming munting bahay," alok ni Tiya Hilda sa mga bisita. Nauna siyang pumasok ng bahay. Sinundan ng iba ito.
Umakyat sa ikalawang palapag si Amihan at pumasok sa kanyang silid upang magpalit ng kasuotan. Dali-dali siyang bumaba upang maghanda ng meryenda sa mga bisita. Naginit siya ng tsokolate at gumawa ng churros. Inihain niya iyon sa mga bisita.
"Salamat sa pagkupkop ninyo kay Amihan," bungad ng lolo ni Amihan matapos humigop at ibaba ang tasa ng tsokolate sa lamesa.
"Mabait na bata si Amihan at mahusay manahi. Sinulsihan niya lahat ng mga punit naming kurtina," tugon naman ni Jose habang nakangiti kay Amihan na nakaupo sa likod ng kanyang lolo.
"Tunay nga. Mabuting bata siya. Nais ko nga sana siyang isama sa Maynila upang may makasama at makausap ako," dugtong ni Josefina. Napatingin siya kay Amihan na nanlalaki ang mga mata. Napansin niya ang kakaibang kinikilos ng dalaga ngunit hindi niya ito ipinahalata. Nanatiling tiwasay ang mukha ni Josefina.
"Ganun ba? Subalit baka magkaproblema kayo sa batang ito. Masyado itong maligalig. Heto nga't ilang araw siyang hindi nakauwi sa amin dahil sa pagkakawala sa gubat. Mabuti na lamang at sa inyo siya napadpad," may pagaalinlangang tugon ng matandang lalaki. Hinawakan niya ang kamay ng apong nakapatong sa kanyang balikat. Nang lingunin niya si Amihan, tumango-tango ito.
Natawa na lamang si Jose Rizal sa asal ng dalaga. Hindi na niya ipinilit ang usapin ng pagsama sa kanya sa Maynila. Sabagay, sa isip-isip ni Jose, marami siyang mga dapat asikasuhin sa Maynila. Baka kung isama nila si Amihan sa Maynila ay lalong hindi magkaayos si Josefina at ang kanyang inang si Donya Teodora. Sa pagiging maligalig nito ay baka magkaroon pa siya ng mas malaking suliranin sa pagdidisiplina sa dalaga. Kahit mabait at mahusay na bata, may sarili ring suliranin si Jose na dapat harapin.