Download App
12% Altered / Chapter 6: Kabanata Dalawa [1]

Chapter 6: Kabanata Dalawa [1]

Ika-20 ng Nobyembre, 2018

9:57 am

TAHIMIK LAMANG SILANG tatlo sa loob ng van habang nagtatago mula sa publiko sa ilalim ng malaking tulay, ang Hamilton Bridge. Walang kaalam-alam si Myceana sa mga pangyayari kung kaya't purong pag-oobserba lang ang nagawa niya. Masusi niyang pinagtuonan ng pansin si Cyan na nakapikit habang nakasandal sa upuan; ang mata nito sa likod ng talukap ay hindi mapakali at gumagalaw kung saan-saang direksyon.

"Gusto mong makita ang nakikita ni Cyan?" Tanong ni Arlette sa kaniyang isipan na halatang ayaw maistorbo ang kasamahan nito, "Ipapakita ko sa 'yo ang kakayahan niya."

Bilang sagot ay tumango na lamang si Myceana sapagkat medyo nagtataka rin siya kung ano ito. Pumikit kaagad siya saka hinayaan muna ang dilim na mangibabaw sa kaniyang paningin habang hinihintay ang susunod na mangyayari. At sa isang iglap ay bigla niyang naramdaman na parang may humuhukay sa kaniyang utak, may kung anong pwersa na gustong pumasok.

"Hayaan mo 'yan, Myceana. Kumalma ka."

Ilang saglit pa ay biglang nagbago ang kaniyang paligid. Ang purong kadiliman na nakikita niya ay biglang may kung anong sumibol na liwanag, hindi siya nakadilat pero kitang-kita niya kung paano kumalat ang matingkad na liwanag na namuo sa harapan ng paningin niya.

Hanggang sa nabuo ang isang imahen ng tao sa kaniyang harapan, ang katawan nito ay nabuo dulot ng pinaghalong kulay ng pula, dilaw, at berde na pawang matitingkad na liwanag. Base sa posisyon nito ay nakahiga ito at natutulog; hindi gumagalaw at paniguradong mahimbing na nagpapahinga.

Ilang saglit pa ay biglang nanliit ang bulto ng tao. Ang paligid din nila na kahit purong bulto lang ay biglang gumalaw. Kalaunan ay naproseso rin niya ang nangyari, napagtanto niyang nasa itaas pala sila---bird's-eye view. Ang bulto ng tao ay sobrang liit at parang piraso ng bigas. At sa paligid nito ay naaaninagan na niya rin ang mga estruktura ng mga gusali, napansin niya rin na may mga maliliit na pulang bagay na magkalat kung saan-saan.

"Kaya niyang makita ang lahat ng nilalang na may buhay; ang normal ay simpleng pula samantala ang mga kauri natin ay may matitingkad na kulay." Pahayag ni Arlette na umalingawngaw sa kaniyang isipan.

"Nagtatago pa rin siya," sabi ni Cyan at biglang napadilat.

Kasabay ng pagbabalik ni Cyan ay siya ring pagkawala ng mga imahe sa haparan ng paningin ni Myceana, napadilat na lamang siya at napansin kaagad niya ang malakas na pagsinghap ng babae animo'y nagmula sa malalim na pagsisid. Halatang napagod nga ito sa ginagwa sapagkat napayuko ito at tumungo sa dashboard ng sasakyan---lantang-lanta si Cyan.

"Okay ka lang ba?" Nag-aalala niyang tanong sa babae.

"O-Oo, medyo sumakit lang 'tong ulo ko. Pero mawawala rin ito kalaunan."

"Sige," Aniya at muling sumandal sa kinauupuan.

"Nasaan siya?" Tanong ni Arlette na hinahanda na ang van, binuhay niya ito at naghintay na lang ng sagot bago magmamaneho.

Agad namang umayos sa pagkakaupo si Cyan at kinuha nito sa dashboard ang nag-iisang smartphone na nakalapag, binuhay niya ito saka pinindot ang Google Maps na icon. Ilang saglit pa ay iniharap niya ito kay Arlette at ipinakita ang destinasyong susunod nilang pupuntahan.

"Sa likod ng pharmacy na 'yan, naroon siya."

▪ ▪ ▪

UMALINGASAW ANG MABAHONG amoy ng kanal nang tahakin nilang tatlo ang makipot na daan papunta sa bahay na pinagtataguan ng susunod nilang tutulungan. Sinundan lamang nila ang nag-iisang daan sa kabila ng amoy nito at sikip, tiniis nila ito at mas piniling pahabain ang pasensya gayong para rin naman ito sa kaligtasan ng kauri nila.

Sa pangunguna ni Cyan na tanging nakakaalam sa eksaktong kinalulugaran ng kauri nila ay tahimik na sumusunod sina Arlette at Myceana. Mahaba-haba na rin ang nilakad nila at kanina pa sila pinagtitinginan ng mga taong namamahay roon, pero hindi ito alintana basta't makakaharap at makakausap nila ang tinutunton nilang kauri ngayon.

Ilang saglit pa, nang sundan nila ang daan pakaliwa ay sa wakas tumigil na rin si Cyan. Natagpuan nila ang sarili na nakatayo sa harap ng maliit na bahay na hango sa pinagtagpi-tagping yero, tabla, at iilang sako. May usok naman na tumatagos palabas at nabatid kaagad nila na nagluluto pa ang sinumang tao na nasa loob. Ito na ang pinakahuling naitayong bahay at ang paligid nito ay purong bakanteng lote na may napondong tubig; hitik ito sa kangkong at iilang mga damo.

Payak ang pamumuhay at halatang naghihirap ito. Agad namang nakaramdam ng awa si Myceana dahil gaya nito'y naghirap din siya ng lubos matapos makatakas sa kulungan. Hindi niya nga lang maisip kung papaano nagawang tustusan ng kauri nila ang pang-araw-araw na gastusin upang mabuhay, dahil kung siya ang tatanungin, nagawa niyang mangnakaw ng pera at mambanta ng buhay ng iba upang mabuhay rin.

"Tara na, katukin na natin siya." Aya ni Arlette.

Sumunod naman sila kay Arlette at nanatili sa likod nito. Hinayaan lamang nila ito na maglakas-loob na kumatok sa pinto at kumausap sa kauri nila, sapagkat panatag na ang loob nila na makukumbinse niya ito at mapapasama sa hukbo nila.

"Tao po," pagtawag ni Arlette matapos kumatok ng tatlong beses, "maaari ka po bang makausap?"

Katahimikan, walang sumagot at nangibabaw sa kanilang tatlo ang sandaling katahimikan, umaasang may sasagot sa kabilang panig. Nabatid kaagad naman ni Myceana na kinakausap na naman ito ni Arlette gamit ang isipan, at naghihintay na lamang sila ng kumpirmasyon na kilos mula sa taong nasa loob.

"Tao p---"

"Arlette umilag ka!" Sigaw ni Cyan na ikinagimbal ng lahat.

Sa bilis ng pangyayari ay hindi nasundan ni Myceana ang sumunod na kaganapan. Tanging nahagip ng paningin niya ay ang isang matingkad na liwanag na kumalat kung saan. Namalayan na lang niya ay nawalan kaagad siya balanse at bumagsak siya sa lupa't napaupo matapos malakas na itinulak ni Cyan.

Nang balingan niya ng tingin ang kasamahan ay nakita niya si Arlette na nakabulagta na sa lupa, at sa tabi naman nito ay naroon si Cyan na lubos na nag-aalala sa kasama. At nahagip ng kaniyang paningin ang tagiliran ni Arlette na nasugatan, hawak-hawak ito ng babae at pilit pinipigilan ang walang-tigil na pag-agos ng dugo.

Agad namang kumilos si Myceana at kinontrol ang sira-sirang pinto ng bahay, sa galit niya ay marahas niyang inalis ito at saka dinurog sa ere. Ang mga matutulis na bahagi nito ay inayos niya't itinutok sa direksyon ng pintuan. Ang buong akala niya ay makakaharap siya ng away sa pagkakataong iyon, sa halip ay bumungad sa kaniyang harapan ang lalakeng nakayuko at hindi gumagalaw, mistulang nanigas ito at naging estatwa gaya no'ng mga armadong lalake na humabol sa kaniya.

"Itali mo siya Myceana at saka isakay mo sa van." Utos ni Arlette na dumadaing sa natamong sugat.


Load failed, please RETRY

Weekly Power Status

Rank -- Power Ranking
Stone -- Power stone

Batch unlock chapters

Table of Contents

Display Options

Background

Font

Size

Chapter comments

Write a review Reading Status: C6
Fail to post. Please try again
  • Writing Quality
  • Stability of Updates
  • Story Development
  • Character Design
  • World Background

The total score 0.0

Review posted successfully! Read more reviews
Vote with Power Stone
Rank NO.-- Power Ranking
Stone -- Power Stone
Report inappropriate content
error Tip

Report abuse

Paragraph comments

Login