Two Years Ago
*Amirisha Aldea*
Journal Entry #1
Unang pasok ko bilang private nurse ng kapatid ni Sweety. Pumasok kami sa loob ng beach house. Naaksidente ito sa sasakyan at kasalukuyang nagpapagaling. Malinis ang bahay at malaki ang espasyo. Simple at komportableng tignan.
"Si Timothy ay may..." nag-isip sya sandali. "Sabihin na natin na may pagka-anti social ang kapatid ko hahaha!" tawa ni Sweety pero alam kong kinakabahan sya.
Hindi ko alam kung bakit sya kinakabahan. Para sa'kin? Kaibigan ko si Sweety simula High school. Mas ahead nga lang ako ng 2 years sa kanya. Senior nya ako at kaka-graduate ko lang bilang nurse. Kaunti lang ang nabibigyan ng ganitong opportunity bilang fresh graduate, pero kailangan ko ng pera kaya naman kahit baguhan ako ay tinanggap ko na rin ang trabaho. And besides, hindi naman mahirap ang ipinapagawa nila sa'kin, sa tingin ko.
Journal Entry #2
Lumipas ang mga araw at nalaman ko kung bakit at kung para kanino ang kaba ni Sweety. Nag-bago na pala ang kapatid nya. Kilala ko si Sir Timothy simula palang noon pero hindi nya ako kilala. Marami akong alam sa kanya, na isa syang matulungin at mabait na tao. Pero ngayon, parang ibang tao na sya. Palagi na syang malungkot at iwas sa mga tao.
Journal Entry #3
May naririnig akong ingay tuwing gabi mula sa kwarto ni Sir Timothy. Tunog ng pag-iyak. Kung bakit? Hindi ko alam. Marahil ay dahil sa pagkabulag nya? Simula nang dumating ako rito, palagi na akong nakakarinig na kung ano-ano. Minsan pati pagkabasag ng ilang bagay. At nakapagtataka na palaging lampshade ang naaabutan kong basag sa kwarto nya.
Journal Entry #4
Unang beses na lumabas ng bahay si Sir Timothy. Katulad ng dati ayaw nya ng hinahawakan ko sya. Ayaw nyang kinakausap o sinusundan. Gusto nyang mag-isa. Sa tuwing lalabas sya, uupo lang sya sa may dalampasigan at magpapahangin. Uupo sya roon hanggang sa halos isang buong araw na ang magdaan. Mukha syang may hinihintay.
Journal Entry #5
Dumating si Sweety na may dalang tuta. Isang golden retriever para sa kapatid nya. Ang sabi nya para naman may iba pa kaming kasama sa bahay. Pero alam ko na ibinigay lang nya ang tuta para may iba akong makasama sa bahay. Mukha naman kasi akong mag-isa dito dahil ayaw sa'kin ng kapatid nya. Wala ako'ng makausap.
Journal Entry #6
Lumipas ang mga araw at nauubusan na rin ako ng sasabihin kay Sir Timothy. Binabati ko sya kapag umaga pati na rin sa gabi. Kung minsan ikinukwento ko rin kung sino ang mga nadalaw na kapitbahay at kung gaano kaganda ang panahon. Pero hindi sya nagsasalita. Palagi lang syang tahimik. Parang wala syang naririnig. Parang nasa ibang lugar ang isip nya. Minsan, nagkukulong lang talaga sya sa kwarto nya. Ang tigas talaga ng ulo nya. At medyo naiinis na rin ako. Sya na yata ang pinakamahirap na alagaan na pasyente sa lahat ng nahawakan ko.
Journal Entry #7
Dumating si Sweety, titira sya kasama namin. Mabuti nalang may makakausap na ako. Malapit na rin akong mabaliw dahil sa sobrang tahimik. Sa pagdating nya nag-simula ang improvement. Nag-sasalita na rin ang pasyente ko. Sa wakas.
Journal Entry #8
Naging close si Sir Timothy sa asong si Sam. Mas madaling naging close ang aso sa kanya kesa sa'kin. Palagi nyang kasama kahit saan ang aso na 'yon. Hindi ko alam kung improvement na bang matatawag 'yon. Pero sa dalampasigan parang nakikita ko na kinakausap nya ang aso. At sa tuwing kinakausap nya, may tipid syang ngiti palagi. Ano kaya ang nangyari sa kanya?
Journal Entry #9
Itinanong ko kay Sweety kung ano ang dahilan kung bakit naging ganon si Sir Timothy. Pero hindi sya nagsasalita ng tungkol don. Iniiba nya ang topic at umiiwas. May kung ano'ng misteryo rito. Alam ko'ng hindi ko na dapat pang alamin 'yon, nurse ako at ang trabaho ko lang ay ang alagaan sya. Pero gusto kong maintindihan si Sir Timothy. Gusto kong malaman kung ano ang makakapagpasaya sa kanya at kung ano pa ang pwede kong maitulong sa kanya.
Journal Entry #10
Binuksan ko ang pinto na katabi ng kwarto ni Sir Timothy. May balak akong maglinis ng buong bahay ng araw na 'yon. Wala na kasi akong ibang magawa dahil si Sweety na ang nagpapainom ng gamot sa kapatid nya. Parang wala na nga lang ako rito. At naiisip ko minsan na sayang lang lahat ng napag-aralan ko kung magtatagal ako rito kasama ang isang pasyente na katulad nya. Naiisip ko na rin na umalis. May iba pa naman siguro akong mapupuntahan. Kailangan ko nga ng pera pero natatapakan na ang dignidad ko bilang nurse. Gusto kong maramdaman na kailangan ako. Hindi yung ganito.
Pero nawala 'yon sa isip ko nang makita ko ang laman ng kwartong 'yon. Naintindihan ko na kung ano ang pinagdaraanan ni Sir Timothy. Ngayon alam ko na kung sino ang hinihintay nya sa may dalampasigan. Isang babae.