Nagulat si Amihan sa tawag ni Caridad. Dali-dali naman siyang bumaba dala ang mga sinulsing mga kurtina sa loob ng kahong buri. Pagbaba niya roon, naguumpukan ang mga katulong palibot sa kanilang amo. Hindi niya masilayan ang amo sapagkat nakatalikod ito. Tanging ang kanyang suot na puting polo na may mahabang manggas at pantalong itim ang nakikita niya. Lalaki pala ang kanilang amo.
"Caridad, hindi maayos at malinis ang aking kasuotan para humarap sa amo ninyo. Nahihiya ako," ang sabi ni Amihan habang hinahaplos at pinapagpag ang kanyang baro at saya.
"Huwag kang mag-alala, hindi maselan ang aming amo. Mabait siyang tunay. Halika." Hinawakan ni Caridad ang kanyang kamay at hinila papunta sa grupo ng mga naguumpukan si Amihan. Dinala niya sa harap ng lalaki ang dalaga.
Napaigtad si Amihan nang makita niya ang mukha ng amo at nanlaki pa ang mga mata nito. Kilala niya ang lalaki sa harap niya ngunit hindi niya matandaan kung saan sila nagkita. Hindi gaanong kataasan, kayumanggi ang kulay ng balat at maayos ang may alon-along buhok ng lalaki. Tila mula sa isang marangal na pamilya ang kanyang tindig.
"Duktor Jose, ito po ang nagtahi ng mga kurtina ng silid ninyo, si Amihan." Ipinakilala ni Caridad si Amihan sa amo nito habang ang mga mata ni Amihan ay nanatiling mabilog sa gulat.
Ngumiti sa kanya ang duktor at inialok ang kanyang palad para makipagkamayan. Marahang ibinigay ni Amihan ang kanyang palad sa duktor, nangingiming hindi makapaniwala sa taong nasa harap niya.
"Ako si Duktor Jose Rizal. Natutuwa akong makilala ka Amihan." sabi nito sa tinig na malalim at napakalamig.
"A..ako rin po, na...nagagalak akong makilala ka...kayo," ang tugon ng dalaga nang may mahiyaing ngiti. Hinaplos niya ang kanyang buhok at isinilid ang mga naglalaglagang hibla ng mga buhok sa likod ng kanyang tainga.
"Bueno," ang masayang sabi ni Duktor Jose habang inikot niya ang kanyang tingin sa mga babaeng katulong sa kanyang harapan habang magkadaumpalad ang kanyang mga kamay. "Tayo na't magmeryenda ng linupak na hinanda ninyo. Duon tayo sa hardin."
Nagpiglasan ang mga katulong at kanya-kanyang kuha ng mga gamit sa paghahanda ng meryenda. Ang isa ay naglagay ng mantel sa mesang bilog na nasa gitna ng hardin ng mga bulaklak. Ang isa naman ay naghanda ng kapeng pakukuluan. Ang iba ay kumuha ng mga platito, kutsara at tinidor. Nagsalok muli ng tubig sa balon si Caridad at inilagay sa pitsel na gawa sa terakota. Naiwan si Amihan sa dating kinatatayuan niya, nalilito siya sa susunod na gagawin dahil hindi rin naman niya alam kung saan kukuhanin ang mga gamit.
Ilang sandali pa ay may magandang babaeng bumaba mula sa malapad na hagdan sa harap ng bahay. Napalingon si Amihan sa kanya. Kulay pula ang buhok ng babae at napakaputi nito. Matangos ang ilong at mapupula ang mga labi't pisngi. Mukhang kapareho niya lamang ng edad ang dalaga. Isang malapad na sombrero ang suot nito sa ulo, halatang umiiwas sa mainit na sikat ng araw sa hapon.
Napalingon sa babae si Jose at malambing na tinawag niya ito: "Josefina, halika." Lumapit ito kay Jose at hinalikan ang pisngi nito saka umupo sa tabi nito. Isinandal niya ang kanyang ulo sa balikat ng lalaki na napatawa sa tila mga sinabi ng maputing babae. Alam ni Amihan hindi nila kalahi ang babaeng iyon ngunit napakakomportable niya sa mga braso ng duktor.
Hindi nagtagal inilabas na ang meryenda at inilapag ito sa mesang bilog sa harap ni Jose at ng maputing babaeng nagngangalang Josefina. Sumunod na inilabas ay ang mainit na kape, platito, kutsarita at tinidor at serbilyeta [1]. Matapos maihain ang lahat, tumayo sa may di-kalayuan si Tiya Nita upang pagsilbihan ang dalawa at intindihin kung ano pa ang mga kailangan nila.
"Kumain na rin kayo," sabi ni Duktor Jose Rizal sa mga katulong na naghain, at ngumiti siya sa magandang babae sa tabi niya. Tumango-tango lamang ang babae at hinigop ang kapeng tinimpla ni Jose.
Sa tabi ng balon kumain ng meryenda ang mga katulong kasama si Amihan. Hindi makapaniwala ang dalaga sa kanyang mga nakita. Hindi niya akalaing makikilala niya ang dakilang duktor sa mata. Naririnig niya lamang ang pangalan nito dahil sa kanyang katanyagan at husay. Kahit sarili niyang ina ay ginamot ni Duktor Jose kaya naman napahanga ang lahat sa kanya.
Malalim ang iniisip ni Amihan. Parang may kakaiba siyang nararamdaman sa kanyang utak na hindi niya matukoy. Alam niya ang petsa ngayon, 1896, ngunit hindi niya matukoy kung nasaan siya. . Parang hindi ito nasa siyudad ng Maynila kundi ibang lugar, isang probinsiya. Tinanong ni Amihan si Caridad kung anong tawag sa lugar nila. Dapitan, Zamboanga del Norte, ang sagot niya.
Napanganga si Amihan. Kahapon lamang ay galing siyang Maynila at pauwi sa bahay niya sa burol. Dati na siyang dumaraan sa gubat at nang mawala siya napadpad kaagad siya sa Zamboanga del Norte?!?
[1] serbilyeta ay maliit na pamunas (table napkin)