Hindi ako makapagsulat ng bago.
Sinubukan kong ilapat ang tinta sa aking kwaderno
ngunit, pinunit ko ito.
Heto ako ngayon, nagsisimula muli sa blanko.
Pinapaikot-ikot ang mga salita sa isipang gulong-gulo.
Paikot-ikot at baka makita ang hinahanap na anggulo.
Aking direksyong tinatahak saan nga ba patungo?
Paano!? Paano ko sisimulan ang aking berso?
Saan!? Saan ko hahanapin ang salita sa lawak ng ating uniberso?
Ano!? Ano nga ba ang magiging takbo ng kwento?
Bakit? Bakit hindi ko magawang maipahiwatig ang aking pinupunto?
Hangang ipikit ko na lamang ang aking mata sa pagsuko...
biglang unti-unting gagalaw ang mga palad ko,
at unti-unting linaw ay mabubuo.