Kabadong tinahak ng grupo ang hagdanan pababa habang hinahabol ng mga linya ng biyak, todo-kapit sila sa isa't isa na kumukuha ng suporta nang sa gayon ay 'di sila mawawalan ng balanse at babagsak. Hilong-hilo na sila at ang kaniya-kaniyang paningin ay gulong-gulo dahil sa lakas ng pagyanig.
Gumuhit na ang malalaking biyak sa pader at gano'n na rin sa sahig na kanilang inaapakan. Sila ay lubos nangangamba sa tsansang hindi nila aabutin ang pinakaunang palapag dahil sa bilis ng pangyayari, batid nilang hindi magtatagal ay bibigay na ang gusaling kinalulugaran nila.
Patuloy lang sila sa pagtakbo at ilang saglit pa ay matagumpay nilang narating ang kasunod na palapag. Nakakapagtataka na wala silang nakikitang mga tao na nagkakagulo sa palapag, ngunit sa kabila nito ay bahagyang gumaan ang kanilang loob nang ligtas silang nakababa. At akmang bababa na sana sila sa kasunod na hagdanan ay biglan silang napatigil nang mapasigaw ang mga lalakeng nangunguna.
"H'wag dito! Do'n tayo sa dulo!" sigaw ni Renie nang makitang gumuho't bumigay na ang hagdanan ng ikalawang palapag.
Sa pangunguna ni Valtor at Renie ay diretsong nagsitakbuhan ang grupo patungo sa dulo kung saan naroon din ang isa pang hagdanan. Nakasunod lamang sina Arlette at Cyan na magkahawak ang kamay, at sa kahuli-hulihan ay naroon si Myceana na nakalutang sa ere at pinoprotektahan ang grupo.
Maingat niyang pinipigilan na h'wag bumigay ang kabuoan ng palapag na kanilang kasalukuyang tinatahak; todo-pigil siya na h'wag lumaki pa ang mga guhit ng biyak at pinoprotektahan din niya ang kasamahan na h'wag mahulugan ng mga malalaking tipak ng gusali.
"Tigil!"
Sa sigaw ni Renie ay napatigil na naman silang lahat sa gulat. Sa isang kurap lang ay nasaksihan nilang bumigay ang pasilyo at ito'y diretsong gumuho. Sa kabutihang palad ay agad silang nahila ni Myceana pabalik nang mapansing muntikan nang masama't mahulog sa butas sina Renie at Cyan. Atras sila nang atras habang unti-unting gumuguho ang sahig ng pasilyo, mistulang gumagapang ito at pilit silang inaabot kung kaya't sila'y todo-hakbang pabalik.
Isang malakas naman na kalabog ang narinig nila mula sa likod at lubos silang nagimbal nang makitang gumuho na rin ang kabilang bahagi ng gusali, malakas ang pagguho nito at patungo rin sa kanilang kinalalagyan.
"Matatambakan tayo rito! Hindi ko na kakayanin pa ang bigat ng gusali!" daing ni Myceana natantiya niyang hindi magtatagal ay masasama rin sila sa pagguho.
Sa isang hudyat ay nasaksihan nilang lahat na biglang nagpakawala si Valtor ng isang hibla ng kuryente na tumama sa kaharap na pader, sa tindi ng liwanag nito ay mariing napapikit silang lahat at napaiwas kaagad ng tingin. Nang mawala ito ay napansin nilang hindi tumagos ang kuryente ng lalake, sa halip ay nag-iwan ng kuping na may mga bitak-bitak sa paligid at bahagyang nangitim ang paligid dahil sa pagkasunog.
Nakuha naman ni Myceana ang binabalak ni Valtor, kung kaya't bilang suporta ay kinontrol niya ang pader at ito'y buong-lakas na niyanig hanggang sa kalaunan ay bumigay na rin ito at nag-iwan ng malaking butas na lagusan.
Saktong gumuho na rin ang kanilang kinatatayuan at nanlamig sila nang masama nito, pero mabilis namang kumilos si Myceana at niya ang katawan ng bawat isa at ito'y hinila't pinalipad patungo sa butas. Ligtas silang nakalabas at nanatiling nakalutang sa ere, paglingon ng grupo ay nasaksihan nila kung paano bumigay ang gusali. Kasabay ng mabilis na pagguho nito ay ang dahan-dahan naman nilang pagbaba sa kalsadang abandonado.
"Bakit walang mga sasakyan gayong nuwebe na ng umaga?"
Paglapag nila ay agad na napaluhod si Myceana sa magaspang na kalsada dulot mg pagod. Ang iba naman ay natahimik at tulalang nakatingin sa gusaling nagmistulang umuusok dahil sa makapal na alikabok, at sa kabila nito ay hindi nila lubos maproseso ang katotohanang nagawang pabagsakin ng isang kauri nila ang malaking gusali---at kalakip doon ay ang mga buhay ng mga inosenteng taong nadamay.
"M-Mag-ingat kayo at bantayan n'yo ng maigi ang paligid," utos ni Myceana na hinihingal at tinutulungan ang sarili na bumangon, "Maaaring nasa paligid lang sila at nag-aabang sa 'tin."
"Hindi ko matukoy ang lokasyon ng dalawang altered at ng mga sundalo." sagot ni Cyan na sinusuyod ang paligid, "Paiba-iba ito at nawawala rin."
"Hindi ko rin sila mahanap," pahayag ni Arlette.
At nagulantang sila nang sa isang iglap lang ay may kung anong hibla ng asul na linya ang lumitaw mula sa kaliwang bahagi at dulo ng kalsada. Marahan itong dumaan sa kanilang paningin at lubos silang nagimbal nang unti-unting nagbalik sa normal ang gusaling gumuho; kitang-kita nila kung paano ito nabuo muli't tumindig kahit na niyanig at gumuho na ito.
"A-Anong nangyari?"
Lubos silang nagtaka nang makitang nakadungaw ang mga taong nasa gusali sa malaking butas na ginawa nila sa pader nito, nagsilabasan ang mga ito at nakatambay na sa pasilyo; bawat isa ay nakatingin sa kanila at mababakas sa kaniya-kaniyang mukha na nagugulumihan ito sa mga nangyari.
"H'wag nga kayong humarang diyan!"
Isang malakas at sunod-sunod na busina ang gumulat sa grupo. Nang mapatingin sila sa pinagmulan nito ay nanlamig sila nang makitang maraming sasakyan ang naantala sa byahe nito dahil sa trapikong dinulot nila. Lahat ay nangangalaiti sa galit at iritang-irita, panay ito sa pagbusina at sinisigawan silang umalis sa daan. May ibang lumabas na rin mula sa sariling kotse at naglalakad patungo sa kinatatayuan nila animo'y naghahanap ito ng away.
"Hoy umalis nga kayo riyan!"
"Bwisit nagmamadali ako!"
"T-Tara na," aya ni Myceana at gamit ang sariling kakayahan ay marahan niyang hinila ang mga kasama patungo sa isang eskinita, sa kabilang bahagi ng ng kalsada.