Ran's POV
KANINA PA ako naiirita sa lalaking sunod nang sunod sa aking likod. Panay din ang kalabit nito sa akin dahilan upang kilabutan ako.
"Hoy, sorry na. Promise, hindi ko na uulitin."
"Huwag mo akong kakausapin!" sabi ko kay Perzeus at nilagay ko ang isang kamay ko sa mukha nito. "Kalalaki mong tao, ang dugyot-dugyot mo."
"E, `di sa'yo na lang itong daga para ikaw ang magmukhang dugyot," sabi pa nito at pinakita sa akin ang dagang hawak-hawak.
Tumili ako sa pandidiri. "Ilayo mo nga sa akin iyan," bulyaw ko at tinulak si Perzes palayo.
"Oh, bakit nag-aaway na naman kayo?" tanong ni Papa sa amin.
"Paano ba naman kasi, itong lalaking ito nasa pamamahay ko at nanghuhuli ng mga bubwit na kakainin niya," paliwanag ko naman.
"Sorry, anak. Nakalimutan kong sabihin sa'yo na inimbita ko si Perzeus dito sa bahay kasi alam mo na? Ang daming nagkalat na naman na daga kaya, si Perzeus agad ang tinawagan ko. Wala naman kasi tayong pusa kasi ayaw mo naman sa kanila," mahabang turan ni Papa.
Napatingin naman ako kay Perzeus at pinanlisikan ito ng mga mata.
Abala na naman ang mokong sa pagsipsip ng dugo sa mga hawak nitong daga.
Eww. Gross.
Wala na nga akong nagawa kung hindi hayaan ang lalaking dugyot upang hulihin at ubusin lahat ng mababait ito sa bahay ko.
"Uwi na po ako, tito... Ran." Paalam nito sa amin.
"Salamat, ha? Balik ka ulit," sabi ni Papa.
"Ingat," wika ko naman bago ito tuluyang umalis ng bahay.
NASA HAPAG-KAINAN ako at nakatingin sa ulam na niluto ni Papa.
"Bakit, `nak? Ayaw mo ba niyang ulam?" tanong nito.
"G-gusto po! May iniisip lang," sagot ko.
"Akala ko ayaw mo. Napansin ko kasi kanina na parang namumutla ka pagkarating mo galing school. Baka kailangan mo ng maraming dugo kaya naman nagluto ako ng paborito mo. Ang pinaputok na dinuguan," sabi nito habang nakangiti.
Sana ganyan din na ngiti ang matanggap ko galing sa ibang tao kapag natanggap na nila ako bilang isang bampira. Ngunit napaka-imposible yatang mangyari iyon dahil baka kutsain lamang nila ako't husgaan.
"`Pa"
Lumingon ito sa akin.
"Ang tanda ko na pala, `no?" saad ko. "Kaarawan ko na pala sa makalawa at mag-998 na ako," nakangiting wika ko.
"Oo nga pala! Malapit na iyon, `nak. Muntik ko na makalimutan," nahihiyang saad ni Papa. "Wala pa akong regalo sa'yo. P'wedeng ikaw na lang ang magregalo sa akin? Tulad ng hindi tumatanda ang itsura kagaya mo kahit 997 ka na," natatawang sabi nito.
"Kung kaya ko lang sana."
Oo, matanda na ako pero mukha pa rin akong highschool student. Ito ang parusa naming mga bampira kapag tumapak kami sa mundo ng mga tao. Magiging bata ang itsura mo at hindi ka na magiging matanda kailanman.
Pagkatapos naming kumain ay nagligpit na muna ako ng pinagkainan. Habang naghuhugas ako ng plato ay may natanaw akong anino sa gate ng bahay namin. Mula sa kusina kasi ay matatanaw ang gate dito. Parang may nakatayo doon na lalaki at nagmamasid.
Bigla akong kinabahan sa aking nakita kaya naman binilisan ko pagkilos at nang matapos ay agad umalis sa kusin.
Nasa tapat na ako ng pintuan nang biglang may nag-doorbell.
ANG LAKAS ng kabog ng dibdib ko. Humawak ako sa dibdib ko na animo dinadaga. "S-sino kaya iyon?" bulong ko.
Imposible namang si Perzeus iyon dahil nakaalis na ito ng bahay at kung pupunta man iyon dito, hindi daraan sa gate ang isang iyon kung `di sa mga bintana na nakabukas.
Muli namang tumunog ang doorbell. Wala naman akong kakilala na pinagsabihan ko kung saan ako nakatira kaya imposibleng isa sa mga kaklase ko ang nasa labas.
Lakas-loob akong lumabas ng bahay dala-dala ang isang frying pan para kung susugod ang nasa labas, may panghampas ako.
Nang nasa gate na ako ay dahan-dahan kong binuksan ito.
"Oh, my God! Ranya, long time no see!"
Sa sobrang gulat, sumigaw na ako. "Papa, tulong! Rape! Rape!" Mas lalo akong nagwala nang maramdaman kong yumakap ito sa akin.
"Hoy! Anong rape ka riyan!?"
"U-uncle Tommy?!" tanong ko rito.
"No other than, sweetie," nakangiting sabi nito.
Napangiti ako at gumanti ng yakap. Mayamaya pa ay pumasok kami sa loob ng bahay.
"Bakit at para sa'n iyang hawak-hawak mong kawali? Aanhin mo?" tanong nito.
Agad kong binitiwan ang frying pan. "Ah, ano Uncle, naghuhugas kasi ako nang mag-doorbell kayo." Pagdadahilan ko. "Actually, patapos na po ako," sabi ko na lamang.
Tumango si Uncle Tommy at halata namang nakunbinse ko siyasa dahilan ko.
"Bakit po pala kayo nandito, Uncle?" tanong ko.
"Wala naman. Binibisita lang kita. Bakit, bawal bang bisitahin ko ang kaisa-isang pamangkin ko?"
"Hindi naman po. Nagtatanong lang," napapahiyang sagot ko sabay kamot sa aking batok.
Mayamaya pa ay lumabas si Papa mula sa kwarto nito. "Oh, Tommy. Nand'yan ka pala," sabi nito kay Uncle Tommy.
"Oo, hinahanap ko kasi si Ranya. Mabuti at nahanap ko ang bahay niya. Aaminin kong nahirapan akong hanapin ito. Ang hirap hanapin ng amoy niya. Ang tagal ko ngang nakatayo sa harap ng bahay ninyo kanina. Nagmamasid kasi ako kung may tao o wala. Ay, mali. Bampira pala," natatawang saad ni Uncle Tommy.
Tumawa rin si Papa. "P'wede mo naman kasing tawagan si Ranya kung pupunta ka rito para sunduin ka na lang niya at para hindi ka na mahirapang amuyin ang amoy niya papunta rito," wika nito. "Maupo ka, Tommy."
"Salamat." Umupo muna si Uncle Tommy sa sofa. "Paano ako tatawag kung wala naman akong telepono? At saka hindi ko rin naman alam kung paano gamitin iyon."
KINABUKASAN, nagulat ako nang pagbangon ko sa kama ay nabungaran ko si Uncle Tommy na nakatayo sa tabi. "Ay, pusang gala!" sigaw ko.
"Good morning, pamangkin! Heto... maligo ka na at kumain. Pagkatapos ay ihahatid kita sa school mo ngayon," sabi ni Uncle Tommy at inabot sa akin ang tuwalya, mga sabon at damit ko. "And wait! Nakalimutan kong sabihin, naka-ready na rin ang pampaligo mo kaya hindi mo na kailangang magpainit ng tubig dahil nalagyan ko na iyon," wika pa nito at kinindatan ako.
Weird. Kailan pa siya sinipag magpainit ng tubig para sa pampaligo ko?
Naiiling na lang akong pumasok sa banyo at gumayak.
"RANYA, DITO ka na maupo." Alok ni Uncle Tommy sa akin pagkaapak ko sa kusina. "Heto kainin mo itong hotdog. Ako ang nagprito niyan!".nakangiting sabi nito at pinaghila pa ako ng upuan.
Napatingin naman ako kay Papa. "Anong mayro'n?" I mouthed. Nagkibit-balikat lang naman ito bilang sagot.
Habang kumakain ay napapasulyap ako kina Papa at Uncle Tommy na kapwa nasa harapan ko. Parang hindi kasi sila mapakali.
"Heto pa, Ranya. Kainin mo lahat iyan kasi luto ko iyan. At saka mamaya mag-shopping tayo."
"Teka nga, Uncle. Parang may kakaiba sa mga kinikilos mo. May gusto ka bang sabihin?" tanong ko rito.
"A-ako? W-wala, ah! Na-miss lang talaga kita, pamangkin," sabi nito at ngumiti na parang gusto magbanyo.
"Imposible. Malakas ang pakiramdam ko na may gusto kang sabihin," sabi ko. "Parang kanina, inihanda ninyo `yong pampaligo ko kahit alam ko naman na ayaw na ayaw ninyong nagpapainit ng tubig. At isa pa, nagluto kayo ng hotdog? `Di ba, takot kayo sa pagpriprito? Kaya alam kong may dahilan kayo o gustong sabihin sa akin kaya nagagawa ninyo iyong mga bagay na iyon," sabi ko rito.
Tumawa naman ito ng peke. "Napansin mo pala iyon?" tanong nito habang kinakamot ang sariling ulo.
"Oo."
"Ano kasi, a-ano..."
Inirapan ko naman si Uncle Tommy.
"Gusto niya kasing sumali ka sa banda na binubuo niya para sa bar."
Lumingon naman ako kay papa. "Ano?!" sigaw ko.
"Payag ka?" tanong nito. "Kulang na lang kasi ng vocalist at ikaw ang napili ko. Tutal ay magaling ka namang kumanta," sabi ni Uncle Tommy sa akin at ngumiti.
"Huwag mo akong nginingitian nang ganyan, Uncle. Akala mo siguro mapapa-oo mo ako dahil sa ginawa mong pagpapainit ng tubig na pampaligo ko? Nagkakamali ka," wika ko bago tumayo sa kinauupuan at naglakad palabas ng bahay.
"Saan ka pupunta? Hey! Ranya, pumayag ka na. Please..." sigaw ni Uncle Tommy ngunit hindi ko ito pinansin.