MATAGAL na parang napako silang apat sa kinatatayuan. Ang pagkamangha ni Andres ay napalitan na ng ibang pakiramdam. Unti-unti nang nabubuhos ang buo niyang atensiyon sa naririnig na kanta. Pumapasok ang tunog sa tainga niya at nag-e-echo sa kanyang isip. Para siyang dinuduyan ng malungkot na melody.
Nawala sa isip ni Andres kung nasaan siya o kung sino ang kanyang mga kasama. Tumatagos sa kanyang puso ang kalungkutan at pangungulilang nararamdaman ng kumakanta. Parang may bumabara sa lalamunan niya at umiinit ang kanyang mga mata. Gusto niyang lapitan ang may-ari ng malamyos na boses. Gusto niya itong damayan. Gusto niyang siya ang lalaking magpapawala sa lungkot at pangungulila nito.
Dres… Andres…
Natigilan si Andres nang sumagi sa isip ang boses ng isang babae, sinasapawan ang nakakaakit na kanta. Ipinapaalala ng boses na iyon na hindi siya puwedeng sumama sa kumakanta kasi may iba nang nagmamay-ari sa kanyang puso.
"Andres!"
Nahigit ni Andres ang hininga at parang nagising mula sa pagkakatulog. Napakurap siya at luminaw ang kanyang isip. Naging aware siya na mahigpit na nakayakap sa kanyang katawan ang mga braso ni Ruth at nakadikit ang katawan nito sa likod niya. Na-realize din niya na isang hakbang na lang at mahuhulog na siya sa tubig. Nasa gilid na pala siya ng batuhan. At si Danny rin pala ay malapit na sanang tumalon sa dagat pero malakas lang na sinampal ni Selna kaya natauhan.
"Andres, gising ka na ba?" tanong ni Ruth. Nag-vibrate pa ang boses nito sa likod niya dahil nakasubsob doon ang mukha nito.
Tuluyan nang bumalik sa normal ang takbo ng isip ni Andres at na-tune out na ang malamyos na boses mula sa dagat. Hinawakan niya ang mga brasong nakayakap sa kanyang katawan at dahan-dahang humakbang paatras, palayo sa gilid ng batuhan. Nang masigurong malayo na sila sa tubig, dahan-dahan siyang humarap kay Ruth.
Kumirot ang kanyang puso nang makita ang pagkataranta sa mukha ng dalagita. Namamasa pa ang gilid ng mga mata nito. Huminga siya nang malalim, hinaplos ng mga hinlalaki ang mga luha nito at masuyong ngumiti. "Okay na ako. Salamat sa `yo."
Relieved na bumuga ng hangin si Ruth. Nagkatitigan sila. Tuluyan nang nawala ang atensiyon ni Andres sa malamyos na boses na galing sa karagatan. Biglang nag-echo ang malakas na sampal at ang pasigaw ng "aray!" ni Danny.
"Galit ka ba talaga sa `kin? Ang sakit n'on, ah," reklamo pa nito.
Napatingin tuloy sina Andres at Ruth sa mga kaibigan nilang magkaharap na nakasalampak ng upo sa malaking batong kinaroroonan din nila.
"Ang tagal mo kasing magising! Bakit ka nagpapaakit sa kumakantang `yon, ha? Magpapakamatay ka dahil lang brokenhearted ka?" sigaw ni Selna.
Nanlaki ang mga mata ni Danny at tarantang napasulyap kina Andres at Ruth. "Hindi `yon gano'n. Hindi ko nakontrol ang isip ko, okay?" reklamo nito nang muling tumingin kay Selna.
"Ewan ko sa `yo. Narinig na natin sa kabibe ang awit ng sirena kaya bakit naapektuhan ka pa rin ngayon?"
"Selna, iba itong kanta niya ngayon sa narinig natin. Iyong nasa kabibe, harmless at pure ang naramdaman kong emosyon. Pero itong narinig ko ngayon… nakakakilabot. Ang hirap i-explain pero parang may…"
"May evil intention," pagtatapos ni Andres sa sinasabi ni Danny.
"Tama! Gano'n nga. Parang sa sobrang lungkot niya ay gusto niya ng kasama. Hindi ganoon `yong narinig ko sa kabibe na ibinebenta ni Hannah."
Natahimik silang apat at nagkatinginan. Sa background, unti-unti na nilang narinig ang hampas ng mga alon, ang ihip ng hangin at huni ng mga kulisap mula sa gubat na wala kanina. Kabaligtaran niyon ang awit ng sirena na unti-unti nang humihina hanggang tuluyang maglaho.
Bumalik sa normal ang lahat. Na-realize ni Andres, oras na para sabihin niya sa mga kaibigan ang nalaman mula kay Girlie. Hinila niya si Ruth paupo sa tabi nina Danny at Selna. "May sasabihin ako sa inyo."
Sa mga sumunod na sandali, ibinahagi niya sa tatlo ang kuwento ng sirena ayon sa mga mangingisda. Nakanganga lang ang tatlo habang nakikinig. Nang matapos siyang magsalita, worried na napatitig silang apat sa dagat.
"Mabuti na lang pala at natutulog ang lahat maliban sa ating apat. Kung hindi, baka may nakuha nang buhay ang sirena na `yon," komento ni Selna.
"Pero bakit kaya nagbago ang sirena?" nagtatakang tanong ni Ruth. "Sabi rin ni Nanay, hindi naman daw likas na masama ang mga nilalang sa tubig. Talaga lang daw nakakaakit sila kaya may mga hindi nakakapagpigil na ibigay ang sarili sa kanila. Pero nakakapagtaka itong ganito na talagang sinasadya niyang manguha ng buhay…"
Ganoon din ang iniisip ni Andres. Lumaki siya na palaging naikukuwento ng kanyang lolo ang tungkol sa mga sirena at kahit ito ay sinasabi na mababait, mapagbigay, at matulungin ang mga iyon. Kaya nga raw noong unang panahon, may mga tagalaot na itinuturing na diyosa ng dagat ang mga sirena. Nagsasagawa pa nga raw ng parang fiesta at nag-aalay ng pagkain sa mga batuhan na pinaniniwalaang palaging puntahan ng mga sirena.
"Ano man ang dahilan, magpasalamat na lang tayo na bukas after lunch, babalik na tayo sa Tala High School. Wala nang makakarinig sa awit ng sirena. Walang magiging biktima," sabi ni Selna.
"Sana nga. Kasi kung may taong mapapahamak, hindi tayo puwedeng manahimik at bale-walain lang ang lahat. Tayo kasi ang may experience at knowledge pagdating sa mga kakaibang nilalang," sagot ni Ruth.
"Tama! Tayo ang Spiral Gang, remember? Kailangang mapanatili nating tahimik ang Tala. Ayokong may iba pang mawalan ng kapamilya. Ayokong may matulad kay Kuya Lando," sabi naman ni Danny.
Natahimik na naman silang apat. Alam ni Andres na lahat sila ay naalala na naman si Rosario. Huminga siya nang malalim at sumulyap sa suot na wristwatch. Alas-tres na pala ng madaling-araw. "Anyway, kailangan na nating bumalik sa mga tent natin at magpahinga. In two hours, gigising na ang mga teacher para sa trekking activity natin. Mahirap mag-explain kapag naabutan nila tayong apat dito."
Sumang-ayon ang tatlo. Nauna sila ni Danny na tumayo at inalalayang makatayo ang dalawang babae. Magkaagapay sila ni Ruth na naglalakad habang nasa likuran nila sina Danny at Selna.
Malapit na sila sa campsite nang mahinang sikuhin si Andres ng dalagita. Nagtatakang napayuko siya rito. Nakangiti si Ruth at pasimpleng sumesenyas na tumingin siya sa likod.
Pasimple siyang sumunod. Malayo-layo sa kanila sina Danny at Selna pero napansin agad ni Andres na magkahawak-kamay pa rin ang dalawa. Narinig pa niyang bumulong si Selna ng, "Wala nang mga bato rito. Hindi mo na `ko kailangang alalayan. Puwede mo nang bitawan ang kamay ko."
Pero imbes na sumunod, inipit pa ni Danny sa braso ang kamay ni Selna na hindi nito binitawan.
Napangiti rin si Andres at binawi na ang tingin. Inihilig niya ang ulo palapit kay Ruth at bumulong, "Hindi naman pala natin kailangang mag-worry. Magkakasundo rin sila, malapit na."
Ngumiti si Ruth at tumingala. Kaya nang sumagot ito ng "oo nga" ay naramdaman niya ang hininga nito sa kanyang pisngi.
Kumabog ang kanyang dibdib at muntik nang pisilin ang pisngi ni Ruth. Mabuti na lang at napigilan niya ang sarili. At sa halip, gumanti na lang siya ng matamis na ngiti.