Gusto ni Bogs sumigaw pero alam niyang hindi pwede. Tinakpan niya na lang ang kanyang bibig ng isa niyang kamay habang ang isa ay nanginginig na nakahawak sa cellphone niya na nakatutok sa higaan. Hindi nakaya ng binata ang kanyang nakikita kaya agad niyang pinatay ang flashlight, tumalikod, humarap sa pinto at umiyak nang tahimik. Muli niyang binuksan ang cellphone at wala pa ring signal. Habang nilalabas ni Bogs ang kanyang takot sa pamamagitan ng pag-iyak ay hindi niya namamalayan na nagpakita na namang muli ang babaeng nakaputi nakatayo malapit sa kama. Pagkatapos ng ilang segundo ay gumalaw ang babae mula sa kanyang kinatatayuan. Papalapit siyang nakalutang sa binata, dahan-dahan. Samantala, alam naman ni Bogs na may papalapit sa kanya. Ramdam niya ang presensya ng babae, kinakapa niya ang hawakan ng pinto pero hindi niya ito mahanap-hanap. Ilang hakbang na lang at maabutan na siya ng nakaputing babae. Hinahabol na naman ni Bogs ang kanyang hininga. Mas lalong dumami ang pawis niya sa kanyang buong katawan lalo na sa kanyang mukha. Talagang pinipigilan niya ang kanyang sarili na sumigaw, hanggang sa nakapa niya ang hawakan ng pintuan. Pero tatlong hakbang na lang ay abot na siya ng babae. Agad na inikot ni Bogs ang hawakan at tuluyang nakalabas ng kwarto. Tumilapon siya sa dingding kaharap ng kwarto niya at agad niyang hinarap muli ang silid na nakabukas at wala na doon ang babae. Napakadilim.
Agad siyang bumaba, pero sa pagkakataong ito hindi na niya pinapansin ang malalaking hakbang niya. Agad siyang dumiretso sa may sala at pumuntang pinto. Sinubukan niya itong buksan pero laking gulat niya nang makita niyang nakakadena ito. Sinubukan niya ang bintana pero masyadong mahigpit ang pagkakasara at hindi niya ito mabuksan-buksan. Hanggang sa naalala niya ang pinto sa may kusina at ang lampara na makakatulong sa kanya magbigay ilaw sa daan. Agad siyang pumunta sa nasabing silid at nandun pa nga ang lampara. Naghanap siya ng posporo na pampailaw. Habang naghahanap siya ay narinig na lamang niya bigla ang malalaking yapak na nanggagaling sa ikalawang palapag. Mas lalo niyang binilisan ang paghahanap. Muli niyang narinig ang mga yapak, nalalaman ni Bogs kung saan banda na ang gumagawa ng ingay, hanggang sa napansin niya na papunta itong hagdan. Tinapos ng binata ang paghahanap, nanginginig na nang sobra ang kanyang mga kamay sa sobrang takot. Naghanap siya mula sa tukador sa baba hanggang sa itaas pero wala talaga. Ginala niya ang kanyang paningin sa buong paligid hanggang sa napansin niya ang isang bagay na nakalapag sa mesa sa may sala. Ang posporo. Agad siyang pumunta sa may sala at nilapitan ang mesa. Nang malapitan na niya nang tuluyan ang mesa at makuha ang bagay na kinakailangan niya... ay tumambad sa kanyang hubad na mga mata ang babaeng nakaputi. Nakalutang sa may hagdan!
Napatakbo bigla si Bogs pabalik ng kusina, binuksan niya ang lampara at sinindihan ito. Agad naman itong umilaw. Pumunta siyang pinto at binuksan ito. Tuluyang nakalabas ng bahay ang binata at umikot papuntang harap ng bakuran. Pagdating niya sa harap ay nandun pa ang kanyang kotse, agad niya itong nilapitan, binuksan ang pintuan at pumasok. Pinasok niya ang kanyang mga kamay sa bulsa at hinanap ang susi pero sa kasamaang palad naiwan niya ito sa bag niya. Galit na galit si Bogs at nilabas niya ito sa pamamagitan ng pagsigaw at pinagpapalo niya ang manibela. Pero alam ni Bogs na hindi niya kailangang manatili sa lugar na iyon at hindi niya dapat aksayahin ang mga natitirang oras bago mag umaga. Lumabas siyang muli sa sasakyan hawak-hawak ang lampara at tumakbo papuntang kalsada. Nang nakarating na siya sa kalsada ay nais niyang lumayo sa lugar pero hindi niya alam kung saan pupunta. Tiningnan niyang muli ang bahay, at gumulantang na naman sa kanya ang babaeng nakaputi na nakalutang hindi kalayuan sa kinatatayuan niya na siyang nagpatakbo sa kanya papalayo sa lugar na yaon.