"Good morning!" Muling bati nito. Abot tenga ang ngiti ng lalaking nasa kanilang harapan. Samantalang si Charisse at BJ ay nakatitig lang sa kanya.
Tumingin si BJ kay Charisse. Nagpang-abot na naman ang mga kilay nito. Nagtataka. Nagtatanong ang mga tingin nito. Umiling si Charisse. Hindi rin niya kilala ang lalaki. Matangkad ito. Kasing tangkad yata ni BJ. Medyo kayumanggi ang kulay ng balat, hindi kagwapuhan ngunit matipuno. Brusko at deretso ang tayo.
Dahan dahan itong lumapit sa kanila nang mapansin ang kanilang reaksiyon. Napaatras naman ang dalawa. "Wala man lang akong bati dyan?" Sabi nito.
"Sino ka ba?" Tanong ni Charisse. "Arte nito, gusto pa ng bati. Close ba tayo?"
"Hindi. Pero di ba kapag may bumati sa'yo dapat bumati ka rin? I mean, you should reply back."
Lalo naman nairita si Charisse dito. Tumingin siya kay BJ. Para yatang kakambal ni BJ ang ugali nito.
"Will you please stop? Sino ka ba at bakit ka pumasok dito sa bahay ng wala man lang paalam? Hindi ka naman siguro magnanakaw."
"You're right sir. Hindi nga po ako magnanakaw."
"Bakit sa likod ka dumaan?"
"Tiningnan ko lang po kung gaano ka safe tong bahay. So I tried na umakyat sa pader."
"Ha!?"
"Then I realized na hindi nga talaga siya safe. Madali lang siyang akyatin, just a piece of cake 'ika nga." Paliwanag nito. Una siyang lumapit kay BJ at iniabot ang kanang kamay. "Glenn, at your service sir. Your new bodyguard."
"Oh a bodyguard!" Nagulat man, tinanggap pa rin ni BJ ang pakikipagkamay nito. Di makapaniwalang sinundan niya ito ng tingin.
Sunod nitong nilapitan si Charisse na nakamaang pa rin. "You must be Charisse." Sabi niya ritong nakangiti at iniabot ang kamay.
"I'm Glenn, nice meeting you."
Napilitang ngumiti si Charisse at tinanggap ang kamay nito. "I heard so much about you." Sabi pa nitong todo ang ngiti kay Charisse.
"Ay luma na yan." Paismid na sagot ni Charisse.
"Joke lang. Not so much naman, alam ko lang na ikaw ang kasama ni sir dito." Sabi nito sabay binitawan ang kamay niya.
Tumango lang si Charisse bilang pagsang-ayon.
"Charisse, sa library." Tawag ni BJ sa kanya na nauna ng maglakad.
"Po!?" Gulat at nagulumihanang sumunod naman si Charisse. "Bakit na naman po sir Sungit?"
"Sabi ko sa library tayo mag-uusap."
"Haay ano na namang ginawa ko?" Bulong niya sa sarili ngunit nakasunod pa din sa amo.
Napamaang na nakatingin si Glenn sa dalawa. Nagtataka. "Anong meron? Hmmm..." Ngunit pinili niyang huwag pansinin ang mga ito. "Ilang buwan na silang magkasama rito, bahala na sila." Sa isip isip niya. Pumasok siya sa kusina at naghanap ng makakain.
Pagkadating na pagkadating nila sa library namumula na ang pisngi ni BJ.
"Close the door."
"Sir!?" Gulat na tanong ni Charisse.
"Bingi ka ba? Sabi ko pakisara ng pinto!" Sigaw nito.
"Ay grabe naman sigaw agad." Bulong niya habang isinasara ang pinto.
"Ano na namang ginawa mo?" Umpisa nito.
"Bakit po? Ano na namang ginawa ko?" Maang na sagot at tanong ni Charisse. Nagulat din siya sa tanong pero mas nagulat siya sa nakitang pamumula ng pisngi nito. "Bakit siya nagagalit?" Tanong niya sa isip.
"Tinatanong kita. Huwag mo akong sagutin ng tanong din!" Gigil na sagot nito.
"Sir hindi ko naman po alam ang tinutukoy niyo. Bigla na lang po kayong nagalit ni hindi ko alam kung anong kasalanan ko." Mahinahong sagot ni Charisse.
"Oh really! Yung bodyguard?"
"Ha!?"
"Anong ginawa mo bakit nagpadala si dad ng bodyguard ha?"
"Ay sir wala po. Wala po akong kinalaman dun. Di ba parehas pa nga po tayong nagulat. Hindi ko po alam kung bakit nagpadala sila ng bodyguard."
"Talaga lang ha. Paano nila nalaman na kailangan natin ng bantay dito?"
Biglang napaisip si Charisse. Naalala niyang sinabi niya sa kuya niya ang tungkol sa mga taong umaaligid sa lugar nila.
Nakatingin sa kanya si BJ. Naghihintay ng sagot.
"O ano? Aamin ka na?"
"Sir, hindi ko naman po sinabi na kailangan natin ng kasama dito eh. Ang sabi ko lang po kay kuya, natatakot ako na baka hindi lang basta magnanakaw yung mga umaaligid dito. Na baka kayo po ang hinahanap ng mga iyon."
"Goodness!"
"Pasensiya na po sir."
"Pambihira!" Napaupo si BJ. Hawak hawak ang ulo. Kitang kita ang pamumula ng mukha at tenga nito.
"Sir pasensiya na po talaga. Hindi naman po yun yung intensiyon ko eh. Sinabi ko lang kay kuya kasi natatakot ako. Natatakot ako na baka may masamang mangyari dito. Mas mabuti na yung alam nila." Paliwanag niya. Natatakot na rin siya. Minsan lang niya ito makitang galit na galit.
"May magagawa ba yang pasensiya mo?" Sigaw nito. Haplos ng mga palad ang mukha. Ilang minuto din bago ito nagsalita. "Sa tingin mo, anong nararamdaman ng mga magulang ko ngayon?"
Hindi nakapagsalita si Charisse. Napatingin lang siya kay BJ. Yung galit na nakikita niya sa mukha nito kanina ay napalitan ng pag-aalala.
"Naisip mo ba kung gaano sila nag-aalala sa akin ngayon? Ha?"
"Sir mag-aalala po talaga sila, mga magulang nyo po sila eh. Kaya po sila nagpadala ng bantay nyo para makasiguro na safe po kayo."
"Yun nga. Mag-aalala sila at ayaw ko na mag-aalala sila sa akin. Naintindihan mo ba? Ayoko. Marami na nga silang iniisip, iisipin pa nila ako. I should be the one protecting them not the other way around." Buong pag-aalalang wika nito.
Nakaramdam naman ng awa at paghanga si Charisse. Kaya siguro minsan naaabutan niyang malalim ang iniisip nito. Mali yata siya ng iniisip tungkol dito. Akala niya wala itong pakialam sa mga magulang niya.
"Hayaan nyo na po sir. Ganyan po talaga kapag magulang, lahat gagawin para sa kaligtasan at ikakabuti ng mga anak."
Biglang nagtaas ng tingin si BJ. Umiling ito. "Ayoko pa rin."
"Sir hayaan nyo na po. May dahilan ang mga magulang ninyo kung bakit nila ito ginagawa. Mas gusto nilang masiguro ang safety ninyo kaysa sa kanila. At ito ang naisip nilang paraan. Sa tingin ko, medyo kampante na sila ngayon kasi may magbabantay na po sa inyo."
"Pero hindi ako kampante na may iba pang tao rito."
Napabuntong hininga si Charisse. Paano ba niya mapagaan ang loob nito? "Sige po, babantayan ko din po siya."
"What!?"
"Babantayan ko po siya, baka po may gawin siyang kakaiba ay malalaman natin kaagad." Paliwanag niya. Pero ang totoo hindi niya alam kung bakit niya nasabi yun.
Hindi umimik si BJ. Halatang marami pa rin itong iniisip.
"Sir, huwag na po kayong mag-isip masyado. Tatanda kayo ng maaga nyan. Ipag-pray na lang natin na magiging maayos na 'tong pinagdaanan nyo ngayon at makakauwi na tayo sa mga pamilya natin. Ginagawa naman po lahat ng mga magulang nyo ang lahat ng kanilang makakaya para maayos ito."
"Sige na. Bumaba ka na." Maikling tugon nito.
Tiningnan niya ang amo. Hinintay ang ka sunod na sasabihin ngunit hindi na ito nagsalita. Tumayo ito at lumapit sa bintana. Malayo na naman ang tingin.
"Sa haba ng sinabi ko yun lang ang tugon niya. Haaay." Saloob-loob niya.
"Sige na habang mabait pa ako."
"Ay opo, ito na po bababa na. Pasensiya na po ulit."
Tahimik na bumaba si Charisse. Naabutan niya si Glenn sa kusina na kumakain.
"Hoy anong ginagawa mo dyan?"
"Kumakain."
"Alam ko, nakikita ko nga."
"So bakit ka pa nagtanong?"
"Ibig kong sabihin bakit ka kumakain na hindi man lang nagpapalaam."
"Ha? Kailangan ko bang magpaalam para kumain?" Nagtatakang tanong nito na hindi naituloy ang pagsubo.
"Siyempre, pagkain ni sir yang kinakain mo. Ngayon, kailangan ko pang magluto ulit." Pagdadabog niya. "Mag tanong kasi."
"Hala, sorry naman. Malay ko ba na....na iba yung pagkain niya."
"Adik ka ba o tanga tangahan lang? Siyempre boss yun."
"Ito na isasauli na."
"Isasauli. Pakakainin mo si sir ng tira mo? Ayos ka din ah." Kumukulo na ang dugo niya sa lalaking kaharap.
"Sige, eh di ubusin ko na lang." Sabi nitong nakangiti pa.
Tiningnan niya ito ng masama ngunit nakangiti pa rin ito at nagpatuloy sa pagkain.
"Ang kapal ng mukha nito." Bulong niya na nagmamadaling maghanda ng mailuluto para kay BJ.
Abalang abala siya sa ginagawa kaya hindi niya napansin si Glenn na tapos ng kumain.
"Salamat." Sabi nito bago makalabas ng pinto.
Hindi niya ito pinansin. Nagulat siya nang paglingon niya ay nasa hugasan lang ang pinagkainan nito.
"Sandali!" Sigaw niya na lumabas din ng kusina.
"O bakit?"
"Bumalik ka muna dito."
"Bakit nga?"
"Bumalik ka sabi." Naiirita na siya.
"Bumalik lang pala. Di sige." Lumakad na ito pabalik.
"Bilisan mo."
"Oh demanding. Ano nga bang gusto mo?"
"Ang gusto ko, magligpit ka ng pinagkainan mo. Sino sa tingin mo ang maghuhugas ng mga platong yan ha?" Dakdak niyang nakapameywang pa.
"Hindi ba ikaw?" Sagot nitong nagkunwaring nagulat.
"At bakit ako? Si sir BJ lang yung boss ko, hindi ka kasama."
"Bodyguard ako ng boss mo."
"Yun nga, bodyguard ka ng boss pero hindi ka boss. At tsaka wala ka namang ginagawa di ba, ano ba naman yung maghugas ka ng pinagkainan mo."
"Madam, trabaho mo yun. Hindi ko naman po trabaho yun."
"Ahh....hindi mo trabaho ganun. Eh di huwag kang kumain."
"Grabe ka naman."
"Anong grabe? Hindi ka ba nahihiya ha? Hoy! Pareho tayong sumasahod, hindi ikaw yung nagpapasahod. Kaya huwag kang mag-inarte at umastang boss dito. Malinaw?" Pinandilatan niya ito. Madadagdagan pa yata ang aalagaan niya. Ang kapal talaga ng mukha.
"Ang daming sinasabi." Bulong nito at nagsimulang maghugas.
"Nakakainis!" Gigil na sabi ni Charisse dito.
Samantalang tuwang-tuwa naman si BJ na pinakikinggan ang dalawa. Tahimik siyang nagmasid sa labas ng kusina, nais niya sanang mag-agahan na ngunit wala yata siyang makakain. Nangingiti naman siyang bumalik sa library. Pupuntahan naman siya ni Charisse kung handa na ang pagkain.
Maya-maya pa ay kumatok na si Charisse.
"Sir, andito na po ang breakfast nyo."
"Sige, pasok mo na."
"Pasensiya na po sir, medyo late na po breakfast nyo."
"It's okay, ilapag mo lang dyan."
"Po!?"
"Ilapag mo lang dyan. Balikan mo na lang mamaya."
"Sige po." Pagkatapos mailapag ang tray ng pagkain ay tahimik siyang lumabas.
"Anong nangyari dun? Hindi yata nagalit." Nagtatakang bumaba siya ng hagdan. "Hayaan mo na, mas mabuti nga di ba?" Sabi niya sa sarili.
"Saan ako pwedeng matulog?"
"Ay kalabaw!" Sigaw ni Charisse na muntik ng mahulog sa hagdan.
"Hoy dahan-dahan." Salo ni Glenn at inalalayan siyang bumaba ng maayos.
"Ikaw naman kasi, bigla kang nagsasalita." Kumawala siya rito.
"Pasensiya na, pero ikaw yata ang malayo ang iniisip."
"Nagdadahilan ka pa."
"Hindi naman. Saan nga ba ako pwedeng mag-stay?" Ulit nito sa tanong niya.
"Si sir yung tanungin mo pero mamaya na at kumakain pa."
"I see. Paano ko malalaman kung tapos na siyang kumain?" Sabi nitong nakatingin sa gawing bahagi ng library.
"Sabihan na lang kita." Sabi ni Charisse na humakbang na sana pabalik ng kusina.
"Sandali." Pigil ni Glenn. "Sa library ba siya naglalagi?"
"Oo bakit?"
"Wala naman. Hindi kasi siya pwedeng lumabas ng bahay kaya siguradong bored na siya."
"Malamang." Maikling tugon niya.
"Anong lulutuin mo mamaya?" Tanong ni Glenn.
"Bakit? Mag-rerequest ka? Si sir lang ang pwedeng magrequest." Taas kilay niyang sagot.
"Ah hindi naman...sasabihin ko lang sana na may allergy ako sa shrimp."
Tumawa siya ng mahina. "Huwag kang mag-alala wala akong malulutong shrimp dito." Sagot niya sabay talikod.
"Mabuti naman." Pahabol nito. Hindi na niya ito pinansin at dumiresto siya ng kusina. Kailangan niyang ma check ang mga stocks nila at kailangan niyang magdagdag.
Nang matapos ay lumabas na siya para kunin ang pinagkainan ni BJ. Nadatnan niya sa sala na magkausap na ang dalawa kaya dumiretso na siya sa library at kinuha ang pinagkainan nito.
"Charisse, pagkatapos mo nyan ay tulungan mo akong maglipat." Tawag sa kanya ni BJ nang mapadaan siya sa sala.
"Sir!?"
"Lilipat ako sa master's bedroom at siya ang papalit sa akin sa guest room kaya tulungan mo akong maglipat ng gamit."
"Sige po."
"Pakibilisan lang at kailangan niyang magpahinga." Bilin nito.
"Opo." Sagot niyang kay Glenn nakatingin. "Anong nangyari dun? Kanina lang ay ayaw niya sa lalaking yun tapos ngayon ay sa guest room pa talaga matutulog?" Tanong niya sa sarili. "Ano bang nangyayari kay sir? Tsk tsk...Haaay ewan."
Minamadali niyang tapusin ang paghuhugas pagkatapos ay inayos na niya ang kwartong lilipatan ni BJ.
Pagkatapos mailipat ang mga gamit ay bumaba na si Charisse para maghanda naman ng tanghalian.
"Kailangan mo ng tulong?" Biglang nagsalita si Glenn sa likuran niya. Nakatayo ito sa may pinto. Tinitigan niya ito. "Ano na naman kayang trip nito?" Sa isip isip niya.
"Huwag na kaya ko na 'to. Trabaho ko 'to di ba?" Sagot niyang tuloy pa rin sa ginagawa.
"Pasensiya nga pala dun sa mga nasabi ko kaninang umaga." Sabi nito na unti unting lumalapit.
Hindi siya umimik at tiningnan lang niya ito.
"Tama ka naman eh. Pero hindi ko naman iniisip na samantalahin yung trabaho mo. Pareho nga naman tayong nagtatrabaho dito." Patuloy nito.
"Buti naisip mo yan." Paismid na sagot niya.
"Pasensiya na talaga." Iniabot nito ang kamay sa kanya. "Ano, peace na tayo?"
Napatingin si Charisse sa kamay nito na nakalahad sa harap niya. Pagkatapos ay tiningnan niya ang mga mata nito kung seryoso nga ito sa mga sinasabi niya.
"Sige." Nakipagkamay siya dito.
"Salamat." Ngumiti ito. "Ano tulungan na kita?"
"Hindi na. Okay lang talaga ako. Salamat na lang."
"Sige. Dito na lang ako, kwentuhan tayo." Sabi nitong umupo sa silyang nandun.
"Akala ko ba, magpapahinga ka? Matulog ka na lang kaya." Pag-iiba niya ng usapan.
"Mamaya na pagkatapos ng tanghalian."
"Ah kaya gusto mong tumulong para mapadali 'tong ginagawa ko."
"Hindi naman sa ganun gusto talaga kitang tulungan. Naintindihan ko naman kung bakit ngayon ka lang nakapagluto." Sagot nito.
"Sigurado ka ha."
"Oo naman. Tsaka magbabantay lang naman ako mamayang gabi. Teka may kape ba dito?"
"Oo naman. Marami. Yun nga lang hindi mo pwedeng galawin, kay sir yan." Diretsong sagot ni Charisse. "Hindi pa ako nakapamili, pero pupunta akong bayan bukas ibibili na lang kita. Yung kape ko muna gamitin mo. Andyan o."
"Ay hindi ako nainom nyan." Malungkot na pahayag nito.
"Subukan mo na lang bumili sa labas baka meron." Suhestiyon ni Charisse.
"Sige mamaya kapag di na masyadong mainit. May nakita akong tindahan nung papunta ako dito, yun ba yung pinakamalapit?"
"Oo yun na yung pinakamalapit pero kaunti lang yung tinda nila. Hindi ako sigurado kung mabibili mo dun yung gusto mo."
"Sige, susubukan ko na lang. Saan ka nga pala namimili?" Usisa nito.
"Sa bayan. Bumibili ako ng pang-isang linggo na."
"Ah, so bukas mamimili ka?"
"Oo. Bantayan mo yang si sir ha. Huwag mong hayaang lumabas ng bahay." Bilin niya rito.
"Bakit? Lumalabas ba yan 'pag umaalis ka?"
"Hindi ko alam. Basta bantayan mo na lang. Mas mabuti na yung nag-iingat."
"Oo naman. Sige makakaasa ka, bantay sarado sa akin yang si sir." Sabi nitong nakangiti pa.
"Salamat."
"Teka, anong oras ka nga pala aalis bukas?"
"Bakit ang dami nitong tanong? Porke't siya ang bantay ganun? Dapat ba akong magtiwala dito?" Napaisip si Charisse. Kailangan ba niyang sabihin lahat?
"Ahh...hindi ko pa alam eh. Kasi marami pa akong gagawin sa umaga. Pag natapos na ako ay saka lang ako aalis."
"I see. Pero bumabalik ka naman kaagad?" Usisa pa nito.
"Oo naman. Hindi ko pwedeng iwan si sir na mag-isa."
"Anong mag-isa? Andito naman ako."
"Ay, hehe...oo nga pala andito ka na. Pero umuuwi pa rin ako kaagad ang dami ko kasing gagawin." Agad niyang bawi sa naging sagot niya.
"Kunsabagay."
"O luto na 'to. Mauna ka ng kumain at iaakyat ko lang yung pagkain ni sir."
"O sige, gusto ko yan hehe...ikaw, hindi ka pa ba kakain? Sabay na lang kaya tayo?"
"Hindi na, unahin ko muna si sir. Kumain ka na lang dyan para makapagpahinga ka na rin." Sabi niyang ipinaghahain na ang amo.
"Sige, sabi mo eh."