WALANG gana si Vann Allen habang nasa klase siya isang umaga. Pinaglalaruan niya ang mga syringe sa harap niya. Bago siya umalis ng bahay kanina ay narinig niya ang pag-uusap ng nanay niya at ni Mr. Garina. Si Mr. Garina ay kilalang mayaman sa lugar nila. Nagpapautang ito ng five-six.
Nangutang pala ang mga magulang niya rito para makapag-enroll siya nang nagdaang taon. Mataas magpatong ng interes si Mr. Garina. Ngunit sa tindi ng pangangailangan nila ay kumagat ang mga magulang niya. Mas malaki ang tubo niyon kaysa sa talagang halaga ng inutang nila.
Naniningil na si Mr. Garina. Mukhang nagalit pa nga ang matandang lalaki nang sabihin ng kanyang ina na wala pa silang pambayad. Ang sabi ng nanay niya ay gagawa ito ng paraan. Ngunit alam niyang wala itong paraan na magagawa kundi ang umutang uli. Manganganak lang nang manganganak ang mga utang nila.
Nanghihina na siya. Awang-awa na siya sa mga magulang niya. Habang tumatagal siya sa kurso niya, lalong lumalaki ang gastos. Napakaraming gamit na dapat bilhin. Kagaya na lang ngayon, si Peighton pa ang bumili ng mga kailangan niya para sa practicum nila. Ayon dito, naparami ang bili nito ng syringe. Ngunit alam niyang sinadya nitong bumili ng marami para sa kanila ni Janis. Nahihiya na siya masyado rito.
Kakausapin na niya ang mga magulang niya mamaya pag-uwi niya. Titigil muna siya ng pag-aaral. Magtatrabaho muna siya pansamantala. Kapag medyo maluwag-luwag na sila ay saka siya babalik sa pag-aaral.
"Maghanap ka na ng partner mo, Vann," sabi ni Janis sa kanya.
"Partner sa?" walang ganang tanong niya.
"Partner na sasaksakin. Nag-review ka ba rito? Kabado ako. Paano kung may ma-hit akong ugat? Pag-aspirate ko, may dugo? `Tapos, masakit daw ang intradermal. Magiging gentle naman siguro si Peigh sa `kin. O, lagyan mo na ng sterile water `yang syringe mo. Start na raw ng practicum, `sabi ni Sir Jokits."
Natapik niya ang kanyang noo. Nagkukumahog na binuksan niya ang kanyang libro. Ang practicum nila ay tungkol sa injection. Tuturukan nila ang mga partners nila. Marunong naman na siya pero nakalimutan niyang magtatanong din ang propesor nila habang ginagawa nila ang procedure. Hindi na siya nakapagbasa nang nagdaang gabi at kaninang umaga.
Nairaos naman niya ang practicum kahit paano. May ilang tanong siyang hindi nasagot ngunit sa tingin niya ay pasado naman siya.
"Sorry," sabi ng partner niya habang pinapahiran nito ng bulak ang dugo sa braso niya.
Pinilit niyang ngumiti at huwag ngumiwi. Parang naging pin cushion ang braso niya. Hindi kasi nito makuha-kuha ang intradermal injection o ang injection method na ginagamit sa skin testing. Karaniwan nang mahapdi iyon.
"May problema ka ba, Mr. Balboa?" tanong sa kanya ni Sir Jokits. "Napansin kong bumababa ang grades mo."
Doon na siya napangiwi. Paano kasi siya makakapag-aral nang husto kung walang kasiguruhan ang pagtatapos niya? Paano siya makakapag-aral kung ang nasa isip niya ay ang paghihirap ng mga magulang niya?
Nilagyan niya ng plaster ang mga sugat niya. "Wala po, Sir. Tipikal na problema lang po ng isang estudyanteng galing sa mahirap na pamilya," sagot niya.
"I've also noticed that you've somehow lost your sense of humor these past few days. Mamayang vacant mo, puntahan mo ako sa faculty room. Next."
"Opo." Tumayo siya at nilapitan sina Janis at Peighton sa likuran ng classroom. Tapos na rin ang mga ito.
"Parang may sinabi sa `yo si Sir," sabi ni Peighton nang umupo siya sa tabi nito.
"Puntahan ko raw siya mamayang vacant ko."
"Bakit?" nagtatakang tanong ni Janis.
"Bumababa raw ang mga grades ko, eh."
"Napansin din namin `yan," ani Peighton. "Bakit ba? May problema?"
Napabuga siya ng hangin. "Dati pa rin."
"Sinabi mo kay Sir na pera ang problema mo?" tanong ni Janis.
"Parang. Hindi direkta. Baka sakaling maawa at taasan nang kaunti ang grades ko."
"Bakit mo sinabi? Hindi mo ba alam na ano si Sir?"
Napatingin siya kay Janis. "Siyempre alam kong bading si Sir. Hindi naman iyon sekreto."
"Hindi mo ba naisip na baka kaya ka niya pinapapunta sa kanya ay dahil may hidden agenda siya? Baka gusto niya ng... ano... ng..."
"One-night stand." Si Peighton ang nagtuloy ng sinasabi ni Janis sa halos pabulong na tinig.
Nanlaki ang mga mata ng dalawa. Natawa siya. Kahit bakla si Sir Jokits ay disenteng tao ito. Karespe-respeto ito. Hindi siya naniniwala na kaya siya nito pinapapunta sa faculty room ay dahil may indecent proposal ito sa kanya.
"Ang dudumi ng mga utak ninyo," sabi niya sa dalawang kaibigan niya.
"Naku, sinasabi ko sa `yo, Vann, itatakwil kita kung kakagat ka. Kahit hirap na hirap ka na, huwag mong gagawin `yon. Huwag mong dudumihan ang pagkatao mo," paalala ni Janis.
"Huwag ka nang pumunta. Pahihiramin na lang kita. May ipon pa naman ako. Kahit matagalan bago mo bayaran," sabi ni Peighton.
"Kayong dalawa, masyado kayong mga praning. Hindi magagawa ni Sir ang iniisip n'yo. He's decent."
Nang sumapit ang vacant period niya sa hapon ay nagtungo siya sa faculty room. Si Sir Jokits lamang ang naroon. May klase ang ibang instructors.
Napalunok siya. Kung saan-saan napupunta ang mayamang imahinasyon niya. Sina Janis at Peigh kasi!
Kung anu-anong scenario kasi ang ipininta ng mga ito sa isip niya. Kesyo ganoon na ganoon daw ang nangyayari sa mga tipikal na kuwento. Magigipit ang guwapong estudyante at sasamantalahin iyon ng baklang guro.
"Sit down, Mr. Balboa," ani Sir Jokits sa pormal na tinig.
Sumunod siya. Napalunok siya nang sunud-sunod nang titigan siya nito nang husto. Nanigas siya nang haplusin ng hintuturo nito ang pisngi niya. Tama yata sina Janis at Peighton!
"You're so handsome, Mr. Balboa. Boyishly handsome. Mukha kang sariwa," pormal na wika nito habang patuloy na tinititigan ang mukha niya.
Kabadung-kabado na siya. Hindi niya gusto ang nangyayari. Ayaw niya niyon. Hindi bale nang maghirap siya, huwag lang mawala sa kanya ang puri niya! To think na naisip pa niya dati na handa siyang mag-call boy kung gipitan na. Hindi pala niya kaya.
"S-Sir..."
"May iaalok ako sa `yo."
"Ayoko po."
"Pero kikita ka nang malaki rito. Makakatulong ito sa problema mo sa pera."
"Ibibitin ako nang patiwarik ng tatay ko," pakli niya.
Kinuha nito ang wallet nito at binuksan iyon. Kahit magkano pa ang ialok nito sa kanya ay hindi siya papayag. Walang katumbas na halaga ang puri niya.
"Here."
"Huh?" Napatingin siya sa puting maliit na papel na inaabot nito sa kanya. Mukhang calling card iyon. "A-ano po `yan?"
"Calling card ng kaibigan kong direktor. He is looking for fresh looking boys. May gagawin siyang commercial ng lollipop. He needs five boys. Tawagan mo siya at alamin mo kung kailan ang audition. Sa tingin ko, makakapasa ka sa audition."
Nanghina siya sa sobrang relief. Ang akala talaga niya ay nasa panganib na ang puri niya.
"Commercial po?"
Tumango ito. "Mas mainam daw kung magaling kumanta at sumayaw. Parang boy band ang magiging concept ng commercial."
"Salamat po, Sir," aniya sa sinserong tinig. Pinag-isipan pa nila ito nang masama, may concern lang pala ito sa mga estudyanteng katulad niya. "Pero baka hindi po ako makasali."
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay nito. "Bakit? Guwapo ka, hindi masamang gamitin mo iyon para kumita ng pera."
"May stage fright po ako."
Natigilan ito sandali. "Bakit hindi mo labanan? Lima ang kailangan nilang lalaki. Baka may kilala kang puwede mong isama. Baka mabawasan ang takot mo kung may makakasama ka habang nag-o-audition. Pag-isipan mong mabuti."
PINAG-ISIPAN nga ni Vann Allen nang mabuti ang sinabi ng kanyang propesor. Matagal niyang pinagmasdan ang mukha niya sa salamin. Marami ang humahanga sa mukhang iyon. Guwapo nga ba siyang talaga? Makakatulong ba ang pisikal na anyo niya upang makatulong siya sa pamilya niya? Mapapagaan ba ng mukhang iyon ang suliranin ng pamilya nila?
Tinawagan niya ang numero na nasa calling card. Itinanong niya ang mga requirements upang makapag-audition. Isang araw bago ang audition day, inamin niya sa kanyang sarili na hindi niya kayang mag-perform sa harap ng mga tao. Susuko na sana siya nang bigla niyang maalala si Maken, ang kapitbahay nila na regular na nagpapalaba sa nanay niya. Mabait ito at kasundung-kasundo niya. Mahilig ito sa musika kagaya niya. May hitsura din ito.
Naisip niyang baka sakali ay mabawasan ang kaba niya kung kasama niya ito.
Inabangan niya ito sa harap ng boardinghouse nito kinahapunan.
HINDI mapigilan ni Iarah ang mapahagulhol habang nakasalampak sa tiled floor ng banyo. Punung-puno ng sabon ang buong katawan niya. Kanina pa siya kuskos nang kuskos sa katawan niya.
Pakiramdam niya ay hindi na siya malinis. Punung-puno siya ng pagsisisi. Nais niyang sumigaw nang sumigaw. Inis na inis siya sa kanyang sarili dahil hinayaan niyang magpatangay siya sa tukso.
She felt so awful. The act was awful.
Hindi na siya buo. Hindi na siya birhen. Kahit ano ang gawin niya ay hindi na iyon maibabalik sa kanya. Masakit pa rin ang maselang bahagi ng katawan niya.
Bakit ganoon ang pakiramdam niya? Ginusto naman niya iyon. Hindi siya pinilit ni Daniel. Bakit parang galit siya sa kanyang sarili? Bakit siya nagsisisi?
Hindi ba dapat kapag mahal mo, ibibigay mo ang lahat?
Ibinigay niya ang lahat-lahat kay Daniel ngunit hindi siya masaya.
Manananghalian na sana siya kanina nang makita niyang inaabangan siya ni Daniel sa labas ng unibersidad. Niyaya siya nitong magtanghalian sila nang sabay. Nagpahinuhod kaagad siya. Isang linggo rin yata itong hindi nagpakita sa kanya. Tila nagtampo ito nang pilit na ibinalik niya rito ang tatlong libong ibinigay nito sa kanya. Nag-away kasi sila ng Ate Janis niya dahil doon. Gigil na gigil ang ate niya sa kanya. Muntik na nga siya nitong sabunutan. Napagtanto niyang may punto ang ate niya kaya ibinalik niya ang pera kay Daniel.
Ang akala niya ay sa restaurant lang sila kakain, ngunit dinala siya nito sa condominium unit nito sa Vito Cruz. Sinabi niyang kailangan niyang makabalik sa unibersidad nang ala-una dahil may klase pa siya. Tinawanan lang siya nito.
Maraming pagkain ang binili nito para sa kanila. Pagkatapos nilang kumain ay nilambing-lambing siya nito at nakiusap na huwag na siyang pumasok. Paminsan-minsan lang naman daw siyang um-absent. Paminsan-minsan lang din daw sila kung magsama nang matagal. Dahil na-miss din niya ito ay nagpahinuhod siya. Wala naman siyang gaanong gagawin sa klase.
Nag-umpisa ang lahat sa isang mainit na halik. Hindi na rin nagpaawat ang malilikot na mga kamay nito. Natangay siya. Natauhan lamang siya nang sumayad na sa kama ang likod niya.
"No, Daniel. No," aniya habang itinutulak ito palayo sa kanya.
Hindi nito hinayaang makawala siya. Lalo pa siya nitong dinaganan. Pinaulanan nito ng mga halik ang buong mukha niya. "I love you. You love me, right?"
"Hindi tama `to." Pilit na iniiwas niya ang kanyang mukha sa mga labi nito habang patuloy itong itinutulak.
"Come on, Iya. Don't deny me this. Ang tagal na natin. Prove to me that you really love me. Let me love you." Dumako ang mga labi nito sa leeg niya.
Napapikit siya nang mariin. "No."
"I'll take care of you. Hindi kita pababayaan. I love you so much, Iarah. I love you... I love you... I love..." Siniil nito ng mainit na halik ang mga labi niya.
Nagpatangay siya. Mahal niya si Daniel. Mahal na mahal. Hindi maling ialay niya rito ang buong pagkatao niya. Hindi raw siya nito pababayaan, at naniniwala siya rito.
Nang pasukin nito ang kaibuturan niya ay napatili siya sa sakit. Naiyak siya. Para siyang binibiyak sa sobrang sakit.
"Dan, tama na. Masakit. Please, tama na," pakiusap niya.
Hindi siya nito pinakinggan. Nagpatuloy ito. Iyak lang siya nang iyak hanggang sa matapos.
May lungkot na gustong umalipin sa kanya habang nagbibihis siya. It didn't feel right. Ang laki ng naging kasalanan niya sa mga magulang niya. Sinira niya ang tiwala ng mga ito. Ang tanga-tanga niya. Nasa huli talaga ang pagsisisi.
Iniwan niyang natutulog si Daniel. Nag-commute siya pauwi. Parang ayaw muna niyang makausap ang nobyo niya.
Lumakas ang iyak niya. Paano niya pakikiharapan ang mga magulang niya? Kakalbuhin siya ng ate niya kapag nalaman nito ang nangyari. Baka nga hindi lang siya kalbuhin nito dahil siguradong abot hanggang langit ang nagiging galit nito.
Ang dami-dami niyang alalahanin. Paano kung magbunga ang ginawa nila ni Daniel? Totoo kayang hindi siya nito pababayaan? Hindi pa siya handang maging isang ina. Ngayong nakuha na siya nito, may magbabago ba sa kanilang magnobyo?
Bakit napakarami niyang kinatatakutan? Bakit ang dami-dami niyang agam-agam? Ginusto rin niya ang nangyari. Kahit magsisi pa siya, tapos na ang lahat.
Mabilis na nagbanlaw siya nang maalala niyang pauwi na ang kanyang kapatid. Ayaw niyang datnan siya nito sa ganoong estado. Tiyak na magdududa ito.
Nagtapi siya ng tuwalya at lumabas ng banyo.
Napasinghap siya nang malakas nang biglang bumukas ang pinto ng apartment at walang abog na pumasok si Vann Allen. Nakangiti ito katulad ng dati. Nawala lamang ang ngiti nito nang mapansing nakatapi lamang siya ng tuwalya.
"Hindi ka ba talaga marunong kumatok?" galit na sabi niya rito. "Ugali mo nang basta na lang pumasok dito. Alam mo namang pulos kami mga babae rito. Wala akong kasama rito!"
"Hindi naka-lock ang pinto," tugon nito. "Kung maliligo ka at mag-isa ka lang, i-lock mo ang main door."
Halos wala siya sa kanyang sarili kanina kaya hindi niya naalalang ikandado ang main door. Dumiretso na siya kaagad sa banyo pagdating niya.
"Kahit na! Dapat kumakatok ka pa rin!" Naiilang na siya sa presensiya nito. Hindi siya disenteng tingnan. Pakiramdam pa niya ay may malaki siyang kasalanan dito dahil hindi siya makatingin nang tuwid dito.
"I'm sorry. Excited lang ako. May good news ako, eh. Wala pa ba ang ate mo? Hindi kasi ako pumasok ngayong araw—" Bigla itong natigilan. Nilapitan siya nito at pinagmasdang maigi ang mukha niya. "Namumula at namamaga ang mga mata mo. Umiyak ka ba nang matagal?" Hinaplos pa nito ang pisngi niya.
Iniiwas niya ang kanyang mukha. "Huwag ka ngang pakialamero, Vann. Wala pa sina Ate. Kung gusto mo silang hintayin, sa labas ka maghintay. Magbibihis muna ako."
Tatalikuran na sana niya ito ngunit hinawakan nito ang magkabilang balikat niya. Akmang may sasabihin ito nang bigla itong matigilan. Napako ang tingin nito sa itaas ng dibdib niya. Sisitahin sana niya ito nang mabasa niya ang matinding galit sa mga mata nito.
Napayuko siya. May mga pulang marka sa itaas ng dibdib niya. Halatang-halata iyon dahil maputi siya.
Hindi niya alam kung paano kikilos. Hindi niya alam ang kanyang sasabihin. Nais niyang ikaila kung ano ang mga pulang markang iyon sa balat niya, ngunit alam niyang hindi ito tanga. He was a Nursing student.
"Kiss marks," anito sa napakalamig na tinig. Unti-unting humihigpit ang pagkakahawak nito sa mga balikat niya. "You already did it with him?"
"W-wala kang p-pakialam sa `kin, Vann." Pilit na kumawala siya mula sa pagkakahawak nito ngunit lalo lamang bumaon ang mga daliri nito sa balat niya.
"Tama. Wala akong pakialam pero gusto kong makialam!"
Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang nagliliyab na galit sa mga mata nito. Nasasaktan na ang mga balikat niya ngunit hindi siya makapiyok. Natatakot na rin siya rito. Noon lamang niya ito nakitang nagalit. He looked deadly. Parang anumang oras ay sasaktan siya nito. Napalunok siya nang sunud-sunod. "B-bitiwan mo `ko, Vann. Nasasaktan na `ko," sabi niya sa kabila ng takot.
"Iyan ang kapalit ng tatlong libo, Iya? Tatlong libo lang pala ang katapat mo. Bakit hindi mo kaagad sinabi, ha? Nagpakababa ka para sa tatlong libo!" singhal nito sa kanya.
Napaiyak siya. Halu-halo na ang nadarama niya. Natatakot siya sa galit nito. Muling nanariwa ang pangit na pakiramdam niya. Naiinis siya dahil hinahayaan niya itong magalit sa kanya, samantalang wala naman ito ni katiting na karapatan. Sobra siyang naiinis dahil nakikita siya nitong umiiyak habang nananakit pa ang buong katawan niya. She looked awful. She felt awful.
Biglang lumambot ang mukha nito nang makita ang mga luha niya. Gumaan na rin ang pagkakahawak nito sa balikat niya. "Magbihis ka na," anito sa malamig na tinig.
Walang salitang pumasok siya sa silid niya at nagkandado. Ang gulu-gulo ng isip niya. Hindi maampat ang mga luha niya. Halos wala sa sariling nagbihis siya. Humiga siya sa kama at nagtalukbong ng kumot. Nanalangin siya na sana ay maging maayos ang lahat sa buhay niya. Sana ay walang mangyaring masama.