Sinulyapan niya si Danny na determinado ring tumango. Huminga siya ng malalim, ibinalik ang tingin sa kamay niyang magaan na nakalapat sa bula at saka pigil ang hiningang ginamitan ng puwersa ang kamay. Nag stretch ang bula, parang bubble gum, bago niya naramdamang lumusot ang mga daliri niya palabas. Naramdaman niya ang malamig na tubig. Na-excite tuloy siya at inilabas pa hanggang upper arm niya. Naabot niya ang bula na nakabalot kay sir Jonathan, nalusot din doon ang kanyang kamay hanggang mahawakan na niya ang braso nito.
Ang bilis ng tibok ng puso niya at parang nilalamutak sa kaba ang sikmura niya. Grabe kasi ang lamig ng balat ng teacher nila, mas malamig pa sa tubig, parang yelo. Hinaplos niya ng isang kamay ang likod ng Triburon kasi pakiramdam niya sa ganoong paraan nito naiintindihan ang gusto niya mangyari. "Let's get out of here."
Mukhang tama siya ng pakiramdam kasi gumalaw ang higanteng pating at pumorma na lalangoy na palayo sa shipwreck. Humigpit ang hawak ni Andres sa braso ni sir Jonathan at wala sa loob na napasulyap sa natutulog na sirena. Pero huminto yata sa pagtibok ang puso niya nang bigla iyong dumilat. Nasalubong niya ang itim na itim na mga mata nito, katulad ng kanang mata ni Lukas kapag naglalabas ito ng kapangyarihan.
Gulat na napasigaw sina Danny, Ruth at Selna, patunay na nakita na rin ng mga ito na dumilat ang sirena. Biglang bumangon iyon, bumuka ang bibig at lumitaw ang matatalim na ngipin na parang sa pating. Ang kanina ay maganda at maamo nitong mukha, naging mabalasik na parang sa isang halimaw. Pagkatapos naglabas ito ng tunog, parang malakas na sigaw pero mas masakit sa tainga at nakakangilo, parang pentel pen na mariing pinangsusulat sa whiteboard. Muntik na mabitawan ni Andres ang braso ni sir Jonathan dahil sa urge na matakpan ang kanyang tainga.
Kahit ang Triburon, naapektuhan ng ingay na ginawa ng sirena. Nag panic ito at muntik pa sila bumaligtad na apat nang mabilis itong lumangoy palayo sa shipwreck. Biglang tumili si Selna. "Sumusunod siya sa atin!"
Napalingon si Andres. Halos mabingi na siya sa lakas ng tibok ng puso niya nang makita ang sirena, mabilis na lumalangoy sa likuran nila, nakalitaw ang matatalim na ngipin at nakabuka ang mga kamay na may matutulis na kuko. Humigpit ang hawak niya sa braso ni sir Jonathan na wala pa ring malay. Faster, faster, faster. Paulit-ulit na usal niya sa isip para sa Triburon. Makaangat lang sila sa tubig, magiging okay na sila –
Biglang suminghap si Ruth. "Pumapasok ang tubig!"
Inalis nilang tatlo ang tingin sa sirena, natutok sa bahagi ng bula kung nasaan ang braso ni Andres. Nanlaki ang mga mata niya kasi nakakapasok nga ang tubig mula sa butas na nilikha niya para maabot si sir Jonathan. Sa bawat sandaling lumilipas, palakas ng palakas ang tagas ng tubig. Basang basa na nga ang mga binti nila.
Humigpit ang yakap ni Ruth sa katawan niya. "Huwag tayo mag panic," mariing sabi nito.
Napakurap siya at nang lingunin ang mga kaibigan niya ay nakita niyang namumutla rin pala sina Danny at Selna, palipat-lipat ang tingin sa sirenang humahabol sa kanila at sa tubig na unti-unting pumupuno sa loob ng bubble na bumabalot sa kanila.
Huminga ng malalim si Andres at pilit nagpakatatag. Kung si Ruth nga matapang, siya pa ba? Sure, he's not anything extraordinary and he doesn't have superpowers. Pero kaya niya rin maging matatag. Kaya niya rin magkaroon ng lakas ng loob at determinasyong humarap sa kahit anong pagsubok. Kahit pa sa sirena na parang balak sila sakmalin. O sa tubig na ano mang sandali ay lulunurin sila. Lalo na ngayon na may isa pang buhay ang nakasalalay sa kanilang mga kamay. Sinulyapan niya ang katawan ni sir Jonathan at nagdasal na sana huwag muna ito magkamalay. Mas magiging komplikado kasi ang lahat kapag nagising ito.
"Pero Ruth, sirena ba talaga 'yan? Hindi na mukhang sirena eh. Mukhang 'yung mga aswang sa comics na binabasa ko," takot na sabi ni Danny na nakatingin pa rin sa humahabol sa kanila.
Natigilan si Ruth, halatang may biglang naalala. "May nabanggit sa akin si nanay noon na may mga kuwento raw ang mga matatanda tungkol sa nilalang sa dagat na parang sirena pero mas mabangis at nangangain ng tao. Magindara ang tawag. Sila ang mga aswang ng dagat. Posibleng dahil sa dugo ng Danag na nasa sistema ng sirena kaya naging Magindara na ito."
"I-ibig sabihin delikado talaga tayo kung nangangain siya ng tao!" manghang sabi ni Selna.
Ngumiwi si Ruth at humigpit ang yakap sa katawan ni Andres. Hindi ito sumagot pero sapat na ang katahimikan nito bilang confirmation. Hindi sila puwede maabutan ng Magindara kung hindi magiging hapunan sila nito.
Biglang bumilis pang lalo ang langoy ng higanteng pating, medyo napahiga pa nga sila dahil doon. Pero ayos lang kasi pagtingala ni Andres natanaw na niyang malapit na sila sa ibabaw. May nakikita na kasi siyang liwanag na malamang galing sa buwan sa langit. Eh ano kung hanggang dibdib na nila ang tubig sa loob ng bula na ginawa ni Lukas para sa kanila?
"Malapit na tayo!" pampalakas loob niya sa mga kaibigan niya.
"Pero malapit na rin siya sa atin!" sigaw naman ni Danny.
Napalingon si Andres. Kumabog ang dibdib niya kasi halos kasabay na pala ng Triburon ang paglangoy ng Magindara at malapit na nito maabot si sir Jonathan. Hinigpitan niya ang hawak sa braso ng teacher nila, hinila palayo rito. Kaso dahil sa ginawa niya lumaki ang butas ng bubble. Nanlaki ang mga mata niya. "Take a deep breath!" sigaw niya sa mga kaibigan niya. Bigla napunta sa kaniya ang itim na itim na mga mata ng Magindara. Nagtama ang kanilang mga paningin. Kasabay niyon ang tuluyang pagbulusok ng tubig at pagputok ng bula na nakapalibot sa kanila.
Nakalunok ng tubig si Andres kasi nakalimutan niya magpigil ng hininga. Humapdi ang kanyang mga mata na napasukan ng maalat na tubig dagat. Lumuwag ang hawak niya sa katawan ng Triburon na tiyempo namang lumipad paangat sa ere at nagdulot ng mataas na alon sa dagat. Narinig niya ang marahas na paghinga ng mga kaibigan niya, sabik makalanghap ng hangin. Pinilit niyang dumilat at lumingon sa likuran niya para siguruhing maayos ang lagay ng lahat.
Pero bago pa siya makaramdam ng relief ay bigla nang umangat sa tubig ang mga braso ng Magindara, naabot ang isa niyang paa. Bumaon sa balat niya ang matatalim nitong kuko. Napangiwi siya sa sakit kaya hindi siya prepared nang bigla siya nitong hilahin. Nabitawan niya si sir Jonathan at nadulas siya paalis sa katawan ng higanteng pating.
"Andres!" sigaw nina Ruth, Selna at Danny na nakita ang pagkahulog niya at tinangka siyang abutin. Pero huli na ang lahat. Patalikod na kasi siyang nahulog sa dagat. Masakit sa katawan ang naging puwersa ng kanyang pagbagsak. Hinila siya ng Magindara, pailalim ng pailalim, malamang pabalik sa shipwreck na lungga nito.
Pinasok ng tubig ang baga ni Andres, nagdilim ang paningin niya. Pagkatapos nanlabo ang kanyang isip hanggang tuluyan siyang nawalan ng malay.