Napatayo ako at nanlalaki ang mga mata, hindi ako makapaniwalang si Ely ang nakikita ko na nanggaling doon. Napasabunot ako sa aking buhok habang nagpalakad-lakad. Nang tumayo ako sa may pinto kung nasaan si Ely.
"Oopps, saan ka pupunta? Don't tell me gigisingin mo si Ely at susumbatan?" pigil sa akin ni Aiden nang akma kong bubuksan ang pinto.
Nag-aapoy ang aking mga mata na napatitig sa kanya. Pakiramdam ko ay umuusok ang aking ilong. Tama sila, nasasaktan akong si Ely ang babae ni papa, pero mas nananaig ang galit sa sistema ko.
"Bitiwan mo ako," anas kong galit at napabaling ang nag-aapoy kong titig sa kamay ni Aiden. Hindi ko makontrol ang sarili ko, baka sila pa ang mapagbuntunan ko ng galit ko kapag hindi ko nailabas iyon.
Bullshit! Bumilis ang pagtahip ng aking dibdib dahil sa galit. Naitukod ko ang aking noo sa may pinto. At paulit-ulit kong iniuntog ang ulo ko sa pinto.
"Watch till the end, Ali. Bago mo pa man masaktan ang asawa mo!" ika ni Heron na kababanaagan ng hindi ko maipaliwanag na tono ang boses. Nakaupo pa rin ito habang pakiramdam ko ay nagdidilim ang aura niya. Muli inakay ako ni Aiden para maupo.
"Watch!" muling saad ni Heron at ipinagduldulan sa aking dibdib ang kanyang selpon. Tumayo ito at naglakad paalis.
"Saan ka pupunta?" sigaw na tanong ni Aiden sa kanya nang tuloy-tuloy siyang maglakad. Tumigil lamang nang medyo nakalayo na siya at lumingon sa amin.
Malayo man siya ay nahalata ko pa rin ang pagtiim bagang niya at ang blankong ekspresiyon sa mukha.
"I watched it already. May aasikasuhin pa ako kaya kayo na lang ang bahala," sigaw na pabalik niya na hindi na pinansin ang pagtawag ni Aiden.
Nagkatinginan kami ni Aiden. Tinanguhan niya ako kaya minabuti kong panoorin muli ang kasunod ng video.
Tama nga si Heron. Lihim akong nagpasalamat sa kanya dahil napigilan niya ako sa paninisi ko kay Ely. Kung hindi niya ginawa iyon ay maaring nagkasala ako sa isang inosenteng babae. Sa asawa ko.
Pagkatapos kasi niyang umalis ay bumukas muli ang pinto at iluwa doon ang isang lalaking may katandaan na rin. Nagtatakang napalingon ako kay Aiden.
"Hindi si Papa ito?" usal ko na hindi makapaniwala. Kanina lang ay si papa ang pumasok doon. Paanong nangyari na ibang tao ang lalabas?
"Just wait for it," ani Aiden. Alam kong napanood na niya ang video na iyon.
Ilang saglit nga ay may lumabas sa isang kuwarto. Katabi iyon ng kuwartong pinasukan ni Papa. Nagmamadali si Papa na umalis at parang may kinakatalo. Nang may humabol sa kanyang babae mula sa kuwartong iyon.
Napaawang ang aking bibig at nanlaki ang aking mga mata. Isang babae ang lumuhod at parang nagmamakaawa kay papa.
Nagtagis bagang ako sa eksenang napapanood. Walang hiya talaga ang ama ko. Pero hindi ko rin naman kinakaawaan ang babaeng nagmamakaawa sa kanya. Para sa akin, nararapat lamang iyon sa babae. Kaya siguro nawala itong parang bula dahil inayawan na rin ng aking ama.
Hunghang ang aking pakiramdam na nakasandal sa dingding ng hospital habang nakatulala sa kawalan. Kanina pa natapos ang video. Natapos iyon sa pag-alis ni papa at ang pagpalahaw ng iyak ng babae niya.
"Okay ka lang?" Basag ni Aiden sa katahimikan, nasa tabi ko pa rin siya. Kinuha niya ang selpon sa kamay ko at inilagay iyon sa kanyang bulsa.
"Paanong nangyari iyon? Kita naman natin na pumasok si Papa sa kuwartong iyon?" bulong na tanong ko. Mas kinakausap ang sarili. Napakaraming tanong ang nabuo sa isip ko. "Sino ang matandang lalaking iyon? Bakit naroon si Ely?"
Matalim kong tinitigan si Aiden nang humalakhak siya. Lahat na lang kasi ginagawang katatawanan.
"Isa lang naman ang ibig sabihin noon, the room is connected. Your father planned for it. Maybe, he knew the old guy too," palatak ni Aiden.
Pinagsalikop ko ang aking mga kamay at matamang nag-isip.
"Then, how about Ely? Bakit siya naroon?"
"That's our question too, before." Tumayo na si Aiden at tinungo ang pinto ng kuwarto kung nasaan si Ely. Sinilip niya ang aking asawa. Bumuntong hininga ito at muling bumaling sa akin. "As soon as we watched the video, Heron investigated your wife. That's when we learned something about her family."
Lumalim ang mga linya ko sa noo mula sa pagkakakunot noo. What about my wife's past?
"That woman—" bumuntong hininga si Aiden. "Is your wife sister."
Bumagsak ang panga ko. Hindi makapaniwala ang tingin na ipinukol ko kay Aiden. Tumango siya na para bang naiintindihan niya ang tingin kong iyon. Bumuka ang aking bibig pero walang boses na lumabas.
"Kung nais mong malaman kung alam ba ni Ely? I don't think so. Nakita mo naman kung paano niya kalampagin ang pinto. Napag-alaman naming sinundan niya riyan ang kapatid niya." Mahabang paliwanag ni Aiden. Pilit kong inaalisa lahat ng kanyang sinabi.
Halos mawalan ng dugo ang aking kamao sa pagkakakuyom. Bumigat ang pakiramdam ko dahil sa reyalisasyon na pareho pala kaming biktima ni Ely ng kataksilan.
May isang babae na naman ang nasaktan ng dahil sa ama ko. Hindi ko mapigilang magpuyos ng galit habang naiisip ang mga napagdaanan ni Ely nang dahil sa kanila.
Tumayo ako at hinarap si Aiden.
"Mas gugustuhin kong walang malaman si Ely. Hindi ko gugustuhing magulo siya dahil sa kaugnayan ng kanyang kapatid at aking ama." Pinal na desisyon ko. "About her sister, where is she? Ibinahay ba ito ng aking ama?
Bumuga siya ng hangin pagkatapos ay umiling.
"Walang balita. How about Ely? Wala ba siyang nababanggit tungkol sa kapatid niya?"
Ako naman ang napabuga ng hangin pagkatapos umiling. Hindi ko pa nga talaga kilala si Ely. Marami pang sikreto ang nakabalot sa kanyang pagkatao. Marami pang bagay ang kailangan kong malaman. Mas naging kuryoso ako sa kanyang pagkatao. Mas naging malaki ang puwang na nasasakop niya sa aking puso habang unti-unti ko siyang nakikilala.
Napasabunot ako sa aking buhok. Ang katotohanang bumulaga sa akin ay isang bomba. Kita mo naman ang tadhana. Pinagtagpo ba kami ni Ely para hilumin ang sugat namin na dulot ng ama ko at kapatid niya? Pinagtagpo ba kami para punan ang kakulangan sa aming pagkatao?
"Wala siyang nababanggit tungkol sa kapatid niya," saad ko, medyo masakit na ang ulo ko. "Ang akin lang, sana walang malaman si Ely sa lahat ng ito. I don't want to drag her with my revenge!"
"Sa tingin mo ba hindi siya madadamay? Asawa mo na siya ngayon at kapatid niya ang sangkot dito kaya damay siya sa ayaw at gusto mo. Tho, puwede mong sundin ang payo ni Heron, get her out of your messy life!" Seryosong turan ni Aiden. Hindi ako nakahuma sa kanyang sinabi. Napipi ako.
Lumapit siya sa akin at ipinatong ang dalawang kamay sa balikat ko. "Aalis na ako. Balitaan ka na lang namin ni Heron kapag may nasagap pa kami. Heron is the one taking this seriously kaya nakakasiguro akong madali na lang natin matutunton ang kabit ng tatay mo."
Nang nakaalis si Aiden ay muli akong pumasok sa kuwarto kung nasaan si Ely. Nakatayo lamang ako sa paanan ng kama nito habang pinagmamasdan siya. Natawa ako sa sarili dahil kahit nalaman kong kapatid niya ang sumira sa buhay naming mag-ina ay nais ko pa rin siyang tulungan. Gusto ko pa rin siyang panatilihin sa tabi ko.
Nakatulong siguro ang kaalamang wala siyang kinalaman sa pinaggagawa ng kapatid niya. At habang nakikilala ko siya, mas lalong nananaig ang kagustuhan kong maprotektahan siya. Alam kong labis-labis ang napagdaanan niyang kalbaryo. Her sister, her parents, at hindi ko rin alam kung anong nangyari sa ipinagbubuntis niya noon. If I guest it correctly, mas kailangan niya ako ngayon.
"Ipinapangako ko, hindi ka kailanman masasaktan habang kasama mo ako."