下載應用程式
60.57% BACHELOR'S PAD / Chapter 63: Chapter 26

章節 63: Chapter 26

"SIGURADO ka ba na okay ka lang? Nasaan ka? Sino ang kasama mo?" sunod-sunod na tanong ni Mrs. Charito nang tawagan ni Bianca.

Bahagyang napakunot ang noo ni Bianca nang may nahimigang kakaiba sa tono ni Mrs. Charito; pag-aalala na may kahalong hindi niya mawari kung ano. Masyadong tensiyonado ang babae na noon lang niya narinig.

"Okay lang ho ako. K-kaibigan ko ang kasama ko. Nagpasama lang siya. Babalik din ako kaagad. Kayo na lang ho muna ang bahala sa nanay ko, ha? Pasensiya na ho talaga," sabi na lang ni Bianca.

Ilang sandaling hindi nagsalita si Mrs. Charito bago bumuntong-hininga. "Sige. Ako na ang bahala sa nanay mo. Basta pagbalik mo ay sabihin mo sa akin ang totoo. Okay?"

Nakagat ni Bianca ang ibabang labi. Hindi siya sigurado kung magagawang sabihin kay Mrs. Charito ang tungkol kay Ross bagaman sumang-ayon na lamang siya. Nang matapos ang tawag, napabuntong-hininga siya at napatitig sa view na kita mula sa French doors. Na-distract lang siya nang pumailanlang ang tunog ng niluluto mula sa kusina. Kasunod niyon ay nanuot ang mabangong amoy ng ginigisa. Nilanghap ni Bianca ang amoy at lumingon sa direksiyon ng kusina. Biglang kumalam ang kanyang sikmura at hinayaan ang sariling maglakad pabalik sa kusina.

Tila may nagliparang paruparo sa sikmura ni Bianca nang makita si Ross na nakaharap sa stove at abala sa paghahalo ng ginigisa sa kawali. Hindi pa rin siya makapaniwala na nagluluto ang binata. Napakalayo sa imahe nito kapag naka-formal suit at kapag napapalibutan ng maraming babae. How could a womanizer like Ross look so comfortable in the kitchen?

Noon tila napansin ni Ross ang presensiya ni Bianca. Lumingon ang binata at maluwang na ngumiti nang magtama ang kanilang mga mata. Parang sumikat ang araw sa ngiti ni Ross, mainit at nakasisilaw ang dulot sa kanya. Tumagos iyon sa kanyang puso.

"Nakatawag ka na?" tanong ni Ross.

Kumurap si Bianca. "Oo."

"Then have a seat. Kakain na tayo pagkatapos kong magluto," sagot ng binata na ibinalik ang tingin sa kawali.

Tumalima si Bianca. "Ano'ng niluluto mo?"

"Pasta sauce. Pinapakuluan ko naman ang pasta." Itinuro ni Ross ang kaldero sa kabilang stove.

Itinukod ni Bianca ang mga siko sa mesa at tinitigan ang likod ng binata. "Mukhang komportable ka sa kusina. Ang layo sa imahe mo na marunong kang magluto," puna niya.

Sumulyap si Ross sa kanya at pilyong ngumisi. "Are you falling in love with me now?"

Tumahip ang kanyang puso at napaderetso ng upo. Umismid siya at nag-iwas ng tingin. "Sinusubukan ko lang magsimula ng usapan." Alam ni Bianca na namumula ang kanyang mukha.

"Not yet? Okay lang. I still have time," sabi ni Ross sa mahinang tinig na tila sarili lang ang kausap.

Napatingin tuloy uli si Bianca sa binata pero nakaharap na uli ito sa niluluto. "Ano'ng sinabi mo?"

"Nasa law school pa lang ako ay nagsolo na ako kaya sanay akong magluto para sa sarili ko,��� sabi nito sa halip na sagutin ang tanong niya.

Kumunot ang kanyang noo. "Nasaan ang mga magulang mo?"

Natigilan si Ross, bago pinatay ang apoy sa stove at humarap sa kanya. "Luto na `to. Hintayin na lang natin ang pasta. Why don't you help set the table?"

Nakaramdam siya ng inis at tumayo. "Bakit ba hindi mo sinasagot ang mga tanong ko at iniiba mo ang usapan?"

Namaywang ang binata at sinalubong ang kanyang tingin. "Ganito rin ang ginagawa mo kapag tinatanong kita tungkol kay Ferdinand Salvador. Hindi nakakatuwa, hindi ba?"

Mariing naglapat ang mga labi ni Bianca at saka humalukipkip. "Pagdating sa argumento, ang hirap manalo sa `yo," sikmat niya.

Ngumiti si Ross. "Of course. I'm one of the best lawyers in town. Hindi ba gusto mo ring maging abogado? Dapat masanay ka nang makipag-argumento."

Hindi na nagulat si Bianca na natatandaan pa ng binata ang sinabi niyang iyon. Mas matalas ang memorya nito kaysa sa kanya. Walang nakalalampas na impormasyon kay Ross. "Hindi naman natin kailangang magtalo kung sasagutin mo ang mga tanong ko," sabi na lang niya.

"That's exactly what I wanted to hear. Kaya pagkatapos nating kumain ay mag-uusap tayo. At walang puwedeng umiwas at mag-iba ng usapan. We will be honest with each other. How's that?"

Napamaang si Bianca. Pakiramdam niya, sa hinaba-haba ng pag-uusap nila ay intensiyon talaga ni Ross na doon mauwi ang usapan nila. Nakikita niya iyon sa kislap ng mga mata ng binata at ngiti sa mga labi.

"Well?"

Sumusukong bumuntong-hininga si Bianca. "Fine."

Ngumisi si Ross at sa ilang hakbang ay tinawid ang distansiya sa pagitan nila. Pumaikot ang mga braso ng binata sa baywang ni Bianca at malutong na halik ang iginawad sa kanyang mga labi.

"Good girl." Hinigit siya ni Ross palapit pang lalo sa katawan nito at niyakap nang mahigpit.

Napasubsob ang mukha ni Bianca sa dibdib ng binata at nalanghap niya ang mabangong amoy nito. Magkahalong cologne at amoy ng pasta sauce. The smell of him brought her a sense of comfort. Lalo na ang mainit at matigas na katawan ni Ross. Pakiramdam niya, kaya niyang manatili sa ganoong posisyon—nakakulong sa mga bisig ng binata—buong buhay niya at hindi siya magsasawa.

"See? Kung aalisin mo lang nang kaunti ang stubbornness mo ay magiging okay tayo," malambing na sabi nito.

Naramdaman pa ni Bianca nang halikan ng binata ang tuktok ng kanyang ulo. Lumampas ang tingin niya mula sa dibdib ni Ross patungo sa kaldero na nasa stove. Umaapaw na ang tubig doon. "Iyong pasta, sumobra na yata sa kulo," sabi niya.

Noon lang siya pinakawalan ni Ross at bumaling sa stove. Mabilis nitong pinatay ang apoy at lumingon sa kanya. "Get the plates, sweetheart."

Sumikdo ang puso ni Bianca sa huling sinabi ni Ross. Para bang normal lamang nilang ginagawa ang sabay na kumain ng niluto nito.

"Are you falling in love with me now?" Biglang nag-echo sa isip ni Bianca ang sinabing iyon ni Ross. Mabilis siyang tumalikod at hinanap ang mga plato para hindi makita ng binata ang ekspresyon na siguradong nasa kanyang mukha. Dahil bigla ay may sagot na sumagi sa kanyang isip sa tanong na iyon.

Oo yata.

MASARAP ang niluto ni Ross. Napadami ang kain ni Bianca dahil hapon na at hindi naman siya nagtanghalian kanina bago magtungo sa venue ng press conference ng kanyang ama. Kahit si Ross ay maganang kumain, walang arte. Muli ay malayo iyon sa kanyang unang impresyon sa binata. Habang kumakain ay kinuwentuhan pa siya nito ng tungkol sa naging buhay-law student. Para daw mayroon siyang reference kapag nag-take na siya ng law. Hindi na tuloy niya napigilan ang sariling sabihin dito ang totoo.

"Hindi pa ako tapos ng college. May kulang pa akong isang taon sa pre-law course ko."

Natigilan si Ross. "Why?"

"Naospital si Nanay na kagaya ngayon. Kinailangan ko ng pera kaya huminto ako sa pag-aaral at nagtrabaho. Naisip ko na mag-iipon muna ako para sa pagpapatuloy ko ng pag-aral. Plano ko sanang mag-enrol sa susunod na sem. Ang kaso, nagkasakit uli si Nanay kaya hindi ko sigurado kung matutuloy ang plano ko," sabi ni Bianca.

Naging seryoso ang titig ni Ross kay Bianca. Nailang si Bianca kaya tumayo na siya. Tutal, tapos naman na silang kumain. "Ako na ang magliligpit at maghuhugas kasi ikaw ang nagluto," sabi na lamang niya.

Tumayo na rin ang binata. "I can help you."

"Hindi na. Kaya ko na `to."

"Hindi ang pinagkainan natin ang tinutukoy ko, Bianca."

Natigilan si Bianca at tumingin sa mukha ni Ross. Napabuntong-hininga siya dahil alam niyang seryoso ang binata. Ngumiti siya nang bahagya at saka umiling. "Hindi na kailangan."

"Bianca—"

"Ross, ayokong humingi ng tulong sa `yo. Lalo na kung pera," pigil niya sa sasabihin ng binata.

Si Ross naman ang bumuntong-hininga at humalukipkip. "Why?"

"Dahil… hindi magandang tingnan."

Umangat ang isang kilay ng binata.

Nag-init ang mukha ni Bianca. "Baka maakusahan kang sugar daddy."

Natawa si Ross. "I'm too young to be a sugar daddy."

"Basta gano'n na rin `yon." Binuhat ni Bianca ang mga plato at naglakad patungo sa lababo.

"So, is Ferdinand your sugar daddy?" biglang tanong ni Ross.

Muntik nang mabitawan ni Bianca ang mga plato. Naging maagap lang ang binata na nasalo ang mga iyon. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib na tiningnan ang mukha ni Ross na titig na titig sa kanya. Seryoso na naman ang ekspresyon sa mukha nito.

"Sino talaga siya sa buhay mo, Bianca? Sabihin mo sa akin ang totoo."

Napabuntong-hininga si Bianca at dumeretso ng tayo. Walang dahilan para itago pa niya ang lahat kay Ross. Hindi rin naman titigil ang binata hangga't hindi nakukuha ang lahat ng gustong malaman. "Alam mo, ang galing mo sa ganyan."

"Anong ganyan?" tanong ng binata na umangat ang isang kilay.

Dinutdot niya ng malayang kamay ang dibdib ni Ross. "Ang magpaikot-ikot ng usapan pero maibabalik din sa gusto mo talagang malaman."

Ngumiti ang binata at ikinulong ng isang kamay ang kanyang kamay na nasa dibdib pa rin nito. Pagkatapos, tuluyan nang kinuha ng isa pang kamay ni Ross ang mga platong hawak niya at inilapag sa lababo bago muling humarap sa kanya. "I'm good at it, aren't I?" pabirong sabi nito.

Tumango si Bianca at pinigilang mapangiti. Dumeretso ng tayo si Ross at pinisil ang kanyang kamay na hawak pa rin nito. "So? Ano ang sagot sa tanong ko?"

Sumulyap siya sa lababo. "Puwede bang maghugas muna ako ng pinggan?"

"Bianca. Sinabi ko na sa `yo, tigilan mo na ang pag-iiba sa usapan," tila frustrated na sabi ng binata.

"Kailangan ko lang munang pag-isipan kung saan ako magsisimula," katwiran niya. Iyon naman talaga ang totoo. She needed to collect her thoughts first.

Ilang sandaling pinagmasdan siya ni Ross bago marahang binitawan ang kamay niya. "Fine. This will be the last time you're going to win against me in an argument. Hihintayin kita sa garden. Iiwan kong bukas ang French doors para sa `yo," sumukong sabi ng binata.

Marahang napangiti si Bianca at tumango. Pinagmasdan niya si Ross habang palabas ng kusina. Nakaramdam siya ng bahagyang lungkot. Iyon talaga ang huling pagkakataon na mananalo siya sa argumento laban sa binata dahil sa tingin niya, iyon din ang huling pagkakataon na makakasama niya ito nang ganoon. Buo pa rin ang kanyang desisyon na magpakalayo kasama ang kanyang ina. Sa gagawin iyon ay hindi na niya makikita si Ross. Hindi ganoon kaliit ang Pilipinas para muling magkrus ang kanilang mga landas.

Nang mga sandaling iyon ay nakapagdesisyon si Bianca. Susulitin niya ang sandaling kasama si Ross. Babaunin niya ang alaala ng binata kung saan man sila mapapadpad ng kanyang ina.


Load failed, please RETRY

每周推薦票狀態

Rank -- 推薦票 榜單
Stone -- 推薦票

批量訂閱

目錄

顯示選項

背景

EoMt的

大小

章評

寫檢討 閱讀狀態: C63
無法發佈。請再試一次
  • 寫作品質
  • 更新的穩定性
  • 故事發展
  • 人物形象設計
  • 世界背景

總分 0.0

評論發佈成功! 閱讀更多評論
用推薦票投票
Rank NO.-- 推薦票榜
Stone -- 推薦票
舉報不當內容
錯誤提示

舉報暴力內容

段落註釋

登錄