Alyjah
Nakaupo ako ngayon sa gilid ng kama kung saan nagpapahinga si Ely. Marahan kong hinaplos ang kanyang mukha kung saan bakas pa rin ang natuyong luha. Kahit lungkot ay mababanaag sa maganda niyang mukha.
Napabuntong hininga ako at mapait na nangiti. Napapatanong ako sa sarili kung tama bang ipinasok ko siya sa magulong buhay ko. Mas lalong naging komplikado ang lahat.
Galit na galit ako kanina dahil sa hindi si Kuya Juancho ang naghatid kay Elyssa kundi ang aking ama. Hindi ko alam kung anong balak ng magaling kong ama para siya pa talaga ang magprisintang ihatid ang aking asawa.
Lalo pa akong nagpuyos sa galit nang matanggap ko ang tawag mula sa pulisiya na naatake raw ang ama ni Ely at naghihingalo na. Like, isang bagsakan ang problemang dumadating sa buhay niya. Hindi ko mapigilang mahabag sa kalagayang meron siya. Tapos, dinagdagan pa ng magaling kong ama. Baka kung ano-ano na lamang na banta at salita ang pinagsasabi niya para iwanan ako ni Ely.
Walang sabi-sabing tinakbo ko ang sasakyan kahit pa umuulan. Alam kong may gagawing hindi maganda ang aking ama sa asawa ko, lalo na kung malaman nito kung saan nagtatrabaho si Ely.
Tama nga ako nang makasalubong ko si papa pauwi at halata sa mukha ang galit. Mas lalo ko pang binilisan ang pagpapatakbo ng sasakyan at palinga-lingang hinahanap ang aking asawa. Umuulan pa naman at sa pagkakakilala ko kay Ely, siguradong hindi niya pinagbigyan si papa sa anumang sinabi nito. Kaya niyang makipagmatigasan, lalo na kung alam niyang tama naman ang ipinaglalaban niya.
Nadurog ang puso ko nang mahagip siya ng mga mata ko sa estadong halos durog na durog. Hindi nga talaga siya kasing tatag sa pagkakaalam ko. Pinipilit niya lamang tumayo at muling bumangon at magpatuloy...
Tinitigan ko ang malalaki kong kamay. Pinaglandas ko ang aking mga mata hanggang sa aking balikat. Ito! Ito ang kailangan niya sa ngayon. Ang kamay na hihilain siya patayo at ang balikat na masasandalan niya at puwede niyang iyakan.
"Ipinapangako ko, Ely. Poprotektahan ko kayo at aalagaan. Hindi man ako ang pinangarap mong lalaki sa buhay mo, hanggang asawa kita sa papel, tatayo ako bilang isang mabuting asawa. Taong masasandigan mo at makakapitan."
Patuloy ang paghaplos ko sa kanyang pisngi nang bigla na lamang bumukas ang pinto. Napatayo ako at napataas ang kikay nang bumungad si Heron na hangos na hangos. Napatda siya nang makita ako.
"Heron?"
"A-Ali..."
Naikiling ko ang aking ulo at mataman siyang pinagmasdan. Napakamot ito sa nakapusod na buhok. Inalis.ang pagkakapusod at inilugay ang buhok. Hindi rin siya mapakali at hindi makatingin sa akin ng diretso.
"Bakit ka narito?" Hindi ko mapigilang lingunin si Ely nang ang mga mata ni Heron ay natuon doon. Marahan siyang lumapit habang nakatitig pa rin sa asawa ko. Lalong nagsalubong ang kilay ko sa ikinikilos ng kaibigan ko. Kung paano niya pakatitigan si Ely. Gago at manyak si Heron kahit sa sinong babae. Sana lang ay nagkakamali ako sa nakikita kong lambot sa kanyang pagkakatitig kay Ely.
Lalo siyang lumapit at pinakatitigan ito. Hindi ko na napigilang hawakan siya ng mahigpit sa balikat.
"Heron..."
Humarap siya sa akin. Madilim ang mukha niya na lalo kong ipinagtaka. Marahas siyang napabuga ng hangin.
"Annul her, bro,"saad niya na lalong nagpagulo sa isip ko.
Tumawa ako, baka nagbibiro lamang siya. Pero ni hindi siya sumabay sa aking pagtawa. Seryoso niya akong tinitigan at binabasa niya ang kinikilos ko. Sumeryoso na rin ako.
"Masasaktan ka lang, Ali, so better annul her before it's too late," giit pa niya na muling lumingon sa tulog pa ring si Ely.
Mapakla akong napatawa ng bahagya, pagkatapos ay mariing kong naitikom ang bibig. Gumalaw ang panga ko sa pinipigilang galit. Anong sakit pa ba ang kailangan kong maranasan? Wala na yata.
"Hindi kita maintintihan, Heron!" nangingitngit kong bulong. Nilukuban na ako ng kaba. Ewan ko kung bakit bigla akong nakaramdam ng hindi maganda.
"Lets go outside and talk..."
"Heron!"
Napalingon kaming pareho ni Heron dahil sa malakas na pagtawag ni Aiden. Humahangos din na para bang hinabol ng ilang kabayo. Nagpalipat-lipat ang tingin sa aming dalawa ni Heron.
Ako man ay nagpalipat-lipat ang tingin sa kanila. Hindi ko maintindihan ang nangyayari.
"I think, this is not the right time to tell, Ali," ika ni Aiden nang makalapit sa amin. Nakatingin kay Heron na para bang kinukumbinsi ito.
"Kailangan niyang malaman!" giit naman ni Heron at tinapik ako sa balikat.
"Next time, isipin muna natin ang sitwasyon ni Elyssa," agap ni Aiden at pinigilan sa braso si Heron nang tangka nitong hilain ako sa labas.
Lalong dumami ang guhit ko sa noo. Bakit nadamay si Ely? Ano ang meron na kailangan ko siyang hiwalayan? Bakit masasaktan ako? Nawiwirduhan ako sa kanilang dalawa. Napakaseryoso nila at wala sa katauhan nila ang ganito. Iyon na nga lamang kapag napag-usapan na ang pamilya.
Nanuyo ang aking lalamunan. Putcha! Mababaliw ako sa dalawang ito. Hinila ko si Heron palayo sa higaan ni Ely. Lumabas kami kasunod si Aiden. Wala na itong nagawa pa.
Nang nasa corridor na kami ay agad ko silang hinarap. Napahawak ako sa aking batok habang pinagpalipat-lipat na muli sa kanila ang aking mata.
"What's happening?" untag ko sa kanilang dalawa. Nagkatinginan muna sila bago bumuntong hininga at magsalita si Aiden.
"Remember when you asked us to find your father's mistress?" pauna ni Aiden na lalong nagpakuryoso sa akin. Mataman akong naghintay ng kasunod na sasabihin niya. "We found her!"
Napalunok ako. Naging mabilis ang pagdaloy ng dugo sa katawan ko. Pakiramdam ko ay sasabog ako, hindi sa galit kundi sa excitement. Sa wakas, makikilala ko na ang kabit ng ama ko. Makakapaghiganti na ako.
"That's a good news! Who is she?" Wala nang paligoy-ligoy kong tanong.
Muling nagkatinginan ang dalawa. Naglakad si Heron palapit sa akin at saka ako inakbayan. "Mas maganda siguro kung makita mo ang video ng hotel."
"Video? What kind of video?" Nagtataka kong tanong pero inakay nila ako paupo sa mga nakahilerang upuan sa labas. Inilabas ni Heron ang kanyang selpon
Tumabi sa akin si Aiden at tumutok din sa video na ngayon ay naka-play.
Nanunuyo ang aking lalamunan habang nag-uumpisang panoorin ang naturang video.
Napahigpit ang hawak ko roon nang makita ko si Papa na papasok sa isang kuwarto. Nagpalinga-ling pa ito na para bang natatakot na makita siya ng kung sino. Nag-play pa ang video ng ilang minuto, mga labing lima siguro bago muling may taong parating.
Nanginig ang aking kamay. Pakiramdam ko ay sasabog na ako sa galit. Isang babae ang malakas na kumakatok sa pinto na pinasukan ng ama ko. Hindi ko iyon mamukhaan dahil nakasumbrero ito at nakaside view sa camera. Malakas ang mga katok nito na para bang nagmamadali para makapasok. Nang bumukas ang pinto, mabilis itong pumasok doon.
"Kilala na ba ninyo kung sino?" Galit kong tanong pagkatapos kong i-pause ang video.
"Relax and continue watching!" saad ni Heron at siya na ang pumindot para ulit ma-play ang video.
Nagtaka ako nang wala pang limang minuto ay lumabas ang babae. Parang galit na galit itong nagsisigaw pagkatapos mapagsarhan ng pinto.
Sobrang galit nito na pinagdiskitahan ang sumbrero at inalis iyon. Sakto na nakaharap siya sa may camera. Napahigpit ang hawak ko sa selpon ni Heron nang mamukhaan ko kung sino iyon.
Bakit siya naroon? Bakit niya kasama ang ama ko. Bakit kinatagpo niya ang aking ama? Bakit naroon si Elyssa?
At bakit?
May umbok siya sa tiyan?