A oneshot story na in-apply-an ko ng mga natutunan ko kina ate Mik-Mik Pamore at ate Emerald Blake sa mentoring niya sa Penmasters League. #VampireIsNotALipSuckerButABloodSucker #TatakPL #Horror #PhotoCreditToGoogle
Ang Susi sa Pagpaslang
Serenity's POV
"Serenity, nasaan na ba ang asawa mo? Halos limang buwan na siyang nawawala. Kung kailan ba nasa magulo tayong bayan, at kakamatay lang ni Eudora, ay doon niya kayo naisipang iwan ni Lino?" halos bulong lang na sabi ni Emma habang nililinis ang dagger na yari sa pilak, habang ako ay nakaupo sa tabi ng anak kong si Lino habang payapa itong natutulog.
Sa sitwasyon namin sa bayan ng San Nicholas ay ipinagpapasalamat kong hindi pa ganoon kamulat ang isipan ni Lino, kaya naman nagagawa niya pang matulog ng mahimbing habang ako ay halos hindi maihiwalay ang tingin sa kaniya sa takot na isang kurap ko lang ay mawala siya sa akin kagaya ni Eudora.
Pitong taon lang si Lino ngayon, at umaasa 'kong bago pa niya maintindihan ng lubos ang lahat ay makalaya na kami sa lugar na ito.
"Ate Emma, imposibleng mangbabae pa 'yon. Baka tumakas na," bigay hula naman ni Landon na siyang nagpupunas sa mga nalinis nang dagger.
Umiling si Emma, "Kung tatakas lang, bakit hindi niya sinama ang mag-ina niya?"
Nakita kong napailing si Rose na kagaya ko ay halos titigan din ang anak niyang si Marie habang natutulog ito.
"Anong takas takas ang sinasabi mo? Kung madali lang tumakas edi sana nakaalis na tayong lahat dito, kaso hindi. Kung talagang nagtangka nang tumakas 'yang si Miguel ay malamang patay na 'yon ngayon-"
"Hindi totoo 'yan," mariin ngunit mahina kong sabi, dahilan upang matigilan sila. Hinimas ko ang pendant na krus ng kwintas na suot ni Lino, na nanggaling pa sa asawa kong si Miguel. Bago siya umalis ay siniguro niyang may armas at kagamitan kaming pilak na siyang magtataboy sa nakaaligid sa aming halimaw, at isa ang kwintas na ito roon.
Sina Emma, Landon, at Rose ay mga kabitbahay namin na nakikituloy sa amin dahil sa yari lang sa kahoy ang maliit nilang bahay, hindi kagaya ng sa amin na gawa sa bato.
Kasalukuyan kaming nagkukulong sa bahay na dapat ay sinasamantala namin ang araw ngayong umaga, ngunit sa maulan na kalangitan ay hindi kami ligtas.
"Babalik si Miguel," bulong ko na may kasamang dasal sa krus.
Anim na buwan na ang nakalipas nang magsimulang may mangyaring kakaibang insidente sa bayan ng San Nicholas. Halos araw araw ay may namamatay sa hindi maipaliwanag na dahilan, dahil sugat lamang sa leeg na tila marka ng matatalim na ngipin at pangil ang naroroon, tanging bakas na lang ng dugo ang naroroon at ubos ang dugo ng taong biktima.
Naging hina-hinala sa bayan ng San Nicholas na may halimaw na nakaaligid dito, lumalabas lang sa kabilugan ng buan.. Pinaabot namin ito sa gobyerno ngunit wala kaming natanggap na tulong galing sa mga ito. Maski ang pagsagot o responde sa liham na pinadala namin ay wala. Inisip na namin na itinuring lang katatawan at kwentong barbero ng mga may katungkulan ang aming sinabi kaya't hindi pinansin.
Isang araw ay nambiktima ang halimaw sa loob mismo ng tahanan ng isa sa tagarito. Nagkataon na mayroong CCTV ang bahay na iyon, hindi kagaya ng mga CCTV sa kalsada na natataguan nito ay nakita roon ang footage. Doon namin nakitang mukhang tao lang ang nasabing halimaw, may maputlang kutis, payat na katawan, na kung titingnan ay maihahantulad sa wangis ng isang bangkay, ang tanging kaibahan ay buhay ito at may mahahaba at matatalim na pangil.
Doon ay napagkilanlan na isang lalaking bampira ang walang awang pumapatay sa mga tao sa bayan namin gabi-gabi.
Napapikit ako nang mariin nang muling bumalik sa alaala ko ang footage ng bampira, kung saan dalawang bata ang biktima nito. Si Sally at ang anak kong si Eudora. Nagpaalam sa akin noon ang siyam na taon kong panganay, gagawa ng project sa school kasama ang classmate na si Sally. Ako pa ang naghatid sa kaniya roon, para makasigurong ligtas siya, ang sabi ko pa ay 'wag lalabas at ako mismo ang susundo sa kaniya. Pero bangkay na lang ang dalawang bata nang sunduin ko sa bahay nina Sally. Doon ko lang nalaman na iniwan pala sila ng kasambahay para mamalengke.
Napatingin ako kay Rose nang hawakan niya ang ibabaw ng palad ko. "Alam mo kung nasaan si Miguel, tama ba 'ko?" Umiwas ako ng tingin at siya ay nagpatuloy sa sinasabi niya, "Dahil hindi ka magpapasawalang bahala kung hindi."
Umiling lang ako na tiningnan siya direkta sa mga mata. Sa oras na iyon ay binitiwan niya na 'ko senyales na hahayaan niya 'kong itago ito.
Tumingin ako sa bintana nang hindi umaalis sa pwesto ni Lino.
Ang sinapit ni Eudora ang kinatatakutan kong mangyari din kay Lino, kaya naman hindi ko ito basta maiwan. I was so sure that Eudora is in a safe hand, iniwan ko siya at umaasang pagbalik ko ay naroroon pa siya, ngunit bangkay niya na lang ang inabutan ko. Magkahalong paghihinagpis at pagsisisi ang naramdaman ko noon, hanggang ngayon. Alam kong may naggagalang halimaw sa bayan namin pero hinayaan kong maiwalay sa akin ang anak ko. Inisip kong ligtas sa araw kaya't hinayaan ko siya sa kamay ng ibang hindi ko naman gaanong kakilala.
Pakiramdam ko ay napaka walang kwenta kong ina, hindi ko manlang naprotektahan ang anak ko. Ang masakit pa ay nang mapanood ko sa CCTV kung gaano katakot si Eudora habang nakikitang inuubos ng bampira ang dugo ni Sally. Hindi ko siya naririnig pero alam kong binibigkas niya nang paulit-ulit ang ''Mama't Papa' habang hindi makagalaw na mukhang gawa ng hipnotismo ng bampira.
Nang mga oras na iyon ay kasama ko pa si Miguel. Pinipilit niya sa aking sabihin na wala akong kasalanan, pero hindi ko maitatak 'yon sa isipan ko.
Sa sinapit ng anak namin ay kinailangan niya kaming iwan ni Lino, upang gawan na ng solusyon ang lahat. Halos limang buwan na nang magpaalam siya sa akin at nangako na babalik. Pero nasaan ka na, Miguel?
****
Tirik ang araw kaya naman nagpasya kami ni Landon na maghanap ng makakain. Iniwan namin ang mga bata kina Rose at Emma. Mas bata sa akin ng limang taon si Landon, pero may tiwala naman akong mas kaya naming pagtulungan ang kung sino man haharang sa amin.
Dahil sa takot ng mga tao sa buong San Nicholas ay halos nawala na ang mga naghahanapbuhay rito, dahilan para maging pahirapan ang pagkuwa ng mga pagkain. Karamihan sa mga hayop ay bago pa maihain sa mesa ay nauunahan na ng bampira, kung kaya't nauubos ang mga karne sa bayan. Habang nauubos naman ang supply ng mga gulay sa lugar dahil wala nang nagtatanim sa takot na lumabas ng bahay. 'Yong mga natira naman na aanihin na lang sana ay unti-unting nang naubos dahil kapag umuulan ay wala nang nagtatangkang lumabas dahil araw lang ang itinuturing naming sandata sa labas kapag umaga.
Kaya naman halos magpatayan na ang mga tao rito 'wag lang maunahan sa mga pagkain. Isa na ako roon. Kung tingnan na nga ako ay may pagkamaskulado dahil sa lumalaki na ang katawan ko kakahasa sa aking sarili sa pakikipaglaban sa mga taong handang pumatay 'wag lang maunahan at mamatay sa gutom.
Dahan-dahan kaming pumasok sa isang abandonadong market. Magulo at halos ubos na ang laman ng bawat pasimanong dati ay puno ng pagkain. Halos ang natira lang dito ay mga pagkaing kailangan pang lutuin at mga pagkaing hindi naman talaga nakakabusog.
"Akala ko ba naman makakahinga na 'ko rito," bulong ni Landon sa naiinis na boses nang tanggalin niya ang pangtapal niya sa mukha.
Hindi ko siya masisisi. Sa kalsada ay puno ng nakakasulasok na amoy gawa ng mga patay na hayop na nakakalat lang sa kung saan. May mga usok din minsan sa madadaanan dahil ang ibang tao ay apoy ang dinadalang armas.
Malansa at amoy bulok din ang market na napasukan namin. Para 'kong masusuka sa pagkabaliktad ng sikmura ko sa amoy. Kung hindi ko lang kailangang makakuha ng pagkain para kay Lino ay aalis na 'ko rito.
Kahit mainit ay hindi ko inalis ang mask ko sa bibig at ang suot na makapal na jacket nang sa ganoon ay hindi ko malanghap at dumikit sa akin ang maliliit na insektong nagliliparan.
"Bilisan na natin nang makaalis na," sabi ko at sinimulang isilid sa bagback na dala ko ang kahit anong pagkain na mahahablot ko. Pati ang mga inumin ay isinilid ko, kahit pa ang mga alak na hindi pinansin ng mga ilang nauna na sa amin dito.
"Serenity," tawag ni Landon sa pangalan ko. Hindi ko sana siya lilingunin kung hindi ko nahimigan ang kaba sa boses niya.
Nakita kong nakatingin siya sa isang direksyon sa ibaba. Kaya naman nilapitan ko siya at tiningnan ang tinitingnan niya.
Bumilis ang tibok ng puso ko nang makita ang nakabulagtang babaeng. Sa dilat nitong mata ay alam na patay na ito habang nakatingala at nakanganga.
Tahimik akong napadasal para sa babae. Hindi ko ito kilala nang personal pero nakikita ko ito. Siguro kagaya namin ay naghahanap lang din siya ng makakain at nabiktima siya ng bampira.
Napatingin ako kay Landon nang yumuko siya at may kinuwang isang puting bagback na may marka pa ng dugo.
"Maaring bag ito ng babaeng 'yan, hindi niya na nauwi," sa nanginginig niyang boses.
Malalim ang hininga na kinuwa ko kay Landon ang bag saka inisa-isang kunin ang laman niyon at nilipat sa bag kong dala. Iba't-ibang inumin at pagkain ang naroon, at karamihan dito ay hindi na kailangan lutuin kagaya ng sardinas na de lata at mga tinapay o biscuit.
"Kukunin natin 'yan?"
"Oo, kung ayaw mong mamatay tayo sa gutom," buong loob kong sabi. Marahil ay naawa siya sa babae kaya nakokonsensya siyang kunin ang mga pagkain na dapat sana'y naiuwi na nito.
Narinig ko ang paglunok niya. "Kasi, hindi ba't malinaw naman ang mensahe natin na walang lalabas ng gabi? Ba't lumabas pa siya?"
Natigilan ako sa sinabi ni Landon at napatingin sa bag na puting hawak ko. Hindi pa naninigas ang tela nito gawa ng dugo. Sariwa pa ito.
Madali ko itong binitiwan at sinabit sa likod ko ang bagback saka mabilis na kinuha ang kutsilyong gawa sa pilak sa bodybag na dala ko.
"Umalis na tayo rito!" Malalaki ang hakbang na dumiretso ako sa may pinto. Malakas ang kutob ko na ngayon lang inatake ng bampira ang babaeng iyon, malaki ang posibilidad na…
Lalabas na sana 'ko sa halos salamin na pinto nang lingunin ko si Landon na hindi ko naramdamang nakasunod sa akin.
Malakas na napasinghab ako nang makita kong nakatayo at nakatitig lang si Landon sa isang lalaking kaharap nito.
Mataas ito at kung titingnan ay mukha na itong kalansay na may matatalim na pangil na sumisilip sa nakaawang nitong labi at nakasuot ng itim at manipis na roba. Hindi ako maaring magkamali, ito ang lalaking umatake kina Sally at Eudora. Umiwas ako ng tingin sa mga mata niya nang bahagya niya 'kong balingan.
'Di nagtagal ay lumapit ito kay Landon na nanginginig ang katawan habang titig na titig sa bampirang 'to.
Marahas akong umiling nang kagatin nito ang leeg ni Landon nang tumingala ito. Dapat nito ay tumakbo na 'ko, ngunit hindi ko kayang iwan si Landon.
Nanginginig man sa takot ay matapang ko pa ring hinagis sa bampira ang hawak kong kutsilyo. Halos daplis lang ito ngunit tila malakas na epekto sa kaniya dahil halos maihagis niya si Landon sa akin na halos mangisay habang nakahawak sa leeg nitong may sugat.
"Pilitin mong tumayo, Landon!" Tinulungan ko siyang tumayo at hinila patakbo, ngunit hindi naging madali dahil hinang-hina si Landon. Sa maalikabok na lapag ay natumba kami pareho sa hindi kalayuan sa market..
Nanghihina man sa pagkakilabot ay pinilit kong siyang itayo ngunit nangingisay ito at hindi makontrol ang sariling katawan.
Nilingon ko ang market sa takot na baka sinundan pa kami ng bampira. Ngunit nakita ko siyang nakatayo lang sa may salaming pinto kung saan walang sinag.
Napatingalan ako sa araw nang ma-realize ko kung bakit hindi niya kami masundan. Tirik na tirik ang araw at maari siyang masunog dito. Saka ko lang narandaman ang init ng inuupuan kong lapag. Nakita ko sa gilid ng mata ko ang mabilis na pagpasok ng bampira sa market.
Inalis ko ang nakatakip sa bibig ko at hinarap sa akin si Landon, ngunit nagulat ako nang makitang unti-unti siyang umuusok sa sinag ng araw.
"Pa-tayin --mo -na--ko-"
Umiling-iling ako. "Magagamot ka namin," nangingiyak kong sabi.
"La--lo lang--kayong-ma-hihi-rapan pag-nadag--dagan ang -- bampira-" nahihimigan na sa kaniya ang paghihirap at pagmamakaawa. Tama siya, kung patatagalin ko pa ang buhay niya at hahayaang kumalat ang lason ng bampira sa katawan niya ay magiging halimaw rin siya.
"I'm sorry." Sumubsob ako sa kaniya kasabay ng pagkuwa sa kutsilyong nasa loob ng jacket niya.
"I'm sorry Landon," bulong ko saka siya sinaksak sa dibdib.
****
"Walang kang kasalanan sa nangyari kay Eudora," tila masikip ang dibdib na bulong sa akin ni Miguel habang nakaupo kami sa tabi ng kama kung saan nakahiga ang bangkay ng anak namin.
Isa mang malamig na bangkay ay hindi ko pa rin ito inalintala at nanatiling halos yakapin ang anak. Masyado pang bata ang anak ko, marami pa siyang pwedeng marating. Bakit sa dinami-rami ng pwedeng maging biktima ng halimaw, bakit si Eudora pa? Sana ako na lang.
Naramdaman ko ang paghimas niya sa likod ko. "Taha na, kailangan tayo ni Lino. Pakawalan na natin siya."
Umiling-iling ako at nilingon siya. "Pakawalan? Sa nangyayari ngayon sa buong San Nicholas mabibigyan ko ba ng disenteng libing ang anak ko? Paano ko siya papakawalan?!" halos mapahulgol ako sa bigat ng nararamdaman ko. Halos buong araw na 'ko umiiyak pero wala akong maramdamang pagod. Sa tuwing pipigilan ko ang pag-iyak ko ay lalo lang akong nahihirapan.
Mariin niyang pinunasan ang luhang lumalandas sa pisngi niya at hinawakan ako sa balikat para tuluyang iharap sa kaniya.
"Natatandaan mo ba si Lolo Sebyo?"
Natigilan ako sa sinabi niya. Si Lolo Sebyo ay lolo ni Miguel. Noong isang araw lang ay dinalaw niya kami rito nang mabalitaan niya ang halimaw na umaaligid sa bayan ng San Nicholas. Sinabi niya sa amin na malakas ang kutob niya kung anong klaseng halimaw iyon. Kung sakali man ay alam niya ang makakapuksa roon.
Si Lolo Sebyo ay matagal nang umalis sa mapublikong lugar para gampanan ang trabaho ng yumao nitong ama. Hindi ko alam kung ano iyon, ang tanging alam ko lang ay may binabantayan ito sa loob ng isang kweba.
Ang sabi ni Lolo Sebyo ay maari niya kaming tulungan, ngunit may isang kailangan magsakripisyo ng kalayaan at pagkatao, maging pati ang pagiging mortal.
"'Nang makita ko 'yong nasa footage, magkahalong pagdadalamhati at takot ang naramdaman ko. Hindi takot para sa akin kundi takot para sa inyo ni Lino, na baka sa isang iglap ay mawala rin kayo sa akin," Hinawakan niya ang kamay ko, "Napakasakit ng nangyari kay Eudora, pero sa pagkakataong ito ay kailangan nating mas maging matibay at matapang, lalo na ikaw na pansamantalang kailangan kong iwan para kay Lino."
Mariin kong pinunasan ang luha ko at naguguluhang tinitigan siya. "Iiwan? Anong ibig mong sabihin?"
"Sasama 'ko kay Lolo Sebyo-"
"Hindi! Nawala na nga sa atin si Eudora iiwan mo pa kami?-"
Ikinulong niya ang mukha ko sa mga palad niya at pilit na pinatahan. "Ayokong iwan kayo, pero hindi ko kayang hintayin na pati si Lino ay magaya sa ate niya. Serenity, ngayon tayo kailangang-kailangan ni Lino. Tandaan mong ang gagawin ko ay para sa kinabukasan ni Lino na hindi natin hahayaang mawala."
Nanginginig, nanghihina ang tuhod na binuksan ko ang pinto at buong lakas na itinulak ang pinto pasara gamit ang buong katawan ko. Naramdaman at narinig ko ang pagkagulat nina Emma at paggalaw ng upuan, senyales ng pagtayo nila, at ang sumunod ay pagdalo nila sa akin. Padausdos akong napaluhod habang nakadikit ang noo ko sa pinto.
"Serenity, Diyos ko! Anong nangyari sa 'yo?" ani Emma habang hinahagod ang likod ko.
"Nasaan si Landon?" nanginginig ang boses na tanong ni Rose, marahil sa aktong ipinapakita ko at wala akong kasamang nakauwi.
Sandali kong pinakalma ang aking sarili saka mahina ang boses na kwinento ang nangyari nang makaupo na kami sa sofang gawa sa kahoy. Nakatingin lang ako kina Lino at Marie habang nagkekwento, iniingatan na marinig ng mga bata.
"Hindi ko gustong patayin na lang si Landon, pero wala na 'kong choice, kasi kung hindi ko iyon gagawin ay mas malalagay sa panganib ang buhay ng anak ko."
Hinarap ni Emma ang mukha ko sa kaniya. Kagaya ko ay basang basa na rin ng luha ang mukha niya. Naging mabuting kakampi at kaibigan sa amin si Landon, kaya naman mahirap para sa amin na tanggapin ang sinapit ni Landon.
"Ginawa mo lang ang tama, ginawa mo lang ang dapat mong gawin." Napayakap na lang ako kay Emma habang nasa likod ko naman ang kamay ni Rose.
****
Malalim na ang gabi nang magising ako sa kaluskos na nanggagaling sa ikaunang palapag. Nilibot ko ang silid na kinaroroonan namin ni Lino upang masiguro kung sino ang tao sa baba.
Sa king size bed namin ni Miguel ay tabi-tabi kami nina Emma, Rose, Marie at Lino. Lahat sila ay mahimbing ang pagkakatulog.
May nakapasok sa bahay namin.
Upang masiguro ang kaligtasan ng mga kasama lalo na ni Lino ay nagpasya 'kong silipin ito. Ngunit nangunot noo ko nang makitang patay ang ilaw sa ika-unang palapag, bagay na hindi namin iniiwang patay.
Kinuha ko ang cellphone ko sa bodybag na palagi kong suot hanggang sa pagtulog. Ginamit ko ang flashlight ng cellphone ko upang magsilbing ilaw ko hanggang sa makababa ako at binuksan ang ilaw, na kaagad kong pinagsisihan nang tumababad sa akin ang dilat nang bangkay ni Moris. Sa tabi nito ay nakatayo ang bampira.
Hirap man ay pilit kong iniiwas ang paningin kong mapatingin sa mata niya. Itinutok ko ang mata ko sa sahig sa may paanan nito kung saan may bakas pa ng patak ng dugo.
"Alam mo bang magmula nang maamoy kita kanina ay hinanap-hanap na kita?" Nanindig ang balahibo ko nang marinig ang malalim at malaki niyang boses na may kakaibang tono. "Ang sarap langhapin ng dugo mong matapang at hangal para subukan ako, samantalang nakalimutan mo ata…" Napapikit ako nang sa isang iglap ay nasa harap ko na siya at hinawakan ako sa may panga.
Napaigik ako nang maramdaman ko ang pagbaon ng matatalim at nangingitim niya nang kuko. Sa magkahalong takot at sakit ay hindi ko mapigilan ang panginginig ng katawan ko. Ngunit ikinuyom ko ang kamao ko upang kontrolin ang emosyon kong lumabas.
"Mortal ka lang at ako ang halimaw na uubos sa pamilya mo, may araw o wala."
Marahas akong napalunok sa sinabi niya, nang maalala kong mahimbing pang natutulog sina Emma nang iwan ko sila. Hindi kayang lumaban ng anak ko sa halimaw ring pumatay sa kapatid nito.
Ayaw ko man ngunit kusa nang kumawala sa mga mata ko ang luha nang gumuhit sa puso ko ang sakit sa imahe ni Eudora nang atakihin siya ng halimaw na kaharap ko ngayon. Mababaliw ako kung pati kay Lino ay mangyayari iyon.
"Kung ang nangyari kanina ang pakay mo rito, pakiusap ako na lang ang balikan mo, 'wag na ang pamilya ko-"
Halos mapasigaw ako nang itinulak niya 'ko na sa lakas niyon ay katumbas ng pagpalibag. Mabuti na lang ay tumama ako sa foam na nakasapin sa kahoy na sofa kaya naman masakit man ay alam kong hindi ako nabalian ng buto.
Tumawa siya na parang isang malaking kalokohan lang ang sinabi ko. Ang boses niya ay tila hangin lamang kung pakinggan pero napakalakas nito sa pandinig.
"Tapos ako ang itinuturing ninyong kalaban kung sa simula pa lang ay ang marurupok ninyo nang puso ang nagpapahamak sa inyo!" Umiling-iling ako ngunit bago pa 'ko makapagsalita ay inunahan niya na 'ko. "Huwag na 'wag mo sa 'king sasabihin na 'yan ang sandata ninyo! Dahil ako wala akong puso kaya nangingibabaw ako sa inyo! Lahat ng inalok ko na maging kasapi ko ay tinanggihan ako." Napasinghap ako nang bigla ay pumaibabaw siya sa akin. Ramdam at amoy ko ang pagtama ng malansa niyang hininga at amoy naaagnas na balat. Pilit ko pa ring pinipikit ang mata ko upang maiwasan ang kakayanan niyang mang-hipnotismo sa kagaya kong mortal.
"Ngayon ikaw naman ang papipiliin ko, maging kakampi ko o hapunan ko?"
Sa kabila ng pamamaos ng boses ay pinilit kong magsalita, "Walang taong pipiliing maging halimaw!" mariin kong bigkas.
Tumawa siya sa tono ng nagagalit, "Walang halimaw na pipiliing bumuhay pa ng mortal!"
Napasinghap ako nang siya na ang nagtingala sa akin. Akala ko ay kakagatin niya na 'ko, ngunit isang ingay ang nakapagpatigil sa kaniya. Kasabay ng kakaibang kahol ay ang paghiwalay ng katawan niya sa akin. Tuluyan lang akong napadilat nang may kung anong biglang pumasok sa salamin naming bintana na ikinabasag niyon. Kasabay rin niyon ay ang tuluyang paglayo sa akin ng bampira.
Nahugot ko ang hininga ko nang makita ang bultong nakatayo sa harap ko. Wangis aso ngunit imbes na padapa ang tayo ay nakatayo rin ito na parang tao ngunit ang taas at laki ay hindi kasukat ng tao. May makakapal na kulay abong balahibo at nakaakma ang kamay na may matatalim na kuko para manakmal.
Napapikit ako nang sugurin ng isa pang klase ng halimaw ang bampira, ngunit mabilis itong nakatakas at dumaan sa bintanang binasag ng halimaw.
"Mommy!"
Napatingala ako sa pinakadulong baitang ng hagdan nang tawagin ako ni Lino. Sa masakit at nanghihinang katawan ay pinilit kong tumayo upang malapitan ang anak kong umiiyak. Nang matunton siya ay mahigpit ko siyang niyakap.
"I'm sorry kung hindi ka namin natulungan kanina, natakot lang kami na kung makikialam kami ay mawawalan ng poprotekta sa mga bata," paliwanag ni Rose sa namumula nang mata buhat ng pag-iyak.
Umiiling ako. "Tama lang ang ginawa ninyo," sabi ko nang hindi binibitiwan ang pagyakap kay Lino.
"Pero 'yong halimaw kanina, taong lobo ba 'yon? Saan 'yon nanggaling?" tanong ni Emma.
Hindi ko siya pinansin at nagpapasalamat sa Diyos na hinalikan si Lino. "Bumalik na ang daddy mo," bulong ko na nangingiyak.
****
Kinaumagahan nang tirik na ang araw ay nagpasya 'kong lumabas na may dalang mahabang roba. Hindi na 'ko nagpasama kina Emma dahil mas kailangan ng bantay ng mga bata. Gusto ko lang hanapin ang asawa ko't masigurong ligtas siya.
Hindi siya nagpakilala sa akin ngunit alam kong ang taong lobong sumagip sa buhay ko kagabi ay si Miguel. Hindi niya 'ko kailangan tingnan o kausapin, nakikilala pa rin siya ng puso ko.
Sa direksyon ng bintanang nilabasan nila ay direksyon ng likod bahay namin kung san nagmimistulang gubat dahil sa mga damo at matataas na puno.
Habang naglalakad ay may napansin akong isang hindi karaniwan na ispasyo. Sa haba ng malalagong damo ay paanong nagkaroon ng parte ng lupain na walang damo? Sa pagba-bakasakaling may kinalaman ito sa paghaharap ng walang kilanlang bampira at ni Miguel ay tinungo ko iyon. Tanging itim na abo lang ang naroon at isang pangil.
"Serenity…"
Umikot ako upang harapin ang pinanggalingan ng boses. Hanggang balikat na ang itim at kulot nitong buhok, mahaba na rin ang balbas niya at bigote. Sa hubad niyang katawan ay makikita rin ang balbon niyang dibdib hanggang paa. Ibang-iba sa anyo niya nang huli kaming nagkita.
"Bumalik ka na, Miguel." Tinakbo ko ang paggitan namin at mahigpit siyang niyakap.
****
Malayo pa lang kami sa bahay ay tanaw ko na ang nagkukumpulang mga tao sa garahe namin. Marahil dahil sa bangkay ni Moris na dinala pa sa amin ng bampira, o dahil sa kaguluhan kagabi.
Saglit kong binalingan si Miguel at nagpatiuna na sa bahay.
"Heto na pala si Serenity," bati ng matandang lalaking kilala ako pero hindi ko gaano kakilala.
"Anong nangyayari dito?"
"Narinig namin ang gulo rito sa bahay mo kagabi, kaso nakakatakot nang makialam, idagdag pa na may bagong mas nakakatakot na anyo ng halimaw ang nagpakita. Wala pa naman dito si-" natigilan si Ivan sa pagsasalita nang mapatitig siya sa may likuran ko. Nang lingunin ko iyon ay nakita ko na roon si Miguel.
"Miguel! Sa wakas nakabalik ka na, ang tagal mong nawala. Alam mo bang may sumugod kagabing dalawang halimaw sa asawa mo."
Hindi nagsalita si Miguel at tumingin lang sa akin. Nang muli kong tingnan ang mga kasama ay nakita kong nakatingin sila sa matatalim na kuko ni Miguel na halos manilaw sa sobrang kapal. Nang mukhang napansin din iyon ni Miguel ay itinago niya ang kamay niya sa bulsa ng robang suot. Ngunit hindi naman iyon maitatago sa naka yapak niyang paa.
"Ikaw ang taong lobo kagabi? Isa pang halima-"
"Mga kasama! Hindi halimaw si Miguel. Kinailangan niya lang maging taong lobo para mapatay ang bampira, na ikinatagumpay niya kagabi rin mismo, nang iligtas niya 'ko."
Sa unang pagkakataon ay nakita ko uli ang pag-asa sa mga mata ng mga tao sa San Nicholas. Nagpapasalamat kay Miguel at sa Diyos. Ngunit may ilang taong napuno ng pagdududa ang anyo.
"Pero paano kami makakasiguro na hindi siya kagaya ng bampira? Karneng tao rin ang kinakain ng mga taong lobo!" sabi ni Raymond na sinang-ayunan ng ilan.
Halos malukot ang mukha ko, "Matapos niyang isakripisyo ang pagiging mortal niya, isakripisyo ang buong pagkatao't buhay niya? Hindi ba dapat nagpapasalamat kayo imbes na-"
"Serenity…"
Napatingin ako kay Miguel nang sa malaki at namamaos na boses ay tinawag niya nang manumanay ang pangalan ko. Mapupungay ang mga matang nakatingin siya sa isang direksyo. Nang sundan ko ito ng tingin ay nakita ko si Lino na nakatayo sa may pintuan habang nakatingin sa amin.
Hindi nagtagal ay tumakbo ito palapit sa amin sa maliliit na hakbang. Bahagyang naupo si Miguel at hinintay na makalapit si Lino.
"Daddy, umuwi na po kayo. Kasama ninyo na po ba si Ate Eudora?" magiliw na bati ni Lino nang hagkan ang ama na nakapantay sa kaniya.
Nakita ko ang pagkintab ng mga mata ni Miguel habang nakatingin kay Lino. Siguro nagpapasalamat siyang sa kabila ng halos pagpapalit niyang anyo sa wangis na tao ay nakilala pa rin siya ng anak namin.
Nakangiti man ngunit mababasahan ng pait ang emosyon sa mukha ni Miguel. "Hindi pa e, bumalik lang si Daddy kasi na-miss ko kayo ni Mommy, kaya habang hinahanap ko si Ate Eudora ikaw munang bahala kay Mommy, ah?"
Halos mahugot ko ang hininga ko sa sinabi ni Miguel. Panandalian kong nilibot ang paningin ko sa mga kasama kong tila nabunutan ng tinik, at 'yong iba ay hindi sang-ayon. Gusto kong magsalita o magprotesta, ngunit walang lumalabas na kahit ano sa bibig ko, tila tinatalo ng bigat na nakapatong sa buong balikat at dibdib ko na pakiramdam ko ay ano mang oras ay ikatataob ko.
"Aalis ka po ulit? Daddy pa'no po kung dumating ulit 'yong monster?" Nagsimulang umiyak si Lino na kaagad sinegundahan ng yakap ni Miguel.
"Wala nang monster, tinaboy na ni Daddy." Tumayo si Miguel nang buhat-buhat si Lino at magaang pinunasan ang luha ko na para bang iniiwasang dumikit sa akin ang kuko niya.
"Aalis ka nanaman?" Umiling ako nang marahas, "Sasama na lang kami ni Lino sa 'yo-" kaagad niyang pinutol ang sinasabi ko.
"Gusto kong mabuhay kayo ng normal ni Lino, hindi magulong mundo ang pangarap ko para sa anak natin."
Hinawakan ko siya sa pisngi. Yumuko siya para pagdikitin ang noo namin.
"Hindi ka halimaw para sa 'kin."
"Serenity, mahal, nang tanggapin ko ang natitirang alam na paraan ni Lolo Sebyo ay alam ko nang hindi ko na maaring ibalik ang dati kong buhay, na sa oras na magtagumpay ako ay kailangan ko na kayong iwan nang tuluyan." Hinalikan niya ang noo ko, "Sa tuwing naaalala ko ang nangyari kay Eudora, ikinatatakot kong mangyari din sa inyo iyon, kaya kahit ayoko ay tinanggap ko iyon. Dahil mas gugustuhin kong mabuhay nang wala kayo pero alam kong ligtas kayo, kaysa mamatay nang alam kong hindi na mararansan ng anak natin ang lumaki, tumanda, magkapangarap at magmahal. Sana maintindihan mo, ginagawa ko 'to para sa inyo."
"Ang tagal kong hinintay na magkaroon ulit ng katahimikan para magkasama na ulit tayo, na mabuo tayo kahit papaano. Dito ka na lang," pagmamakaawa ko na kaagad niyang inilingan.
"Gusto ko, gustong-gusto ko kayong makasama, manatili, pero hindi na pwede."
****
Sa tuwing nakatanaw ako sa bakuran namin, paulit-ulit na umiimahe sa utak ko ang papalayong si Miguel. Nang araw na nagpasya siyang umalis at lumayo ay hindi ko na ulit siya nakita. Hindi na siya bumalik.
Gusto kong magdamdam sa mga taong itinuring siyang halimaw matapos isakripisyo ang sarili para sa kaligtasan naming lahat, pero hindi ko sila masisi.
Lahat kami ay naranasan ang kalupitan ng walang pagkakakilanlan na bampira, kaya naman kahit sino ay matatakot na muling maulit ito.
Lumipas pa ang anim na buwan, kaniya-kaniyang pamamaraan ang bawat pamilya sa San Nicholas para sa bagong umipsa. Tulungan sa mga bagay na kinakailangan.
Inuna kong simulang ayusin ang libing ni Eudora na hindi namin noon naayos. Sumunod ay ang pagpapaayos ng bahay namin. Kung dati ay housewife lang ako, ngayon ako na ang nagtatrabaho at si Emma ang nagbabantay kina Marie at Lino kapag nasa trabaho kami ni Rose.
Sa lumipas na mga buwan ay nagpasya kaming magsama-sama na lang, tutal ay mag-isa na lang sa buhay si Emma nang mabiktima ng bampira ang mga kapatid niya, habang si Rose ay ang asawa niya naman ang nawala.
"Mommy, tinanong po kami isa-isa ni Teacher kung ano ang work ng mga Daddy namin," sabi ni Lino nang maupo siya sa kanlungan ko.
Ngayon ay sabado at dahil walang pasok sa school si Lino at dayoff ko, oras ko ngayon para sa anak ko.
"Anong sabi mo?" tanong ko kasabay ng halik sa tuktok ng ulo niya.
"Sabi ko po, hindi ko alam. Pero meron akong isang alam tungkol kay Daddy," humarap siya sa akin at ipinalibot ang braso sa batok ko. "He's a hero! And he loves us."
Napangiti ako at niyakap siya ng mahigpit.
Hanggang ngayon ay itinuturing pa ring kwentong barbbero lang ang nangyari sa San Nicholas. Tanging mga taga-San Nicholas lang ang nakakaalam nito, at nakakaalam ng sakripisyong ginawa ng itinuturing naming taga-pagligtas.
Noong una ay gusto kong lumayo na lang dito at mag-umpisa sa malayong lugar. Nang ma-realize ko, 'bakit? Kung narito ang alaala nina Eudora at Miguel? Kung itong bayan na ito ang pinag-alayan niya ng buhay.
Isa pa, hanggang ngayon ay umaasa 'ko na kung darating ang araw na kaya niya nang kontrolin ang pagiging taong lobo niya ay muli siyang babalik, at magkakasami kaming muli.
(Wakas)