"WOW! ANG GUWAPO NAMAN!" ANG UNANG nasabi ni Thea pagbukas niya ng pinto.
"Tanggap ko na iyan," sagot ni Jack, umasta na akala mo contestant ng Mr. Pogi.
"Buti nagbago ang isip mo," sabi ni Thea, "akala ko di ka talaga a-attend ng Prom."
"Si Nanay kasi, hindi ko maatim na i-disappoint. Ang mahal ng pagkakabili niya dito e," turo sa suot niyang black long-sleeved shirt, with matching kurbata pa. "Four gives!"
Napatawa si Thea. Magandang maganda rin siya sa suot na pulang gown, hapit na hapit kaya kita ang hubog ng katawan ng dalaga.
"Sino na ba ang nauto mong ka-date mo?" tanong ni Jack.
"Sino pa, eh di si Rey."
"Ah, OK." Napangiti na lang si Jack. "Sigurado ka ba na hindi ka lolokohin nun?"
"Hello?" sabi ni Thea sabay angkla sa braso ni Jack. "Date lang ito sa Prom, hindi kasal. Wala pa sa isip ko ang mga bagay na iyan no. Tara na. Baka ma-late pa tayo. Dun na raw kami magkita sa school entrance."
Nasa byahe papuntang school, naisip ni Jack na uuwi rin siguro siya kaagad. Mapagbigyan lang ang Nanay Rosing niya, para lang ma-feel nito na hindi nasayang ang binili nitong damit. Siguro sayaw lang siya nang konti, lamon, este, tikim ng konti sa buffet. Tapos uwi na. Naiisip niya si Camille—kumusta na kaya yun? Tinext niya ay hindi naman sumagot—gumaganti siguro sa hindi niya pagsagot kaninang umaga. Malamang hindi rin yun pupunta—nabalitaan na ni Jack kung ano'ng nangyari kanina sa basketball game. Ang matinding meltdown ni Camille. Talo tuloy ang team ni Brett—hindi na kasi ito nakapaglaro nang matino matapos ibroadcast ni Camille ang mga kalokohan nito.
Nakangiting sinalubong sila ni Rey sa may entrance. "Just on time. Salamat, dude, at iningatan mo si Thea."
Tumango si Jack. "Syempre naman."
Naririnig na nila ang dance music mula sa loob ng school. Napangiti si Thea habang binabasa ang phone. "Saglit lang, Rey ha," sabi niya sa ka-date. "May ipapakuha lang ako kay Jack."
Kunot-noo ni Jack. "Hanggang dito ba naman may utos pa?"
"Importante to," sabi ni Thea, hatak-hatak sa kamay si Jack.
Napatango na lang si Rey. "Sure, I'll wait for you here."
Sa botanical garden siya dinala ni Thea. "Kuha mo naman ako ng isang pechay dun."
Hindi maipinta ang pagtataka at inis sa mukha ni Jack. "Anong gagawin mo sa pechay?"
"Basta," sabi lang ni Thea.
Naiinis man, minabuti na lang ni Jack na sundin si Thea para lang matapos na ang kung ano man ito. Pero pagpasok niya sa loob ng garden, kalbo na ang lupa ng group ni Thea—wala na ang mga tanim nila. "Naku," napalakas ang boses ni Jack. "Ninakaw yata ang mga tanim nyo!"
"Ang ninakaw lang dito ay ang puso ko," sabi ng isang pamilyar na boses.
Paglingon ni Jack, tila natuklaw siya ng ahas sa nakita.
Sa may gate ng garden, nakatayo si Camille, suot ang isang Hello Kitty-inspired na gown, nakangiti. Wala na si Thea. Mukhang nai-setup siya.
"Pwede bang ikaw na lang ang escort ko sa Prom? Hindi pwede si Brett eh." Ngisi si Camille. "Busy kasi siyang nakikipag-party sa mga girls niya."
"Camille—"
"At huwag na huwag kang tatanggi. Hindi ako nakikiusap—utos yun."
Namilog ang mga mata ni Jack. "Wow. Bossy. I like that. Sana nagdala ka na rin ng latigo para kumpleto."
"OK lang ba sa iyo na second option lang kita?"
Natawa tuloy si Jack. "Ano ka ba naman, Camille." Pasimpleng hawak sa kamay ng dalaga, na hindi naman pinigilan ni Camille. "Alam ko namang ako talaga ang first option mo noon pa. Kaya mo lang naman pilit pinipili si Brett ay dahil sa katangahan mo. Soooobrang tanga. Kaya congrats at nagising ka na."
Napaismid ang dalaga. "Akala mo siya hindi tanga."
"OK sige, pareho na lang tayo. Deal?"
"Deal."
"So ibig bang sabihin nito, pwede ko nang baguhin ang status ko sa Facebook, pwede ko ng gawing 'in a relationship'?"
Tumango si Camille. "Ako kanina ko pa binago."
"Wow," sabi ni Jack, "talagang ganun ka ka-sigurado na sasagutin kita?"
Alanganing matawa-mainis ang dalaga.
"Joke lang," bawi ni Jack, nakangisi. "Tara sayaw na tayo. Mahaba pa ang gabi."
Nakatitig lang si Camille sa mukha ni Jack. "Sayaw lang? Wala ka ng ibang gagawin?"
Napatawa si Jack. "Mamaya pag sweet na ang tugtog, pag madilim na, pa-kiss na rin—awww!"
Kurot sa tagiliran ang iginanti ni Camille—pero this time, hindi madiin yun. Tamang lambing lang.
"Mag-i-imply ng 'something more', tapos pag pinatulan, sabay mangungurot. Kayong mga babae talaga. Sala sa lamig, sala sa init."
"Wag ka na magreklamo," sabi ni Camille, hatak-hatak si Jack patungo sa gym, kung saan nagsisimula na ang sayawan. Pagdating nila sa gitna ng dance floor, tyempo namang naisipan ng DJ na patugtugin ang "Four Walls" ng Broods.
And I'm trying hard to make you love me
but I don't wanna try too hard
And I'm trying hard to take it lightly
but we're here now
"Ganda ng gown mo ah," bulong ni Jack. "Hulaan ko: Hello Kitty rin ang underwear mo ano?"
"Syempre," sagot ni Camille. "Special occasion panties ko yun eh." Sabay na napatawa ang dalawa.
"Habang buhay akong ganito ka-kulit," dugtong ni Camille. "Madalas hindi ko alam ang ginagawa ko, Jack. Kaya mo ba yun? Can you stand me?"
"Wow, straight English yun ah."
"Seriously. Here I am. Take it or leave it."
Tinitigan siya ni Jack. "I'll take it," maya-maya'y sabi nito. "Kahit ano pa'ng mangyari, narito lang ako. Hindi ako aalis sa tabi mo. Promise."
Hindi na sumagot si Camille; hinayaan na lang niyang yakapin siya ni Jack. OK lang maging tanga, finally ay narealize ni Camille. OK lang maging tanga basta with the right person. Tapos na ang kanta'y nasa dance floor pa rin sila, sumasayaw sa saliw ng sweet music na sila lang yata ang nakaririnig, sumasabay sa kantang sila lang ang nakakaalam.
— 新章節待更 — 寫檢討