Download App
86.66% Warcadia: The Lost Scales (Tagalog) / Chapter 13: Araw ng Digmaan

Chapter 13: Araw ng Digmaan

"Makinig kayong lahat!" sigaw ni Haring Isidro na nakatindig.

Tumahimik ang buong koloseyo.

"Ang kailangan lamang ninyong gawin ay tumayo at sumaludo kung sumasang-ayon kayo sa plano at naniniwala kayo sa kanilang tatlo. Kung pabor kayo sa mas madaling paraan, manatili kayong nakaupo at . . . isusuko natin ang Bathalumang Ophelia kay Reyna Aglatea."

Nagtinginan ang mga piratang sundalo.

Habang sila'y nagbubulungan, humigpit ang hawak nina Ybrahim at Lysandra sa kanilang mga kamay, nananalangin na magiging positibo ang resulta.

Ano kaya ang magiging pasya ng bawat isa?

Pagkaraan ng ilang segundo, puminta ang isang masayang ngiti sa mga labi nina Ophelia at Lysandra habang si Ybrahim naman ay natulala. Tila bumagal ang takbo ng oras nang tumindig at sumaludo ang halos lahat ng mga piratang sundalo.  

"Naniniwala kami!" sigaw ng isang lalaking pirata. "Naging mabait sa amin si Heneral Sandoval! Napatunayan niya ang kanyang kabaitan noong pinili niyang tulungan ang nagugutom na lalaking paslit sa Kaharian ng Durano! Siya'y naging usap-usapan ng mga mamamayan doon!"

Sumang-ayon naman ang isang babaeng pirata. "Mahal niya ang kanyang trabaho at tapat siya kina Haring Isidro at Reyna Hesperia!"

"Malaki rin ang tiwala sa kanya ni Bathalumang Ophelia at siya ang piniling tagapagligtas ng buong Warcadia!"

"Patunay iyon na walang masamang intensyon si Heneral Sandoval kung kaya't naniniwala na rin kami sa kanyang kabiyak!"

"Nais namin maiwasan ang pagdanak ng dugo!"

"Ibalik ang dating mababait na taong isda!"

"Para sa Warcadia!"

Napuno muli ng ingay ang buong koloseyo. Hindi makapaniwala si Ybrahim na magiging ganoong kadali ang plano. Dahil dito, masayang tumugon ang heneral, sinasabayan ang nakabibinging ingay.

🔱 🔱 🔱

Dumating na ang araw ng digmaan. Ito ay gaganapin sa kanya-kanyang kaparangan ng bawat kaharian pagsapit ng alas-otso ng umaga.

Maraming mga taong isda ang magtatangkang paslangin si Lysandra. Alam nila na kung siya'y mawawalan ng hininga, manghihina si Ybrahim at papanaw sa loob ng isang taon. Kapag nangyari iyon, mawawalan ng pag-asa ang lahat. Dahil dito, naiwan sa loob ng kastilyo ang kanyang kabiyak upang mapangalagaan din ang kanilang anak.

Inatasan si Koronel Alcazar na magbantay sa paligid kasama ang mga piratang sundalo na may elementong Veturno habang ang may elementong Marte naman ay inatasang protektahan ang mga mamamayan. Nilikas ang mga ito sa labas ng kaharian kung saan sila'y ligtas at malayo sa kapahamakan.

Sa kasalukuyan, naghahanda si Heneral Sandoval sa loob ng kanyang silid sa Akademiyang Militar ng Warcadia. Kasama niya roon si Ophelia na animo'y malalim ang iniisip habang tinatanaw ang mga piratang sundalo na nasa labas.

"Ayos ka lang ba, Ophelia?" tanong ni Ybrahim.

Hinarap ni Ophelia ang kaibigan at gumuhit ang isang malumanay na ngiti. "Kinakabahan lamang ako . . ."

May nais sanang sabihin si Ophelia, ngunit hindi niya mabuo ang kanyang pangungusap. Napansin iyon ni Ybrahim at batid niya kung ano ang maaaring lumalangoy sa isipan ng bathaluman.

"Huwag kang mag-alala." Pinatong ni Ybrahim ang kanyang kamay sa balikat ni Ophelia at siya'y ngumiti nang maamo. "Magtatagumpay tayo. Hindi ko hahayaan ang sarili ko na mapaslang ni Reyna Aglatea."

"Si-Siguraduhin mo lang . . ." Umiwas ng tingin si Ophelia at namula ang kanyang mga pisngi. Hindi niya ito matitigan nang diretso sa mga tsokolateng mata.

Napansin ni Ybrahim ang kakaibang kilos ng bathaluman at batid niya kung bakit. Binawi niya ang sariling kamay at napangiwi ng ngiti. Nawala sa isip ko na mahal pa rin niya ako . . . Huminga siya nang palabas at nagpasyang magtungo sa pagtitipon. "Mauuna na ako."

Aalis na sana si Ybrahim nang siya'y pinigilan ni Ophelia. "Sandali, Ybrahim!" Kaagad niyang kinuha ang kahon na naglalaman ng tatlong pinakamahalagang kaliskis sa ibabaw ng mesa at iniabot ito sa kanya.

Tiningnan ito ng pirata. "Ano ang gagawin ko sa mga kaliskis?"

"Gamitin mo iyan laban kay Reyna Aglatea."

"Bakit? Hindi ba't mas mainam kung nasa pangangalaga mo ang mga ito?" nag-aalalang tanong ni Ybrahim. "Papaano kung manakaw niya ang mga ito sa akin?"

"Nakasisiguro ako na gagamitin niya ang iba pang mga kaliskis laban sa'yo," tugon ni Ophelia. "Paalala ko lamang . . . Sa ngayon, hindi mo ito maipagsasabay na gamitin sapagkat mauubos ang iyong lakas, ngunit, sa tamang oras ay mapakikinabangan mo ang mga iyan. Malalaman mo rin kung ano ang aking tinutukoy."

Tumango lamang si Ybrahim at kinuha ang kahon. Nais sana niyang tanungin ang tungkol sa Kaliskis ng Mercurio, ngunit pinagpaliban muna niya ito. Nagpaalam siya muli at tuluyan nang umalis ng kanyang silid upang ihanda ang napiling hukbo para sa nalalapit na digmaan.

Si Ophelia ay naiwang naka-ismid. Siya ay nalulungkot dahil sa maraming kadahilanan na hindi mabilang. Mamayamaya pa'y, gumulong ang mga mapapait na luha sa gilid ng kanyang mukha. Kasabay niyon ay ang pagkirot ng kanyang puso.

"Malapit na ang itinakdang araw . . ."

🔱 🔱 🔱

Sa gawing silangan, matatagpuan ang sampung libong sirena't sireno kasama ang kanilang reyna. Nakasuot si Reyna Aglatea ng pandigma mula ulo hanggang paa na gawa sa perlas, ginto, at koral. Sa kanang kamay, may hawak ito na ginintuang sibat na may tatlong talim sa ulo. Sa bawat ulo nito ay nakaukit ang Kaliskis ng Neptuno na kulay asul, Kaliskis ng Pluto na kulay itim at ang Kaliskis ng Urano na kulay puti.

"Mabuti naman at tumupad ka sa usapan . . . Heneral Sandoval," sambit ni Reyna Aglatea na may nakapintang ngisi. "Buong akala ko ay hindi ka na magpapakita."

Ibinalik ni Ybrahim ang isang mapagmataas na ngisi. "Hindi ba't sinabi ko naman sa iyo na hindi kita uurungan? Tapusin na natin itong digmaan."

Sa gawing kanluran naman ay ang sampung libong hukbo ni Ybrahim. Sila'y nakasuot din ng pandigma ayon sa kulay ng kanilang ranggo sa militar. Gagamitin lamang nila ang kanilang kapangyarihan sa oras ng pangangailangan, ngunit ipinagbabawal silang pumaslang sapagkat ang tanging misyon ng mga piratang sundalo ay bunutin ang kakaibang kulay na hibla ng buhok.

"Upang maging patas ang ating labanan, hindi natin gagamitin ang mga kaliskis. Maliwanag?" wika ni Reyna Aglatea.

Lumawak ang ngisi ni Ybrahim. "Marunong ka palang lumaban nang patas."

"Kung ganoon . . ."

Nang umiba ang hitsura ni Reyna Aglatea, unti-unting nagdilim ang kalangitan, kasabay niyon ay ang pagbuo ng mga itim na ulap na may dalang kulog at kidlat.

Sa isang iglap, nawala sa paningin ng mga piratang sundalo at taong isda sina Heneral Ybrahim at Reyna Aglatea. Iyon pala, maliksi silang nagtagpo sa gitna ng larangan ng digmaan at nagsalubong ang kanilang sandatang kumalansing sa lakas ng puwersa.

"Simulan na natin ang madugong digmaan . . ." Masamang hagikgik ang lumabas sa mga labi ni Reyna Aglatea.

🔱 🔱 🔱

"Dapa!" sigaw ni Koronel Alcazar.

Kumaripas siya ng takbo patungo sa isang babaeng pirata at tinulak ito pababa ng lupa upang makaiwas sa elementong Neptuno na pinakawalan ng isang sirena. Tumama ang mga bolang tubig sa isang dingding at nabiyak iyon.

Pagkaraan ng ilang segundo, ginamitan ng elementong Veturno ni Koronel Alcazar ang sirena. Humaba ang mga baging na nagmula sa mga nakatanim na halaman sa paligid at bumalot ang mga ito sa mga paa't kamay ng kalaban, dahilan upang hindi na ito makagalaw.

"Pakawalan ninyo ako!" pagalit na bulyaw ng sirenang may asul ang buhok; hanggang balikat ito.

"Pasensya ka na," sabi ng babaeng pirata habang nakangiti. Mula sa likuran, hinawakan niya ito sa ulo bago lumapit si Koronel Alcazar.

Lumaki ang mga mata ng sirena. Natatakot ito sa maaari nilang gawin sa kanya. "A-Ano ang binabalak ninyo sa akin?"

"Huwag kang mag-alala!" Mas lumawak ang ngiti ng babaeng pirata. "Bubunutin lamang namin ang isang hibla ng iyong buhok."

"Bakit?" Kumunot ang noo ng sirena.

"Makikita mo," sagot ni Koronel Alcazar.

Hinawi niya ang buhok ng sirena at hinanap ang kakaibang hibla ng buhok. Mamayamaya pa'y, nahanap ng koronel ang kulay-rosas na hibla ng buhok at kaagad niya itong binunot bago pinakawalan ang sirena mula sa mga baging.

Napatingin nang matagal ang sirena sa dalawang babae, tila naging inosente sa kanilang harapan bago nagtatakang lumilinga-linga sa paligid. "Sino kayo? Ano ang ginagawa ko rito sa lupa ng mga tao? Bakit parang gumaan ang aking pakiramdam?"

Napansin ng dalawa ang malaking pagbabago sa pagkatao ng sirena. Hindi na ito nanlilisik sa galit; naging maamo na ang mukha. Dahil dito, laking tuwa nilang malaman na totoo ang mga winika ng kabiyak ni Ybrahim na si Lysandra. Kung magagawa ng lahat itong plano, mananalo sila sa digmaan na walang napapaslang.

🔱 🔱 🔱

Ililipat sana ng matataguan nina Haring Isidro at Reyna Hesperia sina Lysandra at ang kanyang anak na si Roan nang may mga nakapasok na taong isda sa silid ng trono, pati na rin ang isang sirenong heneral na may hawak na kaliskis. Nagtataglay ito ng kapangyarihang makalikha ng kuryente.

Napilitan ang hari at reyna na sumabak sa labanan kasama ang mga piratang sundalo na nakabantay sa kanila. Sila'y walang humpay sa paggamit ng kanilang mga elemento upang pabagalin ang pagsugod ng mga taong isda.

"Tumakas na kayo!" sigaw ni Reyna Hesperia sa mag-ina.

"Halika na, Roan!" Binuhat ni Lysandra ang anak at sila'y nagtungo sa isang lagusan na patungo sa kabilang tore.

Si Haring Isidro ay mabilis na lumikha ng isang barikadang tinik na pumalibot sa mga taong isda bago sila pinaulanan ng mga bolang apoy ni Reyna Hesperia upang sila'y mapaatras.

Buong akala nila ay magiging madali ang pagpigil sa mga taong isda. Bigla silang tinamaan ng maliit na kidlat na nagmula sa sirenong heneral, sanhi ng pag-ungol nila sa sakit. Sila'y bumagsak sa sahig at akmang tatayo nang biglang hindi nila maigalaw ang mga paa't kamay.

Humalakhak ang sirenong heneral. "Magpahinga muna kayo riyan!"

Pipigilan sana ito ng ibang mga piratang sundalo, ngunit sila'y tinamaan din ng kidlat at napahiga sa sakit. Tumakbo ito patungo sa isang lagusan na kung saan ay matatagpuan ang mag-inang tumatakas.

"Saan kayo pupunta!"

Lumikha ng maraming kidlat ang sirenong heneral habang sinusundan ang mag-inang umaakyat sa hagdan. Kung saan-saan dumapo ang mga ito: sa sahig, dingding at kisame.

Patuloy rin sa paglikha ng kalasag na gawa sa yelo si Lysandra, ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya upang mailayo si Roan sa kapahamakan. Nang sila'y nakarating sa susunod na palapag, siya'y huminto nang sandali at lumkiha ng makapal na dingding na gawa sa yelo.

"Ina . . . Natatakot ako . . ." Tumatangis si Roan sa balikat ng kanyang ina habang nakakapit nang mahigpit.

"Pansamantala lamang itong barikada. Hahanap tayo ng matataguan mo at huwag kang lalabas. Kailangan ko siyang kalabanin."

Tumakbo sa kabilang dako si Lysandra at naghanap ng silid na maaaring mataguan ni Roan. Nararamdaman niya ang panginginig ng katawan at takot ng anak habang tumatagal. Ang tanging iniisip lamang niya ay ang kanyang kaligtasan kung kaya't ang lahat ng pintuang madaraanan ay tinatakpan niya ng yelo upang malito ang sirenong heneral kung sakaling hanapin sila sa bawat silid.

Mabuti na lang ay nakahanap si Lysandra ng isang pintuan na kakaiba ang wangis. Hindi na niya napagmasdan ang hitsura nito dahil mabilis niyang binuksan ang pinto bago nilapag sa sahig ang anak.

"Dito ka lang–" Biglang namilipit sa sakit si Lysandra at siya'y napaluhod sa sahig.

"Ina!" Lumakas ang iyak ni Roan.

Batid ni Lysandra na may hindi magandang nangyari kay Ybrahim kung kaya't labis ang sakit ng kaniyang tiyan. Umiling-iling ito bago tumingin sa anak, naghihingalo. "Huwag kang lalabas. Magtago ka, anak."

Tumango lang si Roan. Binigyan niya ito ng isang halik sa noo bago mag-isang iniwan.

Mamayamaya pa'y, nakita ni Roan na nagyelo ang pintuan mula sa loob. Kahit na natatakot siya sa kanilang sitwasyon, nilakasan niya ang kanyang loob at naghanap ng matataguan sa tambakan ng mga sirang gamit. Maalikabok sa loob, ngunit hindi niya iyon pinansin.

Pipiliin na sana niyang magtago sa loob ng isang lumang orasan nang siya'y natapilok at nadapa sa sahig dahil sa isang bagay na natapakan, at ito'y napadaing sa sakit.

"Aray! Mag-ingat ka naman!"

Boses ng isang babaeng paslit ang narinig ni Roan. Dahan-dahan siyang lumingon sa kaliwa at siya'y napatitig sa hindi kilalang nilalang na may mga matang kulay asul at kakaibang hugis na balintataw.

"Sino ka?" sabay nilang tanong.


Load failed, please RETRY

Weekly Power Status

Rank -- Power Ranking
Stone -- Power stone

Batch unlock chapters

Table of Contents

Display Options

Background

Font

Size

Chapter comments

Write a review Reading Status: C13
Fail to post. Please try again
  • Writing Quality
  • Stability of Updates
  • Story Development
  • Character Design
  • World Background

The total score 0.0

Review posted successfully! Read more reviews
Vote with Power Stone
Rank NO.-- Power Ranking
Stone -- Power Stone
Report inappropriate content
error Tip

Report abuse

Paragraph comments

Login